Kabanata 33
NAALIMPUNGATAN si Ada sa panaka-nakang haplos sa kaniyang mukha. Dahil inaantok pa, bahagya lang niyang iminulat ang isang mata. Ang nakangiting imahe ni Brent ang bumungad sa kaniya. Nakahiga ito paharap sa dalaga habang ang isang siko’y nakatukod sa papag at nakasalo naman ang palad sa gilid ng mukha.
Muli siyang pumikit. “Jusko, hanggang sa panaginip ba naman?” padaskol niyang usal. Hinatak niya ang pobreng kumot na nakabalumbon sa kaniyang paanan at agad na itinakip sa kaniyang mukha.
“But I’m real,” saad nito sabay huli sa kamay niyang nakalitaw sa kumot.
Tuluyan nang napadilat si Ada. Marahas niyang hinawi ang kumot at saka pinakatitigan ang akala niyang produkto lang ng kaniyang imahinasyon. Sunod-sunod siyang napakurap. Hindi pa siya nakuntento at kinusot-kusot pa ang mga mata. Matagal bago niya napaandar ang utak niya, tila kasi biglang napurol nang mga sandaling ‘yon.
“Tititigan mo lang ba ako?”
Syet na malagket! Hindi nga ako nananaginip. Kasabay ng malakas na pagkabog ng kaniyang dibdib ay ang pagbalikwas niya ng upo. Handa na sana siyang maghisterya nang hilahin siya ni Brent at muling ihiga paharap dito. Nang subukan niyang bumungon, mabilis siyang ikinulong ng binata sa mga bisig nito.
Tuluyan na siyang nilayasan ng antok; nagkagulo ang buong sistema ni Ada. Halos magdikit na ang ilong nila ni Brent sa sobrang lapit nila sa isa’t isa. Amoy na amoy rin niya maski ang mabango nitong hininga na parang lumaklak ng isang drum na mouthwash. Napalunok ang dalaga at saglit na pumikit upang hamigin ang damdamin.
Hindi niya alam kung imahinasyon lang din niya ‘yon o talagang ang lakas din ng kabog ng dibdib ni Brent. Halos magsabay ng tempo ang tibok ng puso nila. O baka siya lang ‘yon?
Kalma, Ada. Kalma, paalala niya sa sarili. Nang makahuma, dahan-dahan siyang dumilat. Ngunit imbes na salubungin ang tingin ng binata, sinadya niyang ilihis ang mga mata sa gilid ng mukha nito.
“A-ano’ng ginagawa mo rito?” Kamuntikan na niyang hindi marinig ang sarili sa sobrang hina ng kaniyang boses.
“Bakit hindi ka pumasok?” balik-tanong ni Brent.
Parang nagkaroon ng bikig sa lalamunan ni Ada. Hindi niya naman inaasahan na pupuntahan siya ng binata sa kanila para lang itanong iyon. Muli niyang sinubukang humalagpos dito, ngunit lalo lang humigpit ang pagkakayakap nito sa kaniya.
“Señorito, bitiwan n‘yo ho ako,” kulang sa diin niyang utos kay Brent. Kahit nahihirapang gumalaw, pilit niyang nilingon ang paligid upang hanapin ang ina’t kapatid ngunit ni anino ng mga ito’y hindi niya nakita. Kinuntsaba ba ni Brent ang mga ito?
Pero papaano kung nasa labas lang pala ang nanay niya at maabutan sila nito sa ganitong posisyon?
Dala ng huling naisip, sinubukan niya ulit itulak ang binata, ngunit ni hindi man lang ito natinag. “Señorito, baka makita tayo ni Nanay!”
Ngunit tila balewala lang dito ang pagpupumiglas niya. “Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko.”
Sa huli’y itinigil din ni Ada ang pagtulak kay Brent. Mukha naman kasing wala itong balak na bitiwan siya. Nagpakawala siya ng isang sumusukong buntong-hininga.
“I’m waiting,” untag ng binata sa kaniya.
“Masama lang ang pakiramdam ko.”
Hindi iyon ang tunay na dahilan kung bakit hindi siya pumasok, pero may bahid pa rin naman iyon ng katotohanan. Hindi naman siya tinatrangkaso, pero sa estado niya ngayon, daig pa niya ang binugbog kagabi sa sobrang panghihina na nararamdaman. Wala rin siyang sugat, pero buong katawan niya—lalong-lalo na ang dibdib niya—kumikirot.
Ramdam niya ang paghugot ni Brent ng isang malalim na buntong-hininga. Maya-maya’y nilapat nito ang hinlalaki sa kaniyang baba. “Look at me, please?”
Tila namahikang ipiniling ni Ada ang mukha paharap dito. Nakahiga na siya pero para pa rin siyang mabubuwal nang magtagpo ang mga mata nila. Lumambong ang tingin ni Brent sa kaniya.
“I know something’s bothering you kaya tatanungin kita ulit. Ano’ng problema?”
“Wala ho,” kaila pa rin ni Ada, pilit na pinapatunog kaswal ang boses. Sinusubukan din niyang hindi magpadala sa kamay nitong humahaplos sa kaniyang pisngi na waring naglalambing.
Muling nagtaas-baba ang dibdib ni Brent. Hindi pa rin ito kumbinsido sa sagot niya. “Come on, Ada. Is it me?”
Umiling siya bilang sagot.
Dumantay ito sa kaniyang hita at lalo pa siyang hinigit. Aba’t! “Hindi kita pakakawalan hangga't hindi mo sinasabi sa ‘kin ang totoo. I don’t care kung magkangawit-ngawit ako rito o kung abutin man tayo ng gabi,” pahayag pa nito.
“Wala nga ho sabi akong problema,” matigas niyang saad. “Sadyang hindi lang maganda ang pakiramdam ko ngayong araw. Kaya kung puwede, Señorito, umalis na kayo para makapagpahinga na ako.”
Bahagya itong napatiim-bagang, halatang hindi nagustuhan ang kaniyang tono. “You’re not a good liar, Ada. Ang sabi ni Ton-ton, wala ka raw ibang ginawa buong magdamag kundi umiyak—and don’t you dare deny it. Halatang-halata na sa mugto mong mga mata.”
At ipinagkanulo na pala siya ng magaling niyang kapatid. Bakit ba concern na concern si Brent sa kaniya? Ano naman ba rito kung umiyak siya? Wala naman itong pakielam sa nararamdaman niya, ‘di ba?
Iiling-iling siyang nag-iwas ulit ng tingin. “Huwag kayong maniwala r’on sa isang ‘yon. ‘Di ‘yon totoo. Ganito lang talaga hitsura ng mga mata ko ‘pag bagong gising.”
Tuluyan nang sumeryoso ang anyo ni Brent. “Pinagmumukha mo akong tanga. What do you take me for, huh?”
May kung anong pumitik sa loob-loob ni Ada nang marinig ang sinabing iyon ni Brent. Huli na para awatin niya ang bibig. “Baliktad yata, Señorito. Parang mas tama na ako ang magsabi niyan sa inyo. Hindi ba’t ako ang pinagmumukha n’yong tanga?”
“What the hell are you talking about? Ikaw, pinagmumukha kong tanga?”
Ikinurap ni Ada ang mga mata upang pigilan ang nagbabadyang mga luha. Kung mapanakit lang siyang tao, kanina pa niya ito sinaktan. Hindi pa ba siya nito pinagmumukhang tanga sa lagay na ‘to? May iba itong gusto pero heto’t ginugulo nito nang ginugulo ang puso niya. Masyado lang ba siyang feelingera dahil lahat ng kilos ni Brent ay binigyan niya ng kahulugan?
“I’m confused. May problema ba tayo?” dagdag pa ng binata.
“Tayo?” nang-uuyam na gagad ni Ada sabay tawa nang pagak. Halo-halong emosyon na ang bumangon sa kaniyang dibdib. “Meron bang ‘tayo’,” binalingan niya ito, “ha, Brent?"
Hindi agad ito nakakibo.
Bumuntong-hininga siya. "P-pakiusap, u-umalis ka na."
Marahas itong bumitiw sa kaniya at saka umupo. Halos mag-isang guhit na ang mga kilay nito sa pinaghalong inis at desperasyon. “Damn it, Ada! Bakit mo ba ako tinataboy nang tinataboy?!”
“Dahil nahihirapan na ako!” hindi na niya napigilang bulalas.
Napapikit siya upang muling hamigin ang sarili. Ah, bahala na nga! Kung malaman, eh di malaman! Imbes na samantalahin ang pagkakataon upang tumayo, nanatili lang siyang nakahiga. Tumalikod siya kay Brent nang sa gayon ay hindi nito makita ang pagsungaw ng luha sa kaniyang mga mata.
“Gusto kong ipahinga ang puso ko kahit isang araw lang,” pabulong niyang patuloy nang wala ulit siyang makuhang tugon mula sa binata. “Gusto kong subukang kalimutan ka kahit ngayon lang, Brent.”
Maraming segundo ang lumipas bago nito binasag ang katahimikang bumabalot sa kanila. “Don’t call me Brent,” mariin nitong sabi.
Aray ko naman. “Pasensiya na, ha? Nakalimutan kong magkaiba nga pala tayo ng estado sa buhay. Langit ka, lupa ako. Pasensiya na rin dahil minahal kita. ‘Tanga ko, eh—ay, hindi. Ambisyosa pala. Nahulog ako sa lalaking—”
Naputol ang pagsasalita ni Ada nang bigla siyang haklitin ni Brent at kubabawan. Nahigit niya ang hininga. Sinubukan niyang kumawala, pero sadyang malakas ito kaya kahit anong tulak niya, hinding-hindi siya mananalo rito. Parang itong nararamdaman niya, kahit anong waksi niya, bumabalik at bumabalik pa rin.
“Ano’ng sabi mo?” urirat ni Brent habang hinuhuli ang natutuliro niyang tingin.
“A-ano ba!” Nilagay niya ang dalawang palad sa dibdib ng binata upang kahit papaano'y may pumagitan sa kanilang distansya. “B-bumaba ka nga!”
“Answer me, dammit! Ulitin mo ‘yong sinabi mo.”
Sa inis ay pinagsusuntok niya ito. “Ba’t bingi ka na ba para hindi marinig ‘yong sinabi ko? O gusto mo lang talaga na lalo akong pagmukhang katawa-tawa rito? Oo, mahal kita! Ma-hal ki-ta! I love you sa ingles. Oh, ano, okay na? Huwag kang mag-alala. Hindi mo naman kargo ‘tong nararamdaman ko, eh. Hindi ka obligadong—”
Nakulong na lang sa lalamunan ni Ada lahat ng karugtong ng sinasabi niya nang paglapatin ni Brent ang kanilang mga labi. Talaga nga sigurong may mahikang hatid ang halik ng binata dahil nagawa siya nitong paamuhin sa loob lamang ng ilang segundo. Unti-unting humina ang pagbayo niya sa dibdib nito, hanggang sa tuluyan na siyang tumigil.
Hindi niya maipaliwanag ang ginagawa ni Brent sa kaniyang mga labi. Masuyo iyon, punong-puno ng ingat at lambing. Para siyang binubuhat nito at dinadala sa alapaap kahit na ang totoo’y naroon pa rin sila sa matigas na papag. Tuluyan nang inanod lahat ng pangungusap sa isip niya, at kamukat-mukat niya, nakapikit na pala siya at ginagantihan ang halik ni Brent. Para silang nagkaroon ng sariling mundo nang mga sandaling iyon. Nakalimutan niya pati ang sakit na nararamdaman.
Hindi niya alam kung gaano katagal, o kung sino ang unang tumigil. Ngunit kapwa sila habol ang hininga nang mawalay sa isa’t isa. Ipinagdikit ni Brent ang kanilang mga noo at saka matamang tumitig sa kaniya. Kapagkuwa’y dahan-dahan unting ngumiti.
“I love you, too,” sambit ni Brent sabay dampi ng halik sa tungki ng kaniyang ilong.
Sukat doon ay muli niya itong naitulak. Ang alam niya, iisa lang ang puso ng tao, pero bakit sa lalaking ‘to ay dalawa yata?
“H-huwag k-kang magsalita ng . . . ng ganiyan.” Baka maniwala na naman ako. Napatakip din siya sa bibig na wari bang pinagsisihan na nagpatangay na naman siya sa halik nito. Gusto niyang kastiguhin ang sarili sa ginawang pagtugon. “P-puwede bang umalis ka na?”
Isang nakakalokong ngisi ang gumuhit sa mga labi nito. “Sa lahat ng nag-confess sa ‘king mga babae, ikaw lang ang bukod tanging pinapalayas ako matapos magtapat. Hindi nga sabi ako aalis.”
Sumagap siya ng hangin. “Ano pa ba’ng gusto mo, ha?” Kamuntikan pa siyang pumiyok.
“Marry me,” walang kagatol-gatol na deklara ni Brent.
➶ ➷ ➸ ➹
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top