Chapter 35

Please follow @beeyotchupdated on twitter for real time tweet if any story got updated. Thank you.

#DTG35 Chapter 35

Gulat na gulat sina Niko nang lumabas ako sa kwarto. Ilang araw na rin akong nandoon. Nung una, umiiyak lang ako... pero napagod din ako.

Napagod akong umiyak.

Napagod akong maawa sa sarili ko.

Nakakapagod na wala kang magawa kung hindi ang umiyak at maawa sa sarili mo.

Pero ang paulit-ulit na buma-balik sa isipan ko ay kung paanong hindi lang ako ang nag-iisa an ginawan nun...

Na meron pang iba.

Pero paano sila?

Ma-swerte ako na nandito ang mga kaibigan ko para lumaban para sa akin nung mga panahon na ang tanging gusto ko lang ay sumuko. Paano sila? Paano kung walang luma-laban para sa kanila?

"Assia," pagtawag ni Niko sa pangalan ko. Napa-tayo siya nang makita ako na para bang isa akong multo na biglang lumabas. "Thank God—"

"Pupuntahan ko si Vito."

"What?"

"May sasabihin lang ako sa kanya," sagot ko habang diretsong naglalakad papunta sa pinto. Ramdam ko ang tingin nila sa akin. Nandito sila. Araw-araw. Pinag-aaralan iyong discovery ng kabilang kampo. Pilit na naghahanap ng butas para maka-lusot kami sa gulong sinimulan ni Atty. Villamontes... na hinayaan ni Trini.

Pero bago pa man ako maka-labas ay humarap ako sa kanila at bahagyang ngumiti.

"Babalik din ako agad," sagot ko bago tuluyang lumabas. Agad akong dumiretso para puntahan si Vito. Ayaw akong papasukin, pero nagpa-kilala ako bilang isa sa mga abogado niya. Doon lang ako pinapasok nang ipagpilitan ko na bilang abogado ni Vito, karapatan ko para makita ang kliyente ko ng kahit na anumang oras.

Minsan... kailangan mo na lang din talaga na ipilit kung ano iyong tama.

Kasi nakaka-pagod matapakan.

Tahimik akong naghihintay sa pagdating ni Vito. Ilang araw kong pinag-isipan. Ilang araw kong binalikan. Ilang araw kong narinig kung paano hindi lang ako iyong nauna...

Kung buhay pa siya, malamang hindi ako ang huli...

"Niko said you talked to Trini," agad na bungad niya sa akin nang dalhin siya sa loob ng kwarto. Kita ko iyong galit sa mga mata niya. Tahimik lang ako habang sinasabi niya sa akin na dapat ay hindi ako lumapit kay Trini, na dapat lumayo ako sa mga Villamontes.

Alam ko naman na tama siya.

Dapat naman talagang lumayo ako...

Pero kung lumayo ako, sa iba lang siya lalapit...

Kasi hindi naman ako iyong problema—siya ang problema.

"Sinabi rin ba ni Niko sa 'yo na si Trini iyong tumawag sa pulis?" tanong ko nang maubos na ang sasabihin niya sa akin. Nakita ko iyong pag-igting ng panga niya. Bahagya akong ngumiti. "Hindi mo naman kasalanan na sinabi ng pinagtanungan mo kay Trini," sambit ko sa kanya. "Wala kang kasalanan—wala akong kasalanan."

Bahagyang umawang ang labi niya.

Bahagya akong ngumiti.

"Nitong mga naka-raang araw, nagkulong lang ako sa kwarto habang umiiyak..." Huminga ako nang malalim. "Pero syempre alam mo 'yan kasi sinasabi ni Niko sa 'yo lahat ng ginagawa ko."

"I just—"

"Alam mo rin na tapos na ako sa BAR."

Tumango siya. "In few months, you'll be a lawyer, too..." Ngumiti rin siya nang bahagya. "It just took you a little longer, but you'll be a lawyer, too... But that's the dream, right? To be a lawyer? No matter how long it takes? No matter how hard?"

Tumango ako. "Magiging abogado na tayo pareho."

Biglang nawala iyong ngiti sa labi niya.

Pero mabilis din iyong bumalik.

"Yeah..." malungkot na sabi niya.

"Binasa ko iyong minutes," sabi ko. Bahagyang kumunot ang noo niya. "Magaling si Shanelle, pero kahit gaano siya ka-galing, kapag walang laban, wala talagang magagawa..."

Nakita ko iyong paghugot niya ng malalim na hininga.

Pilit ulit siyang ngumiti.

"Please don't tell me again that you'd confess—"

Umiling ako. "Kapag umamin ako, madadamay ka. Madadamay si Sancho, si Niko. Si Shanelle."

Madadamay lahat ng taong tumulong sa akin.

Sila na wala namang ibang ginawa kung hindi protektahan lang ako.

"Pinag-isipan kong mabuti, Vito... Ilang araw akong nagbasa lang. Kahit ano'ng basa ko, hindi ko talaga makita kung paano tayo mananalo... Pati sa record nila, nakita ko na halos lahat panalo sila... Kaya siguro ang lakas ng loob nila, no?" tanong ko habang mapait na napa-ngiti. "Kaya siguro naging ganoon si Atty. Villamontes kasi alam niya na kahit ano ang gawin niya, ayos lang... Kasi lagi naman silang panalo..."

Kasi ganoon naman.

Kung walang maghahabla, walang kaso.

Kung meron man, kung hawak mo iyong batas, ano pa ang silbi?

Pero ngayon, kahit pa may kapangyarihan din ang pamilya ni Vito, ano rin ang silbi nun kung lahat ng ebidensya ay naka-turo sa kanya? Kasi siya lang naman ang tao roon?

Wala ring silbi lahat.

"Kapag natalo tayo, hindi ka na magiging abogado..."

Hindi siya sumagot.

Hindi niya sinabi sa akin na okay lang.

Mas maayos iyon kaysa sabihin niya na ayos lang kahit pareho naming alam na hindi naman. Napapagod na akong magpanggap siya sa harap ko.

"Matatanggalan ka ng lisensya, makukulong ka, masisira ang pangalan mo..."

Humugot siya ng malalim na hinigi. "What's the point of this conversation, Assia? I already know all of that."

Tumango ako. "Hindi ako papayag na mangyari 'yun."

Kasi kung magiging abogado man ako, dapat si Vito rin. Kasi siya iyong tumulong sa akin nung nasa law school pa kami. Kahit nahihirapan din siya sa ginagawa niya, palagi niya akong tinutulungan. Kahit iyong ibang mga kaklase namin ay mas abala sa pagpapataasan, mas abala siya para siguraduhin na hindi ako naiiwan.

Kaya bakit ko siya iiwanan?

Bakit ko siya hahayaan na makulong?

Kung pareho naman kaming walang kasalanan?

Ngumiti siya.

Iyong totoo.

"Thank you."

"Wag ka munang sumuko," pakiusap ko. Dahil kahit hindi niya sabihin, kahit ngiti at katahimikan lang ang binibigay niya, ramdam ko na nawawalan na rin siya ng pag-asa.

"What will you do?" tanong niya.

"Hindi ko pa sigurado... kailangan kong kausapin si Niko," sagot ko sa kanya. "Pero 'wag kang susuko, okay? Sa May lalabas iyong resulta ng BAR. Kailangan kasama kita habang naghihintay ako."

Tumango siya habang naka-ngiti. "Did you know that Niko vomited while we're waiting for the results? It wasn't because he's worried that he failed—it's more because he's worried if we passed and he failed."

Ngumiti lang ako.

Ang dami kong hindi nakita.

Ang dami kong hindi nagawa dahil kay Atty. Villamontes.

"Assia," pagtawag niya.

"Hmm?"

"What changed?"

Ngumiti akong muli.

"Nakaka-pagod umiyak," sagot ko sa kanya at saka tumayo. "Tutulungan ko pa sila Niko sa defense mo," pagpapa-tuloy ko. "Lalabas ka rin dito, okay? Magtiwala ka sa 'kin."

Bawat hakbang palayo, ang bigat sa pakiramdam.

Wala siya dapat dito.

Dapat si Atty. Villamontes ang nandito at nagbabayad sa mga kasalanan na ginawa niya. Kung nung una pa lang ay pinutol na ang sungay niya, hindi na sana aabot sa ganito...

* * *

Bago ako umuwi ay dumaan muna ako sa coffee shop.

"Hey... long time no see," bati ni Mauro nang makita ako.

"Hi..." bati ko pabalik.

"So, what's up? Bigla kang napa-text."

Huminga ako nang malalim.

"Alam ko ngayon lang ako nagparamdam tapos hihingi pa ako ng pabor..."

Tumawa siya na umiling. "Ano ka ba, ayos lang. 'Di naman ako clingy na kaibigan. If you need help, nandito lang ako."

Ngumiti ako. "Salamat."

"So, bakit ka napa-text bigla? Saka bigla kang nawala after grad..."

Huminga ako nang malalim na malalim.

"Mauro," sabi ko.

Tumawa siya. "Assia? Ang seryoso natin, ah."

"Ayokong mapa-hamak ka kaya for formalities' sake, I'll retain you as my lawyer," sabi ko.

Kumunot ang noo niya. "Okay..."

Muli akong huminga nang malalim bago nagsimulang sabihin sa kanya iyong mga nangyari. Pero hindi lahat. Kasi hindi ko kayang sabihin lahat. At saka hindi lang naman ako ang mapapa-hamak dito...

"What the fuck? Sabi na nga manyak talaga 'yung gago na 'yun! Law school pa lang pansin ko na tingin sa 'yo!" galit na sabi niya.

Hindi ako nagsalita kasi napansin ko rin naman.

Kaso pumunta pa rin ako.

Kasi desperado akong maka-graduate.

Kasi maraming naka-depende sa akin.

"What do you need from me, Assia?" nag-aalalang tanong niya. "God, I'm sorry. Hindi ko alam. Kung alam ko lang, pinuntahan sana kita agad sa inyo. Ang walang kwenta kong kaibigan."

Hindi ako sumagot.

Ako naman iyong kusang lumayo.

"Ano'ng kailangan mo ngayon? I promise kahit ano basta kaya ko."

"Di ba nagtrabaho ka dati kay Judge Paras?" tanong ko sa kanya.

Tumango siya. "Oo, ilang taon din. Bakit?"

"Kasi sa kanya na-assign iyong kaso... Gusto ko lang malaman kung alam mo kung paano siya magdesisyon..."

Kung meron lang siguro akong pwedeng baguhin, iyong sistema na naka-salalay sa iisang tao iyong kapalaran ng mga tao.

Naka-salalay sa judge kung makukulong ka ba habang-buhay... o kung ilang tao... o kung magiging malaya ka ba...

Buong buhay mo...

Buong buhay mo ay hawak ng iisang tao.

"Oh, shit, seryoso?" nag-alala na sagot niya. "Nako... mahigpit si Judge sa mga ganyan kapag may namatay, e. Lalo na kapag iisa lang suspect... Delikado, Assia. May experience kasi 'yan si Judge na may namatay na kamag-anak kaya kapag ganyan na patayan, mahigpit talaga siya..."

Malungkot akong napa-ngiti.

Personal na experience pero nadadamay iyong ibang tao.

Ang hirap.

"Kung ako, ha... Kailangan niyong maglabas ng iba pang possible suspect kasi kung makikita ni Judge na isa lang ang possible, ang magiging way of thinking niyan e sino pa ang gagawa kung hindi siya?"

Hindi ako naka-sagot.

Kasi walang ibang pwedeng maging suspect bukod sa akin.

* * *

Halos ilang oras kaming magka-usap ni Mauro. Tinulungan niya ako kung paano ilalaban ang kaso, ngunit sabi niya ay hanggang wala kaming mailalabas na ibang pwedeng maging suspect, si Vito pa rin ang madidiin.

Naka-sakay ako sa elevator at naghihintay na magsara iyon nang biglang may humabol papasok. Tahimik lang ako habang naghihintay na maka-rating sa floor ng condo ni Niko. Nang bumukas ang pinto ay lumabas din ako. Naglakad. Napa-hinto nang mapansin ko na sa parehong pintuan kami huminto ng kasabay ko.

"Hi," sabi niya sa akin.

"Hi," sagot ko.

"Uh... this is Nikolai's place, right?" tanong niya.

Tumango ako at saka tinignan siya. Itim na itim ang buhok niya na hanggang kalahati ng braso niya. Medyo makapal ang labi niya at may dimples siya sa magkabilang pisngi.

"Oh, okay... He asked me to go here."

Tumango na lang akong muli. Pinindot ko iyong code ng pintuan ni Niko. Pagbukas ko, napa-tingin silang lahat.

"Assia—" sabi ni Niko pero natigilan siya nang tumingin siya sa likuran ko. "Oh, thank god!" dagdag niya at mabilis na lumapit. Agad niyang niyakap iyong babaeng kasabay ko. "You're finally here!"

Tumawa iyong babae. "I know, I know, I'm sorry. Medyo natagalan 'yung sa mediation, but I'm here!"

Bahagyang kumunot ang noo ko. Napansin iyon ni Niko. Bumitiw siya sa yakap doon sa babae.

"Assia, this is Tali—the one who makes magic happen," pagpapa-kilala ni Niko sa babaeng kaharap ko. 

***
This story is chapters ahead on Patreon x

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top