DEAR TATAY

Dear Tatay,

Hello. Kamusta ka na dyan? Ayos ka lang ba? Wala na bang masakit sayo? Alam kong hindi mo na mababasa 'to kahit kailan, pero gusto ko lang sabihin dito lahat. Gusto kong ilabas lahat kasi, masakit parin.

Naalala mo ba noong bata pa ako? Gumagawa kayo ng tsinelas noon ni Nanay. Anong oras na noon pero pinipilit ko parin gumising para makita at mapanood ko kayo ni Nanay. Tandang-tanda ko pa yung sinabi mo noon,

"Di ka pa ba matutulog? Anong oras na."

"Hindi pa ako inaantok, eh." Sagit ko sayo.

"Magha-hating-gabi na. Matulog ka na."

"Mamaya na lang. Kapag naka-dalawang antok na ako." Sagot ko na ang ibig sabihin ay dalawang hikab.

Tumawa ka noon dahil after kong sabihin iyo, naghikab ako. Tapos sabi ko, "May isa pa akong antok."

Kaso hindi yata nagtagal ang sampung minuto nang maghikab ulit ako. Tapos tumingin ka sa akin at sinabing, "Matulog ka na kasi. Inaantok ka na."

"Eh, hindi pa nga. Mga sampung antok tapos matutulog na ako."

Hindi ka na sumagot noon. Pero natatandaan kong nakatulog rin ako kaagad matapos kong sabihin iyon.

Napapangiti parin ako kapag naaalala ko yung araw na yun. Kasi pilit kong nilalabanan yung antok ko nung mga gabing iyon para lang sabay-sabay tayo na matulog. Kaso, natalo ako, eh.

Ako yung bunso mo. Noong bata ako, pasaway ako. Palagi kong ginugupit ang buhok ko hanggang sa maubos na. Hanggang sa maurod na. Naalala ko rin na yung mga pinag-gupitan ko ng buhok ko, nilalagay ko sa takure, sa pinag-iinitan ng tubig ni Nanay. Tapos magugulat na lang kayo na may nakalutang na mga buhok aa tubig na ininit niyo. Takot na takot ako noon na baka pagalitan niyo ako kaya nagtago ako sa likod ng pinto. Hindi ko na naalala ang mga sumunod.

Nagupit ko rin ang daliri ko noon. Natatandaan ko pa na iniikot ko yung daliri sa damit ko para di niyo makitang may sugat ako, pero halatang-halata naman dahil tumagos sa damit yung dugo. Nagalit kayo nang nakita niyo yun. Pero ginamot niyo parin.

Noon nga, nung pupunta ka sa palengke, sabi ko, bilhan mo ako ng tela na nilalagay sa sugat tsaka betadine. Pero ang isinagot mo, "Malayo sa bituka yan."

Hindi ko nagets kaagad yan kaya napaisip ako ng matagal hanggang sa lumipas ang mga taon, nalaman ko na ang kahulugan niyan.

Dati, naaalala ko rin na nagpapabili ako sayo ng manika na malaki. Yung pumipikit yung mata. Sabi ko, gusto ko ng bagong laruan. Yung manikang malaki na pumipikit yung mata kapag hinihiga ko siya. Tapos isang umaga, umuwi ka galing palengke, may dala ka na mga paninda sa tindahan natin. Akala ko hindi mo na naman ako binili ng manikang gusto ko kaya tinanong kita.

"Nasaan na yung manika ko?" Sabi ko.

Tapos imbes na sumagot ka, may inilabas kang manika galinga sa plastic ng mga paninda. Doon pala nakalagay. Kinuha ko kaagad sayo yun at niyakap ng mahigpit. Hindi ko makakalimutan ang itsura ng manika na yun dahil maganda siya. Kulay violet ang damit niya. Kulay puti na may highlights na violet naman ang buhok niya. May sapatos pa nga, eh.

Sobrang saya ko nung araw na yun. Kasi ibinigay mo sa akin ang matagal ko nang gusto.

Naalala ko rin, palagi kong kinakanta yung mga kanta ni Jolina Magdangal. Tsaka yung kanta ni Aiza Seguerra na Pagdating ng Panahon. May mic ako noon tapos palagi akong kumakanta. May sarili akong CD ni Jolina dati na palagi ko pinapatugtog at sinasabayan ng kanta. Palagi mo rin sa akin kinukwento na kapag pinapatugtog mo yung mga kanta ni Jolina, bigla akong babangon sa higaan at sasabayan ang kanta.

Namimiss ko na 'yun, Tay. Miss na miss ko na yung mga araw na yun.

Anim na taon ako nang mag-aral ako ng kinder sa eskwelahan malapit sa atin. Binibigyan mo ako ng baon na sampong piso dahil kalahating-araw lang naman ang pasok, eh. Tapos, palagi mong dinadagdagan ng limang piso ang baon ko kapag sinasabi ko na dagdagan mo.

Hinahatid-sundo ako palagi ni Nanay dahil hindi ako sanay pumasok mag-isa. Isang araw hindi ako nasundo ni Nanay. Hindi ko matandaan kung bakit, pero sa pagkakatanda ko, may pinuntahan. Naalala ko na ang sabi ni Nanay, ikaw ang magsu-sundo sa akin sa school. Kaso uwian na, hindi ka parin dumadating. Naghintay ako ng ilang saglit pa bago ko napag-pasyahang umuwi na lang dahil mukhang hindi ka na naman na darating.

Takot na takot ako non dahil hindi ako sanay tumawid. Natatakot ako dahil may mga sasakyan na dumaraan, pero kinalimutan ko yung takot ko. Nakauwi ako. Nakita kitang nasa tindahan, nakatayo. Nagulat ka pa nga nang makita ako. Pero mas nagulat ka nang makita mo ako na nadapa. Umiyak ako ng umiyak noon dahil masakit yung pagkakadapa ko. Pero masakit rin na nakalimutan mo akong sunduin sa eskwelahan noon. Itinayo mo ako sa pagkakadapat at kinuha mo yung atache case ko pati yung bag ko. Tapos nilinis mo ang sugat ko.

Yan yung mga panahon na gusto kong magtampo, pero nakalimutan ko lahat ng tampo na nararamdaman ko nang ginamot mo ang sugat ko.

Nakalipas ang panahon, malapit na ang graduation namin. Sabi mo, kapag naging honor ako, ikaw ang mag-aakyat sa akin sa stage. Pero naging third honor ako noon at Best in Filipino. Akala ko, ikaw ang mag-aakyat sa akin sa stage. Pero hindi. Dumalo ka sa graduation ko. Ikaw ang photographer ko. Hindi ako nagagalit noon sayo. Hindi ako nakaramdam ng kahit kaunting lungkot. Kasi ang importante sa akin, dumalo kayo. At si Nanay ang umakyat sa akin sa stage.

Wala akong kahit na anong lungkot na naramdaman noon, dahil kita ko sa inyo na masaya kayo dahil pinagbutihan ko ang pag-aaral ko.

Nakatapos ako sa kindergarten. Elementary na ako. Sa bawat taon na nagdaraan, wala na akong natatanggap na awards sa school maliban sa mga ribbon na hindi ko na rin naman kinukuha. Sabi niyo naman, okay lang basta't walang bagsak. Hanggang sa gumraduate na ako.

Hindi ka umattend sa graduation ko. Si Ate ang naging photographer ko at si Nanay naman ang kasama ko na umakyat sa stage.

Hindi ako honor. Hindi ako kasama sa honor's list. Pero may medal rin naman ako. Best in EPP. Alam ko na maliit na award lang yan, kumpara sa mga award ng iba. Pero proud ako kasi pinaghirapan ko yan.

Nalulungkot ako noon dahil hindi ka umattend. Inisip ko pa nga na dahil hindi ako honor kaya di ka na umattend sa graduation ko. Pero bigla kong naalala na, ikaw nga pala yung ama na kahit hindi umattend sa mga ganitong ceremony, ikaw yung ama na proud na proud sa maliliit na achievements na nagagawa namin.

Naguilty ako kasi pinag-isipan kita ng masama. Naguilty ako lalo nang pagkauwi namin galing sa graduation ceremony, nakita kong nakangiti ka sa akin at ramdam kong masaya ka para sa akin.

At dahil doon, gusto kong humingi ng tawad, dahil hindi ako nagtiwala sayo.

Napasok ko ang buhay ng high school. Ramdam ko ang pagkakaiba ng buhay dito kaysa sa buhay ko sa elementary. Ginawa ko lahat para bigyan kayo ng matataas na marka. Hindi naman ako nabigo dahil bakas sa mukha niyo ang saya nang ibigay ko ang grades ko sa pagtatapos ng unang taon ko sa high school. Hanggang sa mga sumunod na taon.

Naaalala ko rin na sa tuwing mabababa ang grades na nakukuha ko sa tests, exam, quizzes, palagi akong umuuwi na umiiyak. Hindi kasi ako kuntento sa resulta nito, at sobrang nalulungkot at nasasaktan ako. Palagi akong nagkukulong sa kwarto dahil nahihiya ako. Pakiramdam ko, nagpabaya ako kahit na ginawa ko naman ang makakaya ko para makakuha ng mataas na marka. Sobra akong nalulungkot kapag mababa ang grades na nakukuha ko, pero palagi niyong pinapalakas ang loob ko. Palagi niyong sinasabi sa akin ni Nanay na, "Okay lang yan. Di mo naman kailangan ng mataas na marka, eh. Ang importante, pasado ka. At ang pinaka-mahalaga, may natutuhan ka."

Kahit gumagaan ang loob ko, hindi ko parin maiwasan na malungkot. . .masaktan. kasi gusto ko, mataas ang ibigay ko sa inyo. Palagi kong iniisip na baka hindi na kayo maging proud sa akin kapag mabababa na ang grades na ibinigay ko sa inyo.

Pero isang araw, kasama ko yung lalaki na kaibigan kong kapit-bahay natin. Marami kaming pinagku-kwentuhan, hanggang sa mapunta kami sa topic na malayo sa naunang topic namin. Pinag-uusapan namin yung grade namin. Bigla niyang sinabi na, "Alam mo, ang swerte mo."

Nagtaka ako, kaya nagtanong ako, "Bakit naman?" Sabi ko.

"Kasi proud na proud sayo ang Tatay mo." Sagot niya.

Hindi ko alam kung paano niya nasabing proud ka sa akin, eh kahit kailan, hindi ko nakita yun. "Paano mo naman nasabi?" Tanong ko ulit.

"Sa tuwing tatambay ako sa tindahan niyo, palagi ka niyang kinu-kwento sa akin. Na magaling ka sa Math. Matataas ang grades mo. At umiiyak ka palagi kapag mabababa ang result ng tests mo."

Hindi ako nakasagot nung oras na yun. Napaisip lang ako at inimagine ko yung eksena nilang dalawa, hanggang sa nagsalita ulit aiya.

"Swerte ka kasi proud sayo magulang mo. Gusto ko ngang magkaroon ng Tatay na katulad ng Tatay mo, eh. Bukod sa masipag at hindi umiinom, proud pa siya sayo. Yung Tatay ko kasi, lasenggero eh. Hindi ko pa maramdaman na proud siya sa akin kahit nagsusumikap ako."

Hinding-hindi ko makakalimutan yung araw na nakausap ko yung kaibigan ko. Kasi doon ko napatunayan na, swerte nga talaga ako. Kasi may Tatay akong katulad mo. Yung hindi man showy, hindi mo man ipinapakita sa akin yung pagmamahal at pagka-proud mo sa akin, ramdam na ramdam ko naman.

Noong fourth year high school na ako, may field trip ang school namin. Ayaw mo akong payagan kasi mahal ang bayad. Wala tayong pambayad. Dalawang taon ka na kasing nakatigil noon sa paggawa ng tsinelas dahil may nararamdaman ka na. Tapos, nalulungkot ako kasi gustong-gusto kong sumama, pero wala tayong pera. Hindi lang naman dahil sa gusto ko makita yung lugar na pupuntahan namin ang dahilan kung bakit gusto kong sumama eh. Yun na kasi ang huling field trip namin sa high school dahil ga-graduate na ako. Tatlo na ang pinalampas ko. Ayaw ko na sanang palampasin ang huling field trip sa high school life ko.

Naalala mo rin ba na nagbenta ako noon ng cellphone. Yung cellphone na binigay mo sa akin. Yung de-flashlight. Natatawa ka noon sa akin dahil binenta ko yun sa kaklase ko sa halagang 400 pedos. At dahil iyon sa tinatamad na akong mag-cellphone. Naalala ko na ipinatago ko yung pera na yun kay Nanay at may iba pa akong naipon. Sabi ko, kahit yun na lang ipambayad ko basta makasama lang ako. Pero ayaw niyo parin pumayag.

Umiyak ako ng umiyak dahil ipinagpaalam na ako ng kaklase ko, pero hindi niyo parin ako pinayagan. Umalis ako ng bahay noon ng sobrang lungkot at naglakad-lakad sa kung saan-saan. Magga-gabi na nang umuwi ako. Dumiretso ako sa kwarto at nagkulong. Maya-maya, nakita kita na sumisilip sa kwarto ko. Tapos ngumiti ka. Tinanong mo ako, "Gusto mo ba tala na sumama sa field trip niyo?" Tapos tumango ako. Tapos sabi mo, "Sige, sumama ka. Bibigyan kita ng pocket money. Ibigay mo na lang sa akin yung permit mo para mapirmahan ko." Pagkatapos mong sabihin iyan, umalis ka na.

Ako naman, napangiti na lang kasabay ng mga luha na umagos mula sa mga mata ko. Mahal na mahal mo talaga ako, Tatay kaya hindi mo ako kayang tiisin,no?

Kaya nang dumating ang November 22, 2012, nakasama ako sa field trip namin sa Manila at Laguna. Sobrang saya ko noong araw na yun. At sobrang nagpapasalamat ako sayo, Tatay. Dahil pinagbigyan mo ako sa bagay na iyon.

Hanggang sa gumraduate na ako ng high school. Hindi ko na ininda na hindi ako nakakuha ng kahit na anong awards dahil sa dami ng estudyante na meron sa eskwelahan namin. Hindi ko na rin ininda na hindi ka umattend sa graduation ko. Kasi alam ko parin na sa puso mo, proud na proud ka parin sa akin.

Pero nalungkot parin ako dahil alam ko na pagka-graduate ko ng noon, hindi na ako makakapag-kolehiyo. Sobrang nalungkot ako dahil gustong-gusto kong mag-aral pero wala tayong pera na pampa-aral.

Hanggang sa unti-unti ko nang natatanggap yun. Umikot ang buhay ko sa pagbabasa ng Wattpad, pagti-text at pagbabantay nh tindahan natin. Pero nakaramdam ako ng pagka-bored sa buhay ko kaya noong August 2013, napag-pasyahan kong gumawa ng story sa Wattpad. Hindi ko alam kung alam mo yun, ang alam ko lang, palagi mo akong pinapagalitan dahil babad na babad ako sa cellphone.

Akala ko, makukuntento na ako sa buhay ko kasi tanggap ko nang hindi ako makakapag-aral. Kaso, dumating ang October 2013. Sinalanta tayo ng Bagyong Santy.

Noong gabi nung araw na yun, natatakot ako sa kulog at kidlat. Sobrang lakas kasi, at takot na takot ako doon. Hanggang sa lumakas na ng lumakas ang ulan. Madaling-araw, akala natin, tapos na ang bagyo kasi tumigil na ang ulan. Pero biglang lumakas ang hangin at bumuhos na naman ang napaka-lakas na ulan.

Dumaan pala ang mata ng bagyo sa lugar natin.

Takot na takot ako kasi unti-unting nasisira ang bahay natin. Natatanggal ang mga yero at unti-unti tayong nababasa. Nang natanggal na ng buo ang yero, nabasa tayong lahat. Nabasa ako, sobrang ginaw noon at inuubo na ako. Nilagyan mo ako ng malaking plastic. Inilagay mo sa ulo ko na parang kapote. Tapos tinanong mo ako, "Giniginaw ka ba?"

Tumango ako habang tumutulo ang mga luha ko at nanginginig ang mga kamay ko. Tapos, niyakap mo ako.

Yun ang pinaka-masarap sa pakiramdam na yakap na ibinigay mo sa akin. Kasi ramdam kong pino-protektahan mo ako.

Nung gabing iyon, naalala ko yung mga araw na may sakit ako. Kapag nilalagnat ako at sobrang giniginaw ako, yung tipong nanginginig ako, niyayakap mo ako. Niyayakap mo ako para hindi na ako ginawin. Naalala ko rin noong Pasko. December 25, 2009. Nasa ospital ako dahil sobrang taas ng lagnat ko noon. Kita ko sa mata niyo ni Nanay ang takot. Kita ko sa mata niyo ang pag-aalala. Hindi ko alam kung bakit noon ko lang naappreciate yung love and care na ibinibigay mo sa akin. . .sa amin ni Ate.

Ilang araw matapos noong bagyo, inatake ako ng sakit ko na asthma dahil nabasa ako ng ulan noong madaling-araw na sinalanta tayo ng bagyo. Sira-sira ang bahay natin tapos ako, dumagdag pa dahil sa sakit ko. Wala tayong kuryente noon dahil nasira ng bagyo. Kaya pumupunta pa tayo sa kapit-bahay natin na may generator para makisaksak. Para maki-nebulizer dahil hinihika ako. Sobrang nahihirapan ako noon, pero kita ko rin sa inyo na nahihirapan na kayo.

Hanggang sa hindi na kayo nakatiis. Nagpabili na kayo ng generator para may magamit ako sa pagne-nebulizer ko. Nagui-guilty ako kasi wala na nga tayong pera, gumastos pa kayo ng limang libo para sa generator.

Pero wala ring nagawa ang generator dahil isinugod niyo na ako sa ospital, ilang araw matapos niyong mabili ang generator. Hindi ka sumama sa ospital, pero kitang-kita ko ang pag-aalala aa mukha mo, sa mukha niyo ni Nanay.

Dinala ako sa ospital at inobserbahan ng doktor. Ininjectionan ako sa ugat ko sa kaliwang braso. Umiyak ako ng umiyak dahil sa sakit, at dahil sa takot ko sa injection. Pero tinatagan ko para sa inyo ni Nanay. Sinabi pa nga noon ng doktor na kailangan na akong iconfine dahil hindi na maganda ang paghingal ko. Hindi ako pumayag. Given nang takot ako sa hospital at injection. Pero another reason, ayoko nang mag-alala pa kayo ng sobra. Ayoko nang mahirapan pa kayo sa pagta-trabaho dahil wala na tayong pera. At alam ko namang kaya ko pa. Alam kong kaya ko nang hindi nagpapa-confine sa ospital.

Pinayagan ako ng doktor na umuwi pero sinabi niya na kailangan kong bumalik. Pagkauwi ko, nakita ko na nag-aalala ka. Nakita ko na hindi ka mapakali. At ayun. Sinabi nga ni Ate na ninerbyos ka dahil sa akin.

Mabilis na dumaan ang araw. Unti-unti akong gumaling dahil alam kong kaya ko. Hanhgang sa isang araw, nabalitaan ng Tita ko sa abroad na sinalanta tayo ng bagyo. Pinagawa niya ang nasirang bahay namin. Halos isang buwan akong wala sa bahay dahil gagawin ito at hindi ako pupwede doon dahil may mga simento na baka malanghap ko.

Nasa bahay ako ng Tita ko, sa kapatid ni Nanay. Doon ako tumira habang ginagawa ang bahay natin. Sa tuwing may kailangan ako, nagtetext ako. At dadalhin mo kaagad doon ang kailangan ko. Hindi ko nadala noon ang nebulizer, madaling-araw nang sumumpong ang asthma ko. Hindi pa kasi ako totally magaling that time. Nagtext ako sayo bandang alas-quatro ng madaling-araw. Sabi ko na dalhin mo ang nebulizer. Ilang minuto lang ay nandoon ka na. Na-touched ako, dahil alam ko na puyat ka pa at antok na antok, pero dinala mo parin ang kailangan ko para sa akin. Binigyan mo pa ako ng pera that time. Eh alam ko naman na wala na tayong pera.

December 2013, nakauwi na ako sa atin noon. Third or last week siguro ng November. Nung bandang December, ilang araw pa lang na nakakalipas ang birthday namin ni Nanay, nang bigla kang naipitan ng ugat sa likod habang ginagawa mo ang kwarto namin ni Ate. Hindi mo noon kinaya ang sakit kaya nagpadala ka na sa ospital. Sobrang kinakabahan at nag-aalala ako sayo dahil hindi ko alam kung ano na ang nangyari sayo.

Bandang hapon, umuwi kayo galing ospital. Akala ko, gagaling ka na. Pero dumating ang Pasko at Bagong Taon, hindi nawala ang sakit sa likod mo. Ginawa na ni Nanay ang lahat, pero hindi nawala yung iniinda mong sakit sa likod mo.

Hanggang sa February 2014, inubo ka ng inubo. Akala ko simpleng ubo lang. Pero nakakapag-taka lang na ilang linggo na, hindi parin nawawala yan. Madalas kang humawak sa kaliwang dibdib mo na para bang nasasaktan ka. At yung nebulizer na ako ang dating gumagamit, ngayon, ikaw na.

March 2013, dinala ka sa ospital dahil hindi parin nawawala ang ubo mo. Noong umuwi kayo, sinabi niyo na nagpa-x-ray ka. Tapos sa mga susunod na araw pa malalaman ang resulta. Nasasaktan ako na hindi parin nawawala yung ubo mo. Unti-unti na rin akong nagagalit sa mga doktor dahil parang wala silang ginagawa para gumaling ang sakit mo.

Hanggang sa isang araw, tulog pa ako nang dinala ka sa ospital. Yun yung araw na kukuhanin niyo ang resulta ng x-ray mo. Ginising ako ni Ate at sinabing pupunta siya sa ospital dahil naconfine ka na naman. Noong tanghali, umuwi si Nanay. Walang ngiti sa mga labi niya. Tiningnan niya lang ako bago siya dumiretso sa kwarto. Sumilip ako doon, at nakita ko na umiiyak siya. Nagulat siya nang makita ako na nakatingin sa kanya, at pati ako, umiyak na rin kahit hindi ko alam kung ano ang nangyayari.

Umalis ako doon at maya-maya, lumabas si Nanay na wala nang bahid ng luha sa mukha niya pero halata sa mga mata niyang umiyak siya. Nakatayo ako noon, katabi ko ang Tito ko, kapatid ni Nanay. Tinanong niya si Nanay, "Anong lagay ni Fidel?"

Tapos, nagsimula na namang tumulo ang mga luha ni Nanay bago sumagot. "Ayun. Naka-confine. May sakit sa puso, tapos may tubig sa baga." Sabi niya gamit ang basag na boses.

Nanlamig ako at nanginig ang tuhod. Napaupo ako sa upuan na malapit sa akin at umiyak na rin ng tahimik. Pilit kong pinipigilan ang pagtulo ng luha ko dahil ayokong makita nila na mahina ako. Gusto ko na kahit papaano, umiyak man sila, nandito parin ako at nananatiling matatag para sa kanila.

Sobrang laki ng pangangailangan natin noon sa pera. Iyak ng iyak si Ate at si Nanay dahil hindi na nila alam kung saan kukuha ng pera na pampapa-gamot sayo, pero ako, nananatiling matatag. Pinipigilang umiyak pero sa loob-loob ko, umiiyak na ako ng malakas dahil hindi ko na alam kung kaya ko pang magpaka-tatag. Wala akong mapag-sabihan. Hindi ko makuhang gumaan ang loob ko dahil wala akong mapagsabihan ng mga bagay na nagpapabigat sa loob ko. Pero pilit kong kinakaya para sa inyo.

Matapos ang apat na araw na naka-confine ka sa ospital, umuwi ka na may oxygen na nakakabit sayo. Sobra akong nasaktan nang makita kang ganoon. Yung dating malakas, kitang-kita ko ngayon na sobrang hina na. Hindi kita matingnan ng mabuti dahil paulit-ulit akong nasasaktan sa tuwing sinusulyapan kita. Sa tuwing nagsusuka ka pero wala namang lumalabas, paulit-ulit na umiiyak ang puso ko, kasi hindi ko pwedeng ilabas sa mata ko. Ayaw kong makita niyo na hindi ako matatag.

Bandang April yata or May noong nagpa-check up ka sa isang private na doctor. Kasama mo si Nanay. Umalis kayo na parang wala lang. Bumalik kayo na may ngiti sa labi niyo, pero parang may kakaiba sa ngiti niyo.

Dumaan ang ilang araw at ganoon parin ang mga nangyayari. Paulit-ulit kang nasasaktan, sa tuwing nahihirapan ka, nilalagyan ka ng oxygen, at kung anu-ano pa na mga gamot ang iniinom mo. Pero kita namin na okay ka na pero may mga bagay talaga akong hindi alam, dahil may iba sa kinikilos niyo.

Ramdam ko ang pagbabago mo sa akin, Tatay. Palagi kang nagagalit sa akin. Bahagyang kilos, palagi mo akong pinapagalitan. Lihim na lang akong umiiyak dahil hindi ako sanay. Dati, halos spoiled brat mo ako. Pero ngayong nagkasakit ka, nag-iba ang ikot ng mundo. Para bang sa akin mo ibinubuhos lahat ng galit at sakit na nararamdaman mo. Kinukwento ko kay Nanay lahat, pero sinasabi niya lang, "Intindihin mo na lang ang Tatay mo. Talagang ganun, eh. May nararamdaman."

Wala naman akong ibang nagawa kundi ang intindihin ka. Naiintindihan ko naman dahil alam kong may nararamdaman ka. Pero ang ipinagtataka ko lang, bakit sa akin ka lang ganoon? Pero inalis ko na lahat sa isip ko iyon at inisip na, gagaling ka at babalik ka sa dati.

Inofferan ako ng Tita ko na mag-aral ng kolehiyo. Yung Tita ko na nagpagawa ng bahay natin. Pinag-aral niya ako ng kolehiyo. Sagot niya lahat, tuition fee, books, daily allowance, lahat. Kaya nakapag-aral ako. At masayang-masaya ako. Matataas na grades at result sa tests ang ibinibigay ko sa inyo. Pero hindi ko alam kung proud ka parin sa akin dahil sa tuwing ipapakita ko sayo ang tests, exam at quizzes ko, titingnan mo lang yun at hindi magsasalita ng kahit na ano.

Bandang July 2014, naospital si Ate. Nadehydrate siya. Walang Nanay ang nag-asikaso sa akin. Okay lang sa akin. Kaya ko naman. Pero gumising ka at inasikaso mo ako kahit na alam kong may sakit kang nararamdaman. Sobrang sumaya ako noon dahil nawala yung doubt sa puso ko. Yung kahit na palagi kang nagagalit sa akin, naramdaman ko parin ang pagmamahal at pagiging Tatay mo noong araw na inasikaso mo ako kahit na may sakit ka na.

Kaso, bandang third week ng July, pumasok ako sa school ng umiiyak dahil napagalitan mo na naman ako. Alam ko namang kasalanan ko dahil tinanghali ako ng gising. Pero iba ka na kasing magalit sa akin ngayon. Masakit na.

Noong lunchbreak, habang nasa school ako, binuksan ko ang Facebook ko sa cellphone ko. Nakita ko sa notifications ko na nag-tag ng status sa akin si Ate, at pagkabasa ko noon, para akong nabuhusan ng malamig na tubig. Naka-oxygen ka na naman daw.

Umiyak ako ng umiyak noon dahil naimagine na naman kita na nahihirapan. At ayoko ng ideyang iyon. Iyak ako ng iyak sa mga kaklase ko dahil natatakot ako sa pwede mangyari sayo. Nakikita ko nitong mga nakaraang araw na halos hindi ka na kumakain at nanghihina ka na. Kaya natakot ako noon. Nagmadali akong umuwi noon, umaasa na makikita kita sa bahay. Pero pagkauwi ko. . .namumugtong mga mata ni Ate ang nakita ko habang nakabantay siya sa tindahan natin.

Tinanong ko kung nasaan kayo ni Nanay. Ang tanga ko lang dahil nagtanong pa ako, eh alam ko naman ang sagot.

Dumaan ang mga araw. Araw-araw akong umiiyak sa eskwelahan. Natatakot ako na baka kung ano na ang mangyari sayo. Dumadalaw rin sila sayo palagi sa ospital, pero ako. . .hindi. Natatakot ako sa pwedeng makita ko na itsura mo. Ayaw ko nang makita na nahihirapan ka. At ayaw ko rin na kapag makita mo ako, magalit ka na naman. Ayokong tuluyan ka ng atakihin sa puso nang dahil sa akin.

Isang araw, pumunta ang Tito ko, kapatid mo, sa bahay. Nag-uusap sila. Umiiyak si Ate habang ako, tahimik na nakikinig sa usapan nila. May kinwento si Ate sa kanya na kailanman ay hindi ko nalaman.

"Nung nagpa-check up si Tatay noon sa private na doctor, akala ko, may solusyon na sa sakit niya. Nakangiti kasi sila ni Nanay nung nakauwi na sila. Kaso nung hapon, naglalaro siya sa tablet. Tinawag niya ako. Tapos sabi niya, 'sabi ng doctor, doble na dawang laki ng puso ko. Tapos, heart transplant na lang daw ang kailangan para gumaling ako.' Tumutulo pa nga ang luha ni Tatay habang sinasabi yun at naglalaro sa tablet, eh."

Unti-unti akong nadurog nang narinig ko yung kwento ni Ate sa Tito namin. Yun pala ang dahilan kung bakit parang may iba sayo simula nang umuwi siya galing sa check up.

"Tapos, ayun. Nagulat ako. Akala ko kasi, okay na kasi nakangiti sila nang umuwi sila dito eh. Tapos sabi ko, 'heart transplant, saan naman tayo kukuha ng pampagamot?' Tapos sabi ni Tatay, 'oo nga eh.' Tapos sabi ko ulit, 'Bakit kasi ikaw pa, Tatay? Ang dami namang ibang masasama dyan, bakit ikaw pa ang nagkaroon niyan?' Tapos ang sagot niya, 'oo nga eh. Hayaan mo na. Talagang ganun, eh.' Matapos niyang sabihin yan, nagpaalam ako sa kanya at sinabing magsasaing lang ako."

Hindi ko alam ang parteng yan, Tatay. Alam kong wala sa lugar, pero nagselos ako. Bakit kay Ate, sinabi mo? Bakit sa akin, hindi? Pero hindi rin nagtagal yung selos na naramdaman ko dahil napalitan yun ng sakit at takot. Nasasaktan ako dahil bakit sa lahat ng magkakaroon noon, ikaw pa? At natatakot ako na baka mawala ka na kaagad sa amin. Lalo na't alam kong posibleng mangyari yun agad dahil nung araw na magkausap si Ate at si Tito, naghahanap na sila noon ng blood donor, pero tinapat na sila ng doctor na hindi ka na magtatagal.

Lalo akong nawalan ng ganang mag-aral noon kahit pinipilit ko ang sarili ko, kahit para na lang sayo. Pero hindi ko magawa.

July 31, 2014, sinabi ni Nanay na uuwi na raw kayo kinabukasan. Masaya ako dahil siyempre, makikita na kita. Hindi ako dumalaw sa ospital dahil natatakot ako at kinakabahan ako. Kaya excited ako na dumating kayo, tutal nasalinan ka na naman na daw ng dugo.

Kinabukasan, August 1, 2014, dumalaw si Ate at si Tito, kapatid mo, sa ospital. Nasa school ako noon. Masaya ako kasi uuwi ka na at makikita na ulit kita. Bumili pa nga ako ng bagong libro noon eh.

Pagkauwi ko, wala ka pa. Wala parin si Ate. Pero nasa bahay yung asawa ni Tito na kapatid mo. Doon daw matutulog sa atin. Inaasahan ko na uuwi ka na kinagabihan kaya excited ako. Ang hindi ko inaasahan, yung bandang alas-sais ng gabi, umuwi si Ate ng humahagulgol. Dumiretso siya sa kabilang bahay, sa bahay ng Tita namin na kapatid ni Nanay.

Nagtaka ako. Lumapit ako sa kanya at tatanungin ko na sana kung nasaan na kayo nila Nanay, pero nasagot ang tanong ko nang magsalita siya sa mga Tita at pinsan ko habang humahagulgol, "Sana. . .sana hindi agad ako umuwi eh. Buhay pa siya noong nandoon ako, pero pagkababa ko ng jeep sa bucana. . .tumawag sa akin si Tito. Sinabi, wala na daw si Tatay."

Hindi ako nagsalita noon. Para ngang wala na akong narinig na iba pagkatapos noon, eh. Parang nagblanko agad yung pandinig ko. Umuwi ako sa amin at umupo. Hindi pa ako umiiyak. Parang hindi pa maabsorb ng utak ko, pero unti-uti, naramdaman ko na umagos na ang luha sa pisngi ko. Lalo akong umiyak nang niyakap ako ng Kuya ko na pinsan ko. Yung pinaka-close ko. Doon na ako napa-hagulgol. Yakap-yakap lang ako ni Kuya at pinapatahan dahil baka daw atakihin na naman ako ng asthma ko. Pero siya, umiiyak na rin.

Ang nasa isip ko nung mga panahon na yun, noong nalaman kong iniwan mo na kami, isa lang.

Bakit. . .bakit hindi mo hinintay na makauwi ka sa bahay at makita kita na humihinga pa? Kahit sa huling segundo na lang ng buhay mo, hinihiling ko na sana, nakita kita. Gusto kong magtampo kasi, bakit hindi mo ako hinintay na makita ka? Ayaw mo na ba sa akin? Hindi mo na ba ako mahal? Pero naisip ko na, kasalanan ko rin. Kasi nagpadaig ako sa takot ko at hindi kita dinalaw. Sinisisi ko pa ang sarili ko dahil yung huli nating pagkikita, galit na galit ka pa sa akin. Kung sana, natuto lang akong gumising ng maaga, de sana hindi ako nasasaktan ng ganito. De sana hindi ka galit sa akin nung huli nating pagkikita. De sana. . .hindi ko na sinisisi ang sarili ko ngayon kung bakit hindi na kita nakitang buhay ulit.

Excited pa naman ako na umuwi ka. Excited na excited ako nun na halos hilahin ko na ang orasan para dumating yung oras na uuwi ka na. Hindi ko naman ineexpect na yung uuwing Tatay ko ay wala nang buhay.

Ang sakit, Tay. Ang sakit.

Kinagabihan, bandang alas-diyes ng gabi nung araw na yun, nakita ko yung Nanay ko. Nakangiti pa siya noong pumasok siya ng bahay. Pero nang nakita niya yung Dikong niya, nag-break down siya. Sumigaw siya tapos humagulgol ng humagulgol habang yakap yakap siya ng Dikong niya. Ako naman, tahimik lang na umiiyak habang nakatingin sa kanya.

Ilang minuto ang nakaraan, pumunta ako sa kwarto namin, kung saan nandoon si Nanay. Nakita ko siya na nakahiga doon. Kinakausap niya ang mga Tita ko. Nang nakita niya ako, niyakap niya ako tapos umiyak ulit siya.

"Tatlo na lang tayo, anak. Tatlo na lang tayo." Humagulgol ulit siya kaya umiyak na naman ako. "Okay lang yan, anak. Tanggapin na lang natin. At least ngayon, nasa mapayapang lugar na siya. At least, hindi na siya masasaktan. At least, tapos na ang paghihirap niya."

Tanggap ko na naman na. Noon pa, inihanda ko na ang sarili ko sa posibleng mangyari sayo, Tay. Ang hindi ko lang matanggap, bakit kailangang mas maaga pa sa inaasahan ko? Pinaghahandaan pa natin ang birthday mo sa August 30, di ba? Bakit kailangang mas maaga? Pwede namang palipasin mo muna ang birthday mo, eh. Ang sakit sa parte ko na ang huling pagkikita natin ay galit na galit ka sa akin. Pero mas masakit. . .yung bumitaw ka ng hindi nagpapakita sa akin.

Isa pang nakapag-pasakit sa akin ay noong pumunta ako sa school dala ang excuse letter ko na hindi ako makakapasok ng isang linggo dahil iniwan mo na kami. Pero yung isa kong prof, ni hindi man lang niya tiningnan ang excuse letter na dala ko. Ang masakit, sinabihan niya pa ako na, "Hindi ako tumatanggap ng excuse letter. Kapag absent, de absent. Ibigay mo na lang sa akin yan kapag magdo-drop ka na."

Sobrang nasaktan ako sa sinabi niya. Simula nung araw na yan, tinamad akong pasukan siya. Pero pinilit ko parin ang sarili kong pasukan siya kahit na nakaramdam ako ng sobrang galit sa professor na yon.

Nang nawala ka, tinanggap ko na. Tanggap kong wala ka na dahil alam kong masaya ka na. Alam kong nasa payapa ka na. August 8, Biyernes, noong inilibing ka. Noong Lunes, napanaginipan kita. Nakahiga ka sa cleo patra na upuan sa atin. Ganoon parin ang itsura mo. Mahina at may sakit. May sinasabi ka sa akin. Mahaba. Pero ang natandaan ko lang pagkagising ko,

"...huwag mong iisipin ang sasabihin ng iba. Magtiwala ka lang sa sarili mo..."

Two sentence lang. Two sentence lang ang natandaan ko pero parang binigyan ako ng dahilan para magkaroon ng lakas ng loob.

Tatay, yun ba ang gusto mong sabihin sa akin kaya nagpakita ka sa akin sa panaginip?

Ang hirap mag-celebrate ng 18th birthday ko ng wala ka. Ang saya ko noon dahil madami akong bisita. Halos lahat ng kaklase ko at mga kaibigan, nandoon. Pero may kulang, eh. Ikaw.

Ang hirap din magcelebrate ng Pasko at Bagong Taon ng wala ka. At maramu pang mga okasyon na icine-celebrate namin, pero wala ka.

Pero may isa pang mahirap, eh. Yung kunwaring may bago akong kaibigan o kakilala. Tapos tinanong kung anong trabaho ng Tatay ko, ang sakit isagot na, wala. Kasi wala ka na.

Ang hirap, Tay. Ang sakit. Pero para sayo,at para sa Nanay at kapatid ko, kakayanin ko. Magpapaka-tatag ako para sa inyo.

Tatay, salamat. Salamat dahil binigyan mo kami ng masayang buhay. Yung kahit na maraming pagkukulang, kahit na hindi perpekto, yung masaya naman.

Hindi ikaw ang perpektong Tatay sa buong mundo. Pero sapat ka na sa akin para magkaroon ng Best Father in the World.

Alam kong hindi mo na mababasa 'to. Pero gusto kong humingi ng tawad sa lahat. Sorry dahil naging iresponsable akong anak sayo at pasaway. Gusto ko, lahat ng gusto ko, nakukuha ko. Sorry, Tatay. Sorry. Sorry dahil nagalit ka sa akin. At sorry dahil nagpadala ako sa takot ko. Sorry sa lahat. I'm sorry.

Pero gusto ko rin sabihin sayo na, kahit nasa kabilang buhay ka na, habang buhay kang mananatili sa puso ko. . .sa puso namin ni Nanay at Ate. At mahal na mahal ka namin.

Isa na lang ang hinihiling ko ngayon sayo, Tatay.

Sana. . .magpakita ka ulit sa akin sa panaginip.

At sana. . .sana maging proud ka parin sa akin kahit nasa kabilang buhay ka na.

Mahal na mahal ka namin, Tatay. Mahal na mahal kita.

Mariss

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top