Kabanata 26

NAPATIGIL si Ada sa paglalakad nang mahagip ng kaniyang tingin si Brent sa ‘di kalayuan at nakikipag-usap sa isa sa mga manggagawa. Kunot ang noo na kinusot-kusot niya ang mga mata para siguruhing hindi lang niya iyon guni-guni. Mamaya kasi, dahil sa sobrang gutom niya, kung ano-ano na pala ang nakikita niya.

     “Ano’ng ginagawa ni Señorito rito?” naibulalas niya nang makumpirmang ang binata nga iyon. Wala naman kasing sinabi sa kaniya si Don Alonzo na pupunta si Brent sa kapihan ngayong araw. Hindi na rin naman na natuloy ‘yong dapat na pag-ikot niya rito noong nakaraan.

     Napalabi si Ada. Nasa kalagitnaan siya ng pag-iisip kung lalapitan ba niya si Brent o hindi nang marinig ang boses ni Manang Nelia. Hindi naman malakas ang pagtawag ng ginang sa kaniya kaya hindi iyon nakaabot kina Brent.

     “D’yan ka lang pala nagsusuot,” anito na tila ba hapong-hapo. Pumameywang ito kapagkuwan. “Malapit ko nang ikutin ang buong kapihan kakahanap sa ‘yo. Halika, halika.”

     Nagtataka man ay lumapit siya sa ginang. Tulad niya’y nakasuot lang din ito ng lumang pantalong maong at t-shirt na hanggang palapulsuhan ang manggas. Mas madumi nga lang ang damit niya dahil kulang na lang ay magpagulong-gulong siya sa lupa kanina. Ilang oras na siyang nasa ilalim ng sikat ng araw kaya pati siya ay amoy araw na rin. 

     “Madali ka,” anang pa ni Manang Nelia at ikinumpas-kumpas pa ang mga kamay kahit pa kaunting-kaunti na lamang ang distansiya niya rito. 

     “Bakit po?” nakangiting tanong ni Ada nang tuluyan na siyang makalapit dito. Gamit ang likod ng kaniyang palad ay nagpahid siya ng pawis.

     “Kanina ka pa hinahanap ng apo ni Don Alonzo.” Bumaling si Manang Nelia sa direksiyon ni Brent. “Hayun at dinadaldal na nga ni Roel dahil baka naiinip na kakahintay sa ‘yo,” dagdag pa ginang na ang tinutukoy ay ang asawa nitong kausap ng binata.

     Napakurap si Ada at wala sa loob na napaturo sa sarili. “A-ako ho?” Nagpalipat-lipat ang tingin niya kina Brent at Manang Nelia. “Hinahanap ako ni Señorito Brent? Sigurado po ba kayo?”

     Bahagya itong natawa. “Aba’y ikaw lang naman ang Ada rito, hija,” wika nito sabay kuha ng bitbit niyang basket na puno ng mga buto ng kape. “Pumunta ka na roon. Ako na ang bahala rito.”

     “B-bakit daw po?” Bantulot pa siyang pakawalan ang basket, pero puwersahan na iyong hinablot sa kaniya ng ginang.

     Nagkibit-balikat ito. “Hindi niya sinabi, eh. Basta’y puntahan mo na lamang si Señorito. Baka may importanteng ipapagawa sa ‘yo sa mansion o ‘di kaya si Don Alonzo.”

     Sukat doon ay napatango siya. Baka nga.

     Saglit na pinunas ni Ada ang dalawang palad sa likod ng suot niyang pantalon at saka pinagpag ang damit. Kinuha niya rin ang bimpong nakapalibot sa kaniyang leeg, pinunas sa mukha, ‘tapos ay muling isinabit sa kaniyang balikat.

     Habang naglalakad papunta sa puwesto ni Brent, rinig na rinig niya ang matunog na halakhak nito. Halatang nag-e-enjoy itong kausap ang matanda.

     “Napakasuwerte naman pala ng mapapangasawa mo kung ganoon!” rinig niyang sabi pa ni Manong Roel sa binata sabay tawa nang malakas.

     Nasalubong ang dalawang kilay ni Ada. Na-curious siya sa pinag-uusapan ng mga ito. Si Caitlin kaya ang tinutukoy roon?

     Inignora niya ang naramdamang pagkirot ng dibdib sa isiping ‘yon. Nakatalikod sina Manong Roel at Brent sa kaniya kaya hindi agad napansin ng mga ito ang pagdating niya. Ilang ulit siyang tumikhim para kunin ang atensiyon ng dalawa.

     Si Manong Roel ang unang lumingon sa kaniya’t humarap. “Oh, Ada! Nariyan ka na pala!” Wala itong sinayang na sandali, umayos ito ng tayo at agad na binalingan si Brent. “Oh, pa’no? Nandito na ang sadya mo. Sakto’t kailangan ko nang bumalik sa trabaho.”

     Tumango ang binata. “Salamat, Manong Roel. Hayaan ninyo’t dadalasan ko na ang pagpunta rito sa kapihan.”

     Tumawa ang matandang sakada. “Aba, dapat lang! Negosyo ito ng pamilya mo, ano! Masaya ako’t nagugustuhan mo na rin dito sa San Guevarra.” Tinapik nito sa balikat si Brent at saka muling hinarap si Ada. “S’ya! Maiwan ko na kayo ni Señorito. Ikaw na ang bahala sa kaniya.” Iyon lang at tuluyan na sila nitong iniwan doon.

     Napalunok si Ada. Kahit may sapat na distansiyang nakapagitan sa kanila ng binata. Amoy na amoy pa rin niya ang ginamit nitong pabango. Parang gusto niyang ibaon ang ulo sa dibdib nito at singhutin na lang ito maghapon.

     Maghunos-dili ka! Kalamayin mo ang loob mo, saway niya sa sarili.

     “So . . .” panimula ni Brent sabay salikop ng dalawang palad sa tapat ng dibdib nito. “Naistorbo ba kita?”

     Ramdam ni Ada ang pagsirko ng puso niya nang ngitian siya nito nang matamis.

     “H-hindi n-naman ho,” kandautal-utal niyang sagot. Muli niyang lihim na pinagalitan ang sarili. Inalis niya sa ulo ang suot na sumbrero at ipinatong sa lamesa. “N-napadaan po pala kayo? Meron ho habang ipinag-uutos sa ‘kin si Don Alonzo sa mansion?”

     Pumamulsa ito. “Wala naman. Gusto lang kitang silipin dito.”

     Ibig sabihin ay gusto niya akong makita? sa loob-loob ni Ada. Pinigilan niya’ng kiligin sa sinabing ‘yon ni Brent. Todo kagat siya sa kaniyang ibabang labi para hindi umalpas ‘yong napakalapad niyang ngiti.

     Hindi, huwag kang aasa. Binibiro ka lang ni Brent, huwag kang feelingera, anang pa ng munting tinig sa kaniyang isip.

     Dumiretso siya ng tayo at inalis ang bara sa kaniyang lalamunan. “Ah,” kunwa’y hindi apektado niyang tugon sabay tango. “Gusto n’yo ho bang mag-ikot-ikot?” agad niyang paglilihis sa usapan.

     “Maybe later,” anito at walang kaabog-abog na umakbay sa kaniya.

     Napamulagat si Ada. Bigla siyang naestatwa sa kinatatayuan dahil sa ginawang ‘yon ni Brent. Hindi agad siya nakahuma. Daig pa niya ang na-lockjaw dahil hindi rin siya makapagsalita. Hindi lang puso niya ‘yong nagkagulo, eh, kundi ang buong sistema niya.

     Matagal bago muling nahanap ni Ada ang boses. “S-Señorito…”

     “Hmm?”

     “‘Yong ano . . . ‘y-yong kamay n’yo ho.” Sunod-sunod siyang napalunok. Sinubukan niyang alisin ang braso ng binata, ngunit lalo lamang siya nitong hinapit. Mariin siyang napapikit.

     Lord, tulungan n’yo ako. Ayoko pang ma-tegi nang ganito kabata nang dahil lang sa sobrang kilig, lihim niyang dasal. Lahat na yata ng santo ay tinawag niya para lang kumalma siya.

     “Have you eaten?” kaswal na tanong ni Brent sa dalaga na para bang hindi siya nito narinig.

     “Ho?”

     “Kumain ka na ‘kako?”

     “Hindi pa,” pumipiyok niyang sagot. Hindi niya kasi alam kung papaano siya gagalaw. Nanatili lang siyang tuod habang nakapaloob sa isang bisig ng binata.

     “Good,” akbay-akbay pa rin na hinila siya ni Brent sa dulong bahagi ng lamesa, “hindi pa rin ako kumakain ng lunch. Sabayan mo na ako.”

     Bago pa man makapag-react si Ada ay mabilis siyang ipinaghila ni Brent ng isang monoblock chair at saka puwersahang inupo roon. Pumuwesto naman ito sa silyang katapat niya. Lalo siyang nataranta. Hindi kasi ganoon kalapad ang lamesang nakapagitan sa kanila kaya maski ang tuhod niya’y nakapaloob sa mga binti nito.

     “Nagpahanda ako ng pagkain kay Aling Sita,” kaswal na patuloy ng binata sabay bukas ng bag na nakapatong sa silyang katabi nito. Maya-maya pa’y sunod-sunod na itong naglabas ng mga makukulay na plasticware na may lamang kanin, ulam, at iba pa.

     Kumibot-kibot ang mga labi ni Ada sa kawalan ng masabi. Saka lang siya tila natauhan nang maglapag si Brent ng kubyertos sa kaniyang harapan. Nakaramdam siya ng hiya. Siya dapat ang nag-aasiste rito.

     Napatayo siya. “N-naku! H-hindi naman ho ako nagugutom,” tanggi niya. “Ikaw na lang, Señorito. Sasamahan na lang ho kita. Teka, akin na po ‘yang lalagyan, ako na po ang maghahain—”

     “No, you sit down,” sansala nito sa dalaga sabay hawak sa kaniyang palapulsuhan para awatin siya. “Sasabayan mo ako, and I won’t take no for an answer.”

     Ngunit nanatili siyang nakatayo. “Señorito, nakakahiya naman po kasi kung sasabayan kita.” Kimi siyang luminga-linga sa paligid. Unti-unti nang nagsisilabasan ang ilang mga mag-aani dahil tapos nang magtanghalian ang mga ito. “B-baka ano’ng isipin ng mga tao. Magkaroon pa po kayo ng isyu.”

     Totoo naman ‘yong sinabi niya. May pakpak ang balita at may tainga ang lupa. Isa sa tinitingalang pamilya sa San Guevarra ang mga Esplana, hindi puwedeng hindi sila pag-uusapan ng mga tsismosa sa paligid. Baka mamaya ay magkaroon pa ito ng problema kay . . .

     Ipiniling ni Ada ang ulo para isantabi ang isiping ‘yon. Sinubukan niyang hilahin ang kamay, pero ayaw talaga siyang bitiwan ni Brent. Hindi naman madiin at mahigpit ang pagkakahawak nito sa kaniya. Sa katunayan ay magaan ang kamay nito at kung siya ang masusunod ay hindi niya iyon gugustuhing alisin, pero kasi ay hindi puwede.

     “Wala akong pakialam sa iniisip ng iba,” wika ni Brent sabay salubong sa natutuliro niyang mga mata. “Hayaan mo silang mag-isip ng kung ano-ano.”

     Papaano naman ‘yong iisipin ko? Paano kung umasa ako sa paganito-ganito mo? naisaloob niya.

     Maya-maya’y may pilyong ngiti na gumuhit sa mga labi nito. “At saka, ayaw mo ba n’on? May guwapong nali-link sa ‘yo?”

     Napansin siguro ni Brent ang eksaheradong pagpula ng mga pisngi ni Ada dahil lalong lumapad ang pagkakangiti nito.

     “Uupo na ‘yan,” tudyo pa ng binata sabay pisil sa palapulsuhan niyang hawak-hawak pa rin nito. “Wala naman tayong ginagawang masama, eh. Sasabayan mo lang ako kumain. Dali na, I’m famished. Dalawang oras kitang hinintay, oh. Hindi ka man lang ba naaawa sa ‘kin?” anito at kunwa’y sumimangot pa.

     Mahina siyang napapalatak. Nagpapa-cute ba si Brent sa kaniya? Imposible! Nakagat niya ang ibabang labi.

     “Eh, Señorito, hindi pa naman din ho kasi talaga ako nagugu—” Naputol ang sinasabi niya nang biglang tumunog ang kaniyang sikmura. Pahiyang napasapo siya sa kaniyang tiyan.

     Siyempre pa ay hindi iyon nakaligtas sa pandinig ni Brent. Kumislap ang pagkaaliw sa mga mata nito. “May sinasabi ka?” ngisi-ngising untag nito. “Tiyan mo na mismo ang naglalaglag sa ‘yo. Come on, Ada, join me.”

     Simple lang naman ang pagkakabigkas ni Brent sa pangalan niya, pero nagmistula ‘yong musika sa kaniyang pandinig. Ang sarap paulit-ulitin. Parang may mumunting puso na lumilipad sa paligid nila.

     Diyos ko, mahal ko na nga talaga ‘tong bruhong ‘to, naisaloob niya.

     Malala ka na, Adalina, anang pa ng isang bahagi ng kaniyang isip.

     Bago pa man siya tuluyang matangay ng nakakalasing na ngiti ni Brent ay inalog-alog niya ang ulo. Gamit ang libreng kamay ay pasimple niyang kinurot-kurot ang sarili sa tagiliran. Inalis niya ang tingin sa binata at saka nagpatianod na sa gusto nito. Nang bitiwan siya ni Brent, doon niya lang napagtanto na pigil-pigil din pala niya ang kaniyang paghinga.

     Wala sa loob na bumaba ang tingin ni Ada sa bahaging inalisan ng kamay ni Brent. Bakit ganoon? Bakit pakiramdam niya’y nakahawak pa rin ito sa kaniya?

     “Sa iyo ‘to,” rinig niyang saad ng binata kapagkuwan.

     Bumaling siya rito at saka sa kanin na nilapag nito sa tapat niya. Pagkatapos niyon ay tila batang excited na inalis nito ang mga takip ng ulam. Lalong nagwala sa gutom ang sikmura niya nang malanghap ang masarap na amoy ng mga pagkaing dinala nito.

     Naguguluhan talaga siya sa mga ipinapakita ni Brent sa kaniya. Bakit ganito umakto ang binata kapag magkasama sila? ‘Di yata’t nagbago ang ihip ng hangin. Dapat ba niyang bigyan ng kahulugan ang kinikilos nito o hindi?

     “Staring is rude,” kapagkuwa’y untag ni Brent sa kaniya. “May dumi ba ako sa mukha at ganiyan ka makatingin?”

     Hindi alam ni Ada na nakatunghay na pala siya rito. Pahiyang inalis niya ang tingin sa binata. “P-pasensiya na.”

     Ngumiti ito at saka may itinuro. “Hindi ko alam kung ano ‘to, pero ang sabi ni Aling Sita, masarap daw.” Kumuha ito ng kutsara at saka tumikhim. Nalukot ang mukha nito kapagkuwan. “What is this? Lasang peanut butter na mapakla.”

     Tiningnan ni Ada ang pagkaing tinutukoy ni Brent. “Ah, kare-kare ang tawag d’yan, Señorito.”

     Nilingon siya nito. “Kare-kare?”

     Ngingiti-ngiting tumango siya. “Oho, mas masarap ‘yan kapag sinawsaw mo sa bagoong.”

     “Ano ‘yong bagoong?” kunot-noo nitong tanong.

     Napatanga siya sa binata. Hindi nito alam kung ano ang bagoong?! Hindi pa ba ito nakakakain n’on? Iginala niya ang mga mata sa laman ng mga plasticware. Napapitik siya nang makakita ang hinahanap. Kinuha niya iyon at ibinigay sa binata.

     “Heto, Señorito, ang bagoong. Subukan mo ulit. Mas maraming bagoong, mas masarap,” pangungumbinsi pa ng dalaga.

     Nagdududang humalukipkip ito. “Ikaw muna. Kapag nagustuhan mo, saka ako kakain.”

     Hindi napigilan ni Ada ang pagbungisngis. “Señorito, lahat naman po ng pagkain ay gusto ko. Kahit pa nga siguro hilaw na talbos lang ang ihain n’yo riyan, magugustuhan ko pa rin.” Lalo pa kung ikaw ang kasabay ko.

     “Ha? Ano sabi mo?”

     “‘Kako ho’y lahat naman ng pagkain—”

     “Not that,” putol nito sa kaniya. “‘Yong huli mong sinabi. Lalo pa kung ako ang ano?”

     Natutop ni Ada ang bibig. Naisatinig niya ‘yon?! Akala niya’y sinabi niya lang ‘yon sa kaniyang isip.

     “A-ano, ah,” muling lumikot ang kaniyang mga mata, “ang ibig ko hong sabihin, eh, lalo na kung…” mag-isip ka, Adalina! Bilisan mo! “K-kung may kasabay na sawsawan ‘yong talbos.”

     “Sawsawan?” gagad nito. “That’s not what I heard.”

     Pabiro niyang kinumpas ang kamay sa ere at saka disimuladong tumawa. “Kayo talaga, Señorito. Iyon ho talaga ang sinabi ko. Nagkamali lang kayo ng dinig.” Upang maalis na roon ang usapan, nagsandok siya ng kare-kare at saka nagbuhos ng bagoong sa ibabaw n’on. Kahit pa nag-uumapaw ang laman ng kutsara ay sinubo niya iyon.

     “Hmm, ang sarap, Señorito, kain na ho,” kandamuwal-muwal niyang sabi kapagkuwan. Itinaas pa niya ang dalawang kamay at saka nag-thumbs up.

     Hindi makapaniwalang ngumisi si Brent at umiling-iling. Naglapag ito ng isang bote ng mineral water sa tabi niya. “Mabulunan ka . . . baka mas lalong hindi mo ako makasabay niyan.”

     At nabulunan nga siya.

➶ ➷ ➸ ➹

“KUMUSTA na nga ho pala kayo ni Lin?” hindi napigilang usisa ni Ada kay Brent sa kalagitnaan ng paglantak nila sa bitbit din nitong panghimagas.

     Inangat nito ang platito at saka tumanaw sa malayo. “Okay naman,” matipid nitong sagot sabay subo ng leche flan.

     Alam ni Ada na posibleng masaktan siya sa ginagawang pagtatanong kay Brent tungkol sa panliligaw nito kay Caitlin, pero sadyang natalo siya ng kuryosidad. Ayaw niya, ngunit mas malakas ang puwersa na nagtutulak sa kaniya para usisain ang binata.

     “P-pumayag na siguro siyang makipag-date sa ‘yo, ‘no?” tanong pa niya. Palihim niyang nakagat ang ibabang labi nang maramdaman ang paghaplos ng kung anong malamig sa kaniyang puso.

     Kahit hindi siya direktang nakatingin sa binata, kitang-kita niya ang panggalaw ng panga nito.

     “Hindi pa nga, eh,” tugon ni Brent kapagkuwan.

     Hindi pa? “Pero mukha naman hong unti-unti na kayong nakakapagpalagayan ng loob,” komento pa ni Ada.

     Sukat doon ay binalingan siya nito. “Yeah, sabi niya, magkaibigan na kami.” Uminom ito ng tubig at saka muling tumingin sa malalagong bunga ng kapihan na nasa harapan nila. “Pero hindi ibig sabihin n’on, eh, pumapayag na raw siyang makipag-date sa ‘kin. Matuto raw ako dumaan sa tamang proseso.”

     “G-gano’n?” May munting ligaya na gumapang sa dibdib niya nang marinig ang sinabing ‘yon ni Brent. Alam niyang hindi niya dapat ikatuwa ‘yon dahil “sinusuportahan” niya ang panliligaw nito sa dalaga, pero nang mga sandaling ‘yon ay hindi niya mapigilang magdiwang.

     Biglang naalala ni Ada ang naging pag-uusap nila ni Caitlin noong isang linggo. Pinapahirapan na lang ba ito ng kaibigan?

     Kahit nagsusumikip ang dibdib, marahan niya itong tinapik-tapik sa balikat. “Huwag kang mag-alala, Señorito,” pagpapalakas niya sa loob ng binata, “tingin ko naman, eh, hindi na ganoon katagal ‘yong hihintayin mo.”

     Dahan-dahan siyang hinarap ni Brent at pinakatitigan. Para siyang nahihipnotismo sa klase ng tingin na pinupukol nito sa kaniya. Hindi niya mawalay ang mga mata rito. Mabilis na dumaan ang mga segundo. Maya-maya’y umangat ang isang kamay nito at dumaiti sa gilid ng kaniyang labi. Lalo siyang hindi nakakilos.

     Ang lakas-lakas ng kabog ng dibdib niya. Daig pa niya’ng bida sa isang teleserye. Hahalikan ba siya ni Brent?

     “Ang kalat mo pala kumain,” kapagkuwa’y untag nito kay Ada sa mababang boses sabay bawi ng kamay.

     Pakiramdam niya’y bigla siyang bumulusok pababa. Okay, feelingera siya sa parteng ‘yon. Gusto niyang mapalamon sa lupa dala ng sobrang kahihiyan.

     Hinablot ni Ada ang bimpo at saka marahas na ipinunas sa bibig. Kahit hindi siya tumingin sa salamin, alam niyang kasing pula na siya ngayon ng kamatis.

     Nang muli siyang bumaling kay Brent, mabilis nitong inalis ang tingin sa kaniya at kunwa’y nagpatuloy sa pagkain. Ngunit kahit ngumunguya ang binata, hindi pa rin nakaligtas sa kaniyang paningin ang pagpipigil nitong ngumiti gayundin ang pagkaaliw sa mga mata nito.

➶ ➷ ➸ ➹

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top