Chapter XXXIX
CHAPTER THIRTY-NINE
FRANZESS
NATAPOS ang concert ng Paranoia at wala pa rin ako halos sa sarili ko. Pakiramdam ko ay nakalutang ako sa alapaap at hindi ko alam kung kailan ba ako tuluyang babagsak.
Ang lalaking iyon na may bughaw na mga mata ang pilit gumugulo sa ulo ko kahit pa nakauwi na ako at masaya ang pagkakasalubong sa akin ni Inang Gorya. Walang pagsidlan ang kaligayahan niya na naipadala niya ako sa concert na iyon.
"Nag-enjoy ka ba, anak? Naku, habang pinapanood ko kanina sa live ng RTC 9 iyong concert, parang gusto ko rin umiyak sa sobrang guwapo ng tinig ng mang-aawit nila. Hindi naman siya mukhang brokenhearted pero ramdam na ramdam ko iyong sakit. Ang galing, ano?"
"O–opo, Inang. Ang kisig po ng boses—"
"Pero parang wala rito ang isip mo kahit pa kakuwentuhan mo 'ko. May nangyari ba?" tanong ni Inang saka naglapag ng tsaa sa harapan ko.
"W–wala naman po, Inang. N–napagod lang po siguro ako," katwiran ko na umaasa akong bebenta sa kaniya.
"Ikaw ang bahala kung hindi ka handang magsabi, anak," anito sa akin, saka naupo sa harapan ko. "Maiba ako, anak. Alam kong naitanong ko na sa iyo ito noong nakaraan pero, gusto mo bang muling mag-aral? Hindi mo kailangan intindihin ang gagastusin dahil marami akong naitatabi rito kaya't mayroon akong magagastos para sa iyo. Huwag mong isipin na utang na loob ito dahil ito na lang ang mgagawa kong kabayaran sa kabaitan ng mga magulang mo sa akin noong nabubuhay pa sila," mahaba nitong turan sa akin at parang nawalan ako ng isasagot sa kaniya.
Hindi sa hindi ako handang mag-aral. Natatakot lang ako sa katotohanan na mararamdaman ko na tuluyan na akong napag-iwanan, na baka hindi na para sa akin ang pag-aaral. Natatakot akong baka sampalin ako ng katotohanan na hindi para sa akin ang pagtatapos dahil hindi ko magagawang sundan ang kasalukuyang agos.
"T–tanggihan ko na lang muna siguro pong muli iyang alok ninyo, Inang—"
"Hindi ko tatanggapin ang pagtanggi mo sa ngayon, anak. Ayaw kong mamatay ako at maiiwan kang mag-isa rito na hindi mo na naman alam kung saan at kanino ka kakapit. Ayaw kong iisipin mo kung saan na naman papunta ang buhay mo. Sa naikuwento mo sa akin tungkol sa tiya mo, hindi ko nakikitang tutulungan ka niya kung magkakaroon ng kagipitan kaya't hindi ko maipagkakatiwala ang maaaring mangyari sa 'yo sa kaniya. Kaya naman sana'y tanggapin mo ang alok ko. Para rin naman ito sa ikabubuti mo."
Parang nalulunod ako sa mga katagang naririnig ko kay Inang. Sa ilang buwan naming magkasama, ramdam na ramdam kong mahal na mahal niya ako at wagas ang pagkalingang nais niyang ibigay sa akin.
Nginitian ko si Inang, saka ako marahan na tumango sa kaniya. "Maraming-maraming salamat po, Inang. Sa lahat-lahat po ng tulong at pagbibigay n'yo sa akin, maraming-maraming salamat po," anas ko, saka ako tumayo at yumapos kay Inang. Hinaplos naman niya pabalik ang likod ko na wari bang sinasabi niya na magiging maayos din ang lahat.
LUMIPAS ang araw at narito ako ngayon sa isang medyo kilalang kolehiyo. May kakilala si Inang na isang guro rito na sinabi niyang maaaring makatulong sa akin.
Luminga-linga ako sa paligid at talaga namang naggagandahan at nagguguwapuhan na mga estudyante ang bumungad sa akin.
Ang sarap nilang tingnan na tila ba enjoy na enjoy nila ang kabataan nila na hindi ko man lang naranasan.
"Stop following me, Kuya! You're attracting attention for heaven's sake!" galit ang tinig na iyon na ikinalingon ko.
Nakita ko ang isang dalaga na kahit pa galit ang emosyon na nakarehistro sa mukha niya ay umaangat pa rin ang taglay niyang ganda. May bughaw siyang mga mata na lalo pang nakapagbigay sa kaniya ng kakaibang karisma.
"I am securing your safety and you don't have any rights to object, Nisha Izel," malamig ang tinig ng sumagot na iyon kaya't agad natuon doon ang mga mata ko.
Halos lumabas ang puso ko sa loob ng dibdib ko sa lakas ng kabog dahil sa nakita kong may ari ng tinig. ANG LALAKING NAGBIGAY SA AKIN NG KISSMARK AT ANG MISMONG VOCALIST NG PARANOIA!
Maraming tao ang nakasunod sa kanila dahil na rin siguro kilala siya.
Magkasintahan kaya sila? Pero tinawag siyang kuya ng babae. Siguro ay magkapatid sila base na rin sa kulay ng mga mata nila na hindi mo maipagkakaila na iisa lamang ang pinagmanahan dahil ang lalamig ng mga iyon.
"I can manage. Please, Red Yvan Allen, leave me all alone. I want a peaceful college life that you stole from me when I was in my senior days," sagot muli ng babae sa kuya niya.
Ngumisi lamang si Red sa kaniya, saka patuloy na sumunod kahit pa mas dumami na rin ang sumusunod sa kanila.
Hindi ko alam kung hanggang saan ako aabutin ng pagiging usyusera ko. Basta't sumunod na lamang ako sa mga taong nakasunod sa kanila na para bang nanonood kami ng live na teleserye.
Nakarating kami sa isang classroom at huminto ang babae sa may pinto, saka muling hinarap si Red.
"These gossipers are my nightmare! Naiinis na 'ko sa 'yo, Kuya! Just go and pratice. Leave me all alone, I am begging you. I never had a real genuine friend because of you. Lahat sila kinakaibigan ako dahil lang kapatid kita and that feeling sucks!" inis na wika nito, saka na tuluyang pumasok ng classroom at pabalibag pang pinagsarahan ng pinto ang kuya niya.
"Ay! Attitude ang kapatid ni Red. My gosh!" anang isang tinig sa gilid ko.
"True. Kaya baka walang totoong friend kasi spoiled brat," sagot naman ng isa.
Napailing na lamang ako nang palihim sa narinig ko. Paano nagagawa ng mga ito na manghusga nang hindi nalalaman ang buong kuwento o ang dahilan ng ipinaggaganoon ng babae?
Natuon ang pansin ko kay Red at bigla na lamang itong lumingon sa amin—sa akin? Hindi ko alam pero iyon ang tingin ko kahit pa ayaw ko naman na mag-assume.
Malamig ang mga ito na para bang gusto niyang basahin ang kabuoan ko pero tila aksaya lamang iyon ng oras kaya huwag na lang? Ganoon ang dating at hindi ko alam kung bakit.
Naaalala kaya niya ako?
Naaalala kaya niya ang ginawa niya sa akin nang araw ng concert nila?
Nagbawi siya ng tingin sa akin at lumakad papaalis. Naiwan ako na halos hindi ko maigalaw ang mga paa ko dahil nanginginig ang tuhod ko. Sandali lamang niya akong tinitigan ngunit ganito na agad kalala ang naging epekto niya sa akin.
NATAPOS ko ang pag-aayos sa enrolment at sobrang saya at gaan ng pakiramdam ko. Parang ang bait-bait ng mga nakapaligid sa akin at nabigyan ako ng ganitong oportunidad. Nakapagkolehiyo na ako noon pero isang sem lang ay kailangan ko nang huminto dahil sinabi ni Tiya Maricel na gagamitin niya sa negosyo ang pera.
Nasa waiting shed ako at kasalukuyang nag-aabang ng jeep dahil gusto kong maibalita na agad kay Inang na maayos ang naging pag-e-enroll ko. Sigurado ako na mas masaya pa iyon kaysa sa akin dahil ito ang pangarap niya para sa akin.
Nakahanap ako ng totoong pamilya kay Inang na halos ipagkait sa akin ng tiya.
Habang nasa shed ako ay hindi ko rin maiwasang isipin si Red at kung gaano siya tunay na nakakahalina. May ibang hatak siya sa pagkatao ko na hindi ko magagawang maipaliwanag.
Dati na akong umiidolo sa mga singer ngunit iba ang sa kaniya lalo pa't nakadaupang-palad ko pa siya at hindi ko magagawang makalimutan kahit na kailan ang ginawa niyang iyon sa akin . . . na nag-iwan sa akin ng kakaibang marka.
Inilabas ko ang telepono ko na ibinigay sa akin ni Inang para tingnan ang oras nang bigla na lamang akong makarinig ng tinig.
"Yes, Mom. I'm going home now. Just don't tell kuya to pick me up. He's been bugging the hell in me. Pagod na pagod na po akong suwayin siya. I will ride a bus or a jeep na lang. Yes, Mom, I know how to ride public transpo po. You don't need to worry. Okay po. I love you, Mom," anang tinig at nalingunan ko ang babae na siyang kapatid ni Red at agaran din naman itong lumingon sa akin.
Tinapunan ako nito ng tingin ngunit wala akong nabasa sa tingin nito. Blangko iyon at tila walang nais na ipahiwatig na kahit na ano. Nawiwirduhan ako. Walang emosyon ang mga mata niya na animo ba isa siyang blangkong papel.
Nagbawi agad ako ng tingin dahil pakiramdam ko ay iniisip niya na gusto ko siyang dikitan dahil sikat ang kuya niya. Alam ko naman na hindi na iyon maaalis sa isip niya kahit pa hindi niya ba ako kilala. Siguradong bawat taong lalapit sa kaniya, ganoon ang nasa isip niya.
Tiningnan ko ang oras sa telepono ko at alas kuwatro na rin pala ng hapon. Saktong muli ko na itong itatago sa bulsa ko nang bigla na lamang tumunog iyon at rumehistro ang pangalan ni Inang.
Agad ko iyong sinagot at para akong kinabahan nang ibang tinig ang narinig ko.
"Hello?"
"Kamag-anak ka ba ng may-ari ng telepono? Napulot ko lang kasi ito sa kalsada at numero mo lang ang nakarehistro. Bumuwal kasi kanina sa daan ang matandang may-ari nitong telepono. Inatake yata, iyon ang narinig ko. Dinala na sa ospital ng mga nakakita kaso parang wala nang buhay. Puntahan mo na lang, tapos itong telopono ay iiwan ko . . ."
Hindi na rumehistro pa sa utak ko ang huling mga katagang sinabi nito dahil pag-aalala at takot na agad para kay Inang ang nangibabaw sa akin.
Natulala ako, nabitiwan ko ang telepono ko, at unti-unti na ang naging pagbagsak ng mga luha ko. Takot na takot ako o higit pa siguro sa salitang iyon. Si Inang na lang ang natatanging pamilya para sa akin. Hindi ko kakayanin kung pati siya ay mawawala pa. Hindi ko na kayang mawalan pa. Hindi ko na kayang maiwan pa.
"Hey, Miss! Where are you going? It's raining heavily!"
Wala na ako sa sarili ko. Gusto ko na lang takbuhin ang kinaroroonan ni Inang. Gusto ko na lang malaman ang kalagayan niya.
"HEY! HEY! IT'S NOT A RED LIGHT! YOU'RE NOT SUPPOSED TO CROSS THE ROAD YET! HEY!"
Si Inang lang ang nagparamdam sa akin ng buong pamilya kahit na dalawa lang kami. Nasasaktan ako . . . sobrang nasasaktan ako. Tila ako laging napapagkaitan ng buong pamilya na siyang ninanais ko lang.
"HEY! HEY! OH MY GOSH!"
Halos mabingi ako nang makarinig ako nang matinis na ingit ng preno at paglingon ko ay nakita ko ang isang mabilis na itim na kotse na siyang babangga na sa akin, ngunit . . . isang malakas na pagtulak ang naramdaman ko bago pa mangyari iyon na naging sanhi ng pagtalsik ko sa gilid ng kalsada.
"'TANG INA, IYONG BABAE!"
"AKSIDENTE!"
"HALA, GAGO!"
Halos tilian na lamang ang naririnig ko sa paligid. Sinubukan kong idilat ang mga mata ko at bumulaga sa akin ang duguang katawan ni Nisha . . . ang siyang sumagip sa akin mula sa pagkabangga.
Nakita kong sinubukan niyang idilat ang mga mata niya at kapwa nagsalubong ang mga tingin namin.
May isang tipid na ngiti ang sumilay sa mga labi niya at kasunod niyon ay ang tuluyan nang pagpikit ng mga mata niya.
--
M A Y O R A
I C E _ F R E E ZE
VOTE | COMMENT
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top