Kabanata 14
MULA sa sinusulatang pahina ay nag-angat si Ada ng tingin kay Brent. Nakataas ang dalawang paa nito sa lamesa habang nakatunghay sa mga librong nakahilera sa estante. Kasalukuyan silang nasa silid-aklatan upang walang makakita sa kanila. Mahirap na. Malisyosa pa man din ang lahat ng mga kasamahan niya, lalo na si Raye.
“Señorito, hindi ba’t sabi mo’y gusto mong patunayan kay Lin na hindi ka na,” kamuntikan na niyang sabihing babaero, mabutiʼt napigilan niya ang sarili, “ang ibig kong sabihin ay . . . n-na nagbago ka na?” ganting tanong ni Ada sa binata nang tanungin siya nito kung bakit kinakailangan pa nitong ligawan si Caitlin.
“Yeah,” tila wala sa sarili nitong tugon.
Muli siyang nagsulat. “Oh, e, papaano mo iyon mapapatunayan kung ‘yung mga taktikang ginamit mo noon ang gagamitin mo sa kaniya?” maingat niya muling wika. “Siyempre, kailangan maramdaman ni Lin na talagang seryoso ka.”
Kahapon pa siya nagsimula sa pagbibigay ng tips kay Brent ngunit tila binalewala lamang nito iyon. Kaya para naman hindi masayang ang laway niya, nagdala siya ng notebook.
Kahit papaano ay paunti-unti ring nabawasan ang kaba at pagkaasiwang nararamdaman ni Ada habang kausap ang binata. Kahapon kasi ay tuliro pa siya at hindi pa siya makapagsalita nang maayos dahil hindi niya alam kung papaano ito pakikitunguhan nang hindi ito nagagalit. Sa awa ng Diyos, hindi pa naman siya nito nabubulyawan.
Rinig niya ang pagpalatak ni Brent. “Kasalanan talaga ito ni Lauren, eh. That little brat!” paninisi nito sa kapatid. “Kung bakit pati ba naman ‘yong reputasyon ko sa mga babae ay kinuwento pa kay Caitlin.” Padabog nitong ibinaba ang mga paa sa sahig dahilan para umalingawngaw ang lagabog niyon sa tahimik na silid. “Tell me, was it my fault that I’m a babe magnet, and that I love women so much? I couldnʼt resist the temptation. Mali na ba ‘yon? Iʼm just a man, and I have needs, too. Anoʼng gagawin ko?”
Nagugulumihanang tumitig si Ada sa binata. Papaano niya ba ito sasagutin? Bukod sa hindi niya nasundan ang sinabi nito dahil masyadong mabilis, hindi niya rin iyon gaano naintindihan.
Sana pala nagbaon ako ng dictionary. O kaya ni-record ko para maipa-translate ko kay Badet, ‘tapos bukas ko na lang sasabihin ‘yung sagot, sa isip-isip niya.
Natigilan si Brent na para bang biglang nagsisi. “H-hindi mo naman naintindihan ‘yung huli kong sinabi, right?”
Dahan-dahang siyang tumango. “Ano ba ‘yong huli mong sinabi?”
Nagtaas-baba ang dibdib nito na wari bang nakahinga ito nang maluwag. “Nevermind. Kalimutan mo na ‘yon.”
“O-okay.” Hindi naman siguro niya ako minura, ‘no?
Bumuntong-hininga ito. “I’ve never done this before. You know. ‘Yong hihingi ng tulong sa ibang tao—and take note, sa iyo pa—para lang mapa-oo ang isang babae sa isang date. Damn, man,” anito na parang kinakausap ang sarili. “Also, hindi pa kita napapatawad sa mga kasalanan mo sa akin.”
Nakagat ni Ada ang ibabang labi. Magsasalita sana siya ngunit bigla niyang naalala ang oras. Pasimple niyang sinilip ang malaking orasan na nakasabit sa dingding. Malapit nang mag-ala una. Ibig sabihin, dapat ay kumakaripas na siya ng baba ngayon pabalik sa laundry area bago pa siya hanapin ni Mrs. Kaya sa buong mansion.
Napatayo siya.
Kunot ang noong tiningnan siya ni Brent. “Saan ka pupunta?”
“Pasensiya na, Señorito, pero kailangan ko na palang bumalik sa trabaho.” Tiniklop niya ang kuwaderno at inilapag sa harap ng binata. “Ganito ho, kung seryoso ka talagang baguhin ‘yung hindi magandang imahe mo kay Lin, kailangan mong dumaan sa tamang proseso. Suyuin mo siya nang paunti-unti.” Iminuwestra niya ang kamay sa notebook. “Inilista ko riyan ‘yong mga bagay na may kinalaman kay Lin. Mula sa paborito n’yang kulay, ulam, hilig, at iba pa na tingin ko’y makakatulong sa iyo. Pati rin pala mga puwede mong gawin na sigurado akong maa-appreaciate niya.”
“Wait.” Mabilis nitong binuklat ang notebook at saglit na pinaraanan ng tingin ang nilalaman. “Seryoso ka ba rito? Papadalhan ko siya ng bulaklak araw-araw?”
Tumango siya. “Siguro naman ay nakapagbigay ka na ng mga bulaklak sa mga naging nobya mo dati? Puwede kang pumunta sa bayan, marami roong mapagpipilian. Wala namang paboritong bulaklak si Lin, eh.”
“But . . . uh, usually, hindi ako ang personal na gumagawa no’n. Mayroon lang akong inuutusan na bumili ng flowers, ‘tapos ipapa-deliver ko na lang sa place nila. And I don’t do it on a regular basis. Hindi ako marunong—I mean, wala akong alam sa pagpili ng bulaklak,” bantulot nitong pag-amin.
Itinago niya ang pag-usbong ng ngiti sa kaniyang mga labi. Isang lalaki na hindi marunong manligaw, huh. “E di ngayon pa lang ay sanayin mo na ang sarili mo, Señorito, na bumili ng mga bulaklak nang personal. Mas nakakakilig kaya ‘yong gano’n. May airport.”
“You mean, effort?” Kumislap ang pagkaaliw sa mga mata ni Brent.
Napapitik siya. “‘Yon na nga. Wala namang kaso kahit anong bulaklak ang bilhin mo para kay Lin, basta galing sa puso mo. H’wag lang ‘yong pampatay, ha? Baka mailibing ka niya nang buhay.”
Mukhang hindi nito nakuha ang kaniyang joke dahil hindi man lang ito ngumiti. Okay, Adalina, hindi ka puwedeng komediyante. Magkatulong ka na lang habambuhay.
Hindi naman kasi kayo close para makipagbiruan ka sa kaniya, anang pa ng isang bahagi ng kaniyang isip.
Lihim siyang napailing. “Paano, Señorito, bababa na ako—”
“What’s your favorite flower?”
Naudlot ang tangka niyang pagtalikod dito. “Ha?”
Tila iritableng inulit nito ang itinanong, “Ano ang paborito mong bulaklak ‘kako.”
Nagtataka man ay sinagot niya ito.
“Daisy.”
➶ ➷ ➸ ➹
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top