Chapter 12
Please follow @beeyotchupdated on twitter for real time tweet if any story got updated. Thank you.
#DTG12 Chapter 12
Antok na antok pa ako at ang sakit ng katawan ko, pero napilitan akong tumayo dahil sa patuloy na pagkatok sa pinto. Pagbukas ko nun ay nakita ko si Rose na naka-pamewang sa akin at bahagyang naka-kunot ang noo.
"Bakit?" tanong ko sa kanya dahil gusto ko ng malaman kung ano ang kailangan niya sa akin... para maka-balik na ako sa pagtulog. Inaantok pa talaga ako... Sobrang daming nangyari ngayong linggo. Nag-exam lang naman ako pero para akong nakipagboxing sa sobrang pagod. Tapos iyong sa kagabi pa. Parang binibiyak ang ulo ko sa sobrang sakit.
"Andyan jowa mo sa labas."
"Ha?"
"Ikaw pala jowa nun," sabi niya tapos ay inirapan ako. "Di mo man lang sinabi. Mukha akong tanga na pinagnanasaan jowa mo sa harap mo. Ganda ka, girl?"
Parang nawawala iyong antok ko dahil sa sinabi niya.
Ano'ng problema niya?
"Teka..." sabi ko bago pa humahaba nang humaba ang sinasabi niya. "Sino'ng jowa?"
"Yung foreigner na naghahatid sa 'yo," sabi niya tapos ay iniwan na ako roon. Agad na kumunot ang noo ko. Si Vito? Bakit siya nandito? Kinuha ko iyong toothbrush ko para makapagtoothbrush muna ako dahil nasa ibaba iyong CR. Pero pagbaba ko, nakita ko na naka-upo na roon si Vito.
"Hey," sabi niya nang makita ako.
Agad na napa-tago sa likod ko iyong toothbrush.
Hala.
'Di pa ako nakakapagtoothbrush.
"Did I wake you up?" tanong niya. Napa-tingin ako sa orasan sa salas. Halos 11am na pala. Grabe naman. Ang tagal ko palang tulog.
Umiling na lang ako dahil hindi ako makapagsalita. Sabi pa naman ng kapatid ko ang baho daw ng hininga ko sa umaga. Sabi naman ni Nanay niloloko lang ako ng kapatid ko. 'Di ko alam kung kanino ako maniniwala.
Sinuksok ko iyong toothbrush sa bulsa sa likod ng shorts ko.
"Uhm... bakit ka nandito?" tanong ko habang naka-takip iyong mga kamay sa bibig ko. Imbes na magsalita ay nagkibit-balikat lang siya. "May... gagawin ba tayo?"
May plano ba kami ngayon? Pero imposible kasi nilalagay ko sa notebook ko lahat ng gagawin ko para wala akong malimutan... Saka sigurado ako sa sarili ko na wala kaming plano dahil wala akong lakas gumawa ng kahit ano. Gusto ko lang matulog at magpahinga kapag weekend dahil para akong mamamatay sa pagod tuwing weekday.
"Do you have plans for today?"
"Ah... matulog sana."
Tumango siya. "Don't you wanna go out?"
"Saan naman?"
"I'm thinking... Mall of Asia?"
Nanlaki ang mga mata ko. "Talaga?"
Tumango ulit siya habang naka-ngiti. "Yeah. But if you wanna sleep—"
Mabilis akong umiling. "Sandali lang, ah? Maliligo lang ako. San sila Niko? Susunod na lang ba sila o nasa labas ba sila?" tanong ko habang sinubukang sumilip sa labas. Baka nandun iyong dalawa.
"I'm... not sure."
"Ah... busy sila?"
Dahan-dahan siyang tumango. Sayang naman. Baka busy pa nga sila. Birthday pa naman kagabi ni Niko. Baka kasama niya naman ang pamilya niya ngayon. Sana hindi masakit ang ulo niya. Sobra siyang uminom kagabi, e... Lahat ng nag-aabot sa kanya tinatanggap niya—silang dalawa ni Sancho. Tapos iyong Yago ay tawa nang tawa habang vini-video-han silang dalawa.
Nagpaalam muna ako kay Vito na maliligo lang ako. Umakyat ako sa kwarto at kinuha iyong twalya at basket ko kung nasaan iyong mga gamit ko. Mabilis lang akong naligo tapos nung magbibihis na ako—
"Hala."
Nalimutan kong magdala ng damit.
Tinanggal ko iyong twalya na naka-balot sa buhok ko at saka tinapi sa katawan ko. Dala-dala ko iyong basket at saka sinuot iyong tsinelas ko. Nang dumaan ako sa salas kasi nandun iyong hagdan papunta sa kwarto ko, nakita ko si Vito na busy sa cellphone niya. Dahan-dahan akong naglakad para hindi niya na ako makita... kaso napa-hinto ako nang marinig ko na parang may nabagsak.
"Yung cellphone mo..." sabi ko nang makita kong nasa sahig na iyong cellphone niya. Nung sinabi ko iyon ay saka lang siya napa-tingin sa cellphone niya. "Nabasag ba?" tanong ko pa dahil imbes na tignan niya ang cellphone niya ay sa akin siya naka-tingin.
Napa-kurap-kurap siya.
"Bakit ba hindi kayo maingat sa cellphone niyo?" sabi ko na napapa-iling. Pareho sila ni Niko. Bilhan ko nga sila nung hawakan na cellphone ring ata ang tawag para hindi nila nababagsak palagi. "Bihis lang ako," pagpapa-tuloy ko bago ako umakyat sa hagdan.
Habang nagbibihis ako ay naka-loud speaker si Nanay habang kausap ko. Tinanong niya lang iyong sa exam ko at kung kamusta raw ba ang trabaho. Sinabi ko lang na okay naman sa lahat. Ayoko na kasi na mag-alala sila. Basta kapag nagkaroon ng long weekend, uuwi talaga ako kahit mahaba pa ang byahe.
Naka-suot ako ng puting blouse, itim na palda, at saka doll shoes. Sinubukan kong patuyuin sandali iyong buhok ko gamit ang electric fan. Nang medyo tuyo na, kinuha ko lang iyong shoulder bag ko at sinigurado na nandun iyong mga importanteng gamit ko.
"Basag ba?" tanong ko kay Vito nang maka-baba ako.
"Just a small crack."
"Bakit mo kasi nabagsak?"
Naglakad kami palabas ng boarding house. Buti na lang wala si Rose ngayon kasi baka mailang si Vito kapag tinitigan siya nun. Kapag kasi Linggo, walang masyadong tao dahil nasa labas sila lahat halos... Hala, hindi ako makakapaglaba. Mamayang gabi na nga lang.
"It's okay," sabi niya. "It's due for replacement, anyway."
Ako nga nagkaroon lang ng cellphone na nakaka-connect sa Internet nung malaman ni Tatay na mag-aaral na ako sa Maynila, e. Dati kasi iyong cellphone ko, basta makaka-tawag at makaka-text, ayos na. Kung kailangan kong mag-Internet, pupunta pa ako sa bayan para magcomputer shop.
Nakaka-mangha lang talaga iyong pagkaka-iba ng buhay namin.
"Nandito ba sa Manila ang pamilya mo?"
"Yeah. Why?"
"Wala lang. Sunday kasi ngayon. 'Di ba Sunday is family day?"
"I think that depends on the family..."
"Bakit naman?"
"Not everyone belongs to a happy family."
Agad akong napa-tingin sa kanya. "Hala... sorry."
Tipid siyang ngumiti. "It's fine."
"Sorry talaga..."
"It's fine, really," sabi niya. "It's not like it's a sore topic or anything."
Hindi na ako nagsalita. Bakit naman kasi tinanong ko pa iyon? Halata naman kay Vito na marami siyang tinatago, e. Kumpara naman kay Niko na ang daming sinasabi tungkol sa buhay niya—maliban kapag tungkol sa business nila iyong usapan, hindi talaga ako nakikinig—si Vito iyong wala akong masyadong alam talaga.
"What about you?"
"Ano'ng sa 'kin?"
"Your family?"
"Wala namang kakaiba..." sagot ko. "Si Tatay magsasaka tapos si Nanay iyong bahala sa bahay... May dalawa akong kapatid na mas bata sa akin... Normal lang naman kami..."
Nakaka-miss talaga.
"Kung pwede lang hilahin iyong mga taon para maka-tapos na ako at maging abogado na talaga ako. Para maka-uwi na ako sa 'min."
Saglit siyang tumingin sa gawi ko. "You'll go home after you get your license?"
Tumango ako. "Oo. Iyon talaga ang plano ko. Kaya lang naman ako nag-aral ng batas kasi gusto kong maka-tulong sa amin, e... Alam mo ba ang dami sa amin na nananakawan ng lupa kasi hindi nila alam iyong mga batas na 'yan... Iyon talaga ang goal ko sa buhay. Ako na lang ang magiging abogado sa lugar namin."
Nung una, ayaw talaga ni Tatay nung nalaman niya ang plano ko. Sabi niya kasi na delikado raw... Alam ko naman... Pero kung walang susubok, ano'ng mangyayari sa 'min? Hahayaan na lang namin iyong mga mayayaman na 'yun na kunin iyong hindi naman sa kanila?
Biruin mo, hekta-hektaryang lupa, bibilin lang ng ilang daang libo?
Kalokohan.
"Kung nag-o-offer nga lang ang Brent ng summer class sana kukuha na rin ako para maka-graduate agad ako, e," sabi ko pero wala akong nakuhang sagot mula sa kanya. "Ikaw? Ano'ng plano mo?"
Nagbuntung-hininga siya. Lalim naman nun.
"I don't know yet..."
"Bakit ka ba nag-abogado?"
"Honestly? It started as a dare."
"Seryoso nga iyong sinasabi ni Niko?"
"Yeah. Yago, you remember him?" Tumango ako. "He went to law school... We got curious... I mean, if that asshole can manage law school, how hard must it really be?"
Napa-tawa ako sandali. Ang hirap kaya. Kaya nga si Niko parang masusuka tuwing Crim class namin, e.
"We're supposed to enroll in SCA, as I told you already. But then plans changed and we enrolled in Brent."
"Itutuloy mo pa rin ba?"
"I guess so."
"Wala kang ibang gustong gawin?"
"It's either this or I help the family business. I'd rather do this."
"Ano'ng business niyo?" tanong ko. Si Niko lang naman ang hindi ko tinatanong, e.
"Something with fuel," sabi niya. "We're here."
Napa-tingin ako sa harapan at napa-ngiti ako nang makita ko iyong malaking globo sa unahan. Grabe... nandito na talaga ako sa Mall of Asia! Akala ko medyo matagal pa bago ako makakarating dito, e!
"Pwede ba akong magpicture mamaya?"
"Yeah, sure," sabi niya tapos bumaling na kami. Tinignan ko sa salamin iyong globo. Ang laki nga niya. "Where do you wanna eat?"
"Ayoko ng libre. Sa fast food na lang tayo."
"My treat."
"Ang mahal, e."
"Fast food is too oily."
"Di ka naman mamamatay..."
"Please? I'll pay."
"Lagi mo na akong nililibre, e."
"Then pay me when you're abled."
"Grabe. Wala pa nga iyong sweldo ko, kinu-kuha mo na agad."
Natawa siya. "What if I order for myself then we split the food?"
"E malakas kang kumain. 'Di wala na akong nakain."
"Assia, I'm running out of options."
"Sige na nga. Babayaran kita kapag may sweldo na ako."
Imbes na natutulog lang ako, nagka-utang pa ako.
"Vito..." pagtawag ko.
"Hmm?"
"Pwedeng... 'dun tayo?" tanong ko habang naka-turo sa parang dagat. Ngumiti si Vito tapos tumango. Mabilis akong tumawid. Wala namang sasakyan. Natawa si Vito habang naka-sunod sa akin. Grabe. Amoy dagat! Mas na-miss ko ang probinsya!
"Magkano kaya sumakay d'yan?" tanong ko habang naka-turo sa ferris wheel. Dapat pala dinala ko iyong ATM ko. Pero grabe naman, Assia! Magtipid ka naman! Gusto mo, itlog na talaga kainin mo buong buwan!
"Let's eat first, then let's check that out later."
Naglakad kami ni Vito. Ang daming magboyfriend doon sa may seawall daw 'yun. Ang dami ring pamilya. Sunday nga talaga ngayon.
"Where do you wanna eat?"
"Ikaw mamili. Ikaw maarte, e."
"Wow."
"Masaya na ako sa chicken at spaghetti."
"That one?" sabi niya sabay turo doon sa restaurant na may nakita pa akong babaeng naka-tayo sa labas. Grabe. Parang ang sosyal naman masyado. Grabe 'tong si Vito. Wala na nga akong pera.
"Magkano ba d'yan?" tanong ko pero imbes na sumagot, naglakad na siya papunta roon... Wala na tuloy akong choice kung hindi sumama sa kanya. Pag-upo namin, inabutan agad kami ng menu. Agad na kumunot ang noo ko nang mabasa ko iyong presyo.
Mahal.
Sayang pera.
"My treat," sabi ni Vito.
"Ayoko nga ng libre. May pera naman ako. Ayoko lang na sa ganito mauubos," sabi ko habang hinahanap ng mata ko iyong pinaka-mura sa menu. Nang matagal akong walang narinig mula kay Vito, tumingin ako sa kanya.
"Sorry," sabi niya.
"Ha?"
"Let's just go to fast food..."
"Hala. Hindi ako galit," sabi ko sa kanya. "Okay lang naman na kumain ako sa ganito siguro kung may special occasion... pero kapag normal na araw lang, 'wag niyo na akong isama. Okay lang naman."
Kasi tuwing pagkatapos ng klase, sinasama nila ako kapag nagdidinner sila... E ang mahal ng gusto nilang kainan... Tapos lagi nila akong nililibre... Nakaka-hiya...
"Did I offend you?" tanong niya.
"Hindi. Ayoko lang ng nililibre ako lagi. Kaya nga ako nagta-trabaho para may pambili ako ng mga gusto at kailangan ko," paliwanag ko sa kanya. Lumaki ako sa pamilya na bawat piso, mahalaga... Hindi lang talaga ako sanay sa kanila na sobrang luwag sa pera.
"Let's just eat at fast food."
"Dito na nga," sabi ko. "Celebration na lang."
"Of what?"
"Unang midterms?" sabi ko na lang dahil wala naman akong alam na pwede naming i-celebrate. "Ah... celebration ng birthday ni Niko?"
"Niko's not even here."
"Ewan ko. Basta, kain na tayo. Sana masarap para hindi sayang iyong pera."
Gusto ko sanang umorder ng pasta pero sa ganoong halaga, kailangang masigurado ko na mabubusog ako kaya naman iyong ulam at may kanin ang binili ko. Kita ko na parang binabagabag pa rin si Vito sa mga sinabi ko. Ayoko lang naman na ilibre nila ako lagi. Hindi naman ako sumasama sa kanila para magpa-libre. Gusto ko talaga silang kasama.
Habang kumakain kami, tahimik lang si Vito.
"Bayaran kita sa sweldo ko..." sabi ko dahil siya iyong nagbayad nung kinain namin. Kinuha ko iyong resibo para maalala ko kung magkano. Tumango lang siya. Grabe naman 'to.
Naglakad lang ako tapos naka-sunod siya. Huminto ako sa tapat nung ferris wheel. Agad akong lumapit doon sa bilihan ng ticket at saka bumili ng dalawa.
"Ako na," sabi ko nung ilalabas ni Vito iyong wallet niya. "Libre ko."
"Assia—"
"Tara na," sabi ko sabay hatak sa kanya nang iabot sa akin iyong ticket namin. Sakto na may naka-bukas na carriage kaya pumasok na kami roon. "Swerte naman... Wala tayong kasama..." sabi ko dahil doon sa ibang carriage maraming laman.
Pagtingin ko kay Vito, tahimik pa rin siya.
"Ang tahimik mo," sabi ko.
"Do you feel offended when I treat you?"
"Yang topic pa rin?"
"I wanna know."
"Hindi naman," sagot ko. "Pero ayoko kapag palagi. Baka kasi isipin niyo na sumasama lang ako sa inyo para maka-libre. Gusto ko talaga kayong kasama."
"Really?"
"Oo. Kayong tatlo nila Niko at Sancho iyong mga unang kaibigan ko sa Maynila kaya special kayo sa 'kin."
"Friends?"
Tumango ako. "Kaya kapag may kailangan kayo sa 'kin o gusto niyo ng kausap o kahit ano na walang kinalaman sa pera, one text away lang ako," sabi ko ng naka-ngiti sa kanya. Bigla akong napa-tingin sa likod ko at nakita ko na nasa paituktok na kami. "Pa-picture naman sa cellphone mo..." sabi ko dahil malinaw iyong camera ng cellphone niya.
Nilabas niya iyon. Umayos ako ng pwesto at saka ngumiti.
"Patingin," sabi ko tapos inabot niya sa akin iyong phone. Grabe... Ang linaw talaga. Kita iyong pores ng mukha ko... Sana pala nagdala ako ng polbo... "Picture ka rin."
"No, it's okay."
"Picture na lang tayo tapos inggitin natin si Niko," sabi ko. Umupo si Vito sa tabi ko tapos nagselfie kaming dalawa. Nagulat ako nang biglang lumabas iyong pangalan ni Trini sa cellphone niya. Agad kong inabot sa kanya. "Nagtext si Trini."
Nakita ko na hindi man lang niya tinignan iyon at basta binura na lang.
"Break pa rin kayo?"
"Yeah."
"Ah..."
"Why do you ask?"
Hindi ako sumagot. Pero sana 'wag na silang magbalikan. Pangit na sinasaktan niyan si Vito. Siya kaya ang hagisan ng vase? Matutuwa kaya siya?
"Curious lang."
"We're never getting back together."
"Sigurado ka?"
"Yeah," sabi niya at saka tumingin sa labas. "I already have my eyes on someone."
**
This story is 5 chapters ahead on Patreon x
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top