Kabanata 31

HE loves me, he loves me not,” anas ni Ada habang isa-isang pinipitas ang kahel na talulot ng bulaklak na napulot niya kanina. Ganitong-ganito ‘yong ginagawa ng mga bidang babae sa mga pelikulang napanood niya kapag naguguluhan sa nararamdaman ng mga lalaki.

     Saglit siyang tumigil at ipiniling-piling ang munting bulaklak sa kaniyang kamay. Iilan na lang ang natitira, naisaloob niya.

     Bumuntong-hininga siya at saka nagpatuloy. “He loves me, he loves me not . . . he . . . he loves me?”

     Tumuwid siya ng tayo at inangat sa ere ang huling talulot. “Mahal ako ni Brent?” usal niya sa hangin. Mahal niya rin ako! Ngunit nang muli niyang sipatin ang bulaklak, mayroon pa pala siyang isang talulot na nakaligtaan dahil nakatupi sa tangkay. Laglag ang mga balikat na hinila niya iyon. He loves me not. “Sabi ko nga hindi.”

     Nakasimangot na initsa niya sa ere ang kinawawang tangkay. “‘Sus! Hindi naman yata totoo ‘tong eklat na ‘to. Pinaglololoko lang yata ako ng mga palabas na ‘yon.” Humalikipkip siya at saka nagpatuloy sa paglibot sa kapihan.

     Posible ba naman ‘yon? Halikan ka nang walang dahilan? Dalagang Pilipina kaya ako, at saka first kiss ko ‘yon, ‘no, pipi niyang pakikipag-argumento sa sarili.

     Muli na namang bumalik sa isip ni Ada ang tagpong iyon kahapon sa kuwarto ni Brent. Wala sa loob na napahawak siya sa kaniyang mga labi. Nakailang mumog at sepilyo na siya, pakiwari niya’y naroon pa rin ang bakas ng halik nito. Nagtaas-baba ang kaniyang dibdib. Paano kung wala lang pala ‘yong halik na ‘yon kay Brent? Paano kung pinaglalaruan lang pala siya nito?

     Sapo-sapo ang magkabilang sentido na inalog niya ang ulo. Gusto niyang mainis sa sarili niya dahil imbes na kumprontahin agad ang binata, hayun at nagpadala siya sa tuwa at kilig. Lalo tuloy nahati ang damdamin niya. Lalo lang siyang naguluhan. Hindi niya alam kung alin ba ang dapat niyang sundin—ang puso ba niya na gustong magtiis o ang isip niyang mas alam kung ano ang makabubuti sa kaniya?

     Kung dati ay kaya niyang magtanong kay Brent tungkol sa panliligaw nito kay Caitlin, ngayon ay hindi na. Parang bigla siyang natakot na marinig ang sagot nito; natatakot siyang kumpirmahin na wala lang pala talaga sa binata ang lahat.

     Naputol ang pag-iisip ni Ada nang biglang may dalawang palad na tumakip sa kaniyang mga mata.

     “Guess who?” anang isang boses sa kaniyang likod na kahit yata ilan taon niyang hindi marinig ay hinding-hindi niya malilimutan.

     “Señorito Brent,” turan niya. Kahit pa nga siguro hindi magsalita ang binata, amoy pa lang ng pabango nito, makikilala na niya ito agad.

     “‘Ba naman ‘yan!” tila batang sambit ni Brent sabay palatak na para bang dismayado dahil hindi man lang siya nahirapan sa paghula.

     Hindi napigilan ni Ada ang mapangiti. Pagkapihit na pagkapihit niya paharap dito ay agad siya nitong ginawaran ng isang mabilis na halik sa mga labi. Tila yelong tinunaw niyon lahat ng agam-agam niya sa dibdib. Lahat ng katanungang lumilipad sa isip niya ay nauwi sa isang buntong-hininga.

     “Amoy kape ka, ah?” bulong nito.

     Sukat doon ay naitulak niya ito. Nanlalaki ang mga matang luminga-linga siya sa paligid. Nakalimutan niyang nasa gitna nga pala sila ng kapihan! Pesteng halik! Nakakawala ng katinuan! Muli niyang binalingan ang binata at saka hinampas sa dibdib. “Señorito, naman! Ba’t bigla-bigla kang nanghahalik? ‘Pag may nakakita lang talaga sa ‘tin, ay, naku!”

     Humalakhak ito, halatang aliw na aliw sa kaniyang reaksiyon. “Kasama ko si Lolo—”

     “Ha? Saan?!” Lalo siyang dumistansiya sa binata. Muli niyang sinuyod ng tingin ang paligid. Paano kung nasaksihan ni Don Alonzo ang kapilyuhan ng apo nito? Baka mamaya, isipin pa ng matanda’y hinaharot niya si Brent.

     Hinuli nito ang kamay niya. “Relax, nasa staff house sila. Let’s go.”

     Let’s go? Ha? “T-teka, teka, Señorito,” binawi niya ang kamay bago pa siya nito hilahin, “kailangan ho ba ako roon ni Don Alonzo?”

     “Hindi.” Muling ginagap ni Brent ang kaniyang palad. “Pero ako, kailangan kita,” dagdag nito sabay kindat.

     Sa sinabi at ginawa nito’y sumirko nang bonggang-bongga ang puso ni Ada. Kung hindi siya maagap ay baka napasapo na rin siya sa sariling dibdib. Para siyang ice cream na unti-unting nalulusaw sa ngiti ni Brent.

     Jusko, ito yatang feelings ko para sa lalaking ‘to ang ikamamatay ko. Lord, sa susunod ko pong buhay, puwede po bang h’wag N’yo akong bigyan ng ganitong sakit sa ulo? Masakit din po kasi sa puso’t kasukasuan! Kulot na po ‘yong bangs ko sa stress!

     Pasimple siyang bumuga ng hangin upang hamigin ang sarili. Magpigil ka, Ada. Magpigil ka, anang isang bahagi ng kaniyang isip.

     Tumikhim siya at kunwa’y tumawa. “Ikaw talaga, Señorito, palabiro ka.” Ikinumpas niya ang libreng palad sa ere at muling sinubukang kumawala mula sa pagkakahawak nito. “Dito na lang ho ako. May tinatapos—ay, kalabaw!”

     Napatili si Ada nang walang kaabog-abog siyang binuhat ni Brent at sinampay sa balikat nito na para bang ani ng palay. Nagpumiglas siya pero lalo lang humigpit ang pagkakakapit nito sa kaniya.

     “Stay still, malalaglag ka,” saway nito sa kaniya.

     Pinaghahampas niya ang matigas nitong likod. Hindi siya magkandatuto kung papaano bababa. “Señorito, ibaba n’yo ho ako!”

     Pero baliw yata talaga ang lalaking minahal niya dahil tinawanan lang siya ng hudyo at saka naglakad na para bang wala itong karga-kargang pagkabigat-bigat na nilalang sa balikat. Dati yata itong kargador, eh. Napatigil siya sa paglilikot nang may madaanan silang grupo ng mga trabahante. Sabay-sabay na gumalaw ang ulo ng mga ito para sundan sila ni Brent ng tingin.

     Inis siyang pumalatak at saka itinakip ang suot na sumbrero sa mukha. “S-Señorito, pinagtitinginan na tayo. Nakikiusap ako, ibaba mo na ako. Sasama na ‘ko, pramis.”

     Sukat doon ay tumigil ito sa paglalakad. Ilang saglit pa’y dahan-dahan siya nitong binaba. Pero kahit nakatapak na siya sa lupa, ang bilis-bilis pa rin ng tibok ng puso niya. Ni hindi niya rin maramdaman ang kaniyang mga paa.

     “Oh, why are you covering your face?” natatawa nitong tanong sabay hila sa malaki niyang sumbrero.

     Hindi napigilan ng dalagang irapan si Brent. Muli niyang tinakpan ang mukha kapagkuwan. Daig pa niya’ng nasa entablado sa dami ng mga matang nakatutok sa kanila ni Brent.

     May shooting, ha? May shooting?

     “T-tara na ho, Señorito,” natataranta pa rin niyang yakag dito sabay hakbang kahit pa hindi niya nakikita ang nilalakaran.

     Muli na namang pumainlang ang halakhak ni Brent. “Saan ka pupunta?”

     Huh? Napatigil si Ada. Iginilid niya ang sumbrero hanggang sa magkaroon ng sapat na espasyo para masilip niya ang dinaraanan. Pahiya siyang umikot nang mapagtantong ibang direksiyon pala ang tinatahak niya. Lihim niyang binatukan ang sarili. Buwisit!

➶ ➷ ➸ ➹

“TEKA muna,” pigil ni Ada kay Brent nang akmang pipihitin na nito ang seradura. “S-sigurado ka bang ayos lang kay Don Alonzo n-na pumasok ako sa loob?”

     Bumuga ito ng hangin at kunwa’y pinangkitan siya ng mga mata. “Para namang hindi mo kilala si Lolo. He won’t mind, believe me.”

     English na naman. Unti na lang talaga at dudugo na ang ilong niya rito. Ilang buwan na itong nasa San Guevarra. Hindi pa rin ba nito kayang magsalita nang hindi nag-i-ingles?

     “Pero kasi—”

     “Shh,” sansala ni Brent sa kaniya sabay lapat ng hintuturo nito sa kaniyang mga labi. “Bubuhatin na naman ba kita?”

     Nasa ganoon silang tagpo nang bumukas ang pinto. Sabay silang napabaling ni Brent sa lumabas na si Manang Nelia. Mabilis na lumipad ang tingin ng ginang sa mga labi ni Ada na nahaharangan pa rin ng daliri ng binata. Sukat doon ay dali-dali niyang tinabig ang kamay ni Brent.

     “M-Manang Nelia, p-pasensiya po kung iniwan ko muna saglit ang trabaho ko. T-tinawag po kasi ako ni Señorito Brent,” mabilis niyang paliwanag.

     Iwinasiwas ng matanda ang kamay sa ere at saka ngumiti nang pagkatamis-tamis, tila nagpipigil ng kilig na hindi mawari. “Ay, ayos lang iyon, Ada. Malapit ka na rin namang hindi magtrabaho sa kapihan,” anito’t humagikgik pa.

     Napamulagat siya. “Ano pong ibig n’yong sabihin na hindi na ako magtatrabaho sa kapihan? Matatanggal po ba ako? Aalisin n’yo po ako? Bakit po?” sunod-sunod niyang tanong.

     Napatutop ito sa bibig. “Susmariosep, ba’t ko ba nasabi ‘yon? Hindi, hija! Ang ibig kong sabihin . . .” Saglit nitong binalingan si Brent bago muling tumingin sa kaniya. “Ay, hindi bale na! Isipin mo na lang na hindi ko ‘yon sinabi. S’ya, mauuna na ako.” Iyon lang at saka nagmamadali na itong tumalilis.

     Naiwan si Ada na lukot ang mukha habang sinusundan ang papalayong pigura ng ginang. Ano’ng pinagsasabi ni Manang Nelia? May balak ba silang tanggalin ako? Ta’s nakita pa nila ako rito sa oras ng trabaho. Naku! Baka isipin nila hindi ako nagseseryoso rito sa kapihan.

     Dahil sa naisip, nagpa-panic na hinarap niya si Brent. Pero bago pa man siya makapagsalita at muling umapila ay tuluyan na siya nitong hinila sa loob. Wala na siyang nagawa pa. Kakausapin na lang siguro niya si Manang Nelia mamaya.

     Maliban sa dalawang kawaksi, si Don Alonzo at isang lalaki na malaki ang pagkakahawig kay Brent ang bumungad kay Ada. Napatigil ang mga ito sa pag-uusap nang makita sila.

    Bigla siyang nakaramdam ng panliliit. Gayak na gayak ang mga ito, tila may aattend-ang magarbong okasyon. Parang gusto niyang umuwi muna at magpalit, o kaya hiramin ang uniporme ng mga kawaksi dahil mas matino pa iyon kumpara sa suot niyang kupas na kamiseta at punit na tokong.

     Napahawak ang dalaga sa sariling siko at saka kiming itinungo ang ulo. “M-magandang hapon po sa inyo.”

     Ngumiti ang don at tila excited na iminuwestra ang kamay sa ere. “Ada! Come in, come in!” Nilingon nito ang isang kawaksi na kasalukuyang naghahain sa lamesa. “Magdala pa kayo ng isang plato para sa kaniya.”

     “Sabi ko sa iyo, eh,” nakangising bulong ni Brent sa tabi niya.

     Hinintay niyang matahin siya o ‘di kaya’y suyurin ng tingin ng lalaking katabi ng don ngunit hindi iyon nangyari. Bagkus ay nginitian pa siya nito.

     Bantulot niyang sinundan si Brent nang maglakad ito papunta sa gitna ng silid kung saan nakapuwesto ang bilog na lamesa. Naghila ito ng upuan at saka tinapik ang manipis na unan na nakadikit sa sandalan ng silya.

     “Sit here,” anito sa kaniya.

     Hingi nakaligtas sa dalaga ang pagluwang ng ngiti ni Don Alonzo dahil sa kinilos na iyon ng apo. Bagama’t nahihiya pa rin, agad siyang tumalima. Muli siyang kinindatan ni Brent bago ito prenteng umupo sa tabi niya.

     “So, where were we, Lolo?” anito sa abuelo kapagkuwan.

     Pumalatak ang lalaking kahawig ni Brent. “Hindi mo ba muna ako ipapakilala sa kasama mo?”

     “No,” kunwa’y matabang na saad ni Brent, pero ngingisi-ngisi pa rin.

     “In that case,” tumayo ito at biglang inilahad ang kamay sa gitna ng lamesa, sapat para maabot niya, “I’ll introduce myself. Hi, I’m Trent, and unfortunately, the jerk beside you is my brother.”

     “Hey! I’m not a jerk, and don’t tell her things like that,” rinig niyang apila ni Brent.

     Tarantang tinanggap ng dalaga ang pakikipagkamay ni Trent. “Ada po, Señorito.”

     Ngumiti ito at marahang pinisil ang kaniyang palad. Kung hindi niya lang siguro mahal si Brent, paniguradong mahuhulog kaagad siya sa ngiting ‘yon ni Trent. Hindi rin ito mukhang antipatiko katulad ni Brent.

     “Nice to meet you, Ada. Please, tawagin mo na lang akong Trent. Hindi ako sanay na tinatawag na Señorito. Too formal.”

     Ginantihan niya ito ng ngiti. “S-sige po.”

     “May nakapagsabi na ba sa iyo na mas maganda ka kapag nakangiti?” ika pa ni Trent.
    
     “I know that tone, Kuya,” tila nagbabantang sita ni Brent sa kapatid nito.

     “What? Ano’ng tone pinagsasabi mo? This is how I really speak, and I’m just being friendly,” maang na saad ni Trent.

     “Friendly, my ass,” nakabusangot na bulong pa ni Brent. Napansin siguro nito ang pagkatameme niya dahil hinatak siya nito pabalik sa pagkakaupo. Binalingan ng binata ang abuelo na ngingiti-ngiti lang sa isang tabi. “‘Lo, pabalikin mo na nga ‘yan si Kuya sa Amerika ngayon din!”

     Ilang saglit pa’y muling pumasok ang kawaksing inutusan ni Don Alonzo at lumapit sa kaniya. Nang tinunguan siya nito’y gumanti rin siya ng isang alanganing tungo. Hindi siya sanay na pinagsisilbihan kaya tinulungan niya itong mag-ayos ng plato at mga kubyertos sa kaniyang harapan.

     “Kumain ka na, hija,” anang ng don nang mapuna ang pag-aalinlangan sa kaniyang mukha. “Huwag kang mailang. Parang pangalawang pamilya mo na rin naman kami.”

     “Kumakain ka ba ng spicy?” tanong ni Trent sa dalaga.

     Tinanguan niya ito bilang sagot.

     “Then you should try this one,” nakangiting alok ni Trent sabay ikot ng turntable hanggang sa tumapat sa kaniya ang pagkain na itinuro nito. “Ako nagluto n’yan.”

     Bumaba ang tingin niya sa putaheng nasa transparent na mangkok. Nagliwanag ang mukha ni Ada nang makita kung ano ‘yon. “Bicol expresss? Wow, favorite ko ho ito!”

     “Really?” sabay na bulalas ng magkapatid.

     “Noong buhay pa ang tatay, parati niya ‘tong niluluto tuwing birthday ko imbes na pancit o kaya spaghetti,” hindi niya napigilang kuwento sabay hagikgik.

     “Well, that’s my specialty. Go on, tikman mo.” Si Trent.

     Magsasandok na sana siya nang unahan siya ni Brent. “Favorite mo rin ‘to? Parehas pala tayo,” sabi pa nito sa kaniya.

     Umangat ang isang kilay ni Trent. “At kailan ka pa nahilig sa maanghang, Brent? You hate spicy foods.”

     “Shut up. Mahilig ako sa maanghang,” giit pa ni Brent. Nagsalin ito nang kaunti sa sariling mangkok at saka dire-diretsong humigop ng sauce. Ngunit wala pang ilang segundo, namumula na ang buong mukha nito. Pasimple itong bumuga-buga ng hangin, halatang tinitiis ang anghang. “Told you, this is my favorite.”

     “Kaya pala pinagpapawisan ka agad,” nanunubok na istir ni Trent sa kapatid habang nakangisi.

     “Hindi, ah! Anong pinagpapawisan? Mainit lang, ‘no!” tanggi pa ni Brent, pero parang maiiyak na. Humarap ito sa kaniya. “Huwag ‘yan kainin mo. Hindi masarap.” Inikot nito ang turntable. “Ito, mag-adobo ka na lang.”

     Hindi pinansin ni Ada ang huling sinabi ng huli. Bagkus, napatakip siya sa bibig upang itago ang pagbungisngis. Hindi niya alam kung matatawa siya sa hitsura ni Brent o maaawa. Ba’t pa kasi nito pinilit kung hindi naman pala nito kayang kumain ng maanghang?

     N’ong una, ayaw pang pansinin ni Brent ‘yong orange juice na nasa gilid nito, pero nang malingat ang dalaga, hayun at wala nang laman ang baso.

     Parang ewan.

     Inikot ni Trent ang turntable, at sa ikalawang pagkakataon ay nagkaharap ulit sila ng bicol express. Aabutin na sana niya ulit ang serving spoon ngunit muling inikot ni Brent ang turntable at hinarap sa kaniya ang adobo.

     “Hey, sabi ko ito kainin mo,” nakangusong atas ni Brent sa kaniya. May mumunting butil pa rin ng pawis na namumuo sa noo nito.

     “Mas gusto niya ng bicol express,” ika naman ni Trent sabay galaw sa turntable.

     “Hindi nga masarap!”

     Ibig mahilo ni Ada sa ginagawa ng magkapatid na pagpapaikot-ikot sa turntable. Parang batang nag-aaway ang mga ito sa pagkain. Maya-maya’y hinampas ni Don Alonzo ang palad nito sa lamesa. Napatigil ang dalawa sa pagtatalo at napatingin sa abuelo.

     “Stop bickering, you two! Nasa harapan kayo ng hapag-kainan,” saway ng matandang Esplana sa mga apo. “Let go of the lazy susan. Hayaan n’yo si Ada mamili ng gusto niyang kainin. Let her eat in peace.”

     Dahil doon ay tuluyan nang nanahimik sina Brent at Trent. Gusto niya sanang tanungin kung sino ang Susan na tinutukoy ni Don Alonzo at kung may nakikita ba ang mga ito na hindi niya nakikita, ngunit minabuti niyang itikom na lang ang bibig. Para rin walang gulo, ibang putahe na lang ang sinandok niya—menudo.

     Nasa kalagitnaan sila ng pagkain nang basagin ng Don ang katahimikan. “By the way, Trent, hindi ko alam kung naabutan mo si Ada kapag bumibisita kayong mag-ama rito sa San Guevarra. Paminsan-minsan kasi ay sinasama siya ng tatay niya sa mansion.” Binalingan siya nito. “‘Di ba, hija?”

     Marahan siyang tumango. “Ah, opo, Don Alonzo.”

     Muling nagpatuloy sa paghihiwa ng kapirasong pitso ng manok ang matanda. “Natandaan lang kita nang ikuwento sa ‘kin ni Ted na ikaw pala ‘yong panganay ni Ernesto. Kaya pala sabi ko’y pamilyar ka.” Tumingin ulit ito kay Trent, nakangiti. “Wala ka bang naaalalang bata na pagala-gala sa mansion noon maliban kay Lauren?”

     “No, I don’t think I’ve met her before,” sagot ni Trent, may bakas ng panghihinayang ang boses nito.

     “Siya lang din ang naging kalaro ni Lauren noon,” anang pa ng don. “Papaano’y sa inyong apat na magkakapatid, si Lauren lang ang talagang lumaki sa ‘kin dito sa San Guevarra. Kayo’y nagsiliparan sa Amerika o kaya sa Maynila.”

     Pinakatitigan siya ni Trent. “Really? Now, I regret not growing up here.”

     Sukat doon ay biglang umalog ang lamesa na sinabayan pa ng impit na hiyaw ng huli. Sapo-sapo ang nasaktang bahagi ng paa na inangilan ni Trent ang katabi niya. “‘The hell, Brent? What’s your problem?!”

     Kunwa’y walang alam na tumigil si Brent sa pagkain at saka nag-angat ng tingin sa kapatid. “What? Nanahimik ako rito, ha.” Pero nang muli itong yumuko, isang ngisi ang umalpas sa mga labi nito.
   
     Ano ba’ng problema ng dalawang ‘to? Ganito ba sila mag-bonding? Parang aso’t pusa lang ang peg? sa isip-isip ni Ada.

     Kamuntikan nang mabulunan ang dalaga nang gagapin ni Brent ang palad niyang nananahimik sa ibabaw ng kaniyang hita. Napalunok siya at pinakiramdaman ang pagsalikop ng mainit nitong kamay sa kaniya. Dahan-dahan, ibinaba niya ang tingin doon. Ilang beses siyang napakurap—baka kasi mamaya’y nananaginip lang siya nang gising—pero talagang magkahugpong ang kanilang mga kamay.

     Ganito pala ang pakiramdam kapag ka-holding hands mo ‘yong taong mahal mo. Para akong nakatuntong sa alapaap, tila kinikiliting usal ni Ada sa sarili. 

     Mayamaya’y muling kumilos ang kamay ni Brent. Gamit ang daliri nito’y nagsimula itong gumuhit sa kaniyang palad. Kunot ang noong binasa niya sa kaniyang isip kung anuman ang sinusulat nito roon.

     I . . .

     Love . . .

     Saglit itong tumigil, tila sinasadya siyang bitinin. Pigil-pigil na ni Ada ang kaniyang paghinga nang mga sandaling ‘yon. Napuno ng antisipasyon ang dibdib niya nang magpatuloy si Brent matapos ang tila habambuhay na paghihintay—kahit ang totoo’y ilang segundo lang naman ang lumipas.
 
     You . . .

     I love you? Lalong niyang nahigit ang hininga nang matapos ito. Teka, mahal ako ni Brent?

     Nanatiling nakatanga si Ada sa kaniyang palad, pilit na inaalam kung iyon nga ba ang pagkakaintindi niya sa sinulat nito roon o dinadaya lang siya ng kaniyang imahinasyon.

     Nagtatanong ang mga mata na nag-angat siya ng tingin kay Brent, pero tanging ngiti lang ang nakuha niya mula rito.    

➶ ➷ ➸ ➹

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top