TW: Disturbing scenes/informations, Extreme profanity, Suicide.
***
HINDI ko alam kung ako ba ang kinakausap niya o sarili niya lang. Tumigil siya sa pagtawa at biglang naging seryoso. Naglakad siya papunta sa kumpulan ng mga estudyante, kaya kahit na mahuhuli na ako sa klase ay sumunod pa rin ako sa kaniya.
"Excuse me," sita niya sa mga nadaraanan namin.
"Sorry. Padaan lang," paghingi ko ng paumanhin do'n sa mga nasasagi niya.
Pagkarating sa pintuan ng library ay sinalubong kami ni Mrs. Santos, ang matandang librarian doon. May dalawa pang propesora ang nakatayo sa tabi at nag-uusap kaya hindi kami pinansin.
"Ano po ang nangyari?" tanong ni Lyden.
Sinubukan kong sumilip sa loob upang alamin kung ano ba talaga ang mayroon do'n, kaya lang ay nagkukumpulan talaga ang mga estudyante. Hindi ko tuloy maaninag ang nasa loob. Hindi ko rin malaman kung ano ba talaga ang pinag-uusapan ng iba dahil sabay-sabay silang nagsasalita. Nahihilo lang ako.
Binalingan kami ni Mrs. Santos. "Kabubukas ko lang ng library dahil nahuli ako ng gising, kasama ko ang ilang mga estudyanteng hihiram ng libro nang makita namin 'yong babaeng nakabitin sa isang aisle," paliwanag ni Mrs. Santos.
Nabigla naman si Lyden do'n at kaagad na inalo ang matandang halata mo ang pagkabalisa.
Maging ako ay nagulat nang marinig 'yon mula sa kaniya.
"Pwede po ba kaming pumasok?" tanong ni Lyden.
"Naku, hijo. Pasensiya na at nagtawag na kami ng mga pulis, binilimam kaming huwag munang magpapapasok ng kahit na sino hangga't hindi pa sila nakararating dito. Ang mabuti pa ay tawagin mo na lang ang student council upang tumulong sa pagkalma ng mga estudyanteng nakikiusyoso," sagot naman ni Mrs. Santos.
Napatango ako ro'n.
Nilapitan ko si Lyden upang pakalmahin. "Sa tabi ka muna, Ross. Ako na lang ang tatawag sa council, kumalma ka rin muna riyan sa tabi," saad ko. Inilabas ko ang cellphone upang tignan kung sino ang online sa group chat ng EDU councils. Magty-type na sana ako ng mensahe nang may maalala. "Wait... should I call the college council, or should you call your senior high council?" naguguluhang tanong ko.
"Ha?" balisang sagot sa 'kin ni Lyden.
Napabuntong-hininga ako.
"Nevermind." Iniwan ko muna siya ro'n sa tabi upang balingan si Mrs. Santos. "Excuse me po. College council po ba ag tatawagin... or senior high po?" tanong ko.
"College na lang sana, ineng. Halos puro kolehiyo naman ang narito. At saka 'yong nagbigti ay kolehiyo rin," sagot ng ginang.
Kumunot ang noo ko. Hindi ko na rin napigilan ang sariling magtanong. "Nakilala na po ba kung sino 'yong babae?" kuryosong tanong ko.
Muli akong binalingan ni Mrs. Santos. "Oo. May suot na ID, e. Mylene Liganza," sagot niya. Nagulat naman ako ro'n at hindi nakapagsalita. Ilang ulit akong kumurap habang pinoproseso sa utak ang narinig ko. "Engineering student. Bakit, hija? Kakilala mo ba?" dagdag pa ng ginang.
Hindi naman ako kaagad na nakasagot sa tanong niya.
Natulala na lang ako ro'n at ilang segundo yata bago ako tumango. Napansin niya rin siguro ang pagkagulat ko, kaya naman pinayuhan niya akong samahan muna si Lyden sa tabi upang kumalma at tawagin na rin ang council.
Tahimik akong bumalik sa kinatatayuan ni Lyden. Binalingan niya lang ako, ngunit hindi nagsalita pang magtanong kung ano ang sinabi sa 'kin.
Nagpakawala ako ng malalim na buntong-hininga bago pinilit na magtipa ng mensahe sa group chat ng college council. Ang sekretarya lang namin ang online. Maging sa group chat naming mga year level representatives ay halos wala ring online, kaya naman nag-send na rin ako ng private message sa iba, baka sakaling mabasa nila kaagad at mabilis na makapunta. Hindi naman ako nabigo dahil ilang minuto lang ay dumating na ang presidente at bise. Kaagad nilang pinaalis ang mga estudyanteng pilit na sumisilip sa bintana ng library.
Halos kasunod lang din nila ang pagdating ng mga pulis na may dalang stretcher para sa bangkay. Hindi na kami nagtagal doon dahil pinaalis din kami kaagad ng mga pulis pagkatapos mailabas ang katawan ni Mylene.
Tulad ng inaasahan, napagdesisyunan ng council na pauwiin na ang mga estudyante at pansamantalang i-suspend ang klase.
Wala ako sa sarili nang makauwi sa bahayn Ang huli ko lang naaalala ay tumawag ako ng taxi at sumakay pauwi. Hindi ko na matandaan kung paano ako napunta sa bath tub. Hindi ko rin muna sinabi kina mommy ang dahilan king bakit maaga akong umuwi. Panigurado namang mamaya ay malalaman din nila mula sa ibang magulang ng mga kapwa ko estudyante.
Madilim na nang umahon ako mula sa tubig. Saka ko lang naramdaman ang lamig.
Nagbihis ako ng pantulog at hindi na inabalang suklayin o patuyuin man lang ang buhok ko. Dumiretso ako ng higa sa kama hanggang sa makatulog na lang ako nang kusa dahil sa pagod.
Pagkagising ko ay pinagpapawisan ako ng malamig dahil sa isa na namang bangungot. Pagtingin ko sa orasan ay alas dose na ng madaling araw.
Naramdaman ko ang isang presensya sa may balkonahe at hindi nga ako nagkamali dahil naro'n siyang muli.
"Ash," usal ko sa kaniyang pangalan.
Pinakatitigan niya naman ako na tila ineeksamin ang ekspresyon ng aking mukha. Hindi ko alam kung ano na ba ang hitsura ko. Bigla akong nahiya, kaya tumungo ako upang hindi niya makita ang mukha ko.
Hinintay kong magsalita siya upang punahin ang pawisan kong mukha, ngunit nagulat ako nang marinig ang marahang tono niya.
"Hush... are you alright?"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top