Chapter 12
VANESSA AVELYN
"SHIT, HINDI NA natin naabutan si May. Wala tayong nagawa upang iligtas siya." Mahinahon kong sabi nang makapasok kami ng shower room.
Nagkalat ang mga red envelope sa buong lugar. Basag ang isang tablet at ang maliit na timer sa sahig. Dilat ang mga mata ni May habang lumulutang ang kanyang katawan sa loob ng isang malaking acquarium.
Bumabaha ang buong lugar dahil sa tubig na nanggaling dito.
"This can't be happening. Hindi pa patay si May. Trip lang yata niyang pumasok sa acquarium at magpanggap bilang isang bangkay. Buhay pa si May, 'di ba? Buhay pa siya. Sabihin niyo sa akin na buhay pa ang kaibigan ko. Please naman, o." Paulit-ulit na sabi ni Nikkadin.
Hinawakan niya ang acquarium at kinakatok ito ng ilang beses. Wala siyang pakialam kung nababasa na siya sa kanyang pagluhod sa malamig na sahig.
Tumingala ako upang pigilan sa pagtulo ang aking mga luha. Hindi ko siya kaibigan, pero kaklase ko siya at minsa'y nag-uusap kaming dalawa tungkol sa kanya-kanya naming buhay. May pinagsamahan din kami ni May, lalo na't palagi kaming partner sa mga gawain sa bawat asignatura. Minsan ay seatmate ko siya at iba't ibang kalokohan ang aming pinaplano.
May mga sandali na hindi ko makakalimutan na kasama si May.
Naramdaman kong tumabi sa akin si Gaeyl. Nakatitig lamang siya sa kanyang kaibigan at walang ipinapakitang emosyon. Sanay na ako. Sanay na kaming lahat kay Gaeyl at sa emosyon niya. Sa ngayon, ramdam ko ang lungkot niya. May mga tao talaga na gustong kimkimin ang kanilang naramdaman kaysa ipakita ito sa lahat.
"May, lumabas ka riyan. Sasamaham mo pa akong mag-shopping, 'di ba? Marami pa tayong pag-uusapan. Gusto mo pang jowain si Yukiro kaya bumangon ka na riyan. Huwag mo naman akong biruin ng ganito, o. Lumabas ka na, nagmamakaawa ako sa'yo."
Kinagat ko ang aking pang-ibabang labi at tumabi kay Nikkadin. Tinapik ko ang kanyang balikat at sa isang iglap lang ay yumakap sa 'kin si Nikkadin habang walang tigil sa pag-iyak.
"Babalik pa naman siya, 'di ba?" bulong niya sa 'kin.
Tumango ako kahit alam kong nagsisinungaling ako kay Nikkadin. Hindi na babalik ang kanyang kaibigan at mas lalong hindi na niya masasamahan si Nikkadin sa pagsho-shopping.
"Natutulog lang siya sa acquarium, 'di ba?"
Iyak lang nang iyak si Nikkadin sa aking bisig hanggang sa nagpasya si Brint na umalis kami sa shower room.
Hindi sana aalis si Nikkadin nang kinausap siya ni Gaeyl.
"May Nwember is finally out of the game."
Natigilan kaming lahat sa paglalakad at tiningnan ang speaker na malapit sa aming puwesto. Ilang minuto ang lumipas bago kami nagpasyang hanapin ulit ang iba naming mga kaklase. Sayang at hindi namin sila naabutan sa shower room, pati na si May ay hindi namin nailigtas.
"Saan kaya sila pumunta?" tanong ni Sty.
"Hind ko alam. Sobrang laki ng paaralan natin. Malabong makita natin sila na pagala-gala sa buong academia." Saad ni Sperry.
Tinungo ulit namin ang science laboratory. Wala akong ideya kung paano nasira ang pinto nang magsimula ang unang laro. Pumasok si Brint upang ipaalam ang buong plano. Malinis at mahusay ang planong ginawa ni Brint, ngunit sa oras na aalis na sana kami ay tumigil sa pagtunog ang alarm at napalitan ito ng isang boses na nagtatago sa pangalan na Loreley. Aalis na sana kaming lahat nang makita naming sira ang pinto, e, hindi naman namin napansin na may ibang tao upang sumabotahe sa aming gagawin.
Wala kaming nagawa kanina. Nakalabas kami ng science laboratory sa mga huling sandali ng laro. Wala kaming naabutan kung hindi ang bangkay ni May.
Kung ganito ang mangyayari, may kasunod pa bang mamamatay sa amin? Huwag naman sana.
"Handa na ba kayo para sa ikalawang pagsusulit?"
Tumigil ako sa paglalakad at tiningnan ang speaker sa loob ng science laboratory. Laro na naman? Kung nagkataon ay may gulo na namang nangyari kanina sa gymnasium. Kung hindi ako nagkakamali ay may nagkawatak-watak na grupo.
Ipinikit ko ang aking mga mata habang nakikinig lamang sa sagutan ng mga kasama ko. Naririndi na ako sa kanilang mga ingay. Gusto kong lumayo at humanap ng katahimikan sa paaralan na ito. Ayaw ko na. Pagod na akong tumakbo at magtago sa kung sinuman si Loreley.
At ito na naman, isang panibagong laro.
"May nahiwalay ba sa atin?" tanong ni Brint.
"Siyam pa rin tayo, walang nahiwalay sa ating grupo." Sagot sa kanya ni Jade.
"Sandali lang," sambit ni Sty. "Paano nila nahuli si May? Nakasunod lang sa ating lahat si May kanina, a."
"Nakita ko siyang tumakbo papuntang quadrangle habang tumatakbo ako papuntang building B." Sabi ni Sperry.
"Nakita namin siya ni Nikko, nakailang tawag kami sa kanya, ngunit hindi niya ako narinig. Maingay kasi ang alarm kanina." Sabi ni Restie.
"Wala siyang kasama. Naiwan sa main building ang iba nating mga kaklase habang tumakbo papuntang building D naman ang iba." Sabi ni Nikko at saka tinabihan ang kanyang kaibigan.
"Bakit kasi pumunta si May sa quadrangle na siya lang mag-isa?" rinig kong bulong ni Sty.
Tumahimik ang buong silid hanggang sa nagsalita si Gaeyl.
"Dahil sa 'kin kaya siya tumakbo papuntang quadrangle."
Lumingon kaming lahat sa gawi ni Gaeyl. Nasa sahig ang kanyang tingin habang pinaglalaruan ang kanyang kamay. Katabi niya si Nikkadin na hanggang ngayon ay umiiyak pa rin para kay May.
"Parang nakita ko kasi ang hinahabol nating tao at alam kong maraming pasikot-sikot ang quadrangle. Hindi ko naman alam na sinundan pala ako ni May. Ilang silid din ang pinasukan ko kanina," nag-angat ng tingin si Gaeyl at iksaktong sa akin siya nakatingin. "Imbes ako ang makuha dahil sa katangahan ko, siya mismo ang nakuha."
Natahimik kaming lahat sa silid. Yumuko si Gaeyl habang nakatingin pa rin kaming lahat sa kanya.
Wala naman kaming sinisisi. Ang akin lang ay sobrang delikado ng kanyang ginawa. Sinundan niya ang taong hinahabol namin na walang resbak, sobrang delikado. Dapat magsama-sama kaming lahat kahit anong mangyari.
"Sorry talaga sa nangyari."
Narinig ko ang bawat paghikbi ni Gaeyl habang nanatili sa sahig ang kanyang mga mata. Kahit umiiyak ay pinapakalma ni Nikkadin ang kanyang kaibigan. Mabuti naman. Ang akala ko talaga ay sisihin ni Nikkadin si Gaeyl sa nangyari kay May.
Tumahimik ang buong silid habang nag-iisip kung sino sa aming kaklase ang kasunod na mabibiktima.
Nag-iisip kung anong laro na naman itong ipapagawa ni Loreley.
Sa oras na malaman ko kung sino ang taong gumagamit sa pangalan ni Loreley, ako ang unang papatay sa kanya. Wala siyang karapatan upang gamitin ang pangalan ni Loreley, kahit kamatayan pa ang katumbas ng kanyang pangalan ay wala siya sa posisyon upang patayin din kaming lahat.
"Kung ayaw niyong may mawala na naman sa inyo, sagutin niyo nang mabuti ang mga katanungan ko."
Nakita ko ang katanungan, kapalit ang buhay ni May. Isang tanong at may dalawang clue, eleven-eleven.
Tama nga naman, naalala ko na.
Alam ko na kung para kanino ang larong patayan na ito.
"Loreley," bulong ko.
Tweet your thoughts and use #DGSLies on Instagram, Facebook, or TikTok.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top