Hold Me While You Wait


This is an excerpt of a New Adult novel I was going to write for Wattys 2020 pero 'di ko natuloy due to personal reasons. It was an experimental narrative kasi ang balak ko ay walang names ang lahat ng characters all throughout the novel. May plot outline at playlist na rin siya. Maybe someday matuloy ko. Hehe.

You may opt to listen with the song inspiration while reading... or maybe not.

I attached the link above.

***************************************************************************************

HOLD ME WHILE YOU WAIT

Bernard Christopher A. Catam

"Anong sa'yo?" Nakaabang ang mga titig niya sa'kin. 'Di ko mapigilang mapangiti.

"Kahit ano," sagot ko.

Napakunot siya ng noo sabay hataw sa balikat ko. "Eh! Ako na naman mamimili. Ano ngang sa'yo?" inis niya kahit halata namang natatawa.

Lumabas ang mapuputi niyang ngipin. At kahit walang lipstick, simpula pa rin ng mga rosas ang kaniyang mga labi. Ba't ganon? Ba't 'di ko mapigilang mapahakbang palapit at mapatingin dito.

"Kahit ano nga. Ano ba sa'yo?" tanong ko sabay haplos sa balikat kong nasaktan. "Sakit nun, ah."

"Ay, sori na. Ano sa'kin. Burger lang saka fries." Nakaturo ang maninipis niyang daliri sa itaas na menu ng counter. Nakatalikod siya sa'kin. Naka-ponytail ngayon ang itim niyang buhok na hanggang kili-kili ang haba. Bihira ko lang siyang makitang nagtatali. Kung hindi may tatapusing trabaho ay may bagay siyang gagawin na nagpapa-excite sa kaniya.

"Ganon na din sa'kin. Libre ko na." Agad niya kong hinarap at hinataw muli sa balikat. Ngayon, sa kabila naman. "Aray! Bakit?"

"Ba't ka manlilibre? Parehas lang tayo ng sahod, uy. KKB," sabay order sa counter. 'Yan ang nagustuhan ko sa kaniya. Hindi niya hilig ang magpaubaya sapagkat siya ang babae. Ayaw niyang kikilos ka basta-basta ng hindi naman tama ang dahilan.

"Dun tayo," turo niya sa may gilid, katabi ng salaming pader. Kita mula rito ang stoplight. Nakapila ang maraming sasakyan. Nag-aabang ng GO signal. Rush hour.

"Aba. Kain na." Sinimulan niyang buksan ang ketchup, nilagay ang laman sa isang tissue paper at nilantakan ang fries. Napangiti na lamang ako at nagsimula na ring kumain.

"Kakapagod, noh? Ang dami kong in-encode kanina," panimula niya. Sa puntong iyon, alam kong ikukuwento na niya ang nangyari buong maghapon. Hindi siya nawawalan ng istorya. Nakakatuwa ang mga reaksiyon niya, mga munting frustrations niya, at mga bagay na natutunan niya sa araw na 'yon. "Buti na lang, nadadaanan natin si Jabee bago tayo umuwi, nakakapag-unwind."

"Next time, McDo naman. Alam mo namang 'di mo ko katulad na laking-Jolibee. Miss ko na Crispy Chicken sandwich," sabi ko.

"Eh! Mas masarap kaya rito. Ayoko r'on." Binuksan na niya ang burger.

"Nah. Mas masarap sa McDo. 'Di ko type burger dito."

"'Di raw, eh, ubos mo na nga," depensa niya sabay tawa ng malakas— mga tawang nagbibigay sa'kin ng pag-asa.

Sa araw-araw naming pag-uusap, sinasadya ko laging makipagtalo sa kaniya, kahit sa pinakasimpleng bagay. Hindi ko alam kung bakit napapangiti ako sa bawat inis niya. Matatapos lang kapag may isang sumuko sa'ming dalawa.

"Oo na. Sige na nga. One point." Natapos ang aming pagkain.

"Oy, mag-imis ka. Clean as you go." Bago kami umalis, palagi niyang sinisigurado na naitapon namin sa tamang basurahan ang mga kalat at naibalik ang ginamit naming baso at tray.

"Wait, may dumi ka," turo ko sa pisngi niya. Inilapit ko ang aking kamay at akmang pupunasan. Hindi siya tumanggi. Hinayaan niya lang na tanggalin ko ang ketchup sa mukha niya.

Tinignan ko siya sa mata, kulay hazelnut. Tumitig ako. Isang segundo. Dalawang segundo. Tatlo. Apat. Lima.

Beep. Beep. Napalingon kami sa labas. Agad siyang tumayo at isinakbit ang bag sa balikat.

"Oy, bukas uli. 'Wag male-late sa shuttle." Ngiti ang aking sinukli. Anim. Pito.

"Yes, boss." Bago siya lumabas ng kainan, nilingon niya 'ko ng isang beses pa. Walo. Siyam. Sampu.

Tinuloy niya ang lakad sa parking lot. Isang lalaki ang lumabas sa pulang sasakyan. May dalang payong. Sinalubong niya ito sabay halik.

Nagsimula nang bumuhos ang langit. Lintik. Nalimutan ko na naman payong ko. Uwian na naman.

Itinulak ko ang pinto at sumuong sa ulan.

***************************************************************************************

Alternate Covers

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top