Kabanata 2
NANLULUMONG sumalampak si Ada sa kanilang sofa na yari sa kawayan. Halos baliktarin na niya ang buo nilang bahay kakahanap ng pera. Lahat ng naalala niyang pinagtaguan niya ng mga ipon ay hinalughog niya na rin. Ngunit maliban sa tatlong daang piso na natagpuan niyang nakasuksok sa pinakaloob-loob ng luma nilang orocan ay wala na siyang nakita pa.
“O, Ate, para ka namang pinagsalukban ng langit at lupa sa hitsura mo. May problema ka ba?” tanong ni Badet, ang pangalawa sa kanilang magkakapatid.
Kailan ba siya nawalan ng problema?
Isinandal niya ang likod sa malamig na dingding at ipiniling ang ulo sa direksiyon ni Badet. Hindi niya alam kung papaano niya sasabihin dito na wala siyang pambayad sa tuition nito sa susunod na semestre. Nasa ikatlong taon na ito ng kolehiyo at isang taon na lamang ay matutulungan na siya nito sa mga pangangailangan. Noong una’y gusto nitong bokasyunal na lamang ang kunin para hindi na siya mahirapan pa, pero talagang desidido siyang igapang ang apat na taon nito sa kolehiyo.
Isa iyon sa mga bagay na ipinagkait sa kaniya ng tadhana kaya gusto niyang maranasan ng dalawang kapatid. Malaking sakripisyo nga lang din iyon sa parte ni Ton-ton dahil dapat ay nasa unang taon na rin ito ng kolehiyo. Hindi naman ito nagreklamo nang pakiusapan niya ito na tumigil muna upang paunahin si Badet na makatapos dahil talagang hindi niya kayang pagsabayin ang dalawa. Hindi naman niya binabayaran nang buo ang tuition fee ni Badet dahil kabilang ito sa mga skolar ng kanilang mayor, pero hindi pa rin sapat ang tatlong daan para sa gastusin nito.
‘Tapos ay mag-a-apply pa siya ng trabaho. Paano niya pagkakasyahin ang perang hawak niya para sa kanilang apat?
Lord, ano po ba ang gagawin ko? Malapit na ‘ata ako mabaliw, lihim niyang dasal.
“Nagugutom lang ‘yan,” rinig niyang sabi ni Ton-ton. Pinatay nito ang kalan at excited na inilipat sa platito ang ininit na giniling na bigay nina Nova kagabi. Umupo ito sa bangkitong katapat niya at nagsandok ng kaning lamig. “Tara, kain.”
Imbes na sagutin ang tanong ni Badet ay ipinikit niya ang mga mata. “Si Nanay nga pala?” Habang nagkakalkal kasi siya kanina ay bigla na lamang itong naglaho.
“Malamang ay naghahanap ‘yon ng puwedeng gawing raket habang bakante ka pa,” kandamuwal-muwal na sabi ni Ton-ton.
Napahilamos si Ada sa kaniyang mukha. Kung siya lang ang masusunod, hindi niya gustong nakikita na nagtatrabaho ang kanilang ina. Kinausap niya na ito no’ng isang araw hingil doon ngunit kung hindi raw ito kikilos, mamatay sila sa gutom.
Dumilat siya at saka nagsandok ng giniling gamit ang kutsara ni Ton-ton. “Puwede pa ba tayo kumuha ng panibagong promissory note para sa tuition mo, Badet?”
Kahit hindi siya direktang nakatingin sa dalaga ay kita niya ang paglungkot ng anyo nito. “E, ang kaso, Ate, hindi mo pa nababayaran nang buo ‘yong huling dalawang installment. Hindi na nga nila ako pinayagang makapag-exam on time no’ng huling beses.”
“Hindi ba’t pinakiusapan n’yo na ni Ate ‘yong school tungkol d’yan?” singit ni Ton-ton. “Ano ba’ng sabi?”
“Hindi sila pumayag. Hangga’t hindi ako nakakapagbayad ng balance, hindi nila ako puwedeng bigyan ng panibagong promissory,” ani Badet.
Tumayo si Ada at nagpaikot-ikot sa maliit na espasyo na nakapagitan sa kanilang sala at kusina. Ipinatong niya ang dalawang kamay sa kaniyang bumbunan at saka nag-isip ng iba pang paraan para hindi maantala ang pag-aaral ng kapatid.
Tila naman dininig ng langit ang kaniyang hinaing dahil humahangos na dumire-diretso sa loob ng kanilang bahay si Geselle—ang anak ng kanilang kapitbahay, at base sa hitsura nito, mukhang may dala itong magandang balita.
“Ada, Ada! Humayo ka riyan dali!” habol ang hiningang ika nito sabay hila sa kaniya.
“Ha?” Nagtatakang inalis ni Ada ang kamay ni Geselle sa kaniyang braso. “Teka, teka. Ano ba’ng meron?” Mukhang hindi pa ito tapos magtrabaho dahil suot-suot pa rin nito ang asul nitong uniporme.
“Naghahanap ka ng trabaho, ‘di ba?”
Sunod-sunod siyang tumango.
Ngumiti ito nang napakalapad at muling ikinawit ang kamay. “Kung gano’n, bilisan na natin. May mga bakanteng trabaho na puwede sa ‘yo sa mansion!”
“Mansion?!” sabay-sabay na bulalas nilang magkakapatid.
“Oo!”
Kung makatitig sina Badet at Ton-ton kay Geselle animo isa itong regalo na nababalot sa gintong salapi. Sa pagkakatanda ni Ada, sa mansion ng mga Esplana nagtatrabaho ang babae. Hindi niya alam kung gaano katagal na ito naninilbihan roon ngunit ang alam niya’y taon na rin ang bibilangin.
Nabuhayan siya ng pag-asa. “Bakit naman ngayon mo lang sinabi sa akin?!”
“E, kanina ko lang din kasi nalaman. Ikaw agad ang naisip ko. Isa pa’y nakiusap din kasi sa ‘kin si Aling Cecile na kung puwede ay tulungan kita makapasok sa mansion. O, heto na!”
Pakiramdam ni Ada ay pumalakpak ang dalawa niyang tainga sa saya. Hulog ka ng langit, Geselle! “Ano-ano ang mga bakante?”
Kumunot ang noo nito at saglit na nag-isip. “Ay, marami-rami ring bakante sa plantasyon nila ng kape. Sa mansion naman, kailangan ng labandera, kusinera—”
“Ay, ay! Puwede na iyon!” putol ni Ada at saka pumalakpak pa. “Teka, teka, hintayin mo ako rito. Magpapalit lang ako at mag-aayos nang kaunti.”
Hindi siya nito binitiwan. “Ha? Magbibihis ka pa?”
“Malamang, ano! Kita mo na ngang nakapambahay lang ako—”
“Okay na ‘yan, Ada!” giit pa ni Geselle. “Uso naman ngayon ang pantalon na akala mo ibinabad sa zonrox sa sobrang kupas. Hindi mo naman papalitan ‘yong mayordoma namin para pumustura ka pa, eh. Understand na ‘yon.”
“Baka kamo ‘understood’, Ate Geselle,” ngingiti-ngiting pagtatama ni Badet dito.
Ikinumpas ng babae ang kamay sa ere. “Ay, oo nga, ‘no. Ang tali-talino mo talaga, Bernadette.” Muli itong tumingin sa kaniya. “O, ano? Tara na!”
Nang buong-puwersa siya nitong karayin palabas sa kalsada ay nagpatianod na siya. Tutal ay excited din naman siya na magkaroon ulit ng trabaho. Sisiguraduhin niya na makukuha niya iyon, at kung maari, hihirit siya ng dalawang trabaho. Isa sa plantasyon at isa sa mansion para mas malaki-laki ang sahod niya. Nasa kasarapan si Ada sa pagtakbo habang ini-imagine ang mga puwede niyang alisin sa listahan ng kaniyang mga gastusin sa oras na mahawakan niya ang pinagpagurang suweldo nang bigla siyang mapatigil.
“G-Geselle, saglit lang!” tawag dito ni Ada. “May natapakan yata ako na nagbabagang uling—ahh!”
Ganoon na lamang ang pagkahindik niya nang makitang nakayapak pala siya! Kaya naman pala pakiramdam niya’y sinisilaban ang kaniyang mga paa. Akala niya’y may butas na naman ang tsinelas niya kaya nanunuot ang init sa goma. Halos magkandirit si Ada nang lalong tumindi ang sikat ng araw sa dinaraanan nila.
“Anak ng tinola naman, Geselle, o! Bakit hindi mo naman sinabi sa akin na wala pala akong sapin sa paa?!” Sinamaan niya ng tingin ang kapitbahay na tila nagpipigil ng tawa habang nagmamadali na dumalo sa kaniya.
“Gaga! Malay ko bang nakayapak ka lang pala! At saka, malayo-layo na ang natakbo natin. Ngayon mo lang naramdaman ‘yong init ng lupa?!” kumurap-kurap na ika ni Geselle.
E, sa na-excite ako, e!
Akmang tatakbok na ulit si Ada pabalik sa kanilang bahay nang matanaw niya si Ton-ton na tumatakbo sa ‘di kalayuan at may winawagayway na pares ng tsinelas.
“Ate! Nakalimutan mong magtsinelas!” rinig niyang sigaw nito.
Sa lakas ng boses ng kapatid, lahat ng dumaraan, pati mga nakatambay sa labas ng kani-kanilang mga bahay ay dumako ang tingin sa kaniyang mga paa. Hindi niya malaman kung papaano niya itatago ang sarili sa hiya.
Ang tanga mo, Adalina!
➶ ➷ ➸ ➹
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top