Paubaya
"Doc, gising na siya!"
Narinig kong sigaw ni Marge, boses niya'y nanginginig, may halong kaba at pananabik. Para bang may hinihintay siyang matagal na pero hindi niya alam kung anong klaseng balita ang naghihintay sa dulo.
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata. Una kong napansin ang maputlang ilaw ng ospital na parang sinisilaw ako. Pakiramdam ko'y para akong tinanghali ng gising, pero ang bigat ng katawan ko. Nang umikot ang paningin ko, nakita ko si Marge na nakatayo sa tabi ng kama, nakangiti pero bakas sa mukha ang pag-aalala.
"Uy, gising ka na!" sabi niya, hindi maitago ang saya sa boses. "Kamusta ang pakiramdam mo?"
Tumingin ako sa paligid, sinisikap alalahanin kung paano ako napunta rito. Pakiramdam ko'y may pumipintig na kirot sa ulo ko at may mabigat na benda sa kaliwang braso. Nang tingnan ko ang sarili ko, nakita kong may mga galos din ako sa mga binti.
"Ano bang nangyari?" tanong ko, sabay pilit na bumangon.
"Aba, teka, huwag ka munang bumangon! Kailangan mong magpahinga!" Pigil ni Marge, sabay tapik sa balikat ko para bumalik ako sa pagkakahiga.. Bakit ako nandito? Ano ang ginagawa ko sa ospital? Kagabi, magkatabi lang kami ni Ajake, diba?
Ilang sandali lang, dumating ang doktor at marahang inusisa ang lagay ko.
"Okay na siya. Pwede na nating ilipat sa recovery room," sabi ng doktor habang tumatango kay Marge at sa ibang staff.
Pilit kong tinatanong ang sarili ko, "Bakit ako nandito?" Sa isip ko, malinaw pa ang alaala ng kasal namin ni Ajake. Puno ng saya ang araw na iyon-ang pag-ibig namin, ang mga pangarap namin, ang lahat-lahat. Kasama ko si Ajake, nag-uusap kami, naglalambingan. Pero bakit biglang nagbago ang lahat?
Nang mailipat ako sa recovery room, lumapit sa akin si Marge, ang matalik kong kaibigan na laging kasama sa mga masaya't malulungkot na araw.
"Mare, kumusta ka?" tanong niya nang may halong ngiti, pero nakikita ko ang lungkot na pumupuno sa kanyang mga mata.
"Anong ginagawa ko rito? Kasal namin ni Ajake, kasama ko siya kagabi... nasaan ako?" tanong ko, pilit na binabalikan ang mga alaala, pero parang may nawawalang bahagi. Gusto kong hanapin si Ajake-nasaan siya?
Nagbago ang ekspresyon sa mukha ni Marge, at nakaramdam ako ng malamig na pakiramdam sa kanyang paghinga. Huminga siya ng malalim bago nagsalita, at alam kong may mabigat siyang sasabihin.
"Mare..." bulong niya, halos nanginginig ang boses. "Naaksidente kayo pagkatapos ng kasal niyo. Pauwi na kayo mula reception nang nabangga ng truck ang sinasakyan niyo." Muling dumaloy ang luha sa mga mata niya, at hindi ko alam kung anong mararamdaman ko sa mga sinabi niya.
Hindi. Hindi ito totoo. Magkatabi kami kagabi, magkahawak-kamay habang pinag-uusapan ang mga plano namin sa buhay. Napakapit ako nang mahigpit sa gilid ng kama, pilit iniiwasan ang reyalidad na parang isang bangungot na gusto kong gisingan.
"Hindi... nasaan si Ajake? Kasama ko siya, magkatabi kami kagabi!" sigaw ko, nanginginig ang buong katawan sa pagkatigagal.
Pinisil ni Marge ang kamay ko, at sa maliit na bulong, tila binagsakan ng mundo ang bawat salita niya. "Patay na si Ajake, Mare." Umalingawngaw ang mga salitang iyon sa isip ko, paulit-ulit. Parang isang sumpa, isang bagay na hindi ko kayang tanggapin o paniwalaan.
"Last day ng lamay niya ngayon," dagdag niya, at kahit hindi ko kaya, pilit kong sinikap na intindihin. "Buti nagising ka... dahil gusto niya, sigurado akong gusto ni Ajake na makita mo siya bago siya ihatid sa huling hantungan."
Bumagsak ang luha ko, tuloy-tuloy, walang tigil, walang ibang naririnig kundi ang kaluskos ng mga alaala sa bawat patak ng luha. Tiningnan ko si Marge, nanghihingi ng paliwanag, pero alam kong wala siyang maisasagot na makakapawi ng sakit na ito.
Agad siyang tumayo at kinuha ang damit na isusuot ko. Hinaplos niya ang kamay ko, at bagaman wala siyang masabi, dama ko ang lakas ng loob na pinapasa niya sa akin. "Kaya mo 'to, Mare. Para kay Ajake."
Inalalayan niya ako palabas ng ospital, at sa bawat hakbang ko, ramdam ko ang panghihina ng katawan ko at ang bigat ng puso kong tila ba wasak na. Pagdating namin sa memorial chapel, dumaan kami sa pintuan, at agad kong nasilayan ang mga mukha ng mga tao-mga kamag-anak, mga kaibigan, mga taong kasama namin sa kasiyahan ng kasal namin nuong nakaraan. Pero ngayon, lahat sila ay tahimik, walang imik. Nakatingin sila sa akin, puno ng habag at pagdamay.
Pagpasok ko, bumungad sa akin ang malaking larawan ni Ajake na nakangiti. Larawan iyon na kuha ko bago kami ikinasal, ang larawan ng lalaking pinapangarap kong makasama habang-buhay. Pero ang ngiti niya, ang mga mata niyang puno ng pag-ibig, tila ngayon ay paalam na.
Unti-unti akong naglakad papalapit sa puting kabaong sa harapan, nanginginig ang mga tuhod ko sa bawat hakbang. Parang lumalayo ang distansya kahit palapit na ako. Nang makita ko na siya sa loob ng kabaong, bumuhos ang luha ko nang walang patid. Ang mukha niya, ang mahimbing niyang anyo, tila payapa, pero alam kong hindi na siya muling babalik.
"Mahal..." garalgal kong sambit, pilit hinahaplos ang kanyang malamig na kamay. Wala na ang init, wala na ang tibok ng puso niya na sinabayan ko kagabi. Ang dating pag-asang bumabalot sa akin ay ngayon naglaho na. Parang hinihila pababa ng lupa ang buong pagkatao ko, gusto kong bumangon, gusto kong magising sa bangungot na ito.
Nagpatuloy ang gabi sa katahimikan, tahimik na pag-iyak, at paulit-ulit na pagbabalik-tanaw sa mga alaala naming dalawa. Wala na ang mga pangarap, wala na ang mga plano, at ang tanging naiwan ay ang pangakong hindi na magkatotoo.
"Ajake!" Nagising ako mula sa isang masalimuot na bangungot, humihingal at umiiyak. Ramdam ko pa ang takot na tila bumabalot sa akin-hanggang sa naramdaman ko ang malumanay na paghaplos ni Marge sa balikat ko.
"Mare, nababangungot ka," bulong niya, ang boses niya'y puno ng pag-aalala at lambing na nagpapakalma sa bigat ng dibdib ko.
Huminga ako nang malalim, pilit na binabalik ang sarili sa realidad, pero isang tanong ang agad na sumagi sa isip ko. "Nasaan si Ajake?" Ang tanong na iyon ay tila isang kirot na muling bumabalik, mahapdi at mabigat.
Walang imik si Marge. Saglit siyang tumayo, iniwan ako sa kama habang tahimik siyang naglakad patungo sa sulok ng kwarto. Kinuha niya ang isang litrato mula sa mesa-ang litratong iyon... kami ni Ajake, masaya, puno ng mga pangarap na tila ngayon ay hinipan na ng hangin. Inabot niya ito sa akin nang may ngiti, ngunit may lungkot na hindi maitago.
"Mare, lalabas na muna ako," wika niya bago marahang lumabas ng kwarto, iniwan akong mag-isa, kasama ang litrato namin ni Ajake.
Hinaplos ko ang litratong hawak ko, pinagmamasdan ang ngiti niya-ang mga matang dati kong titig na titig sa tuwing nakikita niya ako. "Mahal na mahal kita," bulong ko, pinipilit ipadama sa hangin ang bawat salitang hindi ko nasabi, mga salitang huli kong inaasam na makarating sa kanya kahit papaano.
Sa mga sandaling iyon, hindi ko alam kung may maririnig pa ba siya. Ngunit sa kabila ng tahimik na pagluha, pilit akong kumapit sa pag-asa, sa huling pagkakataong baka... baka maramdaman niya pa rin ako.
END
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top