Kabanata 8

KINABUKASAN ay pumasok pa rin si Ada sa mansion kahit pa alam niyang baka wala na siyang trabaho na mabalikan. Kung kinakailangan niyang lumuhod sa harapan nina Don Alonzo at Doña Luzia ay gagawin niya.

     Lihim siyang napaismid. Pesteng itlog na pula. Iyon talaga ang pinag-ugatan ng lahat, e.

     “Hoy, Adalina, ba’t hindi mo ginagalaw ‘yang almusal mo?” pukaw ni Raye sa dalaga.

     Bumaling din sa kaniya si Hulia at tumingin sa wala pang bawas niyang pagkain. “Oo nga. Masarap naman ang luto ni Aling Sita, ah?” anito at matunog pang humigop ng sabaw.

     Humugot siya ng isang malalim na buntong-hininga at marahang hinalo ang halos umuusok pang sopas gamit ang kaniyang kutsara. “Wala lang akong gana.”

     “Walang gana?” sabay-sabay na sambit ng kaniyang mga kasamahan. Mayamaya pa’y nag-unahan na ang mga ito na kunin ang kaniyang pagkain.

     Bitbit ang sariling mangkok, umalis si Raye sa pagkakasandal sa lababo at sumalampak sa bakanteng upuan sa kaniyang tabi. “‘Te, alam kong may problema ka. Sige na, spluk mo na ‘yan,” concern nitong wika.

     Saglit siya’y nagdalawang-isip. “S-stress lang ako sa tuition ni Badet. Kinukulit na niya ako dahil malapit na ngang magbayaran,” sabi niya na lang.

     Totoo rin naman iyon. Kanina bago siya umalis ay ipinaalala sa kaniya ng kapatid ang tungkol sa mga nakapila nitong bayarin sa eskuwelahan. Sasabihin na niya sana rito ang nangyari ngunit umurong ang kaniyang dila nang makita kung gaano ito kasaya na sa wakas ay makakapagbayad na sila at hindi na magkakaroon ng aberya sa pag-aaral nito.

     “E, bakit ka pa ba kasi nagpapaka-stress d’yan, Adalina?” ani Raye sabay kumpas sa ere. “May trabaho ka naman na, ah? Oo nga’t hindi naman kalakihan ang sahod natin dito dahil dakilang tsimay lang naman tayo, pero kahit papaano ay malaking tulong din iyon dahil makakapaghulog ka na kahit paunti-unti lang, ‘di ba? Sabihin mo riyan kay Bernadette, maghintay-hintay muna. Matalino naman ang batang iyon at alam niyang hindi ka basta-basta na lang jumejebs ng datung.”

     “Tsek na tsek ka riyan, inday!” sabad naman ni Geselle. Nakipag-apir pa ito sa kaibigan.

     “Iboto si Raye Amber Pedrosa para sa Reyna ng Kagandahan!” hiyaw naman ni Hulia.

     Nilingon ito ni Raye at inungusan. “Gaga! Hindi na kailangan pang pagbotohan iyon dahil ako naman talaga ang Reyna ng Kagandahan dito sa San Guevarra!”

     Napailing na lamang si Ada at pumangalumbaba sa lamesa. Makalipas ang ilang minuto’y biglang naputol ang tawanan ng mga ito. Pumainlang ang isang nakakabinging katahimikan sa komedor. Animo may dumaang anghel. Nang mag-angat siya ng tingin ay nakita niya ang dahilan ng pagkatahimik ng mga kasama—si Mrs. Kaya. Walang kangiti-ngiti ang mukha nito.

     Agad na inatake ng kaba ang dibdib ng dalaga. Wala pa man ay nanlalamig na ang kaniyang pakiramdam. Hindi kasi siya nakausap ng mayordoma kahapon dahil bigla itong hinila ni Doña Luzia sa kung saan.

     Napalunok siya. Ito na ba iyon? Katapusan na ba niya?

     “Palma.”

     Napapikit si Ada nang marinig ang seryosong sambit nito sa kaniyang apelyido. Ito na nga. Sa tono pa lamang ng ginang ay mahahalata nang hindi lang siya tinawag nito para utusan o kung anupaman. Pagdilat niya, sinalubong siya ng mga nagtatanong na mata ng mga kasama. Pinuno niya ng hangin ang dibdib at saka dahan-dahang lumapit kay Mrs. Kaya. Kalkulado ang bawat hakbang ng dalaga na para bang nakatapak siya sa babasaging muwebles.

     “B-bakit po?” pabulong niyang wika.

     Tumaas ang kilay nito. “Alam mo kung bakit. Sumunod ka sa ‘kin. Mag-uusap tayo.”

     Napayuko siya at bumuga-buga ng hangin para pakalmahin ang sarili. Hindi na niya nagawa pang makapagpaalam kina Raye dahil agad nang tumalikod ang ginang. Sinenyasan niya ang kaibigan na napamata na lamang habang sinusundan sila ng tingin.

     Pagkarating nila sa hardin ay hindi na nagpaligoy-ligoy pa ang mayordoma. Agad siya nitong sinabon at pinagsalitaan. Pilit namang ipinaliwanag ni Ada kung papaano siya napadpad sa silid ni Brent, ngunit ayaw siya nitong dinggin.

     “Tonta, tonta!” nangngangalaiting turan ni Mrs. Kaya. “Alam mo bang pati ako ay kamuntikan nang mawalan ng trabaho dahil lang sa katangahan mo?! Ilang dekada na ako rito ‘tapos dahil lang sa pagkakamali ng isa sa mga kasambahay ko, patatalsikin ako?”

     Napalabi si Ada. “P-pasensiya na po kung pati kayo ay nadamay, pero hindi ko po talaga sinasadya. Huwag n’yo po sana akong alisin sa trabaho, Mrs. Kaya. Kailangan na kailangan ko ho talaga ito.”

     “Pasensiya, pasensiya! Ang lakas pa ng loob mo na magpakita ngayong araw, ha? Tingin mo ba’y may trabaho ka pang babalikan dito? Pinapaalis ka na ni Señorito Brent!”

     Ipinagsalikop ng dalaga ang dalawang kamay at ipinagkiskis. “Maawa na po kayo—”

     Iiling-iling na pinutol siya ng ginang. “Kung ako lang ang nasunod, hindi talaga kita tatanggapin. Pagkakita ko pa lang sa iyo sa bulwagan, duda na ako sa iyo. Ang kaso, si Don Alonzo mismo ang nagsabi sa akin na kuhain ka. Marahil ay kakausapin ka ng don dahil sa nangyari kahapon, pero duda ako kung palalampasin pa niya iyon. Mabait ang mag-asawang Esplana, pero strikto sila pagdating sa mga tauhan nila. Marami-rami na rin silang natatanggal na katulad mong parang hindi alam ang ginagawa. Sinasabi ko sa ‘yo, hija, hindi mo gugustuhing matikman ang galit nila.” Lumanghap ito ng hangin at inayos ang puting tela na nakapalibot sa suot nitong uniporme. “Kung ako sa iyo, magpaalam ka na sa mga kasamahan mo at umuwi ka na. Mainam din kung hindi ka na babalik pa rito.”

     “Ada, narito ka lang pala. Kanina pa kita hinahanap.”

     Kapwa sila napalingon ng mayordoma kay Manong Ted. Tinanguan nito ang ginang at saka ipinalipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa.

     “May mahalaga ba kayong pinag-uusapan at naistorbo ko kayo?” magalang nitong tanong.

     Umiling si Mrs. Kaya. “Sakto lang ang dating mo, Ted. Kakatapos lang namin mag-usap. Bakit mo nga pala hinahanap si Ada?”

     “Pinapatawag siya ni Don Alonzo.”

     Sukat doon ay kapwa napakislot si Ada at ang ginang. Sunod-sunod ang pagbutil-butil ng pawis sa kaniyang noo.

     “Kailangan din ba akong sumama roon?” tanong ng mayordoma. Bakas din sa mukha nito ang kaba.

     “Ang sabi’y si Ada lang. Paano, hihiramin ko muna itong batang ‘to sa iyo. Hinihintay kasi siya ng don sa silid-aklatan.” Muli itong tumango sa ginang at inakay na siya paalis sa hardin.

     Malakas ang tahip ng dibdib ng dalaga. Nilaro-laro niya ang butones ng kaniyag uniporme habang nag-iisip kung papaano siya magpapaliwanag at makikiusap sa matandang Esplana.

     “M-Manong Ted?” maya-maya’y untag niya sa kasama nang makarating na sila sa pintuan ng silid-aklatan. “G-galit po ba si . . . si Don Alonzo?”

     “Galit?” Kumunot ang noo nito at impit na natawa. “Iniisip mo bang ipinatawag ka niya para pagalitan?”

     Nagtaka siya. Ba’t hindi ba?

➶ ➷ ➸ ➹

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top