Kabanata 12
LAKING pasasalamat ni Ada na hindi na natuloy ang “muling” paglibot nila ni Brent sa kapihan noong nakaraang linggo. Tila nawala rin iyon sa isip ni Don Alonzo dahil sa biglaang pag-uwi ng ilang mga anak nito sa San Guevarra, kabilang na roon si Sir Felix na siyang ama ni Brent. Naging abala ang lahat sa mansion at sa plantasyon kaya hindi niya rin masyadong nakakaharap ang mga ito.
Ngayong araw ay kinakailangan niya ulit bumalik sa mansion. Nakauwi na rin kasi sa bayan si Lauren pagkatapos ng mahigit isang taon nitong bakasyon sa ibang bansa. Sayang nga lang at hindi siya kasama sa mga sumalubong sa dalaga kanina dahil buong maghapon siyang nasa kapihan at rumelyebo sa isang manggagawa na nagkasakit. Isa pa’y tinambakan siya kahapon ni Mrs. Kaya ng labahin, at kinakailangan niyang harapin lahat ng iyon mamaya.
Habang nakamasid sa mga burol na dinaraanan ng serbis nila, naisip niya si Lauren. Noong mga bata pa sila, hindi pa gaano mahigpit magpapasok sa mansion noon kaya paminsan-minsan ay nasasama siya ng ama. Dahil mag-isa lamang si Lauren na bata sa mansion, tuwang-tuwa ito kapag dumarating siya. Noong una pa nga’y asiwa siya dahil mukha itong manyika. Takot na takot pa nga siyang hawakan ito dahil baka lumipat ang mga dumi niya sa kuko sa balat nito. Naging magkaibigan at magkalaro sina Ada at Lauren kahit na sa maikling panahon.
Wala sa loob siyang napangiti. Mahigit isang dekada na ang dumaan nang huli niya itong makita. Naalala pa kaya siya ng dalaga?
Pasado alas singko na nang makarating sina Ada sa mansion. Agad na bumaba si Ada para magpalit ng uniporme. Inaasahan na niyang abala ang lahat ng mga kasamahan niya sa kani-kanilang mga trabaho kaya hindi na siya nagtaka nang sina Lowie at Hulia lang ang namataan niya sa kusina. Kasama ng mga ito si Aling Sita na abala rin sa paghihiwa ng mga gulay para sa lulutuing hapunan. Hindi na siya nakipagchikahan pa nang matagal sa mga ito at saka tumuloy na sa likod ng mansion bago pa sila magpang-abot na naman ng mayordoma.
Bitbit ang mga basket na dinaanan ni Ada sa maid’s quarter, napatigil siya sa paglalakad nang may maulinigang mga tinig sa laundry area. Hindi siya puwedeng magkamali ng dinig, ang isa roon ay boses ni Brent. Pero sino ang babaeng kausap nito? At ano’ng ginagawa nila rito sa laundry area?
Tatalikod na sana siya para bigyan ng pribadong oras ang dalawa ngunit sa hindi malamang dahilan ay mas nanaig ang kaniyang kuryosidad. Hindi siya tsismosa pero pakiramdam niya, kapag hindi niya nakita ang kausap ni Brent ay hindi siya makakatulog nang maayos mamaya at sa mga susunod pang gabi. Dahil sa lakas ng puwersang tumutulak sa kaniya, lalo siyang lumapit at nagtago sa likod ng isang malaking halaman. Naghanap siya ng matinong puwesto hanggang sa maging malinaw na sa kaniyang pandinig ang boses ng dalawa.
Wala naman akong ibang pagsasabihan, e, pramis, kastigo ni Ada sa sarili.
“Are you out of your mind?” rinig niyang sabi ng kausap ni Brent. Mahina lang ang boses ng babae na tila nag-iingat na baka may ibang makarining. “I really don’t want to be rude, but we just met, as in today lang. Plus, you’re four years my senior po.”
“I know that, and so what? Guys can fall in love within ten seconds, or less, and you had me at one. Wala rin akong pakialam sa agwat, those are just numbers,” determinadong saad ni Brent na para bang napakalalim na ng pinaghuhugutan nitong damdamin.
Lihim na napasimangot si Ada. Hindi ba sila puwedeng mag-usap ng tagalog? Kailangan talaga ingles?
Narinig niya ang pagbuntong-hininga ng babae na para bang gusto na nitong matapos ang usapan. “You’re impossible. Magiging totoo ako sa ‘yo, Kuya Brent. Marami akong naririnig sa ‘yo mula kay Lauren. I know your kind, and I also happen to know kung gaano ka ka-notorious sa mga babae. In fact, Lauren already warned me about you, too. So, if this is your way of getting inside my pants, sorry, it’s not going to work. I don’t want to be one of your toys.”
Lauren? Kaibigan siya ni Lauren?
Pamilyar kay Ada ang asal at angas ng babae. Lalo tuloy lumaki ang kaniyang kuryosidad na makita ito. Kinagat niya ang ibabang labi. Kahit pinagpipiyestahan na ng mga langgam ang kaniyang paa ay hindi pa rin siya roon umalis, bagkus, dahan-dahan niyang inangat ang ulo sa pinagtataguan at agad na itinuon ang mga mata sa babaeng kaharap ni Brent. Hanggang balikat na pulang buhok, singkit na mga mata, matangos na ilong, at maliit na mga labi. Biglang parang may bumbilyang umilaw sa kaniyang isip.
Kilala niya ito!
“Lin?!” hindi napigilang bulalas ni Ada. Kahit nag-iba na ang estilo ng buhok nito at lalo itong nagmukhang sopistikada, sigurado siyang si Caitlin De Veyra iyon at wala nang iba.
Pero kailan pa siya nakabalik dito sa San Guevarra? Paano sila naging magkaibigan ni Lauren?
Saka lang niya napagtanto na napalakas pala ang kaniyang boses nang mabilis na dumako ang tingin ng dalawa sa kaniya. Kapwa nanlaki ang mga mata ng mga ito. Natutop niya ang bibig. Wala nang silbi pa kung itatago ulit niya ang sarili, paniguradong magmumukha lang din siyang katawa-tawa kapag kumaripas siya ng takbo, kaya dahan-dahan na lang siyang tumayo.
“M-magandang hapon,” kandapiyok-piyok na bati ni Ada. Daig pa niya ang bumibirit sa isang singing contest. Hindi niya alam kung dapat ba niyang sabihin iyon o kung may dapat ba siyang sabihin, pero pakiramdam niya kailangan niyang magsalita, kundi malalagutan siya ng hininga.
Lupa, bumuka ka na at kainin mo ako, dali!
Nanlilisik ang mga mata ni Brent. “Nakikinig ka ba sa pinag-uusapan namin?”
Napakurap siya. “A-ah, h-hindi, ah. D-dumaan lang ako rito para . . .” para maglaba pero mukhang nagliligawan kayo—aray! Bakit parang may mga langgam na kumakagat sa dibdib ko? “p-para kunin ‘tong, ahm,” mabilis niyang iginala ang mga mata para makahanap ng maaring palusot. Dinampot niya ang basket sa sahig at itinaas, “ah! Ito, kinuha ko lang ‘to. Naiwan ko kasi, e. Peksman, wala akong narinig.”
Hindi ko nga naintindihan maski kalahati ng mga pinagsasabi ninyo.
Halatang hindi kumbinsido ang binata. “Why do you keep—”
“Wait,” maawtoridad na putol ni Caitlin sa pagsasalita ni Brent. Ilang beses nitong ipiniling-piling ang ulo habang nakatitig sa kaniya nang mataman. “Isa lang ang tumatawag sa ‘kin ng ‘Lin’. A-Ate Ada, ikaw na ba ‘yan?”
Nalipat ang tingin niya sa babae. Kimi siyang tumango. “Ako nga.” Ako ang nawawala mong kapatid. Charot!
Sukat doon ay nagliwanag ang buong mukha ni Caitlin. Tuluyan nitong nilampasan si Brent at hindi man lang nagdalawang-isip na sinugod siya ng yakap. “Oh, my goodness! I can’t believe it’s you! Na-miss kita, Ate Ada!” maluha-luha nitong sabi.
Sa sulok ng kaniyang mga mata, kitang-kita niya ang pagkalukot ng mukha ng binata. Halata ang pagkairita nito na para bang gusto siya nitong hilahin palabas at ihagis sa rumaragasang ilog, o ‘di kaya’y ialay sa tuktok ng bundok. Ikinuyom nito ang palad, senyales na nagtitimpi lang ito dahil kilala siya ni Caitlin.
Bagama’t naiilang ay ginantihan ni Ada ang yakap ng dalaga. “Na-miss din kita, Lin.”
Nang humiwalay ito sa kaniya, pakiramdam niya’y nayupi nang todo ang kaniyang katawan.
“‘Can’t believe it! Dito ka na pala nagtatrabaho ngayon. I wish we didn’t have to leave para sa ‘min ka na lang forever,” anito.
Bente anyos si Ada nang magtrabaho siya sa pamilya De Veyra bilang yaya ng dalawang magkapatid. Katulad ng mag-asawang Esplana, mababait din ang mga magulang nina Caitlin. Ang kaso nga lang, inabot lamang siya ng isa’t kalahating taon sa mga De Veyra dahil lumipat na ang mga ito sa Maynila. Ang buong akala niya’y hindi na niya makikita pa ulit ang dalaga.
Pinasadahan siya ni Caitlin ng tingin mula ulo hanggang paa. Bigla tuloy siyang nahiya sa kaniyang hitsura. Galing siya sa bukid at hindi pa siya naliligo! Baka mamaya’y amoy ebs na rin siya ng mga hayop.
“Ang ganda mo pa rin!” humagikgik nitong turan kapagkuwan.
Pinamulahan siya ng mukha sa sinabi nito. “Bolera ka pa rin, Lin.”
Ilang taon na ang nagdaan pero tila hindi pa rin ito nagbabago. Kung makipag-usap ito sa kaniya ngayon ay parang hindi sila nahiwalay sa isa’t isa.
“Uhm, I hate to break in, pero, hi, Caitlin, I’m here,” pagitna ni Brent at halos ipagduldulan ang sarili sa tabi ng dalaga. Napasuklay pa ito sa buhok at inangat ang hintuturo sa kaniyang gawi. “Kilala mo ang maid namin?”
Alam naman ni Ada na totoo iyon, pero bakit parang nasaktan siya roon? Para siyang nanliit. Literal na ngang maliit siya, ‘tapos ay iyon pa ang mararamdaman niya?
Pero iyon ang katotohanan. Isa pa’y mas maigi na iyon kaysa sa ‘katulong’, mas sosyal kapag ingles ang tawag, ‘di ba, pagpapalubog niya sa kaniyang kalooban.
Umangat ang isang kilay ni Caitlin. Tinapik nito ang daliri ni Brent. “Maid? Hah! The way you said that word was sooo offensive. Ate Ada’s my friend,” proud nitong sabi sabay abrisete sa kaniya.
“Amoy pawis ako,” mahina niyang paalala.
“‘Don’t care,” nakangiti nitong sabi.
“Friend?” gagad pa ng binatang apo ni Don Alonzo. Kahit halatang pinigilan nito’y talagang bumakas ang pang-uuyam sa tinig nito. Umiling-iling itong bumaling sa kaniya. “Look, Ady—Ads, or whatever your name is, p’wede bang mamaya na lang kayo mag-catch up ni Caitlin? As you can see, nag-uusap kami kanina bago mo kami inistorbo.” Sinipat nito ang suot na relos at nagpaskil ng isang iritable at pilit na ngiti. “I believe, oras pa ng trabaho mo, so—”
“Whoa there, Señorito Brent,” si Caitlin, “I believe, I’m a guest here, too, and, uh, puwede ko naman sigurong ipaalam si Ate Ada kina Lolo Alonzo at Lola Luzia. If not, I’d still snatch her out of here.”
Saglit na napatanga ang binata rito. Kapagkuwa’y napalitan ang mukha nito ng desperasyon. “B-but, Caitlin, hindi ka pa pumapayag na,” tila asiwang binalingan siya nito ng tingin at saka muling humarap kay Caitlin, “na makipag-date.”
Muli na namang naramdaman ni Ada ang mumunting pagkislot ng kaniyang puso. Hindi niya sure kung langgam lang ba ‘yung nararamdaman niyang kumakagat-kagat sa kaniyang dibdib o ano. Sisilipin niya mamaya sa banyo.
Ipinaikot ng huli ang mga mata. “Kung sanay ka na nakukuha ang mga babae nang madalian, well, ibahin mo ako. If you really want to date me, you have to prove me wrong.” Iyon at lang at pinihit na siya nito palayo.
➶ ➷ ➸ ➹
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top