Kabanata 3
HINDI na nagtaka si Ada nang marami silang naabutan ni Geselle na nagbabakasakali rin na makakuha ng trabaho sa mansion. Mabilis na kumalat ang balita dahil kilala ang mga Esplana sa kanilang bayan. Marami kasing negosyo ang naturang pamilya, kabilang na roon ang nag-iisang palengke at mall sa San Guevarra.
Matapos siyang palihim na dalhin ni Geselle sa hardin kung saan may hose para makapaghugas siya ng paa, tumuloy na siya sa maliit na opisina kung saan ginanap ang “interview”.
Kagaya ng kuwento ni Geselle, masungit at ubod ng strikta ang mayordoma na kumausap sa kaniya roon. Napakarami nitong tanong at kung anu-ano na kundisyon kung sakali man na makukuha siya. Naiintindihan niya naman iyon dahil napakatagal na ng mayordoma sa pamilyang Esplana at, ayon pa ulit sa chikadora niyang kapitbahay, parang kapamilya na rin daw ang turing dito nina Doña Luzia at Don Alonzo. Kuntento naman siya sa mga naisagot niya sa ginang. Ang kaso lang, hindi niya nasabi rito na interesado rin siyang magtrabaho sa kapihan dahil naunahan siya ng kaba at hiya. Baka kasi sabihin ay abusado siya.
Dahil abala si Ada sa pag-iisip, hindi niya namalayan na imbes na kumaliwa siya kagaya ng itinuro ni Geselle na daan palabas ay tinahak niya ang marmol na sahig sa kaniyang kanan. Iba kasi ang dinaanan nila kanina dahil nga pinuslit siya nito sa hardin. Ilang minuto rin siyang nagpalakad-lakad habang kumakanta-kanta nang mapagtanto na nasa bulwagan na pala siya ng mansion.
Nakagat niya ang ibabang labi. Heto na naman po tayo.
Kandahaba-haba ang leeg ni Ada kakahanap ng katulong o kahit na sinong maari niyang mapagtanungan, ngunit bigo siya. Sa laki ng mansion, baka mas lalo siyang maligaw kapag hinanap niya pa si Geselle. Maingat ang ginawa niyang paghakbang. Habang inililibot ang tingin, hindi niya mapigilang mamangha sa napakagarbong mga kagamitan na naroroon. Mayroong nakasabit na higanteng chandelier na namumutakte yata sa diamante dahil napakaliwanag niyon at napakaganda ng kinang. Sa magkabilang panig naman ng bulwagan ay may dalawa ring hagdanan na yari sa marmol.
“Ano kaya ang pakiramdam na magkaroon ng ganito kalaki na bahay?” bulong niya sa kawalan.
Siguro kahit gugulin niya ang buong buhay niya sa pagtatrabaho ay hindi niya mararanasan ang tumira sa isang mansion.
Hindi na alam ni Ada kung gaano katagal niyang binusog ang mga mata sa mga muwebles nang may maulinigan siyang tinig. Matutuwa sana siya kung boses iyon ni Geselle, kaso iyon ang boses ng mayordoma na si Mrs. Kaya!
Patay na! Nagsimula nang mag-panic ang dalaga. Halos liparin niya ang malaking pintuan na nasa gitna kahit hindi niya alam kung saan ang labas niyon o kung dapat ba siyang dumaan doon. Mabilis niyang itinulak ang pinto para lang muling isara nang makarinig ng malakas na lagabog sa kabilang bahagi na para bang may sumalpok doon na solidong bagay. Nasundan iyon ng isang malakas na hiyaw.
Napasapo si Ada sa magkabilang pisngi. Sino na naman kaya itong natamaan niya? Ilang segundo pa’y muling bumukas ang pinto at iniluwa ang isang lalaki na nakahawak nang mariin sa ulo. Napakurap siya at pinakatitigang maigi ang “biktima”. Halos malaglag ang kaniyang panga nang mapagtanto na ito . . . at ang lalaking nabato niya ng itlog sa noo ay iisa!
“Ikaw na naman?!” gulat na gulat niyang bulalas. Ang pagkakaiba lang, hindi na ito nakapambinyag, nakasuot na lang ito ngayon ng kulay abo na t-shirt at puting shorts.
Hindi malaman ni Ada kung hahawakan niya ang lalaki o lalayuan dahil mukhang nasaktan talaga ito nang sobra sa pagkakatama nito sa pinto. “P-pa’no ba ito? Ahm, a-ano, p-pasensiya ka na. Hindi ko sinasadya. B-bakit naman kasi bigla-bigla ka na lang sumusulpot sa kung saan-saan?”
Lumalim ang mga guhit nito sa noo. “You . . .” Pinukol siya nito ng matalim na tingin at pinasadahan ang kaniyang kabuuan. Muling bumalik sa kaniyang namumutlang mukha ang tila nagbabaga nitong mga mata. Kapagkuwan ay bumilog iyon nang mamukhaan siya. “You! Ikaw ang dahilan kung bakit umuwi ako last week nang walang shirt!”
Pumamaywang siya. Aba! Hindi niya naman ito inutusan na maghubo roon sa palengke, ano! “Sino ba kasi nagsabi sa iyo na hubarin mo ‘yong polo mo na pambinyag?” hindi niya napigilang sabi.
“Hindi ‘yon pambinyag!” Idiniin nito ang palad sa namumulang ulo. “Damn it! Ganito ba kaliit ang San Guevarra para makasalubong kita nang dalawang beses? Dapat yata palagi akong nakasuot ng helmet!”
Dahil takot pa rin siyang mahuli ni Mrs. Kaya na pagala-gala sa mansion, saglit siyang sumilip sa kaniyang likuran upang i-check kung nasaan na ang ginang. Kahit papaano ay nabawasan ang kabang nararamdaman niya nang hindi na marinig ang boses nito. Baka naman guni-guni niya lang iyon? Muli siyang humarap sa lalaki na abala sa pagmasahe sa ulo. Napangiwi siya.
“P-pasensiya ka na talaga, ha?” hinging paumanhin niya ulit. “Hindi kasi kita nakita. A-ahm,” dadalhin ko ba siya sa hospital? Pero wala akong pera pampagamot sa kaniya! “d-dumudugo ba? P-patingin.”
Nang hawakan ito ni Ada ay tinabig nito ang kaniyang kamay.
“You’re a walking disaster. Don’t you know that?!” gigil pa rin nitong saad.
“Bakit ka ba ingles nang ingles d’yan? Puwede mo naman akong tagalugin na lang, a.” Pinapahirapan mo pa buhay ko, e. Napakurap siya at umayos ng tayo nang may maalala. “Teka, bakit ka pala nandito sa mansion ng mga Esplana? Mag-a-apply ka rin ba ng trabaho ‘gaya ko?”
Kung makatingin ito sa kaniya ay para bang may nasabi siyang hindi kapani-paniwala. Kumibot-kibot ang mga labi nito na tila may nais sabihin ngunit sa huli’y inangilan na lang siya nito’t agad na itinikom ang bibig. Akmang kikilos na ito para tumalikod sa kaniya ngunit mabilis siyang lumapit at tumingkayad dito.
Ang bango, ha.
“Mag-a-apply ka nga? Hmm, pero hindi ka naman mukhang mahirap, ah?” Sinalat ng dalaga ang sariling baba at pinakatitigang maigi ang mukha nitong mas makinis pa yata kaysa sa puwet ng baby. Kung ilong ang pag-uusapan, tiyak na mahihiya ang mga artista sa tangos ng ilong ng estranghero na lalong nagpatingkad sa kagandahang lalaki nito. Mahaba at malantik din ang mga pilik mata nito. At ang lips? Winner! Mapupula iyon at parang ang sarap pugpugin ng halik.
Buong buhay niya, ngayon lang siya nakakita ng lalaki sa San Guevarra na ganito kaguwapo.
Marahang inalog ni Ada ang ulo. Nahawa na yata siya kay Raye. Pinagalitan niya ang sarili, Hoy! Kung anu-ano mga pinag-iisip mo! Maghanap ka muna ng trabaho!
“Brent?”
Bahagyang napaigtad ang dalaga nang makarinig ng isang malalim at baritonong boses sa kaniyang likuran. Kapwa sila napalingon ng lalaki sa pinagmulan ng tinig. Napamulagat siya nang makilala kung sino iyon.
Si Don Alonzo Esplana!
Mabait naman ang don ayon sa pagkakakilala rito ng buong San Guevarra. Pero nang mga sandaling iyon ay talagang kumabog ang dibdib niya sa kaba. Mula sa sulok ng kaniyang mga mata ay sinilip niya ang lalaking katabi. Ito ba ang tinawag ni Don Alonzo na Brent? Bakit parang kalmadong-kalmado lang ito habang kaharap ang matanda? Friends sila?
Inalis nito ang kamay na nakasapo sa ulo. “Lolo.”
Marahas ang ginawang pagbaling ni Ada rito. Lolo?!
“Isang oras ka pa lamang nakakaalis, ah? Did you really visit the farm, Brent? Or . . .” huli na para tumalilis si Ada ng takbo dahil lumipat na ang makahulugang tingin ng matanda sa kaniya. Sunod-sunod siyang napalunok, “naghanap ka na naman ng libangan mo?”
Brent . . . Hindi na umabot sa pandinig ni Ada ang huling sinabi ng don dahil abala pa rin ang utak niya sa pagproseso sa nalaman. Si Brent—ang lalaking aksidente niyang nabato ng bulok na itlog noong isang linggo, at ngayon, ang na-headbutt niya gamit ang pinto—ay apo ni Don Alonzo?! Isa itong Esplana! Amo niya ito kung saka-sakali!
Naestatwa siya sa kinatatayuan. Gusto niyang magpalamon sa lupa nang mga sandaling iyon sa hiyang nararamdaman.
“‘Lo, please. I don’t even know this crazy woman,” rinig niyang sambit ni Brent. Tinapunan siya nito ng nanunuklam ng tingin. “Just look at her. Tingin mo papatol ako sa katulad niya? Mas matino pa nga damit ng mga katulong natin kaysa sa suot niya.”
Nakagat ni Ada ang ibabang labi. Pinigilan niya ang sarili na sagutin ito sa ginawa nitong pang-iinsulto sa kaniya. Dinala niya ang kamay sa kaniyang likuran at doon ikinuyom. Pasimple siyang umurong at lumayo rito. Mabilis niyang napakalma ang sarili nang maalala ang dahilan kung bakit siya nasa mansion.
Para sa pamilya.
Lahat na yata ng mga santong kilala niya ay tinawag niya at dinasalan. Sana ay hindi siya isumbong ng binata sa lolo nito dahil tiyak na mauunsiyami ang kaisa-isang pag-asa niya na magkaroon ng trabaho. Pero talang mahal na mahal siya ng kamalasan dahil maya-maya lamang ay narinig niya na lang si Brent na ikinukuwento sa abuelo ang kanilang naging mga engkuwentro.
Paalam sa ‘yo, trabaho! Paalam din sa ‘yo, dignidad!
Napayuko si Ada at inihanda na ang sarili sa bulyaw ni Don Alonzo, ngunit imbes na pagalitan siya o pagsabihan, isang matunog na halakhak ang lumabas sa bibig ng matanda. Nagtatakang nag-angat siya ng tingin dito. Kumunot din ang noo ng apo nito, halatang hindi iyon ang reaksiyon na inaasahan sa lolo.
“Ginawa mo talaga iyon, hija?” manghang tanong ni Don Alonzo nang makabawi. Bahagya pa ring umaalog-alog ang balikat nito.
Iginalaw-galaw ng dalaga ang bibig dahil hindi niya alam kung papaano ito sasagutin. Natutuwa ba ang don dahil sinaktan niya ang apo nito? “A-ahm . . .”
“I can’t believe you. Dapat pagalitan mo ang babaeng ‘yan,” ika ni Brent sabay duro sa kaniya. “I was hurt—physically! And,” muli nitong kinapa ang parte ng ulo na natamaan niya ng pinto, “look, may bukol ako! Papaano na lang kung mayroon na palang namumuong dugo—”
“Oh, come on, now, Brent. I just find it amusing, that’s all,” ngingiti-ngiting putol dito ni Don Alonzo. “And stop overreacting. Kung makasumbong ka daig mo pa ang isang bata. May I remind you that you’re already twenty-seven.” Muli bumaling ang matanda sa tameme pa ring dalaga at marahan siyang tinapik sa balikat. “Feel free to hit his head all the time, hija. Baka sakaling sa gano’n ay tumino-tino siya at makapag-isip-isip nang tama.”
“‘Lo!” muling sita rito ni Brent. Pulang-pula na ang mukha ng binata sa inis. Isang ubod ng talim na tingin ang ipinukol nito sa kaniya bago sila binirahan ng talikod.
Pagkaalis ni Brent ay napahaplos si Ada sa kaniyang leeg. “A-ah, D-Don Alonzo, p-pasensiya na po sa nagawa ko sa apo ninyo. Pramis, hindi ko po talaga sinasadya. Nagkataon lang po talaga na . . .”
Hindi na niya tinapos ang sasabihin dahil itinaas na ng don ang palad nito para awatin siya.
“I think my grandson deserves it. Ako na rin ang humihingi ng pasensiya sa apo ko sa nasabi niyang hindi maganda sa ‘yo. Ganoon talaga iyon,” malumanay nitong turan, halatang hindi apektado sa pag-aalburoto ng binata. “Pamilyar ka, hija. Sa kapihan ka ba nagtatrabaho?”
Sasagot na sana siya nang saktong makita niya si Mrs. Kaya. Malalaki ang mga hakbang na lumapit ito sa kanila. Magalang nitong binati si Don Alonzo pero nang lumipat ang tingin nito sa kaniya ay umabot yata sa napakataas na kisame ang kilay nito.
“Ano’ng ginagawa mo rito? Papaano ka nakapasok sa parteng ito ng mansion?”
Napalabi ang dalaga. Lagot.
➶ ➷ ➸ ➹
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top