Kabanata 5

MABILIS na itinaas ni Ada ang kanang kamay. “Ay, ako po ‘yon, Manong Ted. Pero ‘Ada’ na lang po ang itawag ninyo sa ‘kin. Hindi po kasi namin alam ni Raye na may magsusundo pala kaya pinuntahan ko siya rito. Sabay sana kaming tutungo sa mansion.”

     Tumango-tango ang matanda ngunit nanatiling nakakunot ang noo habang nakatitig sa kaniyang kamukha. “Kung hindi pa pumapalya ang aking memorya, hija, ikaw ba’y anak ni Ernesto Palma?”

     Nagulat ang dalaga. “Kilala n’yo po ang tatay ko?”

     Kumislap ang mga mata nito. “Aba, oo naman.” Iminuwestra nito ang kamay. “Tena’t pumasok na muna kayo sa loob bago tayo magkuwentuhan. Mahaba-haba ba ang ating biyahe.”

     Excited at hawak-kamay na lumulan sina Ada at Raye sa van.  Parehas pa silang nagulat dahil marami-rami na rin pala ang nakasakay roon. Pumuwesto sila sa mismong likuran nina Manong Ted dahil doon na lamang may bakanteng espasyo.

     Sa liit ng San Guevarra, halos kalahati ng nasa van ay pamilyar at kilala ni Ada. Matapos magbatian at magpalitan ng kumustahan, agad na nakikulit si Raye sa mga ito. Napangiti si Ada. Nakikinita na niya na mapupuno ng tawanan ang mga araw niya sa mansion dahil sa kuwela ring mga bago.

     Maya-maya’y napatingin si Ada kay Manong Ted nang marinig itong magsalita.

     “Sabi ko na nga ba, e. Kaya tinititigan kitang maigi dahil hawig mo si Ernesto. Akala ko namamalikmata lang ako. Iyon pala’y ikaw na ‘yong anak niya.”

     “Para nga raw po kaming pinagbiyak na arinola ni Tatay, e,” biro niya. Iyon kasi ang madalas na sabihin ng kaniyang ina.

     Sa kanilang magkakapatid, si Ada lang ang tanging nakakuha sa prominenteng hubog ng mukha ng ama—mula sa bilugan na mga mata na bahagyang nakaangat sa magkabilang sulok, na mistulang mata ng pusa, hanggang sa makurba at manipis na mga labi.

     “Nakita na kita noon, e,” patuloy pa ng matanda. “Pero iilang beses lang yata iyon at napakabata mo pa kaya malamang ay hindi mo ako kilala. Isa ako sa mga kasabayan ng tatay mo na pumasok bilang hardinero sa mansion. Matagal-tagal din kaming naging magkaibigan ni Ernesto. Napunta ako sa Maynila, pagkatapos, pagkauwi ko, nabalitaan ko na lang na . . .” sadya nitong ibinitin ang huling mga salita.

     Isang mapait na ngiti ang gumuhit sa kaniyang mga labi. Walong taon na ang nakalipas mula nang bawian ng buhay ang kaniyang ama dahil sa sakit sa puso. Isa iyon sa mga matinding dagok na talagang nagpalubog sa kanila sa putikan. Sa edad na disisiyete ay kinakailangan niyang matutunang ibangon ang pamilya.

     “Biruin mo nga naman at naabutan pa kita,” tila nagbibiro sabi ni Manong Ted. “Napakabilis ng panahon. Mabuti at lumaki ka ring masipag ‘gaya ng ama mo.”

     “Kailangan po sa buhay, eh. Isa pa ho, nangako ako noon sa puntod ni Tatay na hindi ako mag-aasawa hangga’t hindi ko napagtatapos ang dalawa kong kapatid sa pag-aaral.”

     “Tama, tama. Pamilya muna bago ang pag-ibig na iyan. Bata pa naman kayo,” sang-ayon nito sabay tingin kay Aling Sita. “‘Di ba, Mahal?”

     “Nasa tamang edad na sila para magmahal, Ted. Kung makapagsalita ka’y para namang napakasamang impluwensiya ng pag-ibig. Dagdag inspirasyon din iyon, ano. Isa pa, wala namang masama kung iisipin mo rin ang pansarili mong kaligayahan kahit minsan,” mahinahong sagot ng ginang habang nakadungaw sa labas ng bintana.

     Kahit masikip, pinilit ni Ada na ipatong ang mga paa sa kinauupuan at saka niyakap ang magkabilang tuhod. “Ayos lang po iyon. Hindi ko pa naman po ‘yon kailangan sa ngayon. Kuntento na po ako sa pamilya ko, at mas gusto kong gugulin ang buong buhay ko sa pagtatrabaho para maangat sila sa hirap.”

     Ipiniling ni Aling Sita ang ulo sa kaniyang direksiyon. “Maganda ‘yang pangarap mo na ‘yan, hija. Pero huwag na huwag kang magsasalita ng tapos. Ganiyan din ang sinabi ko sa sarili ko bago ko nakilala itong si Ted. Alam mo kasi, ang pag-ibig, bigla-bigla lamang iyang dumarating. Hindi dahil hindi mo siya kailangan ngayon, hindi mo na iyon mararamdaman.  Walang nakakaalam kung kailan ka papanain ni kupido. Hindi ka pa siguro nagkakanobyo, ano?”

     Napahaplos ang dalaga sa kaniyang batok at kiming tumango. Mayroong mga nagtatangka na manligaw, pero dahil ayaw niya ng panggulo, wala siyang pinahihintulutan kahit na isa.

     “Kaya naman pala. Pero tandaan mo na walang masama roon basta hindi mo nakakalimutan ang responsibilidad mo sa iyong pamilya. Hindi kalabisan kung hahayaan mo ang sarili mong magmahal, ha? May puso ka, anak, at hindi iyan bato. Paniguradong titibok at titibok ‘yan para sa isang lalaki balang araw kahit ano pang pigil mo.”
     ‎
     Tatawa-tawang tinapunan ni Manong Ted ng tingin ang asawa. “Ay sus, ang misis ko, nangaral na man. Pagpasensiyahan mo na, Ada. Inlab na inlab pa kasi iyan sa akin, e.” Napakiwal ito nang bigla itong kurutin ni Aling Sita sa tagiliran.

     Tuluyan nang nalipat sa ibang bagay ang kanilang pag-uusap. Maya-maya’y muli siyang pumihit paharap kay Raye na hanggang ngayon ay patuloy pa rin sa pakikipagtsismisan sa iba. Napakarami nitong baon na kuwento, at pupusta si Ada na hanggang sa makarating sila sa mansion ay hindi pa rin ito tapos.

     “Oo nga pala! Maiba tayo, may nakakita na ba sa inyo sa lalaking apo ni Don Alonzo? ‘Yong galing sa Maynila,” ani ng isang dalaga na nagpakilala kanina bilang si Lowie. “Brent daw ang pangalan n’on. Ang lakas maka-porendyer ng tunog.”

     Biglang hinirit ng ubo si Ada dahil sa narinig. Mabilis na hinagod ni Raye ang kaniyang likod.

     “Ay, ‘day! Balita ko guwapo rin daw iyon katulad ng mga kuya niya!” sabi naman ng isa pang babae na nakaupo sa likuran ng hilera nina Lowie. Idinungaw pa nito ang ulo para isali ang sarili sa usapan.

     “Guwapo?” usal ni Raye. Napatigil ang kaibigan sa ginagawa at napaayos ng upo. Tutok na tutok ang mga mata nito sa nagsalita at tila ba nabuhayan ng dugo. “Talaga ba, Hulia?”

     Pasimple pa siyang tinapunan ni Raye ng tingin na wari bang ipinaparating ang mensahe na bakit hindi niya binanggit na guwapo pala ang lalaki. Aba, isa ba iyon sa mga obligasyon niyang ikuwento?

     “Oo raw!” sagot n’ong Hulia. “Kaya nga tatlong beses akong naligo kaninang umaga para pres na pres ako kung sakaling makakaharap natin siya.”

     “Saka pangalan pa lang, ang guwapo-guwapo na!” impit na tili ni Lowie. Abot-tainga ang ngiti nito at tila kilig na kilig. “Ilang taon na kaya ‘yon?”

     Twenty-seven, kusang sagot ng isip ni Ada sa tanong ng huli.

     “Tunay, ‘day!” ika pa ulit ni Hulia. Umaangat-angat pa ang puwet nito sa kinauupuan habang nagsasalita. “Nagbaon nga ako ng ekstrang salawal dahil baka mamaya’y bigla akong mahubo kapag nakita ko si Señorito.”

     Nagtawanan lahat ng nakarinig.

     Pumalatak muli si Lowie. “Akala ko matatanaw ko siya sa mansion no’ng nag-apply ako kaso nagkangawit-ngawit ang leeg ko, ni anino niya hindi ko nasilayan.”
    
     Hinampas ni Raye ang kaniyang hita. “Ay! Itong si Ada naka—”

     Maagap na kinurot ng dalaga sa gilid ng hita ang kaibigan upang pigilan ito. May balak ba itong ikalat sa madla ang mga kagagahang nagawa niya?

     Nang bumaling sa kaniya si Raye ay pasimple niya itong inigtingan ng panga at nagbababalang tiningnan. Umayos ka! Susunugin ko lahat ng peluka mo, ‘kita mo!

     Tila naman nabasa nito ang kaniyang isip dahil napalunok ito at nag-iba ng linya. “—naka . . . n-nakabili ng sirang itlog na pula sa palengke. Biruin n’yo ‘yon? Sinong halang ang kaluluwa na magtitinda ng sirang itlog! Karumal-dumal, mga ‘te!” Napahawak pa ito sa sentido na para bang lokang-loka sa sinabi.

     Nakahinga nang maluwag si Ada.

     “Ha? Anong itlog na pula? E, si Señorito Brent ang pinag-uusapan natin dito, ah,” kakamot-kamot na sabi ni Hulia.

     “Ay, si Señorito Brent ba ang topic natin?” kunwa’y gulat pang tanong ni Raye. Napakurap ito. “Naalog yata ang utak ko no’ng dumaan tayo sa lubak-lubak. ‘Sensya na, mga ‘day. Sensitive kasi brain cells ko.” Itinuro nito si Lowie. “Sino ka nga ulit? At saka ikaw?”

     Mukha namang paniwalang-paniwala sina Hulia dahil muling nagpakilala ang mga ito kay Raye. Sunod-sunod na tumikhim si Ada upang pigilan ang sarili na tumawa.

     Makalipas ang halos kalahating oras, tanaw na tanaw na ni Ada ang higanteng gate ng mansion. Parang hindi naluluma ang puting-puti niyong pintura. Awtomatikong bumukas ang dalawang magkadikit na gate kahit na wala namang pinipindot doon si Manong Ted. Mayamaya pa’y itinigil nito ang sasakyan sa bahagi ng mansion na walang dingding at tanging malalaking mga haligi na triple rin yata ng kaniyang taas ang sumusuporta sa kisame.

     Pagkaibis ay agad na humarap sa kanila si Aling Sita upang kunin ang naglalakbay nilang atensiyon habang si Manong Ted naman ay saglit na nagpaalam para iparada ang van sa garahe.

     “Tingin ko’y hindi ko na kailangan pang sabihin sa inyo kung ano ang maari n’yong asahan kina Don Alonzo at Doña Luzia dahil kilalang-kilala n’yo naman siguro sila,” nakangiting sabi ng ginang.

     Sabay-sabay silang tumango.

     “S-si Señorito Brent p-po?” tila nagdadalawang-isip pa na tanong ni Hulia. “M-masungit po ba siya?”

     “Mabait din iyon katulad ni Lauren,” ani Aling Sita na ang tinutukoy ay ang kapatid ng binata na lumaki sa San Guevarra. “Pangalawang beses pa lamang nakakapunta rito si Brent sa ating bayan at ngayon lamang siya titira rito nang matagal-tagal—”

     “Bakit po pala?” hindi napigilang usyoso ni Raye.

     Pasimple niya itong binangga sa braso. Tsismosa talaga.

     Ngumiti lamang ang asawa ni Manong Ted. “Ang mismong mga Esplana lang ang nakakaalam ng totoong dahilan nʼon, Raye.” Muli nitong iginala ang tingin sa kanila. “‘Gaya ng sinasabi ko, dito muna titira si Señorito Brent. Ipinangak at lumaki ang batang ‘yon sa Amerika at sa Maynila kaya alam n’yo na siguro ang dapat n’yong asahan sa kaniya. Hindi iyon masungit, pero huwag na huwag n’yo lang siyang gagalitin.” Tatalikod na sana ang ginang para igiya sila sa loob nang muli itong magsalita. “Oo nga pala. Nakalimutan kong sabihin sa inyo na ang pinakaayaw ni Señorito Brent sa lahat ay ‘yong clumsy.”

     Sukat doon ay nagkatinginan sina Ada at Raye.

     Hindi napigilan ng dalaga ang mapangiwi. Papaano kaya siya pakikitunguhan ng binata ngayong magiging madalas na ang pagkukrus ng kanilang landas? Papahirapan kaya siya nito? Papaano kung bigla na naman niya itong ma-headbutt ng kung anu-ano?

     Sana tinotoo niya ‘yong sinabi niyang magsusuot siya ng helmet.

➶ ➷ ➸ ➹

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top