Kabanata 11
KAGAYA ng inaasahan ni Ada, maghapon nga siyang kinulit nang kinulit ng mga kasamahan—lalo na ni Raye—tungkol sa naging lakad nila kahapon ni Brent sa kapihan. Lahat ng detalye ay gustong marinig ng mga ito. Kulang na lang pati kulay ng suot na medyas ng binata ay itanong din sa kaniya.
“Kayo ba ay walang mga trabaho at iniistorbo n’yo ako rito, ha?” nakabusangot niyang sita habang naglilipat ng mga maruruming damit sa batya. “Hindi n’yo ba nakikitang naglalaba ako?”
Humalukipkip si Raye. “Baʼt ba ang sungit mo ngayon? Gusto lang naman namin malaman kung ano pa ang ibang ginawa n’yo ni Fafa Brent. Ikaw naman, ang damot mo sa biyaya ng Diyos.”
Napasimangot si Ada. “Wala na nga sabi. Iyon na lang ‘yon.”
“‘Kita namin na hinawakan niya ang kamay mo at pinaupo pa sa tabi niya,” kinikilig namang wika ni Hulia. Hinampas-hampas pa nito si Lowie na abot-tainga din ang ngiti.
Tumango ang huli. “Oo nga, oo nga! Malambot ba ang kamay ni Señorito? Bumilis ba ang tibok ng puso mo nang gawin niya ‘yon? Ayiee, ikaw, Ada, ha. Hindi mo naman sinabi na close pala kayo ng apo ni Don Alonzo,” anito na ginatungan pa ng iba. Lalo tuloy siyang tinukso ng mga kasamahan.
Close? Saan banda?
Ikinumpas ni Raye ang hawak nitong pamaypay at tinaasan siya ng kilay. “May gusto ka na kay Fafa Brent, ano? Kitang-kita ko ‘yong pag-twinkle, twinkle, little star ng mga mata mo. Umamin ka, kung hindi, naku, kukurutin kita sa singit, Adalina.”
Hindi makapaniwalang napabuga siya ng hangin. Binitawan niya ang baretang sinusubukang hatiin at itinuro ang sarili. “Ako? May gusto ro’n sa lalaking ‘yon? Puputi muna ang uwak bago iyon mangyari, Raye Manuelo.”
Suminghap si Geselle at napaturo sa bubungan. “Ay, oh! May puting uwak!”
Nagpakawala siya ng isang disimuladong tawa at saka umirap.
Binundol siya ni Lowie. “‘Sus! Okay lang naman iyon, Ada, eh. At saka, alam mo ba, habang tinatanaw namin kayo kahapon ni Señorito sa may garahe, parang may ano, parang . . .” Tumingin ito kay Hulia. “Ano nga ulit ‘yong sinabi mo kahapon, ‘day?”
“Chemistry?” patanong na supply nito.
Napapalakpak si Lowie. “Oo, iyon nga! Ang ganda kasi sa pandinig ko, e.” Hinawakan nito sa balikat si Ada. “Sa madaling sabi, bagay kayo. Maganda ka, guwapings si Señorito, o, ‘di ba?”
Kunwa’y nahintatakutang sumingit si Raye. Kinuha nito ang bareta at pinaghahampas kina Lowie at Geselle. “Hoy, kayong dalawa. ‘Pinagsasabi n’yo riyan? Kami ang bagay ni Señorito Brent, ‘no?!”
“Puwede ba,” napapalatak si Ada. Inagaw niya ang sabon sa kaibigan at buong-lakas na isinalya sa gilid ng lamesa hanggang sa tuluyan iyong mahati, “magsibalik na kayo sa mga istasyon ninyo. Masyado pang maaga para mangarap kayo ng gising, mga ‘day. Ipapaalala ko lamang sa inyo na mga katulong lang tayo rito, ha, at amo natin ang pinagpapatasyahan ninyo.”
“Ninyo lang?” nang-aasar na gagad ni Geselle. “At saka, marami na ‘kong nabasa na mga nagkatuluyang amo at tsimay, ‘no. Uso na ‘yon ngayon, basta dapat lagi kang fresh.”
“Saan mo naman ‘yan nabasa, aber?” nakapameywang niyang tanong.
“Sa mga pocketbook.”
Iiiling-iling na inikutan niya ito ng mga mata. “Bahala kayo sa buhay n’yo, basta ako, hindi ko siya type. Guwapo siya, oo, pero nunkang magkakagusto ako sa taong daig pa ang may buwanang-dalaw araw-araw sa sobrang sungit. Kung alam n’yo lang kung gaano kaitim ang budhi ng isang ‘yon,” aniya at talagang pinagdiinan pa ang salitang “gaano”.
“Maitim ang budhi nino?”
Lahat sila’y nanigas sa kinatatayuan nang marinig ang malalim na boses ni Don Alonzo. Animo nag-usap ang kanilang mga ulo na sabay-sabay bumaling sa direksiyon nito. Ramdam niya ang biglaang pagkapit sa kaniya ni Raye nang makitang hindi lang nag-iisa ang matanda, dahil katabi nito ang apo na kanina pa nila pinag-uusapan.
Ang lalaking maitim ang budhi—si Brent.
Halatang wala itong pakielam sa mundo dahil kulang na lamang ay idikit nito ang mga mata sa screen ng phone. Kumibot-kibot ang mga labi ni Ada, Hindi ba talaga marunong makunsensiya ang lalaking ‘to? Pudpod na pudpod kaya mga paa ko dahil sa ginawa niya!
“Hija?” untag ni Don Alonzo sa kaniya. May kakaibang kinang na naglalaro sa mga mata nito. “Sino ulit ‘yong tinutukoy mo?”
Napapitlag si Ada. Pasimpleng nagsipulasan ang mga kasamahan niya sa kani-kanilang mga trabaho. Pasaklolo niyang tiningnan si Raye na nagbabalak na ring kumaripas ng alis.
“Ay, oo nga pala!” tili ng bruha, “may inuutos pa nga pala sa akin si Madame Kaya. Naku! Nalimutan ko.” Humarap ito sa don at bahagyang yumukod. “Maiwan ko na ho kayo, ha.” Bago ito umalis ay pasimple siya nitong binulungan, “Kaya mo na ‘yan.”
Akala ko, kaibigan kita!
Tumikhim si Ada at kunwa’y ngingitingiting ikinumpas ang kamay. “A-ah, w-wala ho iyon, Don Alonzo. Napag-usapan lang ho namin ‘yung ano . . . ‘yong, ah, dati kong manliligaw. Gusto ho kasing umakyat ulit ng bahay—este, ng ligaw. E-eh, hindi ko ho ‘yon type kasi ang sama-sama talaga ng ugali,” palusot pa niya. Sana lang ay kagatin iyon ng don.
Napalingon siya kay Brent nang marinig itong pumalatak. “May nagkakagusto pala sa isang witch na katulad mo?” anito na sa telepono pa rin nakapagkit ang tingin.
“Oo naman,” hindi niya napigilang tugon dito, “marami kaya akong manliligaw. M-medyo magaspang nga lang ang mukha ko pero marami ring lalaki ang nabibihag dito.”
Wow, talaga ba, Adalina? aniya sa sarili. Saan ba galing ang mga pinagsasabi niya?
Sa wakas ay nag-angat si Brent ng tingin sa kaniya. Wala man lang kaemo-emosyon ang mukha nito. “Then those guys must be blind . . .too.”
Umangat ang sulok ng labi ng don at makahulugang minata ang apo. “Aba, hijo, kung hindi mo nakikita ang nakikita ng mga kalalakihan dito sa San Guevarra kay Ada, then maybe you’re the one who’s blind. Hamo’t dadalhin din kita sa optika para ipatingin ‘yang mga mata mo.” Tumawa ito at muling inilipat ang tingin sa kaniya. “Siya nga pala, hija, pasensiya na kung naistorbo ko ang paglalaba mo, gusto ko lang sanang kumustahin ang naging lakad ninyo ni Brent kahapon. Ano nga pala ang nangyari?”
Muntik nang umusok ang mga butas ng ilong ni Ada sa tanong na iyon ni Don Alonzo. Gustuhin man niyang pukulin ng matalim na tingin si Brent ay hindi niya magawa. Pinakalma niya na lamang ang nagngingitngit na kalooban at dahan-dahang bumuga ng hangin bago sinagot ang matanda. “O-okay lang naman po, Don Alonzo. Tingin ko naman po ay nag-enjoy si Señorito kahit papaano sa paglibot ko sa kaniya sa kapihan. Hindi nga lang ho namin naikot nang buo dahil bigla hong sumama ang tiyan ko.”
Kahit na ang totoo’y hindi sila natuloy sa plantasyon. Dinala siya ni Brent sa isang kainan dahil bigla raw itong nabanyo. Hindi niya alam kung papaano ito nakalusot sa kaniya samantalang kulang na lang ay sundan niya ito sa loob ng cubicle. Akala niya’y matagal lang talaga ito maglabas ng sama ng loob pero iyon pala’y iniwan na siya nito. Ilang oras siyang naghintay roon sa pag-asang babalikan siya ng hudyo, ngunit namuti lamang ang mga mata niya kakahintay. Tuloy ay nagkaroon pa siya ng utang sa kainan dahil nakuha pang mag-order ni Brent ng pagkain bago siya nito takasan.
Naglakad din siya ng halos dalawang oras mula roon papunta sa kapihan dahil nagbakasakali siyang nauna ito roon, ngunit bigo pa rin siya. Hindi naman siya maaring sumabay sa service kaya kinakailangan niyang malakad ulit para makauwi. Kandapudpod-pudpod na ‘yong tsinelas niya at gusto na rin siyang sukuan ng kaniyang mga binti. Mabuti na lamang at may kakilala siyang nagmagandang-loob na isabay siya pauwi. Pagdating niya sa kanila ay naiyak na lang siya sa sobrang pagod at sama ng loob.
Gusto niya bang gumanti sa ‘kin kaya niya ginawa ‘yon?
“Really?” wika ng matandang Esplana na nagpabalik sa naglalakbay na diwa ni Ada. Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanila ni Brent. “Hindi ba pinasakit ng apo ko ang ulo mo? ‘Di ka ba nahirapan?”
Pilit ang ngiting sumilay sa mga labi ng dalaga. “Hindi naman po. Nakinig naman po siya sa mga sinabi ko.” Muli siyang nagpakawala ng pekeng tawa. “Sana lang din po ay natandaan niya pa ‘yong mga itinuro ko sa kaniyang pasikot-sikot sa kapihan.”
Mukha namang paniwalang-paniwala ang don dahil tuwang-tuwa ito. “Himala. Akala ko’y tatakasan ka nitong si Brent, e.”
‘Yon nga po ang ginawa niya, gusto niya sanang sabihin.
“Ano, apo?” ani ng don kay Brent, “ayos bang tour guide itong si Ada?”
Hindi mawari ng dalaga kung imahinasyon niya lang ba iyon o talagang lumambot ang ekspresiyon ng mukha ni Brent. Mataman siya nitong pinakatitigan. Tama ba ang nababanaag niyang pagtataka at . . . pagkakunsensiya sa mga mata nito?
Malamang nagtataka siya kung bakit hindi mo sinabi sa lolo niya ang totoo, anang isang bahagi ng kaniyang isip.
Sa totoo lang, hindi niya rin alam kung bakit hindi niya ito sinumbong sa abuelo nito. Masama pa rin ang loob niya, pero parang mas siya pa ang makukunsensiya kapag inilaglag niya ito sa don.
“Yeah,” sagot ni Brent habang hindi pa rin inaalis ang tingin sa kaniya na para bang sinusukat ang kaniyang pagkatao.
“Kung gano’n ay si Ada ulit ang ipapasama ko sa ‘yo bukas.”
Na naman?!
Puwede bang umalma?
➶ ➷ ➸ ➹
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top