[9-10] Jairus of Valentine
Red's Note:
GUYS, PUBLISHED NA PO ANG MY KUYA'S ASSISTANT. BILI KAYO, HA? TAPOS TAG NIYO AKO SA FB. AYOS BA 'YON? HEHEHE. THANK YOU!
Jairus of Valentine
PINAKIRAMDAMAN niyang mabuti ang paligid para sa senyales ng ligaw na usa. Inihanda niya ang kanyang pana at palaso sa pag-atake sakaling mahagip ito ng paningin niya.
Nang may marinig siyang kaluskos sa kanyang likuran ay mabilis siyang humarap at itinutok ang palaso.
"Sandali, aking Sophia, ako lang 'to," nakataas ang mga kamay na sabi ni Jairus.
Marahas siyang bumuntong-hininga.
"Bakit ba basta ka na lang sumusulpot?"
"Nakita kitang dumaan sa bahay-pahingahan ni Audamos kaya naisipan kong sundan ka."
Nalaman niya mula kay Olivia na kung wala sa eskwelahan si Jairus ay nasa bahay-pahingahan lang ito ni Audamos. Hindi raw kasi ito likas na palalabas at wala rin itong nagiging kasintahan. Kaya siguro palaging maraming mga kababaihan ang dumadaan doon ay para makita ang binata. Nagdadala pa ang mga ito ng gulay at prutas. Lahat nagbabaka-sakali na makuha ang puso nito.
Ayon pa sa kanyang kapatid, bata pa lamang daw si Jairus ay naulila na ito dahil magkasunod na namatay sa malubhang karamdaman ang mga magulang ng binata. Si Audamos na ang kumupkop dito at pinalaki na parang tunay na anak. Kaya marahil lahat ng kaalaman ni Audamos ay ipinapasa nito kay Jairus dahil nagkataong hindi rin ito nabiyayaan ng asawa at anak.
"Bakit mo naman ako sinundan? Wala akong panahong makipag-usap dahil abala ako sa pangangaso."
"Hindi mo na kailangang itutok sa akin 'yang pana at palaso mo," may naglalarong ngiti sa mga labing sabi nito.
Pinanatili niyang seryoso ang mukha. Kung si Olivia at ang iba pang mga kababaihan ay madaling nadadala sa mga ngiti nito, hindi siya.
"Ano ba ang talagang pakay mo?"
"Gusto kitang tulungang mangaso."
Noon lang niya napansin na may hawak si Jairus na sibat sa kanang kamay nito.
"Marunong ka ba?" hindi kumbinsidong tanong niya.
"Oo naman. Bata pa lang ako madalas na akong mangaso. Pero siyempre hindi mo alam 'yon. Madalas ay wala kang pakialam sa paligid mo kahit noong mga bata pa lang tayo. Mas gusto mong ginagawa ang mga bagay nang mag-isa. Tama ba, aking Sophia?"
Pinaningkitan niya ito. Tila kilalang-kilala siya nito base sa tono ng pananalita nito.
"Pwede ba, hindi mo ako pagmamay-ari," paangil niyang sabi.
Tumawa naman si Jairus. "Paumanhin. Ganito lang talaga ako sa mga kaibigan kong babae. Paano, hahayaan mo na ba 'kong tulungan kang mangaso?"
"Baka mapahiya ka lang."
"Sinisigurado kong hindi."
Tinalikuran niya ito. "Sige, magpaligsahan tayo. Kapag nauna kang makapaslang ng usa, pwede kang humingi ng kahit na anong gantimpala. Pero kapag ako naman, gagawin mo ang anumang ipag-uutos ko."
"Nakikipaglaro ka ba sa akin sa lagay na 'to?"
Nakagat niya ang ibabang labi upang pigilan ang kanyang mga ngiti.
"Hindi isang laro," pagkuwan ay sabi niya, "kundi isang paligsahan."
"Kung gano'n ayokong magsayang ng panahon."
Nagulat siya nang bigla na lang itong tumakbo at nilampasan siya. Hindi niya pwedeng hayaang maiwanan nito. Hindi pwedeng may makatalo sa kanya sa pangangaso!
"Sandali lang!"
HINDI NA niya alam kung saan na sila nakarating. Hindi na rin niya makita si Jairus ngunit nang mahagip ng paningin niya ang isang malaking usa ay saglit na nawala ang binata sa isipan niya.
Hayun!
Kasabay nang pagpapakawala niya nang palaso ay ang pagsilay ng mga ngiti sa kanyang mga labi. Ngiti ng tagumpay. Mabilis siyang tumakbo sa direksiyon ng usa matapos niya iyong masapol.
Napagtanto niyang nalaglag pala sa mababang bangin ang usa pero laking gulat niya nang makitang nandoon na si Jairus sa tabi ng hayop.
"Panalo ako," nakangiting sabi nito.
Tumalim naman ang tingin niya sa binata.
"Papaanong ikaw ang nanalo? Hinintay mong tamaan ko siya saka sinamantala ang pagkakataon!"
"Ang usapan natin ay kung sino ang makakapatay sa usa. Ikaw nga ang naunang makakita at nakasugat sa kanya pero hindi mo naman siya napatay." Itinaas nito ang duguang sibat. "Ako ang nakapatay sa usa."
"Madaya ka!" kuyom ang kamaong sabi niya.
"Sana mas nilinaw mo ang usapan nang hindi ka nagagalit ng ganyan," tila aliw namang sabi ni Jairus.
Nilapitan niya ito at malakas na sinuntok sa dibdib. Saglit lang na napangiwi ang binata at bumalik din ang nakakalokong ngiti.
"Aminin mong nandaya ka!"
"Aminin mo ring hindi mo matanggap na natalo ka."
"Dinaya mo nga ako!"
"Pareho nating alam na hindi 'yan totoo."
Lalong nadagdagan ang inis niya. Sana pala gumamit na lang siya ng kapangyarihan nang hindi na siya naisahan ng lalaking ito!
Susuntukin sana niya ulit si Jairus pero maagap nitong nahawakan ang kamao niya at iginapos sa kanyang likuran. Binitawan din nito ang hawak nitong sibat at hinapit siya sa beywang. Nagwala ang puso niya nang madikit siya sa matipunong katawan ng binata.
Nanlaki ang kanyang mga mata nang mapagtantong gahibla na lang ang pagitan ng mga mukha nila. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman. Parang hinihigop nito ang lahat ng kanyang lakas.
"P-pakawalan mo 'ko, Jairus. K-kung hindi ay mapipilitan akong gamitan ka ng kapangyarihan."
"Saka na kapag nakuha ko na ang gantimpala ko."
"Ano'ng--"
Pinutol ng mapusok na halik nito ang kanyang sasabihin. Nanlaki ang kanyang mga mata. Paglapastangan sa kanya ang pagnanakaw nito ng halik lalo pa at ito ang unang pagkakataon na mahalikan siya sa buong buhay niya!
Nagpumiglas siya pero lalo lamang humigpit ang pagkakayakap sa kanya ni Jairus. Sinamantala rin nito ang pagkakaawang ng kanyang mga labi. Ipinasok nito ang dila nito sa loob ng kanyang bibig upang laliman ang halik. May kung ano sa halik ni Jairus na nagpawala sa kanyang pagtutol. Natagpuan niya ang sariling tinutugunan ang mga halik nito. Mukhang hindi lang yata si Jairus ang nakakuha ng gantimpala kundi maging siya. Ito na yata ang pinakamatamis na pagkatalong nakamtan niya.
May kumawalang ungol mula sa lalamunan niya. Ano ba itong nangyayari sa kanya?
Kung hindi pa sila kinapos ng paghinga ay hindi pa sila maghihiwalay. Hindi siya makapagsalita dahil sa paghahabol ng hangin at nanatili lang na nakatitig sa mukha ni Jairus.
Ilang sandali pa ay may sumilay na ngiti sa mga labi nito.
"Mukhang pareho naman tayong nanalo dito," sabi pa nito.
Daig pa niya ang binuhusan ng malamig na tubig. Pinaglalaruan lang ba siya nito?
"Bastos ka!" Kasunod niyo ay ang pagdapo ng malakas niyang sampal sa pisngi nito.
"Sophia, hindi!" Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. "Gusto kita--mali. Sophia, iniibig kita. Ikaw lang ang babaeng nagpatibok ng puso ko. Hindi mo napapansin ang isang katulad ko dati pa man pero sa maniwala ka't sa hindi, matagal na kitang iniingatan sa puso ko."
Tumingin siya sa dibdib nito at sa mukha ulit ng binata. Nagsusumamo ang mga mata nito na para bang gusto nitong maniwala siya. Lalo lang na nagulo ang kanyang sistema.
"Sinungaling ka! Matapos mong makuha ang unang halik ko ay gusto mo na akong paikutin?" asik niya.
"Bakit hindi mo gamitin ang kapangyarihan mo upang malaman mo na nagsasabi ako ng totoo? At hindi mo kailangang magkaila, Sophia. Alam kong gano'n din ang nararamdaman mo."
"Hindi 'yan totoo!" Pumiksi siya at agad na tinalikuran ang binata. Kailangan niyang makalayo kay Jairus sa lalong madaling panahon dahil kung hindi ay baka maniwala siya rito.
"Sophia."
Napahinto siya pero hindi niya ito nilingon.
"Alam kong malaki ang pagkakaiba nating dalawa pero alam kong hindi hadlang iyon para mahalin kita."
Nakuyom na naman niya ang kamao. "Jairus, tumigil ka kung ayaw mong parusahan kita!"
"BINIBINING Sophia?"
Mula sa pagtitig sa kalangitan ay bahagya lang na nilingon ni Sophia ang punong-tagasilbi na si Yula. Nakaupo sila sa kanyang kama habang paulit-ulit nitong sinusuklay ang mahaba niyang buhok.
"Bakit, Yula?"
"Kanina ko pa napapansin na tahimik kayo at may malalim na iniisip. Hindi ako sanay sa kinikilos mong ito. Dapat ay ikinukwento mo na ang mga nangyari sa pangangaso mo kanina. May nangyari ba?"
Wala sa loob na napahawak siya sa kanyang mga labi. Ang dahilan kung kaya siya tahimik at nag-iisip ay dahil sa paulit-ulit na naglalaro sa isipan niya ang mga nangyari sa gubat kanina. Kahit anong gawin niya ay hindi maalis sa isipan niya ang maamong mukha ni Jairus, ang malalambot nitong mga labi sa mga labi niya at ang pagtatapat ng pag-ibig nito sa kanya.
Mariin siyang pumikit.
"Hindi ko maintindihan, Yula. Si Jairus, ninakaw niya ang unang halik ko at sinabi niyang mahal niya 'ko. Hindi ko alam kung bakit gulong-gulo ako ngayon," pagtatapat niya.
Hindi naman siya nag-aalangang magtapat ng kanyang nararamdaman at saloobin kay Yula dahil ito na ang tumayong pangalawa niyang ina at matalik na kaibigan. Kapag may problema siya ay hindi siya nito binibigo sa mga ibinibigay nitong payo.
Bumagal ang ginawang pagsuklay sa kanya ng taga-silbi.
"Si Jairus?" Bakas ang pagkamangha at tuwa sa tono nito. "Sa lahat ng mga babaeng nahuhumaling sa kanya ay ikaw lang ang tanging sinabihan niya ng kanyang damdamin! Alam ko iyon dahil malapit sa lahat ang binatang iyon. Para akong nakatagpo ng anak na lalaki sa katauhan niya. Napakapalad mo, Sophia. Si Jairus ay may malinis na puso at nasisiguro kong maswerte ang babaeng mamahalin niya! Napakapalad mo naman, aking binibini!"
Nagbuntong-hininga siya. Hindi niya makuhang maging masaya katulad ni Yula. "Iyon na nga, Yula. Naguguluhan ako. Hindi ko inaasahan ang pagtatapat niyang ito. Dapat ko ba siyang pagkatiwalaan?"
"May nararamdaman ka rin ba para sa kanya o wala?"
Nanghagilap siya ng maisasagot pero nabigo siya.
"Hindi ko alam. Paano ko ba malalaman?"
"Kung ako ang tatanungin mo, hindi mo naman iisipin ang isang tao kung wala siyang halaga sa'yo. Masaya ka kapag nakikita mo siya at nakakausap, gusto mo lagi siyang nakikitang masaya at higit sa lahat, nakakaramdam ka ng selos kapag may kasama siyang iba."
"Selos?" wala sa loob na ulit niya.
"Alam kong hindi mo pa lubusang naiintindihan ang mga iyon dahil ito ang unang beses na nakaramdam ka ng ganito. At masaya ako para sa'yo, Sophia." Humagikhik pa ito. "Hindi malayong magkagustuhan kayo ni Jairus. Bagay na bagay talaga kayong dalawa!"
Agad niyang naalala ang kapatid.
"Pero gusto siya ni Olivia, Yula..."
"Si Jairus pa rin ang magdidesisyon kung sino ang mamahalin niya."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top