Kabanata 4
PAKIRAMDAM ni Ada ay lumulutang pa rin siya sa alapaap hanggang ngayon. Natanggap siya sa mansion! May trabaho na rin siya sa wakas!
Akala niya talaga ay magsisimula na siyang maghanap ng ibang mapapasukan. Hindi niya alam kung papaano iyon nangyari samantalang mainit ang dugo sa kaniya ng mayordoma. Pati nga si Geselle ay napagalitan din nito at pinagsabihang hindi nagtatrabaho nang maayos dahil lang sa nangyari.
Nauntog kaya si Mrs. Kaya at nagkaroon ng amnesia? Teka, amnesia nga ba ang tawag doon?
Gayunpaman, masayang-masaya siya na makakatulong na siya ulit sa kaniyang pamilya. Ipinagsalikop ng dalaga ang dalawang palad at nakapikit na tumingala sa langit. Thank you, Lord! The best Ka talaga!
“Ready na ako!” tili ni Raye mula sa kaniyang likuran.
Mula sa pagkakasandal sa puno, pumihit si Ada paharap sa kaibigan. Napatanga siya nang makita ang hitsura nito.
“Ano ‘yan?!” bulalas niya. Pinasadahan niya ng tingin ang pagkaikli-ikli nitong shorts at t-shirt na sobrang hapit sa katawan. Mukha itong may kasiyahang pupuntahan, samantalang siya’y simpleng tokong na maong at blouse na may kuwelyo lang ang suot.
“Uso ‘to ngayon, ‘no,” sagot nito sabay ikot sa kaniyang harapan na animo isang modelo.
“Hay naku,” si Nova. Lumabas ito sa pintuan at lumapit sa kanila habang bahagyang inaalog-alog sa braso si Rachel, “ewan ko ba riyan sa isa na ‘yan. Ang sabi ko, hindi akma sa mansion ang suot niya. Ayaw talaga magpalit.”
Dalawang araw pagkatapos mag-apply ni Ada sa mansion ay humabol si Raye. Kapwa hindi sila umaasa na makukuha dahil—bukod sa may hindi siya magandang engkuwentro sa isa sa mga apo ni Don Alonzo at sa mayordoma—halos buong bayan yata ng San Gueverra ay nakipila. Kaya naman talagang nagtatatalon sila sa tuwa nang ibalita sa kanila ni Geselle kahapon na kabilang sila sa mga natanggap. Daig pa nila ang nanalo sa lotto.
“E, lagi naman kasing ganito ang mga isinusuot ko, ah? Isa pa, papaano na lang kung may makita akong fafa roon? Paano sila maakit sa alindog ko kung ‘yong mga damit ni Tatay ang gagamitin ko?” nakapameywang na saad ni Raye.
Napatampal si Ada sa kaniyang noo. “Ano ka ba naman! Unang araw natin ngayon sa mansion. Hindi ba’t sabi ni Geselle ay personal tayong kakausapin nina Don Alonzo at Doña Luzia para habilinan bago tayo magsimula? Mahiya ka naman kahit kaunti.”
“Grabe ka sa ‘kin, Adalina, ha. I’m just ano . . .” Lumabi ito. “Ano nga ulit ang ingles n’on?” Tumingin ito kay Nova at ipinitik-pitik ang mga daliri na para bang hinihintay nitong i-supply ng dalaga ang tamang salita. Ngunit nanatili lamang nakaawang ang bibig ni Nova at halatang hindi makuha ang gustong iparating ng kapatid. Muling humarap sa kaniya si Raye at ipinaikot ang mga mata. “Basta! I’m just . . . just e-express me, you know?”
Napapalatak siya.
“Ipapaalala ko lang sa iyo, ate, ha, magtatrabaho ka roon at hindi maghahanap ng dyodyowa-in. Inaasahan ka nina Inay at Itay. Ba’t hindi mo kaya gayahin si Ada,” ika ni Nova bago ito tuluyang bumalik sa loob.
Siya naman ang pumameywang. “O, narinig mo ‘yon? Gayahin mo raw ako.”
“Ayoko nga! Ang baduy-baduy mo, ‘no. Mukha kang may a-attend-an na kumunyon sa suot mo,” nangungusong turan ni Raye.
Akmang ibubuka na ni Ada ang bibig para magsalita nang biglang may tumigil na van sa kanilang harapan. Nagpalitan ng nagdududang tingin ang magkaibigan.
Dumikit sa kaniya si Raye at bumulong, “Uso na ba kidnap dito sa San Guevarra?”
Tinapunan niya ito ng tingin. “Pinagsasabi mo?”
“E, ‘di ba, ang sabi sa balita, madalas na gamiting pag-kidnap ‘yong mga puting van. ‘Gaya n’yan,” anito sabay nguso sa sasakyang nasa harapan nila.
“Sira!” saway niya rito. “Walang magkakainteres na mang-kidnap sa ‘tin dahil hindi naman tayo mayaman!”
“Hindi mo masabi! Malay mo, isa pala tayong malayong kamag-anak ng isang prinsipe sa kaharing puchu-puchu.”
Ipinaikot na lamang ni Ada ang mga mata sa kalokohan ng kaibigan. Minsan talaga hindi niya alam kung papaano niya ito naging best friend.
Mayamaya’y dahan-dahang bumaba ang bintana sa mismong puwesto ng nagmamaneho. Tumambad sa kanilang paningin ang isang matandang lalaki. Kahit pa nasa loob ito, kung hindi pa kumurap si Ada ay paniguradong nasilaw na siya sa kinis ng bumbunan ni manong.
“Mawalang-galang lang, mga hija. Makikitanong lang sana ako.” Saglit itong tumigil para basahin ang maliit na papel na hawak-hawak nito. Pakiramdam niya’y natuwa ang bruha niyang kaibigan dahil sa unang pagkakataon ay natawag itong “hija”. Halos idikit na ng matanda ang mga mata sa papel, nang hindi makuntento ay ibinigay nito iyon sa katabi para ipabasa. Ilang saglit pa’y muli itong humarap sa kanila at ngumiti. “Ah, dito ba ang bahay ni Raye Manuelo Pedrosa?”
Sukat doon ay napaubo ang mismong hinahanap at napahalukipkip. “Ay, wala pong Raye Manuelo Pedrosa rito.”
Siniko niya ang loka. “Huy! Umayos ka!” Baliw talaga.
Kumunot ang noo ng matanda. Napakamot pa ito sa ulo. Sa tantiya ni Ada ay nasa lagpas singkuwenta na ito. “E, ito ang itinuro ng mga napagtanungan namin sa kanto. Basta raw may tatlong puno ng mangga sa tapat ng bahay at saka may nakahilerang mga daing sa labas.” Binanggit pa nito ang buong address na mismong kinatitirikan ng tahanan nina Nova at Raye.
Muling siniko ni Ada ang kaibigan, pero mas malakas na kaysa kanina. Magsasalita na sana siya para sabihin kay manong na tama ang tinigilan nitong bahay nang mabilis siyang inunahan ni Raye.
“Wala pong Raye Manuelo rito,” ubod ng hinhin nitong tanggi sabay haplos sa kulay tsokolate nitong peluka na nakaladlad hanggang sa kalahati ng likod nito, “pero Raye Amber Pedrosa po, mayroon.”
Ngali-ngaling kurutin niya ito sa singit sa sobrang kaartehan. Ang daming alam ng loka!
Napakurap ang matanda. Kapagkuwa’y nagliwanag ang mukha nito at tumango-tango na para bang naintindihan ang nais iparating ng kaniyang kaibigan.
Ewan ba niya kay Raye kung saan nito pinulot ang pangalang “Amber”. Basta umuwi na lang ito isang araw mula sa Maynila na iyon na ang ipinagpipilitang karugtong sa una nitong pangalan.
“Ako nga pala si Manong Ted,” nakangiting pakilala ng matanda sa sarili. Inurong nito ang likod at itinuro ang ginang na katabi nito. “At ito naman ay ang aking asawa na si Sita. Isa ako sa mga opesyal na drayber ng pamilyang Esplana. Ipinag-uutos nina Don Alonzo at Doña Luzia na sunduin ang mga bagong kawaksi sa kani-kanilang mga bahay para dalhin sa mansion.”
Ay, sosyal! Ibig sabihin pala no’n ay makakatipid sila sa pamasahe. Ang bait talaga ng mag-asawang Esplana. Apo lang talaga nila ang hindi.
“Paano po kami nakakasiguro na hindi po kayo kidnapper?” rinig niyang usal ni Raye. “O kaya hindi n‘yo po ibebenta ang mga lamang-loob namin?”
Marahas siyang napabaling dito. Halos magpantay ang puno at ang arko ng kilay nito sa taas. Hinampas niya si Raye sa balikat. Talaga bang tingin ng lukaret na ito ay may dadakip sa kanila? “Hoy, para kang sira!”
Imbes na mainis sa sinabi ng kaniyang kaibigan ay tumawa lang si Manong Ted. Hindi rin nakaligtas sa kaniyang pandinig ang mahinang paghagikgik ng asawa nito. “Hijo—este, hija, nasa kabilang side ang logo ng mga Esplana na nagpapatunay na pag-aari nila ang sasakyang ito. Kung gusto mo ay umikot ka pa para makita mo. Kapag hindi ka pa rin kumbinsido, aba’y teka at kukunin ko ang aking ID.”
Sumingit na si Ada. “Ay, hindi na po, Manong. Okay na po,” aniya. Pasimple niyang pinandilatan ang kaibigan na nagpaskil ng isang pahiyang ngiti matapos itong umikot nang mabilisan sa van. Itinaas nito ang magkabilang kamay at nag-peace sign.
“Kung gano’n ay sakay na,” nakangiting utos ni Manong Ted. Muli itong yumuko at ipinabasa kay Aling Sita ang papel. “Sunod nating susunduin ay si Adalina Palma . . . Palma? Teka, parang pamilyar ang apelyidong iyon. Palma . . .”
➶ ➷ ➸ ➹
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top