Chapter 26
Please follow @beeyotchupdated on twitter for real time tweet if any story got updated. Thank you.
#DTG26 Chapter 26
"Po?" tanong ko nang marinig ko iyong salitang Maynila. Hindi ako agad naka-galaw sa kinatatayuan ko. Humigpit ang hawak ko sa mga papel na yakap-yakap ko.
"Ang sabi ko, may nilalakad si Atty. Torres sa Maynila kaya bilang ikaw ang assistant niya, isasama ka niya roon. Pinaka-matagal naman na iyong 3 buwan," sabi ni Ma'am sa akin. Hindi ako nakapagsalita. Tumingin siya sa akin at kumunot ang noo. "Ayos ka lang ba, Assia? Bigla kang namutla d'yan."
"Kailangan po ba—"
"Kailangan," sabi niya. "Wala ka pa namang item dito. Kung ayaw mo—"
Mabilis akong umiling. "Hindi po. Sige po, kaka-usapin ko na lang po si Atty. Torres," sabi ko at mabilis akong naglakad palayo hanggang sa maka-rating ako sa labas ng opisina. Naibagsak ko sa sahig ang mga hawak kong papel. Pilit kong pinapa-tigil ang panginginig ng mga kamay ko, pero hindi ko nagawa. Pilit kong pina-hinga nang malalim ang sarili ko.
Pero hindi ako maka-hinga nang maayos.
Hindi ko kayang kumalma.
Ayokong bumalik sa Maynila.
Pero paano?
"Assia, okay ka lang?"
Napa-taas ako ng tingin. Nakita ko si Rita, isa sa mga kaibigan ko rito sa opisina. Siya lang iyong nagtyaga na kausapin ako nung una akong pumasok dito dahil ayokong makipag-usap kahit kanino.
Muli akong huminga nang malalim. Hindi ko alam kung gaano na ako katagal na naka-upo rito sa gilid at yakap-yakap ang mga tuhod ko.
"Okay lang ako."
"Okay..." sabi niya at saka naupo sa tabi ko at pinulot iyong mga nalaglag na papel. "Ang dami naman nito," kumento niya. "Sayang kung lawyer ka lang sana e 'di ikaw na boss namin imbes na inuutos sa 'yo lahat ng 'to."
Hindi na ako nagsalita.
Nakaka-pagod manghinayang.
Wala na akong lakas. Gusto ko na lang magtrabaho para may makain kaming pamilya. Kailangan kong magtrabaho para mayroon akong pampagamot sa tatay ko. Kasi kapag nawalan pa ako ng isang magulang, baka tuluyan na akong mawala sa katinuan.
"Tay."
Hindi siya tumingin sa akin. Nandoon iyong atensyon niya sa gin at baso sa harapan niya. Muli akong huminga nang malalim. Hindi ko siya kayang sisihin. Nawalan siya ng asawa... tapos iyong anak niya na buong akala niya ay magiging abogado at matutulungan siya sa lupa niya ay nandito sa Isabela at nagta-trabaho bilang assistant ng abogado...
Sobrang daming sama ng loob ang binigay ko sa kanya.
Ni wala na iyong lupa na minana niya.
Saglit kong ipinikit ang mga mata ko at saka huminga nang malalim. Minsan pakiramdam ko ay manhid na ako... pero tuwing nakikita ko si Tatay, iyong mga kapatid ko, nakakaramdam ako ng kirot sa dibdib ko...
Ang dami kong pangarap para sa kanila.
Wala man lang natupad kahit isa.
Sayang lahat...
Iyong pera...
Iyong oras...
Dito rin pala ako mauuwi.
Ang tanga ko kasi.
Hindi ako marunong makinig.
"Aalis po ako. Pinaka-matagal na po iyong 3 buwan," sabi ko kahit hindi ko alam kung nakikinig ba siya. Gusto ko lang sabihin kasi kahit ganito na siya, tatay ko pa rin siya at mahal ko pa rin siya. "May check-up po kayo. Itetext ko po si Aaron para ipaalala."
Patuloy lang ako sa pagsasalita habang pinupuno niya ng gin iyong baso. Kailangan kong mag-ipon. Hindi ako pwedeng mawalan ng trabaho. Pakiramdam ko malapit ng magkasakit iyong tatay ko sa atay dahil sa kaka-inom niya. Hindi ko siya magawang mapigilan kasi naiintindihan ko kung bakit niya ginagawa 'yun.
Minsan gusto ko na lang din tumigil.
Pero paano ako titigil?
Kawawa iyong mga kapatid ko.
Wala na silang nanay... Halos wala na rin si tatay... Ako na lang 'yung meron sila.
Wala naman akong choice kung hindi magpa-tuloy kahit pagod na rin ako.
Kina-usap ko iyong mga kapatid ko at nagbilin sa kanila. Tiwala ako na hindi nila papabayaan si Tatay kahit hindi nila maintindihan... Bata pa dapat sila pero wala silang choice kung hindi magmature agad.
Nakaka-miss si Nanay.
Nakaka-miss iyong pakiramdam na may nanay ka na nag-aalaga sa 'yo.
"Ingat ka, Ate..." sabi ni Aaron.
Ngumiti ako. "Salamat. Magtext ka kapag may problema. Iyong pinto, tignan niyo palagi kung naka-lock bago matulog. Kapag naubos iyong pera, magtext kayo agad sa akin, pero tipirin niyo rin..."
Tumango siya. "Okay, Ate. Kasama na ba dito 'yung sa pang-inom ni Tatay?" tanong ni Aaron. Tipid akong tumango. Hindi ko alam kung naiintindihan niya. Sana.
Halos maiwan ako ng bus dahil kanina ko pa pinag-iisipan kung dadaan muna ako sa puntod ni Nanay para magpaalam dahil hindi ko alam kung gaano ako katagal na mawawala. Pero naisipan ko na 'wag na lang. Kasi alam ko na kung nandito siya, hindi siya papayag na bumalik pa ako sa Maynila.
Kagaya nung hindi niya pagpayag nung nalaman niya na hindi na ako kukuha ng BAR.
Kagaya nung hindi niya pagpayag nung ayokong sabihin sa kanya kung bakit.
Hanggang sa nalaman niya rin.
Kahit hindi ko sinabi.
Kasi anak niya ako.
Sumasakit iyong dibdib ko tuwing naaalala ko kung paano siya napa-upo sa sahig... kung gaano kalakas iyong iyak niya... kung paano nanginig iyong mga kamay niya habang hinahawakan ako at humihingi ng pasensya dahil wala siya doon para protektahan ako.
Hanggang sa hindi siya maka-hinga.
Tapos... iyon na pala iyong huling pag-uusap namin.
Sana nagsalita ako.
Sana pala may sinabi ako.
Huli na pala 'yun.
* * *
Pinilit kong matulog, pero hindi ko nagawa. Naka-tingin lang ako sa nadadaanan namin. Napanood kong magbago mula sa mga bukirin hanggang maging puro bahay at ngayon ay puro sasakyan ang nakikita ko.
"Balintawak na! Iyong mga bababa d'yan. Sunod na hinto sa Q.Ave na!" sigaw ng konduktor. Niyakap ko nang mahigpit iyong bag ko. Nasa Maynila na nga ako. Hindi ko akalain na babalik pa ako ulit dito...
Naka-titig ako sa puting pader sa harapan ko.
Naghihintay na sabihin sa akin ni Atty. Torres kung ano ang gagawin ko at kung bakit kailangang kasama ako rito sa Maynila. Pero hindi ako pwedeng magtanong kasi sino ba naman ako? Siya naman iyong abogado sa aming dalawa. Parang hindi ko alam. Araw-araw niyang pinapaalala sa akin.
Maaga akong pumunta sa address na sinabi niya. Doon ay nagsimula ang trabaho ko. Sa akin niya pinapasa lahat ng kailangang basahin at ireview. Hindi ako abogado, pero nag-aral naman daw ako kaya ako na ang gumawa. Pero hindi pa rin ako abogado.
"Pa-triple check 'tong proposal," sabi niya sa akin. "Importante 'to."
Tumango ako. "Okay po, Atty. Ito na po 'yung files na binigay niyo kahapon."
Tumango siya at ngumiti. "Nice. Thanks, Ms. dela Serna! Sayang at hindi ka nagtake ng BAR," sabi niya bago iwan ako. Bakit ba kailangang araw-araw niyang sabihin sa 'kin 'yun?
Buong araw akong nagtrabaho. Hanggang sa maging linggo na. Gusto ko nang umuwi sa amin. Hindi ako maka-tulog nang maayos dito. Bigla na lang akong nagigising sa gabi na para bang may naririnig akong malakas na katok.
Tuwing may kakatok ay para akong malalagutan ng hininga.
Gusto ko na lang tumakbo at takpan ang tenga ko.
Gusto ko nang umuwi.
Pagkatapos ko sa trabaho ay umuwi na ako sa maliit na boarding house na tinutuluyan ko. Ginawa ko pa rin iyong proposal ni Atty. Torres. Baka kasi kapag maaga 'tong natapos ay umuwi na kami sa Isabela...
"Ms. dela Serna," pagtawag sa akin. Tahimik akong tumingin sa kanya. "I have a meeting later and since ikaw naman ang gumawa ng proposal nito, ikaw ang mag-ayos nung presentation. I want it to be as informative as possible," sabi niya habang iniisa-isa iyong mga kailangan kong gawin. Inilista ko lahat iyon dahil baka may malimutan ako. Bawal akong magkamali dahil hindi pa naman permanente iyong trabaho ko at kailangan ko iyong pera.
"Isesend ko po—"
"No, dalhin mo na lang iyong laptop mo. Ikaw ang magcontrol nung presentation while I present," sabi niya at mabilis akong iniwan at mayroong kinausap.
Napa-buntung-hininga ako bago nagsimulang gawin iyong presentation niya. Ginagawa ko pa rin habang kumakain ako. Ito na kasi iyong pinunta namin. Baka kapag tapos na 'to ay maka-uwi na kami. Dalawang buwan na kami rito. Gusto ko nang bumalik sa Isabela. Hindi ko na kayang manatili pa ng isang buwan. Hindi ako maka-tulog nang maayos. Pakiramdam ko ay magkaka-sakit na ako, at hindi ako pwedeng magka-sakit.
"I love it here," biglang sabi ni Atty. Torres habang nasa likuran siya ng sasakyan at nasa passenger seat ako. "I love how competitive the people are. I mean, don't get me wrong, okay din naman sa Isabela... but sometimes, I miss the competition, you know? 'Di ba naglawschool ka naman?" tanong niya habang naka-tingin sa akin sa rearview mirror. Tahimik akong tumango. "Tell me again, bakit nga hindi ka nagtake ng BAR?"
Ngumiti lang ako.
"Sayang ka, e. I know you're smart. Takot ka bang bumagsak? I mean, it's okay. No shame in failing. A lot of my friends failed their first take in BAR, but took it again. Maybe it's true when they say second time's the charm," sabi niya. Hindi pa rin ako nagsalita. "Anyway... just thinking, kung magrerequest ako na ilipat dito sa Manila, are you interested na sumama sa akin? I promise I'll put in a good word para maging permanent ka na."
Hindi agad ako naka-sagot.
Pero naka-tingin siya sa akin habang naghihintay ng isasagot ko.
"Pag-iisipan ko po."
"Good," sabi niya. "Nandito na pala tayo."
Tahimik akong naka-sunod kay Atty. Torres. Nagsasalita siyang mag-isa habang pina-practice iyong proposal. Gusto ko siyang itama dahil may mali sa sinasabi niya. Pero ayokong mapagalitan.
"Good morning," bati ni Atty. Torres nang pumasok kami sa isang conference room. May iilan na mga tao roon. Lahat sila ay mukhang seryoso. Kung sabagay... malaking pera iyong pinag-uusapan dito. Ang daming pera sa gobyerno. Iyan ang natutunan ko sa pagta-trabaho doon. Ang daming pera, pero hindi mo rin alam kung saan napupunta. Ang hirap magtanong.
"Shall we start?" tanong ni Atty. Torres. Nasa isang gilid lang ako at nagseset-up para sa presentation niya. Kailangan wala akong mali. Dahil kapag nagkamali ako at nasira ang presentation, magiging kasalanan ko lahat.
"We're still waiting for someone," sagot nung isang lalaki. "If you wanna eat first," dagdag niya sabay turo doon sa maraming pagkain sa lamesa.
Kumain sila habang nag-uusap. Nasa isang gilid lang ako at saka naghihintay na matapos 'to para maka-uwi na ako. Kailangan ko pang bayaran iyong utang ni tatay sa tindahan bago pa tuluyang magalit si Aling Ising sa amin at bago pa kung anu-ano ang ikalat na balita.
"I'm sorry I'm late. Manila traffic sucks. But I'm here and I'm ready, so shall we begin?" sabi ng lalaki na kaka-pasok pa lang. At agad na tumigil ang puso ko nang marinig ko ang boses na iyon.
Hindi ako maka-galaw.
"Ms. dela Serna."
Nanginig ang mga kamay ko.
"Ms. dela Serna, iyong presentation."
Bakit... bakit nandito siya?
"Ms. dela Serna!"
Agad na napunta ang tingin nilang lahat sa akin. Nakita ng mga mata ko kung paano siya napa-tingin sa akin at kung paano bahagyang nanlaki ang mga mata niya nang makumpirma niyang ako nga ito.
"Ms. dela Serna, do your job! Hindi kailangang maging lawyer para magaawa nang maayos 'yan. Pipindot ka lang naman!" galit na bulong sa akin ni Atty. Torres, pero ang mga mata ko ay hindi maka-alis sa kanya.
Hindi ako maka-hinga.
Parang muli ko na namang narinig iyong malalakas na katok... iyong pagtawag niya sa pangalan ko... iyong paghawak niya sa akin...
"Ms. dela Serna!"
Dire-diretso akong lumabas hanggang sa hindi ko alam kung saan ako pupunta. Hindi ko kayang tumigil. Gusto kong umalis. Gusto ko nang umuwi. Ayoko na rito.
"Assia."
Hindi ako naka-galaw.
"Wag kang lumapit..." mahinang sabi ko habang nanlalabo iyong buong mundo sa paningin ko. Pero kahit na ganoon, kita ko pa rin iyong bawat hakbang na ginagawa niya para maka-lapit sa akin. "Wag kang lumapit... Tama na, please..."
Pero hindi siya tumigil.
***
This story is chapters ahead on Patreon x
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top