Kabanata 16
SOBRANG baba ng pakiramdam ni Ada nitong mga nagdaang araw kaya nang muli siyang pilitin nina Lauren at Caitlin na sumama na sa mall, hindi na siya tumanggi o nagdahilan pa na maraming labada. Gusto niyang aliwin ang sarili at ituon ang isip sa ibang bagay kahit kalahating araw lang.
Manghang pinasadahan niya ng tingin ang mga damit na naka-display sa labas ng mga sosyal na tindahang dinaraanan nila. Hindi na niya maalala kung kailan ba siya huling pumasok sa mall o kung talaga bang nakapasok siya roon. Bukod kasi sa nasa pinakadulong bahagi iyon ng bayan, duda siya kung kaya ba ng kaniyang bulsa ang mga presyo ng bilihin doon.
“Alam mo, p’wera biro, Ate Ada, ha, pero noon pa man ay gandang-ganda na ko sa iyo,” rinig niyang wika ni Caitlin.
Inalis niya ang tingin sa mga nakabihis na porselanang manekin at inilipat sa dalaga. “Parang baliktad yata. Ako ang gandang-ganda sa inyo ni Lauren. Para kaya kayong manyika!”
Pabiro siyang kinurot ni Caitlin sa braso. “Alam mo, ikaw, masyado kang harsh sa sarili mo. Eh, sa totoo naman na maganda ka. Kapag siguro nag-ayos-ayos ka, ay, naku! Baka mahigitan mo kami.”
“Mahigitan? Kayo? Imposible, ‘no. Ni wala pa nga ako sa kalingkingan ng kalyo ninyong dalawa.” Nagpalipat-lipat ang tingin ni Ada sa dalawa na parehas nakaabrisete sa magkabila niyang braso. “Tingnan n’yo nga, oh. Mukha tayong burger. Kayo ang tinapay, ako ang sunog na patty.”
“Sunog ka riyan!” gagad ni Lauren. “Inggit na inggit kaya kami ni Caitlin d’yan sa morena mong balat kasi ganiyan ang uso sa ibang bansa. ‘Yong tipong sun-kissed. Eh, ako? Kahit anong tapat ko sa araw at pagbibilad sa beach, hindi talaga ako nagta-tan. Namumula lang ako at nagsa-sunburn.”
Sinegundahan iyon ni Caitlin. “Oo nga! At saka, Ate Ada, alam mo, ‘yang ganiyang face dapat pinagmamalaki. Pino-flaunt ‘yan at binu-boost! H’wag mong itago riyan sa makapal mong buhok na halos lamunin na ang buo mong mukha.”
“Plont? Boost? Ano bang pinagsasabi n’yo?”
Saglit na nag-isip si Caitlin at pumitik sa hangin. “Parang patitingkarin. Ilalantad. Something like that.”
Binundol naman siya ni Lauren sa balikat. “In short, irarampa.”
Napahagalpak siya. “Irarampa? Sa harap ng alin? Sa harap ng mga bundok kong labada?” Sinubukan niyang kumawala sa dalawa ngunit hindi talaga siya binitawan ng mga ito. Kung makakapit ang mga ito sa kaniya ay para bang tatakas siya anumang oras. “‘Tsaka, wala na akong magagawa sa buhok ko. Talagang ganito na ito kasabog at katingkarag mula pa no’ng bata ako.”
“Ikaw, walang magagawa, pero sila mayroon,” determinadong turan ni Lauren sabay tigil sa paglalakad. Dahil nga kapit-kapit sila, napatigil din si Ada.
Nagpalitan ng makahulugang tingin sina Caitlin at Lauren.
“T-teka, b-bakit parang hindi maganda ang pakiramdam ko rito,” usal niya.
Imbes na pansinin ang kaniyang sinabi, sabay siyang pinihit ng dalawa paharap sa isang glamorosong parlor. Salamin ang dingding n’yon kaya kitang-kita niya ang mga gamit sa loob pati ang mga ilaw na mas maliwanag pa yata kaysa sa kinabukasan niya.
Bago pa man siya maka-react ulit ay dali-dali na siyang hinila ng mga dalaga papasok.
“Welcome to Fab Salon!” bati ng babaeng nasa loob ng isang marmol na mesa.
Hinayaan niyang si Lauren ang makipag-usap doon dahil hindi niya rin naman masundan ang pinagsasabi ng mga ito. Ganoon ba talaga kapag sanay mag-ingles? Nagra-rap?
Iginala niya na lamang ang mga mata sa loob ng parlor para hindi dumugo ang kaniyang ilong.
Magkaiba ba ang parlor sa salon? Hindi ba’t iisa lang ‘yon?
Sa kaliwang bahagi ng lugar, mayroong mga magkakatabing sofa na nakalaan para sa mga nagpapamanicure at pedicure. Sa kanan naman ay may magkabilaang hilera ng de-ikot na silya, at bawat isa ay may nakaharap na salamin na napapalibutan din ng mga bilog na ilaw.
Sino’ng mag-aakala na may ganoon palang parlor sa maliit nilang bayan?
“Lauren Esplana, dear! Finally, nakita ko na rin sa wakas ang pinakamagandang apo ni Don Alonzo at Doña Luzia,” anang isang babae na kasing sosyal ng dalawa niyang kasama. Nakasuot ito ng itim na bestida at kulay pulang bandana na nakabalabal sa gilid ng baywang nito.
Nakaramdam ng panlilit si Ada. Bahagyang napaurong ang dalaga ngunit agad din naman siyang hinila pabalik nina Lauren at Caitlin.
Sa wakas ay binitiwan siya ni Lauren para makipagbeso-beso sa babae. “Hey, Pepper. I’m sorry kung sobrang last minute ng reservation ko kanina. I hope you were able to squeeze us in.”
Iwinasiwas ng tinawag nitong Pepper ang kamay sa ere at tumawa. Pati ang tawa nito ay nakakapanliit. “Of course, dear, of course! Who am I to say no sa nagmamay-ari ng mall na ito?” Sumilip ito sa likod ni Lauren. Dinaanan lamang nito ng tingin si Ada ‘tapos ay inilahad ang kamay sa harapan ni Caitlin. “Hello, sweetheart! You must be the friend na gustong ipa-makeover ni Ms. Esplana.” Muli itong bumaling kay Lauren. “Parang hindi naman niya kailangan ng makeover, dear. Your friend here is already gorgeous and—”
“Oh, not me,” tanggi ni Caitlin sabay hila sa kaniya, “but her.”
Napatutop sa bibig si Pepper. “Oh, my! I’m sorry. I thought she’s just a . . .” hindi na nito tinuloy ang sasabihin at ikinumpas na lamang muli ang kamay, “nevermind. I apologize for being rude.” Umiling ito na tila hiyang-hiya sa inasal at inilahad muli ang palad pero kay Ada na nakatapat. “By the way, I’m Pepper, a celebrity makeup artist and the owner of this chic salon. What’s your name, dear?”
Pasimple niya munang tinapunan ng tingin sina Lauren at Caitlin. Nang tumango ang mga ito ay saka niya lang tinanggap ang pakikipagkamay ni Pepper.
“Ada,” nahihiya niyang pakilala sa sarili.
Pumalakpak ito. “Ada! What a unique name! ‘Love it!”
“Puwede ba kaming mamili kung sino ang stylist na mag-aayos sa kaniya?” tanong ni Lauren.
Nginitian sila ni Pepper nang pagkatamis-tamis at ipinagsalikop ang dalawang palad sa tapat ng dibdib. “There’s no need for that dahil ako na mismo ang mag-aasikaso kay Ada from head to foot.”
“Really?” natutuwang bulalas nina Lauren at Caitlin.
Tumango si Pepper. “So rest assured, darlings, after this whole makeover enchilada,” inakbayan siya nito, “your shy little friend here would transform into one dazzling neck breaker. Iʼm gonna make her beauty pop!”
Nang umalis si Pepper para ihanda ang gamit nito’y dali-dali niyang hinigit sa braso sina Lauren at Caitlin. “Teka nga, teka nga. Ano ba ito? Bakit hindi n’yo naman ako sinabihan na may ganito pala kayong paandar? Hindi ako handa!”
“Relax, Ate Ada! Trust us, you need this,” kampanted saad ni Caitlin sabay tapik sa kaniyang likod. “Pagbigyan mo naman ‘yung sarili mo na mag-stand out kahit minsan.”
“And, swear, pagkatapos ng araw na ito, pasasalamatan mo kami,” paniniguro pa ni Lauren.
“Pero ano ang ipapambayad ko rito sa parlor na ‘to? Puri ko? Hindi ko pa nabebenta ang atay ko, ‘no!” paghihisterya niya.
Tumawa ang dalawa.
“Loka ka talaga! Kami na ang bahala ni Caitlin doon, ‘no. We got you! Isipin mo na lang, kami ang fairy godmother mo. Mas bata nga lang kami ng ilang taon sa ‘yo, pero puwede na.” Itinaas pa ni Lauren ang kamay sa direksiyon ni Caitlin at nakipag-apir dito.
Muli niyang sinubukang umalma. “Pero kasi—”
“Hep!” sabay na pigil sa kaniyang dalawa.
“No more buts, please. Isa pa, hindi ka na puwedeng mag-back out. Nakakahiya naman kay Pepper! For sure, marami siyang client na tinanggihan para lang sa ‘yo,” pangungunsensiya pa sa kaniya ni Lauren.
Wala na siyang nagawa.
➶ ➷ ➸ ➹
“ANG IKLI naman ng bestida na ‘to. Kailangan ko ba talaga ‘tong suotin?” nakangiwing reklamo ni Ada kina Lauren at Caitlin na naghihintay sa labas ng bihisan.
“Labas ka, Ate Ada. Patingin kami,” rinig niyang wika ni Caitlin.
Napabuga siya ng hangin. Ilang oras na silang nagpapalipat-lipat sa iba’t ibang mga stall. Nawalan na rin siya ng bilang kung ilang damit na ba ang naipasukat sa kaniya ng dalawa. Unang beses niya pa lamang nararanasang mag-shopping, pero sa tingin niya’y ito na rin ang huli. Ang sakit sa paa! Kung hindi lang talaga dahil sa pamimilit nina Lauren ay nunkang magsusuot siya ng sandals na may pagkataas-taas na talong—este, takong.
“Buhay ka pa riyan, Ada?” untag sa kaniya ni Lauren sabay kalampag sa kaniyang pinto. “Labas na, dali!”
“T-teka!” Sinubukan ng dalaga na hilahin ang laylayan ng bestida na umabot lamang hanggang sa itaas ng kaniyang tuhod, ngunit walang nangyari. Ni hindi man lang iyon humaba kahit kalahating pulgada. Pakiramdam din niya, kaunting ihip lang ng hangin, eh, makikita na ang kinaiingat-ingatan niyang yaman sa sobrang flowy.
“Ang tagal naman!” ungot ni Caitlin.
Bumuga siya ng hangin. “Heto na, heto na.”
“Grabe naman, anong klaseng—oh, my gosh!” Naudlot ang kung anumang sinasabi ni Lauren nang tuluyan siyang lumabas mula sa dressing room.
Napatutop si Caitlin sa bibig. “Oh, my gosh nga! Ate Ada, you look like a goddess! Bagay na bagay sa iyo ang bestida!” Nilingon nito si Lauren na mukhang nakabawi na sa pagkabigla. “Sabi ko sa iyo, lilitaw lalo ang beauty niya sa yellow, eh. See how it complemented her golden skin tone?”
Napangiwi siya. “M-masyadong maikli.”
“Anong maikli?” bulalas ni Lauren habang umiikot sa kaniya. “Sakto nga lang, eh. Plus, parang ginawa talaga para sa ‘yo ang dress!”
Lalong nakaramdam si Ada ng pagkaasiwa nang mapansin na nasa kaniya ang lahat ng atensiyon ng mga tao sa shop. Hindi niya mapigilang isipin na baka mukha siyang trying hard sa bestida. “B-baka naman binobola n’yo lang ako, ha? Mukha yata akong katawa-tawa, eh. Pinagtitinginan ako ng mga tao, oh. T-teka, magbibihis na ako.”
Hinawakan siya ni Lauren sa magkabilang braso nang akmang babalik siya sa loob ng dressing room. “No, no! Nakatingin sila sa iyo kasi ang pretty-pretty mo!”
“I knew the strapless sundress would cut it,” ngingiti-ngiting turan ni Caitlin. Itinaas-taas pa nito ang dalawang hinlalaki.
Pero hindi pa rin siya kumbinsido.
Hinarap ng huli si Lauren. “I think she’s ready.”
Excited na hinila siya ng dalawa sa tapat ng salamin at sabay na hinila ang telang nakatakip doon. Marahas siyang napasinghap.
“Sino ‘yan?!” bulalas niya habang nakamata sa sariling repleksiyon.
➶ ➷ ➸ ➹
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top