Sa May Puno Ng Mangga
This short story was written as my final requirement in a writing workshop. The mentor gave us the finalists some keywords to use. Unfortunately, 'di ako nakapasok sa Top Five. I really love this piece nevertheless.
***************************************************************************************
Sa May Puno Ng Mangga
ni Bernard Christopher A. Catam
Ang binhi'y tumutubo
Hanggang maging isang puno.
"Eh, eh. Katagal naman niyan. Hapon na, eh," inip na komento ni Jepoy. Kinagat niya ang ika-pitong bunga ng manggang kanina pa niya kinakain. Hinahayaan n'ya lamang na mahulog ang mga balat at buto sa ibaba, malapit sa ugat ng punong kanila ngayong kinaaakyatan. Nang tumigil ang ulan kaninang tanghali, dali-dali silang pumunta sa may manggahan.
Isinandal niya ang patpating likod sa katawan ng puno at umayos ng pagkakaupo sa sanga sabay tingala sa kaniyang pinsang si Kiko na kanina pa 'di mapakali sa mas mataas na bahagi ng puno. "Intay ka laang. 'Wag kang maligalig. Kabagal ni Internet, ay," sagot sa kaniya nito at inayos pa ang suot na salamin sa mata.
"Ala'y para saan ga 'yan? Ako'y nadudumi na, eh." Hinawakan ni Jepoy ang tiyang sumasamá na rin ang pakiramdam. Kinuha niya ang laylayan ng kaniyang puting sando at ipinampunas sa maamos na bibig.
"'Di ga'y assignment ko nga ire? Patay ako kay Ma'am Catapang 'pag ito'y hindi ko naipasa," pag-aalala ni Kiko. Ilang beses pa nitong pinukpok at inalog-alog ang hawak na cellphone, nagbabaka-sakaling lumakas ang signal.
"Kagaling mo naman. Balita ko'y ikaw na uli ang Top One sa Grade 5," puri ni Jepoy. "Puro ka na laang aral. Kaya nalabo na mata mo, eh." Kasing-edad niya lamang ang kaniyang pinsan ngunit 'di tulad nito'y maaga siyang napatigil sa pag-aaral para tumulong sa kaniyang mga magulang sa paggagapas ng tubó at palay sa ilang.
Napansin ni Kiko ang malungkot na tono ng kaniyang pinsan. "Alam mo, bespren, pwede naman kitang turuan at tayo'y magkakaige."
"Tungkol saan ga iyang assignment n'yo?"
"Tingne. Sanaysay 'to. Kung ano raw gusto namin maging paglake."
"O, anong iyong sagot?"
"Siyempre, doktor. Tulad ni Papa."
"Papa mo, si Kakang Isko? Eh, albularyo yaon. Anong iyong gagamuten? Espirito?"
Sabay silang tumawa nang malakas.
"Malamang, hinde. Ako'y mag-aaral ng medisina sa Maynila pagka-graduate ko ng hayskul. Bagos, babalik ako dine sa atin para meron naman tayong malapitang manggagamot."
"Sige lang, bespren. Pagpatuloy mo yaan. Dadalaw ako sa inyo kapag ako'y natikbalangan."
"Paano ka dadalaw, eh, natikbalangan ka nga?" Malutong ang kanilang halakhak, tanda ng mahabang panahon na nilang magkalaro at magkakilala.
"Ikaw ga, Jepoy, anong gusto mong maging paglake?"
Napatigil siya sa tanong ng kaniyang pinsan, napalunok ng laway at tumingin sa malayo. "Ba't mo naman ako dadamay dyaan? Ikaw 'tong nagi-iskul, eh," biro niya.
"Seryoso nga, bespren. Kahit naman 'yung mga 'di nakakapagtapos ng pag-aaral ay pwede ring magkar'on ng magandang tarbaho balang-araw."
"Ikaw ga'y nagdyo-joke? Paano naman 'yon mangyayari, eh, wala nga kaming pinag-aralan? Nakikita mo ga ang mga pamilya namen? Si Inay, tagatinda laang ng kakanin sa may bayan."
"Magaling ang inay mo sa kwentahan. Sa kaniya pa ako nagpaturo ng pagtutuos."
"Si Itay, kalabaw at baka na ang kahuntahan buong araw."
"'Di matatawaran ang sipag ni Ka Bineng."
"Si Ate, maagang nagkaanak. 'Di na natuloy ang pag-a-abroad."
"Ala'y wala naman akong masabi sa kalinga ni 'insan sa iyong pamangkin."
"Bakit mo ga kinokontra ang sinasabi ko? Ang galing sa lupa'y sa lupa rin ang lagpak."
"Saan mo naman nakuha 'yan? Ngay-on ko laang narinig 'yan."
Napaisip si Jepoy kung saan nga ba galing ang kasabihang iyon. Siguro'y dala na rin ng palagian niyang pag-iisip na ang tulad nilang pinanganak na mahirap ay mamamatay ring mahirap.
"Ala'y 'wag mo na ngang pakaisipan. Magpukos ka dyaan sa assignment mo. Lasa ko'y ngalngal ka 'pag 'di mo naipasa iyan."
Binalikan ni Kiko ang kaniyang cellphone. Mas lalo pa yatang bumagal ang pag-send dahil loading pa rin ang nasa screen. "'Wag mo ngang ibahin ang usapan. Ni minsan ga'y 'di mo naisip na maging propisyunal paglaki? Abogado, seaman, titser o kaya sundalo? Hindi porke't mahirap at pagarto-garto laang tayo'y wala na tayong karapatang mangarap."
"Ayan ka na naman sa mga malalalim mong ispiks. Samantalang dati'y panay pa ang pasama mo sa may parang 'pag nagigising ka sa hatinggabi na masakit ang tiyan." Muntikan nang mahulog si Jepoy sa lakas ng kaniyang tawa.
"Gay-an ka naman lage. Dinadaan na laang sa biro, eh," inis na sabi ni Kiko sa kaniya. Napabuntong-hininga na lamang sila.
Tumingala si Jepoy at pinagmasdan ang paggalaw ng mga dahon ng punong sumasabay sa ihip ng hangin. Sumisilip ang malamlam na liwanag ng langit na nagbabadya na naman ng panibagong ulan.
"Sent! Sa wakas."
Nagulat siya sa bulalas ni Kiko sa itaas. Walang mapagsidlan ang tuwa nito.
"Salamat, Ginoo. Tayo ga'y makakabalik na sa kubo? An'dami ko nang nakaing mangga. Sinasamá na puwetan ko."
"Oo nga. Naamoy ko na rine, eh. Tara na. Bilsan mo," aya ni Kiko. Dahan-dahan itong bumaba ng mga sanga at naunang lumapag sa lupa.
"Alay 'wag mo naman akong iiwan." Mula sa kaniyang kinapupwestuhan ay tumalon si Jepoy pababa. Sinundan niya ang pinsang mabilis na palang naglalakad palayo sa puno ng mangga.
Hindi niya napigilan ang sariling tumigil sa pagtakbo at titigan ang kaniyang repleksyon sa isang lusak ng tubig-ulan sa lupang kaniyang kinatutuntungan. Nai-imagine niya ang sarili na nakasuot ng pang-abogasya, pang-seaman, pang-titser at pangsundalo. Gumuhit ang ngiti sa kaniyang mga labi.
Napalingon siyang muli sa may puno ng mangga, nagkalat ang mga butong iniwan niya sa ibaba. Sa tamang dilig, tutubo rin ang mga ito hanggang maging ganap na puno.
Saka niya lang napagtanto na mataas pala ang inakyat nila kanina, lalo na ni Kiko, para lang makasagap ng signal. Naglalaro ang mga tanong sa kaniyang isipan. May sapat din kaya siyang pasensiya para maghintay sa ganoong kabagal na Internet?
Totoo nga kayang kahit ganito ang estado ng kanilang pamilya ay maaari pa rin siyang makapamili ng marangyang hanapbuhay sa hinaharap? Na kahit pa bilanggo sila ng kasalatan ay may kalayaan pa rin siyang mangarap? Kalayaan na maghangad ng magandang kinabukasan?
Kahit ano pa man iyon, ipinagpatuloy niya ang pagtakbo. Ang bawat hakbang ay pananim patungo sa kaniyang pangarap.
Wakas.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top