Kabanata 7
“P-PASENSIYA na t-talaga. Hindi—hindi ko talaga sinasadya. Hindi kaagad kita nakita,” kandautal-utal na hinging dispensa ni Ada habang nakaharap pa rin ang likod kay Brent.
Kahit malakas naman ang buga ng aircon ay nagawa pa ring pagpawisan ni Ada. Napahawak siya sa kaniyang dibdib. Ang lakas-lakas ng pagkabog niyon.
Kahit natatakot sa posibleng maging dulot ng panibagong katangahan, mas lamang ang pagkaasiwang nararamdaman niya dahil nakatapis lamang ang binata ng tuwalya at silang dalawa lang ang nasa silid!
Inalis niya ang pagkakatakip sa mga mata. Dahan-dahan siyang dumukwang muli sa sahig at kinapa ang plastic habang pilit na iniiwasang mapatingin sa direksiyon ni Brent. “S-Sorry talaga. Pangako, h-hindi na mauulit.”
Bakit ba kasi lagi ko na lang siyang natatamaan sa ulo?
Nang makuha, agad na tumayo si Ada at akmang kakaripas na ng takbo palabas sa kuwarto nang biglang pumalibot ang kamay ni Brent sa kaniyang palapulsuhan. Mabilis nitong kinandado ang pinto at hinaklit siya palapit.
Syet, syet, syet! Lalong nagwala ang kaniyang dibdib. Sunod-sunod siyang napalunok. Nuot na nuot sa kaniyang ilong ang sabon na ginamit ng lalaki. Parang gusto niya na lang ibaon ang ulo sa dibdib nito at singhutin ito maghapon.
Hoy, umayos ka! saway sa kaniya ng isang bahagi ng kaniyang isip.
Sinalubong nito ang natutuliro niyang tingin. “Ano’ng ginagawa mo rito sa kuwarto ko? At bakit ka nakasuot ng uniform ng mga maid? H’wag mong sabihin na natanggap ka rito?”
“A-ah, a-ano kasi. N-natanggap talaga ako. N’ong isang araw pa ako nagsimula.” Sinubukan ng dalaga na pakalmahin ang sarili at i-focus ang mga mata sa mukha ni Brent at hindi sa abs nito na halos dumikit na sa kaniyang katawan.
Umangat ang isang kilay nito at inilapit ang mukha sa kaniya. Lalong nahigit ni Ada ang hininga. Para siyang hihimatayin anumang oras. Ngayon lang siya nakaramdam ng ganitong kase ng tensiyon sa kaniyang dibdib.
“Really?” nagdududang sambit ni Brent. “Tell me, hindi ka nag-apply rito para magtrabaho, ano? Gusto mo talaga kaming pagnakawan. I knew it! Hindi dapat basta-basta nagtitiwala si Lolo sa mga katulad mo.”
“Hindi ‘yan totoo!” tanggi niya sa paratang nito. Kung hindi niya lang talaga ito amo, panigurado’y pati palad niya ay lumipad na rin sa pisngi nito. “M-marangal ho akong nagta-trabaho r-rito.”
“Marangal, you say? Hindi mo nga magawang tumingin nang diresto sa mga mata ko. You’re a bad liar, lady.”
E, Dios mio, papaano naman siya titingin sa mga mata nito, e, naasiwa nga siya? “H-hindi k-kita matingnan kasi ano, ‘y-yong—ah.” Iminuwestra ni Ada ang mga kamay sa halos nakahantad nitong katawan at isinenyas na lamang ang nais iparating dahil hindi niya alam kung papaano iyon sasabihin.
Hindi makapaniwalang tumitig ito sa kaniya’t nanunuyang tumawa. “Unbelievable. Don’t tell me hindi ka pa nakakakita ng katawan ng lalaki? What are you, a virgin?”
Pinamulahan siya ng mukha. Nakalimutan yata ng kaniyang amo na nasa San Guevarra ito at wala sa Maynila. Kung hindi uso ang pagkabirhen sa siyudad, dito ay pinapahalagahan nila iyon.
Muli siyang napalunok at sinubukang hilahin ang kamay mula sa pagkakakapit nito. “S-Señorito, b-bababa na ho ako,” halos pumiyok niyang pakiusap.
Ngumisi ito at lalong ibinaba ang mukha hanggang sa magpantay sila. “Oh, Iʼm not done with you yet.”
Halos mabingi na si Ada sa lakas ng tibok ng kaniyang puso. Pakiwari niya’y unti na lamang at aatakihin na rin talaga siya kahit hindi siya high blood.
“Sigurado ako na sinabihan kayo na bawal pumasok dito sa kuwarto ko. Isa iyon sa mahigpit kong ipinagbilin sa mayordoma ninyo. What’s your intention then?”
Yuyuko sana siya para iiwas ang tingin dito ngunit nang tumambad sa kaniyang paningin ang namumukol nitong mga abs ay ibinaling niya ang mga mata sa ibang direksiyon. “W-wala h-ho talaga akong masamang i-intensiyon, Señorito. Umakyat lang po ako rito para kunin ang mga labahan n’yo. Naisip kong itapon na rin ang mga kalat k-kasi ang dami. Isa pa, w-wala namang sinabi si Mrs. Kaya na bawal ding pumasok sa kulay green na pinto . . .” unti-unting humina ang boses ni Ada hanggan sa tuluyan siyang tumigil sa pagsasalita.
Umuwang ang bibig ni Brent. “Green na pinto?”
Tumango siya.
Sukat doon ay binitawan siya ng binata. Inilang hakbang nito ang pintuan at saka itinuro ang mismong pinto. “Kailan pa naging green ang sky blue? Are you blind or you’re just really stupid?”
Natutop ni Ada ang bibig. Naglaho ang kaninang naramdaman niya at tuluyang napalitan ng takot. Para siyang binuhusan ng napakalamig na tubig. Ibig sabihin ay ito mismo ang kuwarto na tinutukoy ng ginang na hindi niya maaring pasukin kahit ano’ng mangyari?! Lagot na!
Ikinurap-kurap niya ang mga mata at pinakatitigang maigi ang pintura. Papaano ‘yon naging blue, e, green ito sa paningin niya? Lalapit sana ang dalaga roon ngunit mabilis na itinaas ni Brent ang kamay para pigilan siya.
“Stay there, don’t move! Baka ano na naman ang magawa mo’t tuluyan mo nang mapuruhan ang ulo ko!” sikmat nito sa kaniya.
“S-sorry po. P-pero kasi g-green ho siya sa paningin ko, eh.”
Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa pinto at sa kaniya. “Green? Pinagmumukha mo ba akong tanga? You think I’m that gullible?”
Ano ‘yong gullible? Umiling siya. “Hindi po. G-green po talaga ang nakikita ko.”
“Oh, crap. Color blind ka?” Bumuga ito ng hangin at pinaraan ang mga daliri sa basa pang buhok. “Leave, bago pa tuluyang magdilim ang paningin ko sa ‘yo. Call Manang Kaya when you go down.”
Nanlaki ang kaniyang mga mata. Naging malapot ang kaniyang pawis nang marinig ang pangalan ng mayordoma. “H-ho?”
“What? H’wag mong sabihin sa ‘kin na bigla ka ring nabingi? Ang sabi ko, tawagin mo si Manang Kaya at paakyatin dito, at puwede pakibilisan?” mariin nitong gagad. Binuksan nito nang malaki ang pinto at itinuro ang labas. “Now, get out.”
Nag-panic si Ada. “S-Señorito, h’wag n’yo ho akong tatanggalan ng trabaho. Nakikiusap ako. K-kailangan ko ho ito. S-sa akin lang po umaasa—”
“Do I look like I care?” matabil nitong putol sa pagsusumamo niya.
Nag-init ang sulok ng kaniyang mga mata. “S-Señorito, please—”
“I said, get the fuck out!” angil ni Brent.
Mabigat ang bawat hakbang na lumabas siya ng kuwarto nito.
“At magsimula ka na ring mag-empake at maghanap ng ibang trabaho. This time, sisiguraduhin kong hindi na palalampasin ni Lolo ang kasalanan mo. This is invasion of privacy.” Iyon lang at ibinalibag na ng lalaki ang pinto.
Naiwang nakatulala si Ada sa labas. Kamuntikan na siyang mabuwal dahil sa sobrang panlalambot ng tuhod kaya napakakapit siya sa dingding.
Paano na siya? Magagawa niya pa kaya itong lusutan?
➶ ➷ ➸ ➹
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top