Hanggang Sa Muli

This one naman, sinali ko rin sa Writing Contest na may temang "Kabilang Mundo" about paranormal/supernatural beings. Ayon, okay naman ang comments. Mahigpit ang laban saka magaganda rin ang piece ng mga nanalo.

Medyo experimental ang piece na 'to kasi unnamed ang characters at ang narrator ay sindaya ko ring walang gender para mas fluid ang dating sa kung sinumang magbabasa. 'Di ko lang sure kung naiparating ko ang mensahe. Hehehe.

***************************************************************************************

Hanggang Sa Muli

ni Bernard Christopher A. Catam

NANG LUMIPAT ang ilaw sa pula, mabilis na nagsitawiran ang isang grupo ng magbabarkada. May hawak pang bola ang isa na ipinukol nito sa mga kasama. Sabay-sabay silang naghalakhakan. Saan na naman kaya sila pupunta? tanong ko sa sarili.

Sa tuwing papalubog ang haring araw sa may kanluran, napipintahan ng kahel ang kahabaan ng kalsadang iyon. Mabilis itong mapuno ng mga taong nagmamadali sa kanilang uuwian. Mga kakatwang sisidlang tinatawag nilang sasakyan ang halos hindi magkandausad.

Gayon pa man, ito'y isang abalang larawang umaapaw sa kulay at ingay para sa akin. Kaysarap pagmasdan.

Nakaupo akong muli sa ilalim ng puno ng kamatsile sa may bakanteng lote. Nakangiti ko silang pinapanood sa kanilang paglalakad hanggang sa hindi na maabot ng aking tingin. Ano kayang itsura ng dako roon?

"Salamat sa paghihintay," bati ng isang batang lalaki sa aking kanan. Ang suot nito'y puting pang-itaas at asul na salwal, kapareho ng pananamit ng mga batang araw-araw kong nakikitang nagdaraan.

Umupo siya sa tabi ko at ibinaba ang malaki at mabigat niyang kabalyas. Makailang ulit niyang binanggit sa akin na 'backpack' ang tawag doon at iyon daw ang paborito niyang daladalahin araw-araw.

"Kamusta ang iyong maghapon?" masigla kong tanong sa kaniya. Hindi siya umimik. Nakayuko lamang at nakatitig sa kawalan. "Wala ka bang ikukwentong bago sa akin? Tungkol saang lugar ang aralin ninyo ngayon?" Inilapit ko ang sarili sa kaniya at nag-abang ng sagot.

"Babalik na kami sa probinsya," bulong niya. Narinig ko ang dahan-dahang pagkaluskos ng mga dahon sa aming itaas, tanda ng pag-ihip ng hanging kahit kailan ay 'di ko naramdaman. "Pinaghahanda na nila 'ko ng mga gamit mamayang gabi. Bukas nang maaga ang alis namin." Nanginginig ang kaniyang boses.

"A-ano bang nangyari? Bakit biglaan naman?" pagtataka ko. Tumingin siya sa kaniyang maninipis na kamao. Namumula ang mga ito at may mga gasgas. Saka ko lamang napansin ang ilang patak ng mantsa sa kaniyang puting damit.

"Pinagtatawanan nila 'ko. Kaya dapat lang ang ginawa ko sa kanila." Matalas ang kaniyang tingin na tila nanggigigil. "Sabi nila, nahihibang na raw ako. Hindi ka raw totoo." Napaurong ako bigla sa kaniyang tinuran. "Hindi sila naniniwala sa akin kahit anong sabihin ko, kahit sina Mama at Papa."

"Siguro nga'y tama sila," suhestiyon kong labag sa aking kalooban.

"Hinde! At sino bang nakikinig sa akin kapag kailangan ko ng kaibigan? Hindi ba't ikaw lang? Naniniwala ako sa'yo." Nangingilid ang kaniyang mga luha.

Naalala ko noong unang beses kaming nagkatagpo. Siya lamang ang nag-iisang batang nakakakita sa akin tuwing ako'y nagmamasid sa ilalim ng puno. Ang sabi niya'y dayo lamang sila dito kaya wala pa siyang kakilala. Simula noon, nakasanayan ko na ang hintayin siya tuwing hapon para makinig sa kaniyang mga kwento.

"Hindi ba't pangarap mong maglakbay?" tanong ko sa kaniya para subukang ibalik ang sigla sa aming usapan. "Baka ito na ang pagkakataon mo. Sigurado ako maraming mapapasyalan sa probinsya niyo."

"Sumama ka. Sabay nating libutin ang mga lugar na gustong-gusto nating puntahan." Kahit papaano'y napagaan ko ang pakiramdam niya.

Naiisip ko ang mga bundok, dagat, mga burol, sapa, at mga isla na kaniya laging isinasalarawan sa tuwing kami'y nagkukwentuhan. Parang gusto kong maglakad, tumakbo, lumipad at maging malaya. "Hindi maari," tapat kong sagot.

Napakunot siya ng noo. "Bakit hinde?" Saglit siyang nagulat sa biglaang pagtaas ng kaniyang boses.

"Ayon sa turo ng aking ina, ang kaibuturan ng mga nilalang na tulad namin ay nakatali na sa bagay na aming tinatahan." Hinaplos ko ang magaspang na banakal ng kamatsile. "Kaya hindi kami pwedeng lumayo rito."

Bumagsak ang kaniyang mga balikat at nalugmok sa lungkot. Kinapa ng kamay niya ang isang pirasong bato at galit na inihagis sa kalsada. Sabay kaming napasandal sa katawan ng puno. Alam naming parehas na wala na kaming magagawa. Ito na marahil ang huli naming pag-uusap kaya minabuti kong tapusin sa masiglang tono.

"Ano-ano ba ang makikita sa probinsya niyo?" Napangiti siya at nagsimulang magkwento.

Hindi na lang namin namalayang dumilim na ang paligid. Mangilan-ngilan na lamang ang mga taong nagdaraan nang siya'y tumayo at nagpaalam.

"Pangako. Sa aking pagbabalik, marami na akong baong istorya. Lalanguyin ko ang lahat ng talon at ilog. Aakyatin ko ang lahat ng bundok at talampas na matatanaw ko."

"Hindi na ako makapaghintay pa." Ngumiti ako kahit pilit.

"Hanggang sa muli." Binilisan niya ang pagtawid sa kalsada. Tuluyan na rin siyang kinain ng langit at lupa, sa pagitang kahit kailan ay 'di ko mapupuntahan.

Pumasok na 'kong muli sa aking tahanan, sa loob ng puno ng kamatsile.

Walang ibang makikita rito kung hindi mga puting engkantong nagpapagala-gala lamang sa kawalan. Malamlam na gabi ang walang katapusang bumabalot sa mundong aking kinalakihan. Wala ni katiting na liwanag.

Hinanap ko ang aking ina sa gitna ng mga lumulutang na espiritu. Katulad ng iba'y abala siya sa pagtunganga. Ilang beses ko nang tinanong kung para saan ba't kami'y nalikha. Ang lagi niyang sagot ay tungkulin naming magbantay. Ng ano? Anong dapat bantayan? Ano bang layunin namin sa buhay? Matatawag ba kaming buhày?

Sinamahan ko na lamang siyang magpanggap na naaaliw sa aming pinaggagagawa.

KINABUKASAN, sinubukan kong lumabas muli ng puno at tahimik na umupo sa ilalim nito. Siguro'y dahil nakasanayan na. Baka sakaling dumating siyang muli kahit sa huling pagkakataon.

'Di tulad ng dati, parang pintang unti-unting nakukupasan ng kulay ang hapong iyon. 'Di ko maaninagan ng kahit anong pananabik ang mga taong nagdaraan. Wala man lang naglalaan ng kaunting atensiyon sa kanilang kapaligiran. Hindi ba dapat pa silang magpasalamat at kaya nilang puntahan ang kahit na anong lugar na mapili nila? Bakit nila paulit-ulit na tinatahak ang mga daang araw-araw naman na nilang nararating?

May tatlong lalaking dumating ang naglagay ng linyang harang sa bakanteng lote. May suot silang matigas na panakip sa ulo at dalang mga kagamitan. Papakinggan ko sana ang kanilang pinag-uusapan nang maagaw ang aking atensiyon ng isang pamilyar na kabalyas. Tama ba ang nakikita ko? Naroon siya sa 'di kalayuan. Hindi kaya ako'y hinihintay niya?

Tumayo ako at nagsimulang humakbang. Nilingon ko pang muli ang puno ng kamatsile. Nilunok ko ang namuong takot at dahan-dahang tinawid ang kalsada.

'Di ko namalayang nagkulay-berde na pala ang ilaw. Napasigaw pa 'ko nang bumungad sa aking tagiliran ang isang dambuhalang sasakyan at tuluyan akong banggain. Tumagos lamang ito sa katawan kong walang laman. Gusto kong kabahan, habulin ang aking hininga kahit wala naman.

Tinuloy ko ang pagtakbo, 'di iniinda ang mga sasakyan at taong nakakasalubong ko. Ngunit mabilis na nawala sa paningin ko ang aking hinahanap. Mukhang tuluyan na siyang lumisan at iniisa-isa na ang mga lugar na kaniyang ipinangakong pupuntahan. Hanggang sa muli.

Kusang gumuhit ang mga ngiti sa aking labi. Agad itong napalitan ng takot nang mapansin kong unti-unting naglalaho ang aking kaanyuan. Malamang ay dahil sa panandalian kong paglayo sa puno.

Napagpasiyahan kong bumalik na sa aking lungga. 'Di ko inaasahan ang makikita— ang puno ng kamatsile, nakatumba na sa lupa. May pumutol sa ibabang katawan nito malapit sa ugat. Nakita ko ang tatlong lalaking nagpapahinga sa may tabi, hawak ng isa ang malaking kasangkapang hugis pahabang-bilog. Nakaririnding ingay ang lumalabas dito habang kusang umiikot ang mga nakapalibot na patalim. Iyon marahil ang kanilang ginamit sa pagtibag sa puno.

"Ina!" sigaw ko habang tumatakbo papunta sa wala nang buhay na troso. Paulit-ulit ang aking pagtawag ngunit walang nakaririnig sa akin. Hindi ko sila maramdaman. Saan sila nagpunta?

Sa pagkakataong iyon, wala akong nagawa kung hindi yakapin ang puno. Hiniling ko na sana'y may kakayahan akong umiyak. Gusto kong lumuha at magpakalunod rito. Gusto kong makaramdam ng sakit, ng pighati ngunit ganoon pa rin ako— isang piraso ng liwanag na lulutang-lutang sa kawalan.

Ipinikit ko ang mga mata't wala nang balak pang imulat muli. Narinig ko ang iba't-ibang klase ng ingay, mga pagyanig at pagpukpok, pagtabas at paglilok.

Naramdaman ko ang unti-unti kong pagliit, ang pagkaubos ng aking importansiya, ng aking silbi. Ako pa ba'y may kwenta?

Pamilyar na boses ang gumising sa'kin sa mahimbing na pagkakatulog. Sumisilip ng pilit ang sinag ng araw.

Nasa loob ako ng isang malaking sasakyan, sa may harapan ng dalawang upuan. Sa aking kanan ay nakangiti ang isang lalaki habang nakakapit sa manibela. Inihinto niya ang pagmamaneho.

Tumingin siya sa akin na parang may nakitang bagay na matagal na niyang hinahanap. Bigla akong nabuhayan nang akin siyang makilala— ang kaisa-isa kong kaibigan.

Malaki na siya. Makapal ang maitim niyang bigote. May mga buhok na ring tumutubo sa kaniyang matalim na panga. Pormal ang kaniyang pananamit.

Tinitigan ko ang kumikinang niyang mga mata, malayo sa batang musmos noon, punong-puno na ng kompiyansa.

Bumukas ang pinto sa kaliwa at pumasok ang isang batang babae. Suot nito sa likod ang kabalyas na lagi niyang dala.

"Bakit ang tagal mo?" tanong niya sa kararating lang.

"'Di ko makita manika ko. 'Ala na 'kong guardian," pautal-utal nitong sagot.

"Anak, 'wag kang mag-alala." Tinapik niya ang aking kinalalagyan. "Ang wood carving na 'to ang lucky charm ko. Iningatan ako nito sa lahat ng pagsubok. Ito rin ang magbabantay sa biyahe natin ngayon. Pupuntahan natin ang bawat isla ng bansa, aakyatin ang bawat bundok at lalanguyin ang bawat dagat. Kaya maghanda ka na?"

"Opo! Opo!" Malaki ang ngiti niyang punong-puno ng pananabik.

"Seatbelt muna." Hinigpitan nila ang mga tali sa upuan at masayang hinarap ang labasan. Pinagana na niya ang sasakyan.

Pinilit kong igawi ang pirasong kahoy na aking kinalalagyan. Nasilayan kong muli ang haring araw na ngayo'y pasikat pa lamang.

Handa na 'kong iwanan ang dati kong kinasasadlakan at tahakin ang pagitan ng lupa at langit, ang simula ng aming paglalakbay sa kabilang mundo. Hanggang sa muli.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top