PROLOGUE

PROLOGUE
Macky Reyes

"Ma, alis na po ako.” Nakangiti kong sabi habang sinusuot ang aking sapatos. 

"O sige anak, mag-i-ingat ka." Sagot naman ng pinakamamahal kong mama. Siya ang best mama sa buong mundo dahil ginagawa niya ang lahat para sa amin.

Naglalakad na ako papunta sa Bloodfield Academy dahil walking distance lang naman ito sa aming bahay, at isa pa, may alam akong shortcut na eskinita kung saan ako laging dumadaan.

Lumiko na ako sa madilim na eskinita at nabigla ako nung may biglang babae na nagsalita sa aking tabi. “Hijo, pwede ba kitang makausap?” Pagtatanong niya.

Natigil ako sa paglalakad at bumaling ang tingin ko sa kanya. “Nakakagulat ka naman po, lola.”

“Ikaw si Macky, tama ba?” Pagtatanong niya kaya napakunot ang aking noo, kilala ko ba siya? Bakit kilala niya ako sa aking pangalan. “Alam kong gipit ang pamilya ninyo ngayon, ilang buwan na kayong hindi nakakabayad ng upa at nakatanggap ka na rin ng letter galing sa school ninyo dahil sa mga bayaring hindi mo pa nababayaran.”

Paano niya nalaman ang tungkol sa bagay na iyon? Totoo ang lahat ng sinabi niya, binabalak ko ngang tapusin na lang itong sem na ito tapos ay tutulong na lang ako sa mama ko sa pagtitinda ng gulay sa palengke.

“Paano ninyo po nalaman ang tungkol sa bagay na ‘yan? Kaibigan ba kayo ni mama?” Pagpapaulan ko ng tanong.

Humawak ang matanda sa aking kamay. “May alam akong game show na makakatulong para makaahon kayo sa hirap. Isang laro na tutulong sa pamilya mo,”

“Naku ‘nay, wala po akong hilig sa mga ganyan.”

“Madali lang naman ang kailangan mong gawin, sumama ka sa akin,” Hinatak niya ang aking kamay. Male-late na ako sa school. “Mag-e-enjoy ka lang sa larong ito.”

Masyadong mahigpit ang pagkakahawak ni lola sa aking kamay kaya nahatak niya ako, nagkaroon din naman ako ng interes kahit papaano. Pera ang pinag-uusapan dito, ang bagay na pinaka kailangan ng pamilya ko ngayon.

Huminto kami sa isang tapat ng building, medyo luma na ito dahil puro dungis na ang puting pader nito. “Sigurado ka ba lola na tama itong lugar na pinuntahan natin?” Pagtatanong ko.

Hindi niya ako sinagot bagkus ay dire-diretso siyang naglakad papasok sa gusali. Mabilis akong naglakad para makasunod sa kanya. Pagdating sa lobby ay may ilang tao akong nakita.

“Macky!” Biglang sigaw ang aking narinig at nakita ko si Fierce na tumatakbo patungo sa direksyon ko. “Naimbitahan ka rin? Sumali sa larong ito?” Tanong niya. Si Fierce Ramos ay isang malapit na kaibigan simula pagkabata.

“Ano bang laro yung sinasabi mo? Wala nga akong ideya eh.” Sagot ko sa kanya. Napatingin ako sa iba pang tao na nakaupo sa isang lumang couch.

May tatlong tao na nandito, namukhaan ko ang dalawa. Si Lei Park na siyang School council president namin at si Maya Castro na miyemro ng theater club. May isa pang babae na nakasuot ng salamin at ipinakilala ito ni Fierce bilang Sugar.

“Macky.” Tawag nung isang babae na inanyayahan ako na pumasok sa isang silid, nakasuot siya ng isang uniporme at mukhang staff siya rito sa building na ito.
Nagpaalam ako kay Fierce at tumungo sa silid na sinasabi nung babae. “All you need to do is sign up on this paper and official ka ng player para sa larong aming gagawin!” Nakangiting sabi sa akin nung babae at inabot ang papel.

Tumingin ako sa papel at bumalik ang tingin ko sa babae, “Ano bang show ang gagawin ninyo?” Kunot noo kong tanong.

“Ipapaalam namin sa inyo… soon.”
Napailing na lang ako at kumuha ng ballpen sa aking bag.

Inilagay ko lang ang ilang information kagaya ng Address, contact number, at kung ano-ano pa. “Tapos na.” Nakangiti kong sabi at iniabot muli sa kanya ang papel.

“Ipapadala na lang namin sa bahay ninyo ang ibang details ng laro. Paniguradong mag-e-enjoy kayo sa larong ito, sir.” Nakangiti niyang sabi.

Hindi ko alam na ang larong pala iyon… ay ang laro na pagsisihan ko pala habambuhay.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top