Chapter 19

TYRALIQUE HUAVEN

"Nasaan na ang iba? Isang oras na ang lumipas, pero walang ibang dumating dito sa rooftop." Sabi ko habang nanlumo sa aking kinauupuan.

Katabi ko si Jade habang nakaupo katapat namin ang iba. Sa rooftop na ito, pinatay namin si Warren. Kami mismo ang dahilan kung bakit siya namatay, kung hindi lang sana namin hinila ang lubid at agad inilagay sa gitna ang huling letra na nahanap—buhay pa sana si Warren hanggang ngayon.

Tuluyang lumubog ang araw. Sobrang dilim ng paligid at kahit isang ilaw man lang sa building ay wala. Hindi maipagkaila na natatakot ako sa kung anuman ang mangyayari. Mahaba pa ang gabi at sa loob ng sampong oras, hindi mapapanatag ang kalooban ko.

Agad akong napalingon sa gawi ni Sty nang marinig kong tumunog ang kanyang tiyan. Ngumiti siya sa akin habang napakamot sa kanyang ulo. Gano'n din ang nangyari sa aking tiyan hanggang sa sunod-sunod itong nangyari sa aming lahat.

Gutom na kami.

Ang layo pa naman ng canteen. Mapanganib kung susugal kaming tumungo roon. Wala kaming ideya kung ano ang naghihintay sa amin sa bawat hakbang na aming gagawin.

Sa ikalawang beses na tumunog ang tiyan ni Sty. Hindi namin maiwasan na tumawa.

"Gutom na talaga ako," sabi ni Sty.

"Ako rin," nakangiting sabi ni Sperry.

"Wait," tiningnan ni Jade si Daemon na may pagtataka sa mukha. "Maraming pagkain sa silid mo, 'di ba? Kahit leftovers, okay na sa akin."

Nilingon ko si Daemon at wala na akong pakialam kung nagmamakaawa na ang mga mata ko. Gutom na rin ako. Sa takbuhan at paghahanap na ginawa namin sa buong campus, hindi nakapagtataka kung ilang beses nang tumunog ang tiyan ko.

Nakita kong tumango si Daemon. Nagsimula kaming bumaba at tuluyang iniwan ang bangkay ni Warren. Hindi ko man siya gustong iwanan, pero kailangan namin magpatuloy kung gusto pa naming mabuhay. Narating namin ang silid ni Daemon at laking pagtataka ko nang makitang bukas ang pinto.

Nilingon ko ang ibang silid sa palapag at napansing nakabukas din ang mga ito.

"Mauna na kayo," sabi ko sa kanila. "Huwag niyong isasara ang pintuan."

Nagtataka man ay hinayaan nila akong umalis. Tiningnan ko ang bawat silid na nadaanan ko. Sira ang lahat ng doorknob at kung hindi ako nagkakamali, ito mismo ang nangyari sa akin sa gabing iyon.

Isang patibong kapag pumasok ng silid. Walang nakakaalam kung makakalabas ka ba, o hindi sa napasukan na silid.

"Tyra!"

Hinawakan ko ang aking dibdib nang may humawak sa aking balikat. Pinigilan ko ang aking sarili na huwag sumigaw. Jusko! Nalaglag yata ang puso ko sa sobrang gulat.

"Ginulat mo naman ako, Jade!"

"Sorry naman, masyadong kang magugulatin. Kunin mo, o." Inabutan niya ako ng sandwich na agad ko namang tinanggap.

"Salamat!"

Nagpatuloy ako sa pagsusuri sa bawat silid. Tahimik na nakasunod sa akin si Jade habang naguguluhan sa ginagawa ko, pati ako ay naguguluhan din. Malapit ko nang marating ang silid namin ni Jade nang may mapansin akong kakaiba sa silid na katabi lang sa amin.

"Kaninong silid 'to, Jade?" tanong ko habang pinagmamasdan ang silid sa labas. Sa kalagayan ng doorknob ay alam kong may nakapasok sa silid na ito.

"Nikkadin and her friends."

"Gusto mong tumambay sa silid ni Daemon? Pwede mo naman akong iwanan dito, may titingnan lang ako saglit."

Umiling siya at naunang pumasok sa loob. "Samahan na kita, baka kung ano pa ang mangyari—AAHHHH!"

Agad akong pumasok sa loob at inilibot ang paningin sa paligid. Wala akong makita, pero nang kapahin ko ang sahig kung saan nadulas si Jade ay may naramdaman akong kakaiba. Sobrang lapot ng kamay ko at hindi ko gusto ang amoy.

Naramdaman kong tumayo si Jade sa aking tabi. Dali-dali kong kinuha ang aking phone at ginamit itong bilang ilaw.

"AAHHHH!"

Sabay kaming napasigaw ni Jade sa gulat. Buwesit. Inilawan ko ang aking kamay at hindi nga ako nagkakamali. Dugo. Dumadanak ang dugo sa buong silid. At sa hindi kalayuan sa aming kinatatayuan ay ang pugot na ulo ni Sir Sato. Diretsong nakatingin ang kanyang mga mata sa akin. Tumindig ang balahibo ko sa katawan sabay hawak ng kamay ni Jade na hanggang ngayo'y hindi pa rin natitinag sa kanyang nakita.

Si Miss Ouie ang una at ngayon naman ay si Sir Sato.

Huwag mong sabihing patay na rin sina Miss Choi at Sir Chin?

Lagot na. Ano na lang ang gagawin namin? Paano kami makakatakas sa paaralang ito? Parang kaming nasa loob ng isang maze, kahit ilang ikot ang gawin namin ay hindi pa rin namin matatagpuan ang labasan.

"Balikan na natin sila, Tyra." Bulong ni Jade. Halata ang panginginig sa kanyang boses at parang isang yelo ang hinahawakan kong kamay sa sobrang lamig.

"Mabuti pa nga."

Lumabas kami ng silid. Hindi mawala sa aking isipan ang duguang mukha ni Sir Sato. Sino ang walang awang pumatay sa kanya? Ano ba kasi ang nangyari kay Kaori Santos na sinasabi nilang nagtatago sa pangalan na Loreley?

Nang makabalik kami sa silid ni Daemon ay kadiliman ang naabutan namin ni Jade. Hinanap ko ang switch ng ilaw, pero nakailang on and off na ako ay hindi pa rin ito gumagana. Damn it. Kasama yata sa plano ang patayan ng kuryente ang buong paaralan.

Thrill? Naghahanap ba ng thrill si Loreley? Edi bibigyan ko siya ng thrill, tingnan lang natin kung hindi siya mamamatay sa sarili niyang mga patibong.

Buwesit na mga CCTV. Wala akong ideya kung saan nakalagay ang iba.

Walang pasabi akong pumunta ng comfort room at hinugasan ang aking kamay. Tanging flashlight ng aking phone ko ang nagbibigay sa akin ng ilaw. Naalala ko na naman ang pinag-usapan nina Brint at May sa araw na 'yon. Gano'n ba talaga kasama si Harmony upang patayin ni Loreley? Geez. Naglolokohan lang yata kaming lahat dito, e.

"So, anong mayroon sa inyo ni Arius?"

Hindi ko alam kung ilang beses na akong nagulat sa araw na ito. Kung tutuusin ay kutang-kuta na ako sa mga gulatan effects sa araw na 'to.

Inis akong lumingon sa gawi ni Daemon. "Anong ibig mong sabihin?"

"Nililigawan ka ba ni Arius? Simula palang ay napapansin kong panay dikit ang kaibigan ko sa 'yo."

"Ako? Liligawan ni Arius? Mamamatay yata ako rito bago mangyari kung anuman ang sinasabi mo, Daemon. At bakit mo naman nasabi ang mga kahibangan na ito?"

"Sinundan ko kayo no'ng gabing pumunta kayo ng faculty office."

Ang inis kong mukha ay napalitan ng pagkagulat sa narinig ko. "At bakit mo namang naisipan na sundan kami?"

"Curious ako," nag-iwas ng tingin si Daemon at aalis na sana nang pigilan ko siya.

"At bakit ka naman na-curious? Nagpaalam si Arius sa inyong lahat bago siya pumunta ng faculty office, a."

Tiningnan niya ulit ako, pero sa pagkakataon na ito ay seryeoso ang ibinibigay niyang tingin sa akin. Ilang beses akong kumurap. Hindi ko matagalan ang titig niya, parang papatayin niya yata ako.

"Bakit?" tanong niya pabalik sa akin  "Kasi isinama ka niya, Tyralique."

Tweet your thoughts and use #DGSLies on Instagram, Facebook, or TikTok.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top