Chapter 45

Please follow @beeyotchupdated on twitter for real time tweet if any story got updated. Thank you.

#DTG45 Chapter 45

"Ate, sorry..."

Hindi ako nagsalita at pinagpa-tuloy ko lang iyong paggamot sa sugat sa gilid ng labi ni Alec. Pangatlo na 'to ngayong linggo. Hindi ko alam kung pang-ilan na talaga. Pakiramdam ko ay matagal na 'tong nangyayari kahit nung wala pa ako... mas lalo na nung wala pa ako...

"Dapat 'di mo nakita 'yun."

Napa-ngiwi siya sa hapdi nang dampian ko iyong sugat niya ng alcohol. Nakita ko si Tatay na nanonood sa aming dalawa. Hinihintay ko siya na pagsabihan si Alec na mali iyong ginawa niya na makipag-away para sa akin... pero tahimik lang siyang nanonood sa aming dalawa.

"Nagsosorry ka ba dahil sa ginawa mo o dahil sa nakita ko?"

"Dahil sa nakita mo."

"Mali ang makipag-away," sagot ko sa kanya.

"Babangasan ko lahat ng magsasabi na mamamatay-tao ka at nilandi mo 'yung prof mo," matapang niyang sagot sa akin. Tumingin ako kay Tatay para humingi ng tulong, pero nanatili lang siyang tahimik. Ibinaba ko iyong bulak at saka tumayo at naglakad papunta sa labas.

Akala ko tapos na... pero maling-mali pala ako.

Kahit na na-dismiss iyong kaso... kahit na sinabi na ng korte na wala akong kasalanan sa nangyari... na pinagtanggol ko lang naman iyong sarili ko...

Sa paningin ng ibang tao, mamamatay-tao lang ako.

Nahusgahan na nila ako at para bang wala nang makakapagbago pa ng isip nila.

Nasasaktan iyong pamilya ko... alam ko na dapat masaktan din ako... pero wala na akong maramdaman. Hindi ko alam kung manhid na ba ako o tuluyan lang na nawalan ng pag-asa sa mundo.

Kasi baka tama nga lahat sila—na masyado akong naniwala na mas mananaig ang kabutihan... pero paano mangyayari iyon kung mayroong kagaya ng mga Villamontes na handang magsakripisyo ng buhay ng maraming tao para lang linisin ang pangalan ng isang tao?

Tama nga yata talaga si Tali... iyong mga politiko... sila ang pinaka-nakaka-takot. Hindi mo alam kung hanggang saan ang gagawin nila para lang manatiling malinis ang pangalan nila.

"Assia."

Nanatili akong tahimik nang marinig ko iyong boses ni Tatay. Tumayo siya sa tabi ko.

"Pinrotektahan ka lang ng kapatid mo."

"Hindi ko po kailangan. Ayos na ako. Nandito na ako, 'di ba? 'Wag na nating dagdagan pa 'yung gulo."

Ayokong tumingin kay Tatay. Alam ko na sisikip lang iyong dibdib ko at maiiyak lang ako sa harapan niya. Kasi kahit na ganito... tatay ko pa rin siya. Alam ko na sa aming lahat, kahit na pakiramdam ko ay hirap na hirap na ako, mas nahihirapan siya... kasi anak niya ako... kasi mahal niya ako...

"Ayos ka lang ba talaga?"

"Ayos lang po ako."

"Tatlong linggo ka na rito, anak... Simpleng pagbaba lang ng gamit, napapa-igtad ka na. Kahit tawagin lang iyong pangalan mo, nagugulat ka..."

Hindi ako naka-sagot.

Sinubukan kong kontrolin iyong reaksyon ko.

Ayokong mag-alala pa sila sa akin.

Mawawala rin naman 'to...

"Nang may sumabog d'yan sa malapit, nabitawan mo iyong baso at hindi ka naka-galaw..." tahimik niyang dugtong. "Nag-aalala kami ng mga kapatid mo sa 'yo."

Hinawakan ko iyong mga kamay ko at pilit na huminga nang malalim. Ayokong maging mahina sa harapan nila. Kasalanan ko kung bakit nawala si Nanay sa 'min... Kailangan kong maging malakas para sa kanila...

"Ayos lang po ako..."

Magiging maayos din ako.

"Kung kailangan mo ng tulong—"

"Ayos lang ako."

"Assia—"

"Maraming namatay para lang po maka-labas ako. Kaya ko 'to. Hindi ko kailangan ng tulong. Magiging maayos din ako."

Agad siyang natigilan.

Nagsimulang manikip iyong dibdib ko. Parang paulit-ulit ko ring naririnig iyong sinabi ni Vito... na mayroong dalawampung tao na nalibing sa hukay dahil sa kaso ko...

Nung una ay hindi ko naiintindihan.

Siguro kasi wala ako roon—hindi kagaya nila na nakita iyong nangyari.

Pero sa bawat balita na pinapa-nood ko sa TV... habang binibigyan nila ng pangalan iyong bawat biktima... pasikip nang pasikip iyong dibdib ko... pabigat nang pabigat iyong pakiramdam ko...

Na minsan iniisip ko...

Sana nawala na lang ako.

Hindi sana mawawala si Nanay... Hindi sana mawawalan iyong pamilya ng dalawampung tao na nalibing sa hukay...

"Walang may gusto nung nangyari."

"Hindi po iyon mangyayari dahil sa kaso ko."

"Walang magiging kaso kung hindi dahil sa Villamontes na iyon," mabilis na sabi ni Tatay. Pilit niya akong pina-harap sa kanya at hinawakan iyong mga balikat ko. "Nahihirapan kaming makita kang ganyan... Na sinisisi mo iyong sarili mo sa nangyari... Ano ba'ng kailangan mo, anak? Ayoko nang ganyan ka... Nahihirapan kami ng mga kapatid mo... Na nandito ka pero..."

Mabilis akong niyakap ni Tatay nang magsimulang tumulo iyong mga luha. Paulit-ulit niyang sinasabi na wala akong kasalanan sa lahat ng nangyari... na nandito lang sila para sa akin... na pamilya kami kahit na ano ang mangyari...

* * *

Ayokong maging pabigat sa pamilya ko.

Nang matapos ang isang buwan ay naghanda ako para maghanap ng trabaho sa bayan. Kinausap na ako ni Tatay kagabi para sabihin na dito lang ako sa bahay... pero paano ako magiging maayos kung magtatago lang ako dito?

"Anak—"

"Ayos lang po ako..."

"Kaya ko namang magtrabaho..."

Umiling ako. "Maghahanap din po ako ng trabaho. Para maka-tulong sa bayarin sa bahay."

"Ate, ayos naman tayo dito," singit ni Alec. "May kinakain naman tayo araw-araw... Saka scholar na kami ni Aaron kaya wala ka ng iisipin sa tuition namin. Naka-hanap kami ng scholarship na may kasamang allowance."

Ngumiti ako sa mga kapatid ko.

Siguro kung may maganda mang nangyari, iyon ay mas naging responsable ang mga kapatid ko. Hindi kasi sila ganito dati. Ngayon, panatag na ako na kung anuman ang mangyari sa akin ay magiging maayos sila.

"Mag-aapply lang naman ako. Babalik din ako pagkatapos."

"Sama kami—"

"Kaya ko na 'to," sabi ko at saka mabilis na lumabas. Hindi ko alam kung ano ang aabutan ko sa bayan... pero alam ko na magiging tampulan ako ng mga tingin... Ayokong mapa-away ang mga kapatid ko. Kailangan kong kayanin 'tong mag-isa.

Naka-tayo ako roon.

Nag-aabang ng mapaparang tricycle...

Pero lima na iyong dumaan at hindi ako maka-sakay...

Hindi ako maka-galaw.

Sa bawat mukha nila... parang naaalala ko siya.

Hindi na ba 'to matatapos?

Ganito na lang palagi?

Hindi ko alam kung gaano ako katagal doon.

Naka-tayo at pinipilit ang sarili na pumara, pero laging natitigilan.

"Ate, uwi na tayo..." rinig kong sabi ni Aaron.

"Pupunta ako sa bayan..."

"Ate, kanina ka pa naka-tayo dito. Uwi na tayo. Bukas ka na lang umalis."

Mariin akong umiling. "Kailangan kong maghanap ng trabaho."

Kailangan kong magtrabaho.

Kailangang umusad ng buhay ko.

Naiwan na ako.

Kailangan kong umusad.

Hindi pwede na ganito.

Nasa labas na ako... pero bakit parang nasa loob pa rin ako?

* * *

"Dito na lang kayo."

Mariin na umiling sila Alec at Aaron. "Sasama kami," sabay nilang sabi.

"Wala ba kayong gagawin na iba?"

"Wala, Ate," sabi nilang sabay ulit. "Sama kami sa 'yo."

Nung isang linggo pang sinabi sa akin ni Tatay iyong tungkol sa doctor na pwede ko raw kausapin sa kabilang bayan... Hindi ako pumayag nung una... Magiging maayos din ako... Pero dumating sa punto na hindi na ako maka-tulog... Dahil ayokong matulog... Dahil sa tuwing pipikit ko iyong mga mata ko ay nakikita ko iyong mga taong nalibing... At para bang naririnig ko silang humingi ng tulong sa akin...

At wala akong magawa.

Wala akong magawa kung hindi ang sumigaw sa kawalan.

"Wag kayong makipag-away," mahigpit na bilin ko sa kanila habang naka-sakay kami sa tricycle papunta sa bayan. Nasa kabilang-bayan pa iyong doktor na sinasabi ni Tatay. Hindi ko alam kung paano niya nalaman iyong tungkol sa ganito... O kung bakit niya alam iyong tungkol sa therapy... Lumaki ako na nakikita siya na hindi nagsasabi tungkol sa sarili niyang problema. Siguro... siguro hirap na hirap na siyang makita akong ganito...

"Basta 'wag silang pakielamera," sagot ni Alec.

"At umasta na akala mo walang nagawang kasalanan sa buhay nila," dugtong ni Aaron.

Napa-iling na lang ako. Pagdating namin sa bayan ay ramdam ko ang mga tingin nila. Pilit kong hindi pinansin. Kailangan kong masanay... Baka kasi ganito na palagi.

Paano pa kung nakulong talaga ako?

Pero ano ba ang pinagkaiba? Wala naman yata silang pakielam kahit pa sinabi ng korte na wala akong kasalanan.

Pero kung nakulong man ako... at pinagbayaran ko na iyong kasalanan ko... hindi pa ba sapat iyon? Ano pa ba ang dapat kong gawin? Sila ba ang dapat na masusunod?

Pagdating namin sa address na sinasabi ni Tatay ay nakita namin na isang maliit na clinic lang iyon. Sinabi nila Alec na maghihintay na lang daw sila sa labas. Pumasok ako. Naghintay. Tinignan iyong cellphone ko kung mayroon bang text doon galing kay Vito...

Ang huling text niya ay noong isang araw pa—nang sinabi niya na kina-kausap nila iyong pamilya nung mga namatayan...

Gusto kong pumunta para sa kanya.

Pero ayoko nang bumalik sa Maynila kahit kailan...

Pero kung magtetext siya... kung sasabihin niya na puntahan ko siya—

"Assia dela Serna?"

Tumingin ako roon sa tumawag ng pangalan ko. May isang babae ang lumabas mula sa pintuan. Bahagya siyang ngumiti sa akin. Ka-edad siguro siya ni nanay...

Sumunod ako sa kanya papasok. Tahimik na tumingin sa paligid. Nakita ko iyong diploma niya galing sa isang unibersidad sa Maynila. Doon din siya nagtrabaho.

"Nagtataka ka ba kung bakit nandito ako sa Isabela?" tanong niya habang naka-ngiti pa rin sa akin—iyong klase ng ngiti na nakakapagpa-kalma.

"Medyo po."

"Tiga-rito talaga ako sa Isabela, kaya lang ay sa Maynila ako nagkolehiyo pati masters at doctorate sa psych. Doon din ako nagtrabaho."

Tumingin lang ako sa kanya.

Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin—iyong kailangan kong sabihin. Hindi ko alam kung bakit nandito ako... bukod sa gusto ni Tatay na pumunta ako rito.

"You might be wondering kung bakit dito rin ako nagtayo ng practice..." sabi niya habang may maamong ngiti sa mukha. "Nung bata pa ako, tuwing may problema ako, laging sinasabi sa akin ng mga matatanda na nasa isip ko lang daw... na arte ko lang... na idaan ko lang sa tulog o dasal. Maybe they're right—pero minsan, mali sila. There are things that require professional help. Bakit kapag may cancer, dinadala sa doctor? Pero kapag tungkol sa mental health, itulog na lang? The human brain is also an organ—na kapag may chemical imbalance, maapektuhan tayo—iyong tipo na hindi madadaan sa tulog lang o dasal."

Napa-awang ang labi ko.

Muli siyang ngumiti.

"Enough about myself," sabi niya at pinagkrus ang mga binti. "Anything you want to talk about now, Assia?"

Tumingin ako nang diretso sa kanya. "Gusto ko na pong maging maayos. Gusto ko nang bumalik sa dati."

Gusto ko lang namang makapagtapos.

Gusto ko lang matulungan iyong mga kababayan ko.

Alam ko kung ano iyong gusto kong mangyari... pero hindi ko alam kung paano ako makakarating doon...

"Ano ba iyong dati, Assia?"

Tumingin ako sa mga kamay ko.

Hindi ko alam kung bakit bigla kong naalala si Vito.

"Iyong... hindi bumi-bilis iyong tibok ng puso ko tuwing sasara iyong pintuan... tuwing may tatawag sa pangalan ko..." Pakiramdam ko ay sumisikip ang dibdib ko... "Kung pwede pa ba akong maka-balik sa Maynila..."

Kasi nandoon iyong mga kaibigan ko.

Gusto kong pumunta para sa kanila... pero hindi ko magawa...

Paano kung kailanganin ako ni Vito?

Paano kung simpleng maisip ko pa lang iyong Maynila ay parang sumisikip na ang dibdib ko?

"Alam niyo naman po siguro iyong nangyari sa akin..."

Tipid siyang ngumiti.

Alam niya—alam ng lahat. Naaawa ako sa pamilya ko dahil nahihirapan sila sa panghuhusga na pinu-pukol sa akin ng mga tao.

"Sa tingin niyo po ba dapat akong makulong?"

"Sa tingin mo ba dapat kang makulong?" balik na tanong niya sa akin.

Dahan-dahan akong umiling. "Sinabi ko naman na ayoko... alam ko naman na wala akong kasalanan... pero nahihirapan iyong pamilya ko kasi lahat ng tao sa tingin nila dapat akong makulong..."

Pinagsalop niya ang mga kamay niya. "That's good," sabi niya. "That's good that you know that it's not your fault. A lot of survivors like you... sinisisi nila ang sarili nila. It's really good that you know that you played no part in what happened to you. Hindi mo kasalanan—wala kang kasalanan."

"Kung wala akong kasalanan... bakit nangyayari lahat nang 'to?"

"I do not have the answer for that..."

"Iyong... iba... paano... sila nagpa-tuloy?"

"They learned to live with the fact that it happened and that it's not their fault that it happened," sabi niya. "But what applies to them does not necessarily have to apply to you. Iba-iba tayo. We heal differently. We have different timetables. Walang standard measurement dito."

"Gusto ko lang maging maayos..." bulong ko.

"Then will you allow me help you process everything?"

Tumingin ako sa kanya.

Huminga nang malalim.

Tama si Tatay—kailangan ko ng tulong.

* * *

Mahirap sabihin lahat.

Naka-ilang meeting kami bago ko nasabi sa kanya iyong nangyari kay Atty. Villamontes... Kung bakit ayokong tinatawag ang pangalan ko dahil pakiramdam ko ay naririnig ko pa rin kung paano niya binu-bulong ang pangalan ko... sinisigaw ang pangalan ko... Kung paanong bumi-bilis ang tibok ng puso ko tuwing may pagkatok sa pinto.

Ang hirap.

Pero tuwing sinasabi ko lahat ng nangyari... parang nagiging mas madali. Para bang hindi na siya isang madilim na sikretong kailangan kong itago.

Na tama siya—kailangan kong tanggapin na nangyari siya... na parte na siya ng buhay ko... na kahit kailan ay hindi ko siya maaalis...

Pero kahit na ganoon—wala pa rin akong kasalanan.

Biktima ako.

Hindi ako papayag na maging kasalanan ko.

Pero bumi-bilis pa rin ang tibok ko tuwing bina-banggit ang pangalan ko. Sumisikip pa rin ang dibdib ko tuwing sumasara ang pinto.

Isang hakbang bawat araw...

Magiging maayos din ako.

"Ate, kain na tayo!"

Agad akong tumayo mula sa pagtingin sa mga tanim namin. Hini-hiwalay ko iyong maayos sa hindi para maibenta na ni Tatay mamaya. Sinubukan kong maghanap ng trabaho sa bayan, kaya lang ay walang gustong kumuha sa akin.

Sarado na talaga ang isip nila na mamamatay tao ako.

Parang nakaka-tawa.

Sila iyong mga tao na gusto kong tulungan kaya ako nag-aral ng batas... pero sila rin iyong mga taong unang tumalikod sa akin nang hindi man lang nakinig sa paliwanag ko.

Binilang ko muna ulit iyong laman ng batya bago ako tumayo. Habang naglalakad ako pabalik ng bahay ay natigilan ako nang may makita akong sasakyan na naka-parada sa 'di kalayuan mula sa bahay namin. Pilit ko iyong tini-tigan. Napa-awanga ng labi ko nang bumukas ang pinto.

"Vito," bulong ko sa sarili ko nang makita ko siya—iyong asul na mga mata niya at iyong buhok niya... At kung paanong naglalakad siya papunta sa akin.

"Bakit... ka nandito?" tanong ko sa kanya.

Ngumiti siya sa akin. "You have an appointment later. I thought I'd drive you there?"

Napa-kurap ako. "Akala ko busy ka?"

Alam ko na marami siyang ginagawa lalo na at isa siya sa mga witness sa nangyaring ambush... Ayoko siyang abalahin... Kinukuntento ko na iyong sarili ko sa tuwing nagtetext at tumatawag siya... Kahit na minsan ay wala siyang sinasabi at gusto niya lang na marinig iyong boses ko...

"Yeah... but I need to be here today."

Kumunot ang noo ko. "Bakit?"

"You don't know?"

Umiling ako. "Ano'ng meron?"

"Today's the release of the BAR results," sabi niya at agad na nanlaki ang mga mata ko. "Before this day ends, I'll be calling you Atty. Dela Serna."

***

This story is chapters ahead on Patreon x

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top