Chapter 19
THE night passed while my eyes were widely open, only blinking consecutively, not being able to get myself to sleep.
My body felt really tired, yet I couldn't sleep.
Magdamag lang akong nakatitig sa kisame.
Nag-umaga na at lahat lahat ay hindi talaga ako nakatulog kahit kaunting minuto man lang. Nang tumunog ang alarm na naka-set sa cellphone ko ay bumangon na lang din ako ay naghilamos. Lumabas ako ng kwarto upang kumain ng agahan. Pagkatapos ay bumalik ng kwarto para maligo at humiga ulit. Gano'n din sa tanghalian at hapunan.
Tinanong ako nina mommy at daddy kung ayos lang ako. Tinanguan ko lang sila at binigyan ng isang pekeng ngiti upang hindi na ako kulitin pa.
Gano'n din ang nangyari ng gabing 'yon.
Hindi rin ako nakatulog.
Hindi ko alam kung bakit. Siguro ay hindi lang talaga ako dinadalaw ng antok, o kaya naman ay kusang iniiwasan ng mga mata ko ang pumikit at matulog dahil alam nitong natatakot ako kung sakaling makatulog at mapunta sa isa na namang masamang panaginip. Ayaw ko na. Paulit-ulit na lang na gano'n.
No'ng mag-umaga ay inulit ko lang din ang ginawa ko. Kumain, naligo, nagkulong sa kwarto, at nang kinagabihan ay tumulala.
Sa loob ng dalawang magkasunod na gabing 'yon ay malimit akong lumilingon sa balkonahe, hinihintay na bigla na lang magpakita si Ash. Hindi ko alam kung bakit ako naghihintay. Siguro ay dahil bukod kay Dra. Lesandra, wala na rin akong ibang pinaglalabasan ng tunay na emosyon. Kahit sa mga kaibigan ko ay hindi ko sinasabing mayroon pa rin akong mga bangungot. Ang alam nila ay tumigil na 'yon ilang taon na ang nakalipas. Ang akala nila ay nawala na 'yon nang tumigil ako sa pagbisita kay Dra. Lesandra. Pero tama nga ang doktora dahil sa loob ng ilang taon kong pagpapanggap ay gabi-gabi pa rin akong binibisita ng masasamang panaginip na siyang nagpapahirap sa 'kin.
Siguro rin ay dahil ramdam kong sinsero ang lalaki sa pakikipagkilala sa 'kin.
Hindi ko alam.
Baka dahil alam kong hindi niya sasabihin kina mommy o kina Lyden ang mga masasabi ko. Hindi pa naman kami umaabot sa mga gano'ng usapang tungkol sa buhay ng isa't isa. Wala lang. Hindi lang talaga ako kumportableng magkwento sa iba dahil natatakot akong isusumbong nila 'yon kina mommy at pababalikin na naman ako kay Dra. Lesandra. Baka dahil estranghero pa si Ash, kaya tiwala akong wala siyang masasabi kina mommy.
Naghintay akong bigla na lang ulit siyang sumulpot sa balkonahe, ngunit sa loob ng dalawang gabing wala akong tulog ay hindi rin siya nagpakita.
Pagdating ng ikatlong gabi ay nakaramdam na ako ng hilo at panghihina. Hindi ako kumain ng gabing 'yon. Pagkaligo ay diretso higa lang ako sa kama. Noong una ay nakatulala lang din ako hanggang sa hindi ko namalayang tinangay na pala ako ng antok.
Nagising akong magaan na ang pakiramdam. Nagtaka ako no'ng una, ngunit hinayaan ko na lang din dahil mabuti na 'yon, kaysa naman sa namumukmok ako sa kwarto maghapon. Pagkalabas ko ng kwarto ay sinalubong ako ni mommy ng yakap. "Good morning," bati niya.
"Good morning," bati ko rin pabalik sabay yakap sa kaniya.
"Bihis ka, 'nak. Nasa sala ang mga kaibigan mo," sabi niya.
"Huh? Bakit daw?" kunot-noong tanong ko.
"Alis daw kayo. Swimming sa resort ng lolo ni Ross. Para naman kahit paano ay malibang ka. Sige na, maghanda ka na ro'n at ipagtitimpla ko muna ng maiinom ang mga kaibigan mo." Tinapik niya ako nang marahan sa balikat at bahagyang itinulak na palayo, pabalik sa kwarto ko.
"Okay. I won't take long," paalam ko.
Muli akong pumasok ng kwarto, naligo, nagbihis, naghanda ng ilang damit na pamalit, at nagsuklay lang ng buhok.
Palabas na ako ng kwarto nang tumunog ang cellphone ko, tanda na may tumatawag.
"Hello? Who's this?" Inipit ko sa pagitan ng tainga at balikat ang cellphone, hinihintay na magsalita ang nasa kabilang linya at hindi na tinignan kung sino 'yon. Baka pinaprank na naman ako ni Lyden, e. Nang wala pa ring sumagot ay sinilip ko na kung sino.
Unknown number.
"Hello po? Sino po ito?" ulit ko. Walang nagsasalita sa kabilang linya, tanging tunog ng humahampas na hangin ang maririnig.
Naguguluhang pinindot ko ang end button at pinutol ang tawag.
Nagkibit-balikat na lang ako at nakangiting lumabas ako ng kwarto, pababa na ng hagdan upang salubungin sina Ross na naririnig ko na ang ingay ng tawanan sa sala.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top