Chapter 43
Please follow @beeyotchupdated on twitter for real time tweet if any story got updated. Thank you.
#DTG43 Chapter 43
Para akong naka-tingin sa salamin habang kaharap ko siya. Mas maigsi lang ng kaunti iyong buhok niya sa akin at mas maputi lang siya. Hindi pa rin ako maka-paniwala sa nakikita ko...
Pareho kaming naka-tingin sa isa't-isa. Alam ko na sinabi ko kay Vito na gusto kong maka-usap iyong sinasabi nila na witness. Nung una ay parang ayaw nila... pero ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit.
"Ikaw pala iyong Assia," sabi niya. Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. "Magka-mukha nga tayo. Kaya pala."
Ang dami kong gustong itanong kaya lang ay hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Bakit kami magka-mukha? Bakit siya? Bakit... ang daming bakit.
"Nung unang nag-apply ako, akala ko hindi ako matatanggap kasi kumpara sa ibang kasabay ko, walang-wala iyong credentials ko. Pero ako pa rin iyong tinanggap bilang assistant nung gagong 'yun."
Wala pa ring lumalabas na salita mula sa akin.
Naka-tingin pa rin ako sa kanya—nagtataka.
"Kung ako lang, hindi ako pupunta rito para tulungan ka," diretsong sabi niya sa akin. "Pakiramdam ko kaya ako nasa posisyon na 'to dahil lang kamukha kita."
Umawang ang labi ko dahil sa mga narinig ko sa kanya.
"Obsessed ata siya sa 'yo kaya nadamay ako—"
"Bakit... kasalanan ko?" mahinang tanong ko sa kanya. Hindi ko alam kung bakit nila ako sinisisi. Siya... si Trini... si Prosecutor Zaldivar... Babae rin naman sila... Kaya hindi ko maintindihan kung bakit sa tingin nila ay gugustuhin kong mangyari iyon sa akin.
"Kasi kung hindi kita kamukha, hindi niya naman gagawin sa 'kin 'yun," diretsong sagot niya. "Alam mo ba lahat ng kamalasan na nangyari sa buhay ko simula nung makilala ko 'yung gagong 'yun? Ni-rape ako, nabuntis, nagreklamo sa school pero ano? Ako pa iyong na-kickout."
"Bakit hindi ka nagsumbong sa pulis?"
"Bakit ikaw, nagsumbong ka ba?" mabilis na balik niya sa akin.
"Alam ko kung saang pamilya galing iyong hayop na 'yun. Ma-swerte ka dahil may mga kaibigan ka na tinu-tulungan ka. Wala akong ganoon."
Hindi ako naka-sagot. Tama naman siya. Hindi ako nagsumbong. Natakot ako. Kasi sino'ng maniniwala sa akin? Estudyante lang naman ako noon... na nagpunta para magtanong tungkol sa grades ko... Kagaya nung binibintang sa akin ni Prosecutor Zaldivar.
"Ayoko sana talagang magpa-kita dahil gusto ko na lang kalimutan iyong nangyari..." sabi niya sabay pag-iwas ng tingin sa akin. "Pero kailangan ko iyong pera."
Marahan akong tumango.
Pera.
Kahit saan ako magpunta...
"At saka sinabi nung boyfriend mo—"
"Hindi ko siya boyfriend."
"Sino'ng tanga ang mamimigay ng sampung milyon para sa kaibigan nila?" parang natatawa niyang tanong. "Pero basta sundin niyo lang iyong sinabi niya 'dun sa pera pati sa pagproteksyon sa amin ng anak ko."
Mabilis siyang tumayo. Parang ayaw nga niya talaga akong makita. Siguro nga totoo iyong sinabi niya kanina na ako ang sinisisi niya sa nangyari sa kanya. Na kung hindi dahil sa pabuyang ibinigay ni Vito, hindi siya magpapa-kita rito... kasi kasalanan ko daw iyong nangyari sa kanya.
Bakit pwedeng maging kasalanan ng kung sinuman maliban doon sa mismong gumawa?
"Di ko alam kung ano'ng matutulong ng statement na ibibigay ko pero sana..." Tumingin siya ng diretso sa akin. "Sana maka-labas ka. Tama lang na mamatay na 'yung hayop na 'yun."
Tumango ako. "Salamat."
"Hindi 'to para sa 'yo."
"Alam ko. Pero salamat pa rin. Mag-iingat ka," sabi ko. Tumango lang siya at saka lumabas. Nakita ko na may mga kasama siyang lalaki. Alam ko naman na makapangyarihan ang mga Villamontes... pero ngayon ko lang nakikita na totoo pala. Iba iyong naririnig mo sa mismong nakikita mo na.
Iyong mga babaeng hindi makapagsalita dahil nabayaran na sila.
Iyong mga abogado na agad nilang kinuha.
Iyong pagkawala ni Kuya Jun—iyong pagkaka-kulong ng asawa niya.
Bakit wala silang ginagawa sa akin? Imposible na wala silang gawin sa akin kung nagawa nga nila sa ibang mga babae...
Pagbalik ko sa selda ay tahimik lang akong naka-upo roon at nag-iisip dahil iyon lang naman talaga ang pwede kong gawin. Alam ko sabi ni Vito na makaka-labas din ako, pero ayokong isipin. Kasi paano kapag hindi? Ayoko lang umasa sa lahat.
Mas inisip ko na lang iyong pamilya ko. Gusto ko silang papuntahin dito kaya lang ay parang delikado... Ayoko silang madamay sa mga nangyayari ngayon...
"We already submitted Patricia as our additional witness."
"Tali," pagtawag ko sa pangalan niya. "Nakita ko kahapon maraming kasamang security si Patricia."
Tumango si Tali. "Yeah. We just have to be sure kasi we want her to testify in court. We don't want to take our chances."
"Delikado talaga sila?"
"You know, there are lots of dangerous families here in the Philippines," sabi ni Tali. "Mostly iyong mga political family. Iyong mga ayaw ng umalis sa posisyon nila like that position is their birthright—I seriously think that they're the most dangerous ones. Because they'll do anything to protect their name—never mind killing those who are in their way."
"Bakit wala silang ginagawa sa akin?"
Kumunot ang noo ni Tali. "Are you serious?" tanong niya. Umiling ako. Hindi ko naintindihan iyong tanong niya. "Assia..." pagtawag niya sa pangalan ko. "Look around. You're receiving special treatment."
Umawang ang labi ko. "Ha?"
"Think about it—palagi kaming nandito para kausapin ka."
"Abogado kita. Pwede mo akong puntahan kahit kailan," sagot ko sa kanya dahil alam ko na isa iyon sa mga karapatan ko.
"Yeah, I know, but what about Niko? Sancho? Vito? They go here as often as they want. It's not normal. May schedule iyong ganito, Assia. And what about your cell? May sarili kang kama, 'di ba?" tanong niya at tumango ako. "Well, para sa iba, share-share sila sa isang maliit na sulok. And you even have books you can read. You're experiencing privilege because those three made it possible for you."
Kaya pala... mabait silang lahat sa akin...
Iyong mga guard... nakikita ko kung paano nila tratuhin iyong iba. Minsan, pumipikit na lang ako. Ang hirap makita kasi wala ka namang magawa. Pero minsan, mayroon silang mga kinukuha mula sa selda... tapos ay babalik pagkatapos ng ilang oras.
Alam mo kung ano iyong nangyari.
Pero ayaw mo ring malaman.
Kasi bakit ganoon? Kung sino iyong dapat pumu-protekta sa 'yo, sila pa iyong nananakit...
"The Villamontes can't touch you because of those three—unfortunately for the others, wala silang laban."
Inabot ni Tali ang kamay ko at hinawakan.
"I'm not saying it's your fault, okay? It's not your fault na nandyan iyong tatlo. But they're here... and they'll really do anything for you. The best you can do is to hold on for a little longer because I can feel it, Assia. This case is ours," sabi ni Tali sa akin habang naka-ngiti na para bang siguradong-sigurado siya na maipapanalo namin ang kaso.
* * *
Ni hindi ko nagawang basahin iyong mga libro o kainin iyong pagkain na binibigay sa akin dahil parang biglang ramdam ko na iyong pribilehiyo na mayroon ako. Siguro ganito rin sila Sancho... Masyado na kasi silang sanay kaya minsan ay hindi nila napapansin. Pero sana alam nila. Sana ramdam nila.
Dahil ngayon na alam ko na, kasalanan na ang pumikit.
Tahimik akong naghihintay sa pagdating nila Tali. Ngayon iyong araw para sa cross-examination sa bago naming witness. Masyadong tahimik... nakaka-panibago.
Dahil dati nung nandito kami ay may mga reporter sa labas na nag-aabang. Pero ngayon ay wala akong nakita kahit isa. Bakit wala sila? Pina-alis ba sila? Pero nino? Ng mga Villamontes? Dahil saan? Natatakot sila sa mangyayari ngayon?
Nang maka-rinig ako ng yabag ay napa-tingin ako. Akala ko ay si Tali iyon pero si Prosecutor Zaldivar ang nakita ko. Diretso siyang naka-tingin sa akin.
"Kausapin ko lang," sabi niya sa pulis na naka-tayo sa tabi ko. Umalis iyong lalaki pero pansin ko na may isa pang lalaki na naka-tayo hindi kalayuan mula sa akin. Hindi siya naka-uniform ng pulis. Isa ba siya sa mga tao nila Vito? Bakit ngayon ko lang sila napapansin?
Nang maiwan kaming dalawa ay naka-tingin lang ako sa kanya. Wala na akong sasabihin pa kay Prosecutor Zaldivar. Nasabi ko na lahat ng gusto at kailangan kong sabihin sa kanya. Kung ayaw niya pa ring maniwala ay wala na akong magagawa.
"You must think I'm so horrible," sabi niya sa akin.
Umiling ako. "Kaibigan mo kasi siya."
"I'm not saying I believe you," sagot niya. "But... I've known him for years. I just can't—" Natigilan siya. "I know he's from that family, but I thought he was different from them."
Tumingin ako sa kanya. "Bakit mo sinasabi 'to?"
Dahan-dahan siyang umiling. "I read the testimonial evidence. Saw the DNA results," sagot niya. "I'm a prosecutor, Assia. My job is to prosecute criminals. Today we'll cross-examine your witness. It may be hard to believe, but if I see that she's telling the truth, I'll recommend the dismissal of your case."
Alam ko dapat maging masaya ako.
Pero hindi ko magawa.
Paulit-ulit kong sinabi sa kanya iyong kwento ko, pero nung iba ang nagsabi ay saka lang siya naniwala.
"Hindi ako magpapasalamat," sabi ko sa kanya.
"Good—because I'm not doing this for you. I'm just doing my job," sabi niya bago tumalikod at iniwan ako.
Ilang minuto pa ang lumipas ay wala pa rin sila.
"Ms. dela Serna, where is your counsel?" tanong sa akin ni Judge Paras. Hindi ako naka-sagot dahil hindi ko rin alam. Lagi namang maagang dumadating si Tali para kausapin ako bago magsimula ang procedure.
"And where is your witness? If your counsel is not here in an hour, I'll declare you in default and I'll let the prosecution present their evidence ex-parte."
Hindi ko alam kung saan ako titingin.
Kung saan hihingi ng tulong.
Wala si Tali... si Sancho... si Niko... si Vito...
Nasaan sila?
Tumayo ako at saka lumapit doon sa isang lalaki na laging naka-bantay sa akin. Medyo nagulat siya nang lumapit ako sa kanya.
"Pwede mo ba'ng tawagan si Vito para tanungin kung nasaan sila?" tanong ko sa kanya. Hindi siya naka-sagot. "Alam ko na bina-bantayan mo ako."
Napa-buntung-hininga siya. "Okay, Ma'am. Saglit lang po," sabi niya at saka kinuha iyong cellphone niya. Pina-nood ko habang nagda-dial siya. "Sir, saan daw sila Sir Vito? Start na nung—" sabi niya at natigilan siya. Agad na bumilis nag tibok ng puso ko dahil sa ekspresyon sa mukha niya. "Ma'am—"
Agad kong inagaw iyong cellphone mula sa kanya.
"—pa rin sila mahanap! Kanina pa sila papunta dapat d'yan tapos biglang nawala iyong van! Nagkaka-gulo na rito! Walang nakaka-alam kung nasaan sila napunta lahat!"
***
This story is chapters ahead on Patreon x
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top