Graduation
Malapit na ang graduation namin, at wala na halos ginagawa sa loob ng classroom. Excited ako—hindi lang dahil sa nalalapit na pagtatapos, kundi dahil alam kong malapit nang magsimula ang bagong kabanata ng buhay namin ni Ajake. Simula nung naging magkasintahan kami, naging mas makulay at mas masaya ang lahat. Sa bawat araw na lumilipas, ramdam ko na para akong lumulutang sa alapaap, puno ng tuwa at pagmamahal.
Bigla akong tinawag ng guro namin, at sabay na bumilis ang tibok ng puso ko. "Dan," sabi niya, "basahin mo ang huling liham na isinulat mo para sa klase."
Alam kong ito na ‘yun—ang liham na isinulat ko para kay Ajake, para sa aming pagmamahalan. Medyo kinakabahan ako, pero mas nangingibabaw ang saya. Tumayo ako at humarap sa klase. Ramdam ko ang mga mata ng kaklase ko, pero ang iniisip ko lang ay si Ajake, na nasa likuran at nakangiti habang nakatingin sa akin. Siya ang dahilan kung bakit ang bawat salita sa liham na ito ay punong-puno ng emosyon at saya.
Hininga ako ng malalim at nagsimula.
"Delulu Diaries"
"Nuong una'y iniisip ko lang na maging akin ka, at buo na ang araw ko. Nakikita lang kita ay masaya na ako at ang puso ko. Pero hindi ko inakala na mas higit pa sa pagnanasa na maging akin lang ang isinukli ng mundo sa akin. Ngayon, totoo nang magkasintahan tayo."
Narinig kong bumuntong-hininga ang ilang kaklase ko, tila ba’y naantig din sila sa mga salitang binabasa ko. Pero para sa akin, ang mga salitang ito ay hindi lang basta liham—ito ay kwento ng isang pagmamahalang puno ng saya at kilig, isang pagmamahalan na tila hindi matatapos. Naramdaman ko ang pagtibok ng puso ko nang makita kong ngumiti si Ajake mula sa kinauupuan niya, at iyon ang nagbigay sa akin ng dagdag na lakas para ipagpatuloy ang pagbabasa.
"Marami mang tao ang magalit sa atin at kamuhian tayo, alam kong malalampasan natin ang mga ito dahil hawak natin ang kamay ng isa’t isa. Susuongin natin ang mga pagsubok, at ipapakita sa lahat na tayo ay nararapat para sa isa’t isa."
Habang binabasa ko ang mga linyang iyon, nararamdaman kong mas tumatalon ang puso ko. Lahat ng mga pagsubok at takot namin ni Ajake, lahat ng mga oras na nagduda ako sa sarili, lahat ng mga pighati, ay napalitan ng hindi masukat na saya. Ang mga nakaraang buwan ay naging patunay na ang pagmamahal ay hindi lang para sa mga fairy tale—totoo ito, at nararamdaman ko ito sa bawat segundo na kasama ko siya.
"Hindi ko akalain na darating ang araw na ang bawat pahina ng kwento natin ay magiging kanlungan ko. Akala ko noon, ikaw ang magiging bangungot ko—ang taong magdadala ng gulo at ligalig sa buhay kong tahimik na noon pa man. Pero heto ako ngayon, natutunan kong sa piling mo pala ako tunay na humihinga, na ikaw pala ang tahanan kong matagal ko nang hinahanap.
Ang bawat yakap mo ay nagiging sandalan ko. Kapag nararamdaman kong nawawalan na ako ng lakas, sa mga bisig mo ko natutunan kung paano bumangon at magpatuloy. Ang mga yakap mong tila ba ipinangako ng langit ay ang sumasalo sa lahat ng takot at pangamba na hindi ko kayang bitawan mag-isa. Sinasabi nila na ang yakap ay simpleng bagay, pero hindi para sa akin—ang sa'yo ay tila gamot sa lahat ng sakit at pagod ng puso ko.
At ang pagmamahal mo… hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Hindi ko alam kung paano ipapaliwanag ang lakas na ibinibigay mo sa akin. Sa tuwing kasama kita, pakiramdam ko’y kaya ko ang lahat, na walang imposibleng mangyari basta’t magkatabi tayo.
Kaya salamat. Salamat sa pagiging pahinga ko, sa pagiging lakas ko, at sa pag-ibig na binubuhay ang araw-araw kong paglalakbay. Ang bawat pahina ng kwento natin ay isang biyaya na patuloy kong pinasasalamatan, isang kwentong hindi ko na kayang isara kailanman.
Mahal kita nang higit pa sa mga salitang kaya kong isulat. At sa bawat pahina ng ating bukas, ikaw ang pipiliin ko, ikaw at ikaw lang. "
Nakangiti na ako habang binabasa ang mga huling salita. Alam kong bawat kataga ay puno ng katotohanan. Si Ajake ang naging sandigan ko, ang nagpuno ng lahat ng kakulangan at pangarap ko. At ngayong patapos na kami sa paaralan, excited akong harapin ang mundo kasama siya.
Nang matapos ako, masayang palakpakan ang narinig ko mula sa buong klase. Pero para sa akin, ang tanging mahalaga ay ang mga mata ni Ajake, na puno ng pagmamalaki at pagmamahal habang tinitignan ako. Pagbalik ko sa upuan, hinawakan niya ang kamay ko. Ramdam ko ang init ng kanyang palad, at alam kong sa mga kamay na ito, hindi ko na kailangan ng iba pang sandigan.
“Ang ganda, mahal,” bulong niya sa akin.
Tumawa ako nang bahagya. “Para sa’yo ‘yun.”
“Para sa ating dalawa,” sagot niya, habang hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay ko.
Napagdesisyunan namin ni Ajake na maglakad-lakad muna sa campus. Ang hangin ay malamig, at ramdam ko ang excitement sa bawat hakbang namin. Tumawa kami, nagkwentuhan ng mga plano para sa hinaharap, at hindi ko mapigilan ang sarili kong mapangiti sa lahat ng mga paborito naming lugar sa paaralan. Dito kami unang nagkakilala, dito kami unang nagkasama—at ngayon, malapit na kaming magtapos, magkasama pa rin.
Habang naglalakad kami, bigla siyang huminto sa may lilim ng isang puno. Tumingin siya sa akin, seryoso pero may ngiti sa kanyang mga labi. “Mahal, excited ka na ba sa graduation?”
“Oo naman!” sagot ko, halos tumatalon ang puso ko sa saya. “Excited ako sa lahat—sa graduation, sa mga plano natin, sa lahat ng mangyayari pagkatapos nito.”
Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko, at tinitigan ako ng diretso sa mata. “Ako din. Pero alam mo kung ano ang pinaka-excited ako?”
“Ano?” tanong ko, halos hindi makahinga sa anticipation.
“Ang bawat araw na kasama kita.”
Sa mga simpleng salitang iyon, parang may mga butterflies sa tiyan ko. Hindi ko mapigilan ang ngiti ko, at sa sobrang saya, yakap ko siya nang mahigpit. “Ako rin, mahal,” sabi ko. “Ako rin.”
Alas-syete na nang gabi nang napagdesisyunan naming mag-celebrate ng maaga. Kumain kami sa isang maliit na restobar malapit sa campus. Pagkapasok namin, napuno agad ng musika at liwanag ang paligid. May banda na tumutugtog ng mga paborito naming kanta, at ang saya ng mga tao sa paligid ay sumasalamin sa nararamdaman ko sa loob.
Nag-order kami ng masarap na pagkain at kaunting inumin. Habang naghihintay, nakatingin lang ako kay Ajake, iniisip kung gaano ako kaswerte na siya ang kasama ko sa gabing ito. Siya ang taong alam kong kasama ko sa lahat—hindi lang ngayong gabi, kundi sa bawat araw na darating.
Sa kalagitnaan ng pagkain namin, may lumapit na cameraman. "Pwede ko po ba kayong kuhanan ng litrato?" tanong niya.
Tumingin ako kay Ajake, at sabay kaming ngumiti. "Siyempre," sagot ko.
Pumayag kami, at ilang segundo lang, mayroon na kaming isang bagong litrato—isang litrato na sumasalamin sa lahat ng saya at pagmamahal sa gabing ito. Pagkaabot ng litrato sa amin, tinitigan ko ito at hindi ko mapigilan ang mapangiti. Sa bawat ngiti, bawat tingin, at bawat halakhak, ramdam ko na ito na ang mga sandali na hindi ko na gustong matapos pa.
Sa gabing ito, walang kalungkutan—puro saya, pagmamahal, at excitement para sa hinaharap. At sa bawat oras na kasama ko si Ajake, alam kong hindi ko na kailangan pang humiling ng kahit ano pa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top