Kabanata 9

ISA RING malaking palaisipan para kay Ada ‘yong sinabi ni Mrs. Kaya kanina. Si Don Alonzo mismo ang nag-hire sa kaniya? Bakit kaya?

     “Tingin ko’y wala ka namang dapat na ikaalala,” ani pa ni Manong Ted nang mapuna ang pagkabahala sa kaniyang mukha. “Maganda naman ang mood ni Don Alonzo ngayon.”

     Bagama’t naguguluhan at kinakabahan pa rin sa maari nilang pag-usapan ng don, muli siyang nagpakawala ng mahabang buntong-hininga at sumunod kay Manong Ted na nagpatiuna na sa pagpasok sa loob ng silid. Sumalubong sa kanila si Don Alonzo na prenteng nakaupo sa itim nitong swivel chair at tahimik na sumisimsim ng kape. Agad na nag-angat ng tingin ang matanda nang maramdaman ang kanilang presensiya.

     “Ada, hija,” nakangiting wika ni Don Alonzo. Inilapag nito ang hawak na tasa sa lamesa.

     Kiming lumapit ang dalaga rito. “A-ahm, p-pinapatawag n’yo raw po ako, Don Alonzo?”

     “Ah, yes.” Iminuwestra nito ang pang-isahang sofa na katapat nito. “Halika, maupo ka muna, hija.” Humarap ito sa tauhang naghatid sa kaniya sa silid. “Ted, maari ka nang tumuloy sa iyong sadya. Maraming salamat.”

     Bantulot na tumalima si Ada. Nang makaalis si Manong Ted ay lalong lumala ang pagkabog ng kaniyang dibdib. Pagagalitan kaya siya nito?

     Tumikhim si Don Alonzo at nagde-kuwatro paharap sa kaniya. “Narinig ko ang nangyari kahapon sa kuwarto ni Brent.”

     Wala sa loob na nakagat niya ang pang-ibabang labi. Jusko, ito na nga talaga ‘yon. Mariin siyang pumikit at inipon lahat ng lakas-loob na mayroon siya. Ibubuka pa lamang sana ng matanda ang bibig para magsalita nang bigla siyang lumuhod sa harapan nito. Nanlaki ang mga mata ni Don Alonzo sa gulat. Yumuko siya at ipinagsalikop ang dalawang kamay.

     “Don Alonzo, handa po akong harapin ang galit ninyo ni Doña Luzia, pati na rin ni Señorito Brent pero nagmamakaawa po ako, huwag n’yo po sana akong patatalsikin. Hindi ko po talaga sinasadya. Talagang kulay green po sa pangingin ko ‘yong pinto ni Señorito Brent,” tuloy-tuloy niyang paliwanag. Sa bilis niyang magsalita, pakiramdam niya’y siya lang ang nakakaintindi sa mga katagang lumalabas sa kaniyang bibig, “kung iniisip n’yo po na may masama akong intensiyon sa pagtatrabaho rito, hindi ko kayo masisisi, pero kahit ipa-lie detector test n’yo po ako, talagang malinis po ang hangarin ko. Napakahirap pong maghanap ng trabaho rito sa bayan at kailangan ko—”

     “Shh, shh, hija, calm down,” pagpapatahan sa kaniya ng don. Hindi namalayan ni Ada na umiiyak na rin pala siya. Naramdaman niya ang banayad na paghawak nito sa kaniyang balikat at ang pag-aalalay nito sa kaniya sa pagtayo. “Tumayo ka riyan, kundi talagang magagalit ako sa iyo.”

     Sisinghot-singhot na tumayo siya at muling umupo. “K-kahit ‘yong trabaho ko na lang po sa kapihan ang ipaubaya n’yo sa ‘kin. Kung gusto n’yo hong lumayo ako nang ilang kilometro kay Señorito Brent sa tuwing nariyan siya ay gagawin ko rin po.”

     “Sino ang nagsabi sa iyo na tatanggalin kita sa trabaho?” anang don sabay muling simsim ng kape.

     Napatanga siya rito. “H-ho?” Pinunasan niya ang mga mata gamit ang likod ng kaniyang palad.

     “Hindi ka namin pinaaalis ni Luzia, hija.”

     Napakurap siya. “Hindi ba ako nagkakamali ng dinig?” aniya sa sarili sabay tusok sa kaniyang magkabilang tainga.

     Tatawa-tawang tumango ang don. “Tingin ko’y hindi.”

     Napatutop siya sa bibig. “Ibig sabihin . . . ibig sabihin ay d-dito pa rin po ako?” hindi niya napigilang isatinig.

     “Iyon nga ang sinabi ko.”

     Wala sa loob na napa-“yes!” si Ada. Nawala na parang bula ang kabang nararamdaman niya kanina at napalitan ng galak. Napatayo siya at akmang susugurin ang don para yakapin ngunit mabilis niyang napigilan ang sarili. Maluha-luhang umupo siya ulit at niyakap na lamang ang sarili.

     “Maraming salamat po! Maraming salamat!” usal niya.

     “Hindi ba’t sinabi ko sa ‘yo ay huwag mong seseryosohin masyado ang mga pinagsasabi ng apo ko?”

     Pinirmi ng dalaga ang sarili. “E-eh, k-kasi po, galit na galit talaga siya sa ‘kin kahapon.” Isa pa ho ay parang gusto na rin akong paalisin ni Mrs. Kaya. Ngunit minabuti niya na huwag na lang sabihin ang huli.

     “Alam mo, hija, sa totoo lang, ha,” inangat nito ang hintuturo sa ere, “huwag ka sanang mao-offend, pero talagang natatawa ako sa sitwasyon n’yo ni Brent.”

     “B-bakit naman po?” alanganin niyang wika.

     “Papaano’y sa tuwing magtatagpo kayo ay palagi na lamang may aksidenteng nangyayari, at palagi na lang ding ulo niya ang natatamaan,” anito sabay halakhak. Makalipas ang ilang segundo’y tumigil ito at napahaplos-haplos sa baba. “Hindi ko mapigilang isipin na baka nakaadyang mangyari lahat ng iyon . . . for some reason.

     Okay naman na sana, pero nadugtungan pa ng ‘for some reason’, ang hirap arukin! Ikinurap-kurap ni Ada ang mga mata habang pilit na iniintindi ang nais iparating ng don.

     Makahulugan siya nitong pinakatitigan. “Maybe you have a purpose in his life.”

     Hindi niya mapigilang mapakamot sa ulo. Purpose? As in, all purpose cream? Pakiramdam niya’y sumasagot siya ng isang napakahirap na bugtong sa mga pinagsasabi ng matandang Esplana. “Ahm, i-ika n’yo po ba’y dapat ko na siyang bangasan talaga nang totoo sa ulo sa susunod?” nakangiwi niyang hula.

     Ngayon lang siya nakakita ng lolo na gustong masaktan ang apo. Muli siyang napakamot sa ulo. Hindi ko talaga gets. Puwede ba akong mag-call a friend?

     Pagkasabi niyon ay muling umalog-alog ang balikat ni Don habang nakahawak sa tiyan. “No, no, hindi ‘yon, Ada. Malalaman mo rin ang ibig kong sabihin pagdating ng panahon.” Sumandal ito at sinipat ang suot na relos. “Anyway, paniguradong papunta na siya rito.”

     Napahawak si Ada sa magkabila niyang tuhod. “Sino po?”

     “Si Brent.”

     Pakiramdam niya lumuwa ang kaniyang mga mata. Muli niyang naramdaman ang kakaibang pagkabog ng kaniyang dibdib. Pakiramdam niya ‘yong mismong puso niya, eh, nasa lalamunan na niya. May isang bahagi ng kaniyang pagkatao ang biglang na-excite na makita ulit ang binata ngunit inignora niya iyon. Gusto niya sanang tanungin si Don Alonzo kung bakit ngunit agad din niyang naisip na baka gusto lang ng don na magkabati sila.

     Kahit pa mukhang imposible iyong mangyari, paulit-ulit pa rin akong hihingi ng tawad sa kaniya. Pramis, didistansiya na talaga ako at—

     “In case you’re wondering,” putol ng kaharap sa kaniyang pag-iisip, “gusto ko sanang samahan mo si Brent sa plantation farm ngayon.”

➶ ➷ ➸ ➹

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top