Kabanata 15
NAGTATAKANG nilingon ni Ada si Aling Sita. “Pinapatawag po ako ni Señorito Brent?”
Ngumiti ang ginang. “Oo, hija. Naroon siya sa silid-aklatan.”
Bantulot na tinigil ng dalaga ang pag-ikot ng washing machine at saka naghugas ng kamay. “Sigurado po kayo, Aling Sita? Ako raw po talaga?”
Natawa ito. “Wala pa namang problema ang pandinig ko kaya sigurado akong ikaw ang pinapatawag niya.”
Pero halos kararating ko pa lang sa mansion. Hindi ba’t tuwing tanghali ang usapan namin? pipi niyang usal.
Pinasalamatan ni Ada si Aling Sita bago siya tumalima. Hindi niya nakita ang lalaki roon kaya nang balikan niya ang ginang para tanungin kung nasaang dimensiyon si Brent ay tinawanan lamang siya nito at sinabing nasa lumang aklatan ang binata sa ikaapat na palapag.
Sa sobrang taas at dami ng mga baitang na inakyat niya, kandahingal-hingal si Ada bago niya narating ang silid na tinutukoy ni Aling Sita.
Mas malaki ang aklatan na iyon kumpara roon sa nasa ikalawang palapag. Sa tantiya ni Ada ay doble niyon. Base rin sa hitsura ng mga librong naroroon, pulos luma at halatang hindi na nabubuklat ang mga iyon. Saglit pa siyang naglakad-lakad bago natagpuan ang hinahanap na lalaki sa malawak na balkonahe ng silid.
Nakapatong ang magkabilang siko ni Brent sa metal na balustre at mukhang hindi nito napansin ang kaniyang presensiya dahil nanatili itong nakatanaw sa malayo. Imbes na tawagin agad ang binata, saglit niya munang pinagsawa ang mga mata rito. Likod lamang nito ang nakaharap sa kaniya pero kahit gano’n ay napakapresko pa rin nito pagmasdan.
Ang natural na tsokolate nitong buhok ay gulo-gulo at sinasayaw ng hangin. Malakas at malamig ang simoy na tumatama sa balat ng binata ngunit tila hindi nito iyon alintana sa suot na manipis na sando at shorts. Hindi napigilan ng dalaga na sundan ng tingin ang hulma ng mamasel-masel nitong mga braso.
Kinurot niya ang sarili.
“Señorito,” pukaw ni Ada sa atensiyon ni Brent bago pa siya tuluyang sapian ng mahalay na kaluluwa ni Raye at mapagnasaan pa niya sa isip ang amo.
Nakalimutan niya yatang huminga nang humarap ito sa kaniya.
Anak ng sampung itlog na pula. Bakit lalo siyang gumuguwapo? ‘Yong totoo, nagayuma ba ako ng lalaki na ‘to?
“Finally.” Lumapit ang binata sa kaniya. “Kanina pa kita hinihintay. Bakit ang tagal mo?”
“Naaliw kasi akong panoorin ka,” hindi niya napigilang isatinig.
“What?”
“Este, ano, sa . . .” itinuro niya ang mga bundok na natataw mula sa balkonahe, “sa tanawin po, Señorito. Naaliw akong panoorin ‘yong mga bundok.”
Mukha namang kumbinsido ito dahil muli nitong tinapunan ng tingin ang balkonahe. “I know, right? I didn’t know na mas maganda pala ang view rito,” pero sa huli nitong mga salita ay sa kaniya na ito nakatingin. Hindi niya tuloy mapigilang isipin kung siya ba ang tinutukoy nitong “magandang view”.
Feelingera! sita sa kaniya ng isang bahagi ng kaniyang isip.
Pilit niyang tinuwid ang likod. “P-pinatatawag mo raw ako?”
“Oo,” tugon nito at naglakad patungo sa isang cabinet.
Sumunod siya rito. Ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata niya nang may hinugot itong isang pumpon ng daisy. Napakarami niyon at sa tingin niya’y hindi lang iyon iisang dosena.
Napatili siya sa kaniyang isipan nang iabot iyon ni Brent sa kaniya. Napakurap siya at tila natulos sa kinatatayuan. Parang may mga puro-parong sumabog sa kaniyang tiyan.
Binibigyan ako ni Brent ng bulaklak! At hindi lang kung anong bulaklak, kundi daisy!
Halos manginig ang kaniyang kamay nang kunin niya ang bulaklak. Pinakatitigan niya iyon. Sobrang lakas ng kabog ng kaniyang dibdib. ‘Di ba dapat ay si Caitlin ang pagbibigyan nito ng bulaklak at hindi siya? “A-ang gaganda nila, p-pero hindi ko maintindihan—”
“Hindi mo naman nilagay roon sa listahan na bawal kong ipaabot ‘yong bulaklak, ‘di ba?” putol nito sa kaniya.
Lalo siyang nalito. “Ha?”
Pumamulsa ito. “Give them to Caitlin.”
Daig pa niya ang binuhusan ng pagkalamig-lamig na tubig sa sinabi nito. Nawala ang malakas na pagkabog ng kaniyang puso at napalitan ng nakakabinging katahimikan. Para siyang nangarap nang pagkataas-taas tapos bigla siyang bumulusok pababa. Ramdam na ramdam niya ‘yung impact ng pagbagsak niya, eh.
Wala sa sariling itinuro niya ang sarili. “I-ibibigay ko ito . . . i-itong mga daisy kay Lin?”
Hindi makapaniwala si Ada. Kaya ba siya tinanong ni Brent kung ano ang paborito niyang bulaklak dahil iyon ang ibibigay nito kay Caitlin? Gustong sumama ng kaniyang loob. Napakaraming uri ng bulaklak sa bayan, bakit naman iyon pa?
Maaring ordinaryo lamang ang daisy at hindi kasing garbo ng iba, pero espesyal iyon para sa kaniya.
“I told you, hindi ako marunong pumili ng flowers. Kung roses ang bibilhin ko, baka hindi ma-appreciate ni Caitlin dahil masyado nang common. Daisies look quite oriental for some reason and I like them, kaya iyon na lang din ang kinuha ko. Paborito mo ‘yan, right? Dapat ay matuwa ka dahil nagtiwala ako sa taste mo sa bulaklak.”
Saglit siyang napipilan. Matuwa? Kabaliktaran niyon ang nararamdaman niya. “E-eh, b-bakit hindi na lang ikaw ang mag-abot?”
Tila nahihiyang napahaplos ito sa batok at bahagyang napayuko. “Hindi ko kayang ibigay sa kaniya ‘yan nang personal. I-I’m still working on it, okay? Bago ‘to sa akin, so bear with me, too. Sabi mo naman isa itong proseso, at napag-isip-isip ko na tama ka. So, I think that’ll do as a first move.”
Bahagyang umuwang ang bibig ni Ada. Nang mga sandaling iyon ay gusto niyang ihampas dito ang mga bulaklak. ‘Buti na lang at napigil niya ang sarili.
“I’m counting on you, Adi,” anito sa nakikiusap na tinig.
“Ada ho,” pagtatama niya.
Nagkibit lang ito ng balikat at tumungo na sa pinto. “Ikaw ang nag-offer ng tulong. Deliver it to her and get back to me,” pagpapaalala nito sa kaniya at saka lumabas na ng silid.
Napatanga na lang siya sa nakasarado nang pinto. Kapagkuwa’y hindi makapaniwalang bumuga siya ng hangin at tumitig sa mga bulaklak. Mayroon doong maliit na note. Binasa niya ang nakasulat sa labas. For Caitlin.
Mistula iyong malaking sampal kay Ada. Kung nakikita lang siya ni Raye, paniguradong tatawanan siya ng kaibigan dahil nahigitan niya na ito sa pagiging ilusyunada.
➶ ➷ ➸ ➹
MATAPOS magpakalma ni Ada sa balkonahe, lumabas na siya ng silid-aklatan at dumiretso sa guest room na inookupa ni Caitlin. Iaangat na sana niya ang kamao para kumatok nang biglang mabitin iyon sa ere. Hindi niya alam kung bakit parang nagdadalawang-isip siyang ituloy iyon.
Ano’ng problema mo, Adalina? Ikaw ang nagsuhestiyon nito kay Brent, bakit ka mag-aalangan? anang munting tinig sa kaniyang isip.
Itinago niya ang mga bulaklak sa kaniyang likod. Humugot siya ng malalim na buntong-hininga at itinuloy na ang balak. Sa ikatlong katok ay saka pa lamang siya pinagbuksan ni Caitlin. Halatang bagong gising lang ang dalaga dahil pupungas-pungas pa ito.
Pilit ang ngiting sumilay sa kaniyang mga labi. “Magandang umaga! Nagising ba kita?”
“Oh! Good morning, too, Ate,” ganting bati nito, halatang nagulat sa biglaan niyang pagsulpot. Nilakihan nito ang pagkakabukas sa pinto at saka iminuwestra ang kamay sa loob. “Pasok ka muna. Sakto lang naman ang dating mo. Kakagising lang din sa ‘kin ni Lauren.”
“Nandiyan siya sa loob?”
“Here!” sigaw ni Lauren. Naabutan niya itong nakadapa sa kama ni Caitlin habang nagbabasa ng tambak na magazine sa gilid nito. Nang mag-angat ito ng mukha, unang nag-landing ang mga mata nito sa bungkos ng mga bulaklak na nakatago pa rin sa likod niya. “Flowers?”
“Oo,” sagot ni Ada, pero parang nagkaroon ng bara ang kaniyang lalamunan. Inilabas niya iyon at inabot kay Caitlin. “Pinabibigay pala ni Señorito Brent.”
Sukat doon ay bumalikwas ng tayo si Lauren. “Galing kay Kuya? For reals?” hindi makapaniwalang wika nito at inunahan pa si Caitlin sa pagkuha sa bulaklak. Pagak itong humalakhak habang ipinipiling-piling ang mga daisy sa kamay. “Seryoso ba talaga ‘yong herodes na ‘yon?”
“Let me see.” Inagaw iyon ni Caitlin.
Sumandal si Ada sa tokador na malapit sa dalawa. “Nagulat nga ako, e. Nahihiya raw kasi siyang ibigay sa ‘yo nang personal kaya pinakiusapan ako,” sabi niya pa kay Caitlin.
Pumameywang si Lauren. “Si Kuya Brent? Mahihiya? Since when? Sure ka bang galing sa kaniya ‘tong bulaklak?”
“Oo nga! Peksman! Kuya mo talaga ang nagbigay n’yan.”
Sinamyo ni Caitlin ang bulaklak at pinakatitigan. “I’m surprised at hindi roses ang binigay niya. Isn’t he that kind of guy?”
“Baka gustong maiba,” sabad muli ni Ada. Inginuso niya ang card na nakasuksok sa gilid ng papel na balot. “Oh, wow, may card pang kasama! Basahin mo, Lin, dali!” Bahagya pa niya itong inalog-alog sa balikat para magmukhang excited din siya para rito.
Tumalima naman si Caitlin. Binuklat nito ang card at mabilis na binasa. Tinitigang maigi ni Ada ang ekspresiyon ng mukha ng dalaga. Kapaagkuwa’y may pigil na ngiting muntikan nang sumilay sa mga labi nito, pero naudlot at nauwi sa isang ngiti. “He apologized for being such a jerk.”
Nanlaki ang mga mata ng kapatid ni Brent. “He did?!”
Hinila ni Caitlin ang maliit na card at ipinakita sa kanilang dalawa. “Yeah, and that’s he’s willing to do everything para lang mapatunayan na hindi na siya katulad ng dati. Everything, huh?”
Umakto siyang kilig na kilig. “Aba, mukhang malakas ang tama sa iyo ni Señorito, ah,” tukso niya rito.
“Siya ba ang personal na bumili nito?” tanong ni Caitlin habang pinaparaanan ng daliri ang mga talulot.
Tumango siya. “Sweet, ano?”
“Really?” Pumutol si Caitlin ng tatlong tangkay ng daisy at isinilid sa kanilang mga tainga. Bumaling ito kay Lauren. “Akala ko ba walang karoma-romantic bone sa katawan ‘tong kuya mo? I must say, he’s persistent, ha.”
Pinipilit niya ang sarili na matuwa. Bakit hindi? Ideya niya iyon at mukhang positibo naman ang resulta kung ang pagbabasehan ay ang reaksiyon ni Caitlin. Ngunit bakit tila higit pa sa panlulumo ang nararamdaman niya? Pakiramdam niya ay may mabigat na nakadagan sa kaniyang dibdib.
Pumalatak si Lauren at saka initsa sa sahig ang daisy na nasa tainga nito. “He’s that desperate. Ngayon lang kasi may nag-turn down sa kaniya na babae. Siguro ay natsa-challenge.” Nakapamaywang itong tumagilid sa kaibigan. “Don’t tell me nadadala ka riyan, Caitlin De Veyra, ha.”
Ikinibit lang nito ang mga balikat.
Pinandilatan ito ni Lauren. “Binabalaan kita. Huwag kang magpapadala sa mga paganiyan-ganiyan ng kuya ko. Naku!”
Tumikhim si Ada. Alam niyang kailangan niya muling umentra kahit gaano pa kabigat ang kaniyang dibdib. “P-papaano naman kung . . . kung talagang sinusubukan nang magbago ni Señorito Brent?”
Sabay na napalingon sa kaniya ang dalawa.
“As if naman talagang nasa bokabularyo ‘yon ni Kuya.” Iiling-iling na humilata muli si Lauren at nagbuklat ng magazine.
“Lahat naman ng tao, e, puwedeng magbago.” Bigla niyang naalala ‘yong sinabi sa kaniya ni Aling Sita noon. “K-kagaya natin, may puso rin naman si Señorito, ‘no. Kahit pa saksakan siya ng palikero. Titibok at titibok rin ang puso n’on kapag dumating na ang tamang babae para sa kaniya.” Parang biglang may sumipa sa kaniyang dibdib nang balingan niya si Caitlin. “Malay natin, talagang nabihag mo ang puso niya. Uso naman ‘yung love in first sight . . . at first sight . . . on, in . . . basta, ‘yon na ‘yon!”
Tila nag-iisip na tumingin lamang si Caitlin sa bungkos ng mga daisy na nasa bisig pa rin nito. Makalipas ang ilang sandali, ikinibit nito ang mga balikat at walang kaabog-abog na sh-in-oot sa basurahan ang pobreng mga bulaklak. “Tingnan na lang natin kung hanggang saan at gaano katagal niya kayang patunayan ‘yong sinasabi niya."
Nalaglag ang panga ni Ada.
➶ ➷ ➸ ➹
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top