Kabanata 29
NASA kasarapan si Ada ng pagtitig sa kawalan nang biglang may malakas na humampas sa kaniyang braso. Sa lakas n’on, nahinto siya sa pagmumuni-muni at agad na bumulusok pabalik sa kasaluyan.
“Hoy!” pukaw ni Raye sa kaniya. Hindi pa ito nakuntento at muli siyang hinampas. “Anak ng sampung itik naman, Adalina! Saan ba naglalakbay ‘yang diwa mo’t hindi mo kami marinig, ha? Sa Planetang Krukru?”
Sapo-sapo ang nasaktang braso na inangilan niya ito. Pakiramdam niya, nayanig din pati ang utak niya dahil sa ginawa nito. “Ano ba? Balak mo bang balian ako ng buto, ha?!”
Pumamaywang ito. “Ay, ‘te! Kanina ka pa kaya namin tinatawag. Kandalabas-labas na mga litid namin sa leeg, wit pagpansin ka pa rin. Kulang na lang i-glue mo ‘yang mga mata mo sa bintana. Ano, nanuno ka ba? Sabi ko naman kasi sa ‘yo, eh, huwag mong gagalawin ‘yong punso r’on sa likod.”
Napasimangot siya. “Ano ba kasi ‘yon?!”
Napapantastikuhang humawak ito sa dibdib at kunwa’y nag-bow pa. “Pasensiya na, Señorita, ha? Ipagpaumanhin n’yo kung naistorbo namin ang inyong pagmumuni-muni. Kailangan na po kasi namin maghugas ng pinggan dahil tapos na ang lunch break. Gusto lang po namin malaman kung tapos na kayong kumain. ‘Kahiya naman po kasi sa inyo, eh,” sarkastiko pa nitong wika.
Iiling-iling na inikutan lang niya ng mga mata ang patutsada ng kaibigan. Kapagkuwa’y tinapunan niya ng tingin ang mangkok na mayroon pang lamang lugaw. Napangiwi siya. Halos hindi niya iyon nabawasan. Tila wala sa sariling tumayo siya para dalhin iyon sa ref, ngunit maagap siyang napigilan ng huli.
“Saan mo dadalhin ‘yan?” tanong ni Raye sabay nguso sa pagkain niya.
“Sa ref. Kakainin ko mamaya.”
“Ay, ako na, ako na!” Mula sa likuran ni Raye ay sumulpot si Hulia at kinuha mula sa kaniyang kamay ang porselanang mangkok. “Ako na maglalagay. Mahirap na, lulutang-lutang ka pa naman. Baka maulit ‘yong nangyari kahapon na kamuntikan kang makabasag.”
“Oo nga, Ada!” segunda naman ni Lowie na prenteng nakaupo sa silyang nasa gilid niya. Nakataas pa ang paa ng lukaret. “May problema ka ba? Ilang araw ka nang ganiyan, ah?”
Ang obvious ko na ba masyado? sa isip-isip niya. Muli siyang sumalampak ng upo at saka pumangalumbaba.
“Wala. Okay lang ako,” walang kalatoy-latoy niyang sagot kay Lowie.
Tinapik ni Geselle ang kamay niya. “H’wag kang pumangalumbaba sa lamesa. Masama ‘yan.”
Pumalatak naman si Hulia. “Wala raw pero mukhang pinagsakluban ng langit at lupa.”
Inirapan lang ni Ada si Hulia bilang tugon. Bumuntong-hininga siya at umayos ng upo. Pinagkrus na lang niya ang dalawang kamay sa tapat ng dibdib at muling tumitig sa kawalan.
“Umamin ka nga,” mayamaya’y untag ni Geselle sa kaniya, “nag-aadik ka ba, ‘te?”
Sinamaan niya ito ng tingin. Minuwestra naman nito ang kamay sa bibig at kunwa’y z-in-ip ang mga labi. “Sabi ko nga, hindi.”
Winasiwas ni Raye ang dalawang kamay sa ere. “Hay, naku! Pabayaan n’yo ‘yan. Nanuno lang ‘yan kaya ganiyan.”
Nang balingan ni Ada ang huli, pasimple siya nitong pinanlakihan ng mata. Alam na alam ni Raye ang dahilan kung bakit siya nagmamarkulyo. Papaano’y ilang gabi na niya itong pinupuyat kakakuwento niya sa mga hinanakit niya kay Kupido. Kung bakit ba naman kasi siya pa ang pinana ng walanghiya. Nananahimik siya sa tabi, eh.
Hinilamos niya ang dalawang palad sa mukha at saka muling bumuntong-hininga. “Laba na ‘ko ulit,” matipid niyang paalam sa mga kasamahan.
Sukat doon ay napatalon si Geselle sa kinatatayuan. “Ay, teka, teka!” Tinapik nito ang noo. “Muntik ko nang makalimutan!”
“Bakit?” kunot-noo niyang tanong. Nanatili siyang nakatayo sa kaniyang puwesto.
“Ikaw raw magpalit n’ong bed sheet at kung anek-anek na mga sapin sa kuwarto ni Señorito Brent,” ani Geselle sabay inom ng tubig.
Lalong nagsalubong ang dalawa niyang kilay. “Señorito Brent?”
“May iba pa ba?” gagad nito.
Ikinurap ni Ada ang mga mata. “Bakit ako?”
Ikinibit ng kausap ang mga balikat. “Ewan ko, basta ikaw raw, eh.”
“Sinabi ni Señorito sa ‘yo?” Ni hindi nga ako pinapansin ng damuhong ‘yon! Puro lang ito utos, utos, at utos. Alam niyang wala naman siyang karapatang magreklamo, pero kasi nakakapikon na talaga, eh.
“Oo nga naman!” sabad ni Raye. Basta na lamang nitong pinunas ang mga bula sa suot na apron at saka lumapit sa kanila ni Geselle. “At saka si Adalina talaga? ‘Di ba puwedeng ako na lang? Baka naman ‘Diyosang Raye’ talaga ‘yong binanggit na pangalan ni Señorito at hindi ‘Ada’?”
Palihim niya itong sinikmatan.
“Hindi ka kaya tamaan ng kidlat d’yan sa pinagsasabi mo na ‘yan?” pambubuska rito ni Geselle sabay muling baling sa kaniya. “Si Mrs. Kaya ang nagsabi sa ‘kin. Dalawang beses pa nga niyang pinaalala, eh.”
“Ows?” bulalas ni Ada. Hindi pa rin niya lubos mapaniwalaan ang sinasabi nito. “Eh, ba’t hindi si Mrs. Kaya ang nagsabi sa ‘kin? Ba’t pinadaan pa n’ya sa ‘yo?”
Pumalatak si Geselle. “Oo nga, ‘day! Si Señorito Brent nga raw ang mismong nagrekwes. Kukurutin na kita sa singit, eh. Hindi ko rin alam kung ba’t hinabilin niya pa sa ‘kin. Baka ayaw niya makita fez mo.” Humalakhak pa ito.
“Pero bakit ako?” mahina pa niyang usal sa hangin.
Pumamaywang si Geselle, halatang gigil na. “Hindi ko nga sabi alam! Alangan namang chika-hin ko pa si Mrs. Kaya? Hindi naman kami close ng dragon na ‘yon, ‘no! ‘Yoko nga mabugahan ng apoy. Sunog na nga balat ko, lalo pa akong masusunod? No way, high way!”
“Pero hindi ba’t bawal pumasok ang mga tsimay roon sa kuwarto ni Señorito?” pakikisali ni Lowie sa usapan. “Sina Mrs. Kaya at Manang Janet lang ang nakakapaglinis d’on, eh.”
“Korek ka d’yan, ‘day!” sang-ayon ni Geselle. “Kahit tagalinis ako ng mga silid sa taas, ni sahig ng kuwarto ni Señorito Brent, hindi ko pa nasisilayan.” Kapagkuwa’y binundol siya nito sa braso. “Suwerte mong bruha ka, ha.”
Napaisip siya. “Ah, baka naman kasi umalis sina Mrs. Kaya at Manang Janet kaya sa ‘kin pinapagawa ni Señorito?” Pinakatitigan niya si Geselle. “Tama ako, ‘no? Baka kasi wala siyang tiwala sa inyo kaya sa ‘kin niya binigay.” Dinugtungan pa niya ang sinabi ng isang disimuladong tawa.
“Hindi, ah. Nandito lang sina Manang Janet sa mansion.” Si Geselle. “Para pa ngang hindi bukal sa kalooban ni Mrs. Kaya na ipasa sa ‘yo ‘yong trabaho, eh. Clumsy ka raw kasi. Pero dahil si Señorito Brent na mismo ang nag-utos, wala siyang no choice.”
Napangiwi si Raye. “Hoy, anong ‘wala siyang no choice’ pinagsasabi mo r’yan? Wala na nga t’as may no pa?”
“Ba’t ano ba dapat?” Napakamot sa ulo si Geselle.
“Wala siyang choice,” mabagal na pagtatama ni Raye. “Gan’on lang, ‘no! Chosera ‘tong froglet na ‘to. May pa-no-no pang nalalaman.”
“Parehas lang ‘yon! Iisa lang ibig sabihin n’on! ‘Tsaka narinig kong sinabi ‘yon ni Señorita Lauren sa kausap niya sa selpon n’ong isang araw. Mahadera ka.” Muli siyang hinarap ni Geselle. “Ano, ‘day? Kunin na natin ‘yong mga sapin?”
Pero duda pa rin talaga si Ada. “Sigurado ka bang sa ‘kin ‘yon pinapagawa ni Señorito? As in, ako talaga?” paniniguro pa niya. “Baka naman iba ‘yong pagkakarinig mo sa sinabi ni Mrs. Kaya?”
Eksaherado itong bumuga ng hangin. “Ba’t ba ayaw mong maniwala? Oo nga, ikaw nga talaga! Sulitin mo na lang, puwede? Kunyari ka pang aayaw-ayaw, eh.”
“Ikaw, Ada, ha?” hindi na napigilang tudyo ni Hulia. Sumandal ito sa gilid ng lababo at saka ngingiti-ngiting pumamaywang. “Baka naman may namamagitan na sa inyo ni Señorito at ayaw mo lang sabihin sa ‘min?”
Pumainlang ang tuksuhan sa kusina.
Tumikhim si Ada at dumiretso ng tayo. “Hay, naku! Tigilan n’yo ako, ha! Halos hindi na nga sila mapaghiwalay ni Lin, ta’s sasabihin n’yo pang may ganap sa ‘min ni Señorito?” kandahaba-haba ang ngusong saway niya.
Nagpalitan ng makahulugang tingin ang mga ito. Kapagkuwa’y sabay ring napahagikgik.
Napapitik sa ere si Geselle. “Ay, sows! Ang ale, nagseselos!”
“Kaya naman pala ilang araw nang masama ang timpla,” dagdag ni Hulia. Nag-apir pa sa hangin ang dalawa.
Pikon na pumamaywang si Ada at pinaningkitan ng mata ang mga kasamahan. “Anong selos? Parang baliw ‘tong mga ‘to! Ba’t naman ako magseselos?”
Sa sinabi niyang iyon ay lalo lang lumakas ang asaran. Maski si Raye ay nakisali na rin. Napabuga siya ng hangin. Bakit ba puro may saltik ang mga kasamahan niya? Sinabing hindi siya nagseselos. Naiinis, oo. Magkaiba kaya ‘yon.
Ows, hindi ka nagseselos? Mamatay ka man? anang isang bahagi ng kaniyang isip.
Napalabi siya sa sarili. Oo na, nagseselos na. Pero nunkang aaminin niya ‘yon sa malisyosang mga kasamahan, ‘no! Lalo siyang hindi titigilan ng mga ito.
Maya-maya’y umabrisete sa kaniya si Raye. “Alam mo, Adalina, lamang lang naman kami ni Caitlin ng isang daang paligo sa ‘yo, eh. Keri mo ‘yon.”
“At saka, h’wag kang mag-alala, ‘day. Kahit ano’ng mangyari, sa ‘yo pa rin ang boto namin,” kinikilig na anunsiyo ni Lowie.
Kunwa’y tinaasan ito ni Raye ng kilay. “Hoy, nasaan ang boto mo sa ‘kin? Kasali pa ako sa laban, ‘no!”
“Wala na, may nanalo na,” humahagikgik na sagot ni Lowie. “Maghanap ka na lang ng ibang fafa. Ang dami-dami sa kapihan, eh.”
Pinatirik ni Ada ang mga mata. Mukhang walang balak ang mga ito na tigilan siya. Binalingan niya si Geselle na abala na sa pagpapangalan ng magiging anak nila ni Brent. Asa pa ‘kong mangyari ‘yon, sa isip-isip niya.
“Malala ka na rin, Geselle,” sita niya rito. “Nunka namang papatulan ako n’ong tao, ‘di ba? Akin na nga ‘yong mga sapin nang matapos na.”
“Naks, kunyari hindi apektado,” panunukso ni Lowie kay Ada at sinundot-sundot pa siya sa tagiliran.
Kunwa’y walang kangiti-ngiti na binalingan niya ito. “Hindi naman talaga ako apektado. Parang magpapalit lang ng sapin, eh.” Pero ang totoo, unti-unti nang sinasakop ng kaba ang dibdib niya.
Ba’t naman kasi ako pa? Balak ba talaga niya akong pahirapan?
➶ ➷ ➸ ➹
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top