Chapter 20
NAKATAYO kami ni Rafael ngayon sa harap ng isang puntod na nasa loob ng isang mausoleo. Gawa ang sahig nito sa itim na marmol at para itong magandang bahay kung titingnan mula sa labas.
“Sino siya?” Tanong ko dito kay Raf na mukhang kanina pa malalim ang iniisip.
'Amelia Santiago Ramirez' ang pangalang nakaukit sa lapida at napansin ko na pareho sila ng middle name ni Rafael, kaya napatanong na talaga ako. Mukhang mahalaga rin talaga ito para sa kaniya, dahil iniwanan lang naman niya 'yong birthday event niya para pumunta rito.
“She's my mother.” Nag-igting ang mga panga niya at kumuyom ang mga kamao.
“Akala ko si aling Tere ang nanay mo.”
Yumakap ako at sumandal sa kaniyang dibdib upang pakalmahin siya, naramdaman ko naman na humugot siya ng hininga bago magsalita.
“S-siyam na taong gulang ako noong mawala siya sa amin.”
“I'm sorry," Marami pa pala akong hindi alam tungkol sa kaniya. Pero medyo nakatataba rin ng puso na handa na siyang ikwento sa akin ang mga bagay na 'to dahil ibig sabihin ay isa na ako sa mga taong pinagkakatiwalaan niya.
“Pinatay siya ng mga walanghiyang dumakip sa amin at wala akong nagawa.” Nararamdaman ko ang sakit na dinadala niya dahil sa boses niya.
Kaya kahit iyon lang ang sinabi niya at hindi ko man alam ang buong istorya'y parang may tumusok na kung ano sa dibdib ko, sinasakop ito ng awa para sa kanya.
“Bata ka pa noon Rafael, h'wag mong sisihin ang sarili mo.” Binigyan ko siya ng isang matamis na ngiti habang nakayakap parin sa kan'ya ngunit biglang tumalim ang mga titig niya kaya napaatras ako ng bahagya.
“May problema ba?”
“Ikaw ang problema ko,” sagot nito.
Nagsalubong ang kilay ko dahil sa sinabi niya. Aba! Wala naman akong ginagawang masama pagkatapos sasabihan niya ako ng gan'yan?
“Ares!”
Sabay kaming napalingon nang marinig namin ang tinig ni Aling Tere, nagkukumahog itong lumapit sa amin habang nakahawak sa kaniyang dibdib. Isang ngiti ang gumuhit sa mga labi ni Rafael noong hinawakan ni Aling Tere ang braso ko at hinila palayo sa kanya.
“Kumusta nanay?” Ani Rafael habang pumupungay pa ang mga mata, mukha talaga siyang anghel kapag ginagawa niya iyon.
“Ayos ka lang ba Elleonor?” Tanong ni Aling Tere at hinawakan ang mukha ko. Bakit hindi man lang niya pinansin si Raf, may problema ba sila?
“Elle?” Ulit pa na tanong nito.
Tanging tango lang ang naisagot dahil maraming gumugulo sa isip ko. Naiintindihan ko naman kung nag-aalala siya dahil ala una na ng madaling araw na noong umalis kami sa event.
Pero bakit naman niya ako tatanungin kung ayos lang ako gayong kasama ko naman si Rafael na handa akong protektahan? Wala ba siyang tiwala sa binatang pinalaki niya?
“Umuna ka nalang muna sa sasakyan Elle, may pag-uusapan lang kami.” Matalim ang mga titig na ibinibigay nito kay Raf.
“Ako ang maghahatid sa kaniya!” Nagulat ako sa ginawang pagsigaw nito, hindi ko tuloy magawang ihakbang itong mga paa ko.
“Bakit kailangang sumigaw Raf?” Anas ko bago balingan ng tingin si Aling Tere.
“Sige na Elle pumasok ka nalang sa sasakyan, nariyan lang 'yon sa tapat.”
Sinunod ko nalang si Aling Tere kahit pa masama ang mga tingin sa akin ni Rafael, mukhang seryoso kasi talaga ang kailangan nilang pag-usapan at siguro'y hindi na dapat akong makialam pa.
Iiling-iling ang driver na mukhang kaedaran lang rin nila Don Ricardo, nakatingin ito kila Rafael mula sa gate ng mausoleo.
“Akala ko nawala na 'yan,” bulong nito sa sarili.
“Ang alin po?”
Nanlaki ang mga mata nito nang mapatingin siya sa rearview mirror at maaninag ako doon. Siguro hindi niya napansin na nakasakay na ako dahil bukas naman ang pinto nitong sasakyan. Pero anong sinasabi niyang akala niya'y nawala na?
“Ah wala 'yon, wag mo nalang akong pansinin.”
Bakit ganito ang nararamdaman ko? Pakiramdam ko may sikreto silang inililihim sa akin? Nabalot ng nakakabinging katahimikan ang buong sasakyan dahil hindi man lang ako kinausap nitong driver. Unti-unti na tuloy akong nilalamon ng antok.
“Babe let's go.”
Nagitla ako nang biglang hawakan ni Rafael ang braso ko matapos ang malakas na pagbukas niya ng pinto nitong sasakyan.
“Rafael sumabay nalang tayo sa kanila, bukas mo nalang balikan ang motorsiklo mo.” Napahikab matapos kong sabihin 'yon, inaantok na rin kasi talaga ako at ayoko na munang bumaba rito sa sasakyan. “Please?”
“Sumakay ka na,” Narinig kong utos ni Aling Tere sa kaniya bago tuluyang magsara ang talukap ng mga mata ko.
NAIMULAT ko ang mga mata ko nang naramdaman ko na lumapat ang likod ko sa malambot na kama.
“Ra– Asan si Rafael?”
Akala ko si Rafael ang nagbuhat sa akin rito, 'yong driver naman pala. Umalis rin naman kaagad ito at iniwan kami ni Aling Teresita dito sa silid. Tingin ko ay sa mansyon ito ni Don Ricardo.
“Hindi na dapat kayo pumunta ro'n sa sementeryo.” Pagkatapos niyang sabihin iyon ay umupo siya sa gilid nitong kama at hinawakan ang mga kamay ko.
“Sorry po, pero isinama lang naman ako ni Rafael doon.” Totoo iyon, ni hindi ko nga alam na doon pala kami pupunta. At isa pa ano naman ang masama kung bisitahin ni Rafael ang puntod ng totoong nanay niya?Nagseselos ba siya?
“Nasaan na nga po ba siya?” Tinanaw ko ang bukas na pinto nitong kuwarto, nagbabakasakaling naroon siya.
“Nagpapahinga na si Rafael dahil hindi nakabubuti sa kalusugan niya ang mga nangyari ngayon,” anito.
May sakit ba si Rafael? Ano bang inililihim sa akin ng mga tao dito sa lugar na 'to? “H'wag niyo sanang masamain itong pagtatanong ko pero kanina pa kasi ako naguguluhan. Ano po ba talagang nangyayari?”
She nodded as a sign that she understands where I'm coming from. “Elle sana h'wag mo nalang banggitin bukas kay Sebastian ang lahat ng nangyari ngayon.”
Lalong nadagdagan ang kuryosidad dahil sa sinabi niya, hindi ko alam kung bakit kasi ayaw na lamang niyang diretsuhin.
“Ano po ba talagang problema?”
“Masama sa kalusugan ni Sebastian na maalala pa ang masalimuot niyang nakaraan Elle, masyado siyang na trauma dahil sa lahat ng iyon.” Pinunasan kaagad nito ang luha na tumulo mula sa mga mata niya.
“Pinagmalupitan at inabuso sila ng mga dumukot sa kanila noon. Walang awang pinatay nila ang kapatid ko sa mismong harapan ni Sebastian.” Nabasag ang boses niya habang ikinukwento ang mga iyon.
Nag-init ang gilid ng mga mata ko at maging ang puso ko ay parang pinipiga habang iniisip kung gaano kahirap 'yon para isang sa siyam na taong gulang na bata. Hindi ko alam kung paano nakayanan ni Rafael na mabuhay ng may ganoong alaala. Napakabait niyang tao para mangyari sa kaniya ang mga bagay na iyon.
“Milagro pa nga na nakaligtas siya.”
“Pero bakit inilayo niyo pa siya kay Don Ricardo?” Hindi ba mas makabubuti kung makakasama niya ang papa niya noong mga panahong nawala ang nanay niya?
“Inilayo ko siya sa mundo ni Ricardo dahil natatakot ako na baka kung ano pang mangyari sa kaniya. Elle, ipinangako ko sa sarili ko at sa puntod ng kapatid ko na hanggang sa makakaya ko'y poprotektahan ko siya.”
Kaya pala ayaw na ayaw ni Aling Teresita na may papasok at mangingialam sa loob ng bahay ni Don Ricardo ay dahil nag-iingat siya.
Nararamdaman ko na totoong malaki ang pagmamalasakit niya kay Raf. Hindi man sa kaniya nanggaling si Rafael ay itinuring naman niya ito na parang isang tunay na anak.
“Kung ganoon napilitan nalang rin kayong ibalik siya dito?”
Pagtango nalang ang naisagot niya dahil hindi na rin niya magawang makapagsalita ng maayos, tuloy-tuloy nalang kasi ang pagbuhos ng mga luha niya na pakiramdam ko'y matagal-tagal na rin niyang kinimkim.
“Nanay Teresita h'wag na po kayong mag-alala dahil simula ngayon ay kasama niyo na ako para protektahan at mahalin si Rafael. Pangako 'yan.”
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top