Dear Glenn, (4)
Dear Glenn,
Gusto kong malaman mo na sa panahon na nakasama kita, kahit maikli lang iyon ay ayos na ayos na ako. Glenn, ramdam ko na ang katapusan ko.
Araw-araw ay para akong nanghihina dahil sa mga gamot na iniinom ko. Nilalabanan ko na nga lang dahil ayaw kong makita ninyo ako ni Mama na nahihirapan.
Bakit ba sa akin nangyari ito? Bakit ba sa atin nangyari ang lahat ng ito? Hindi ko pa rin maisip ang sapat na dahilan dahil naging mabuti naman akong tao.
Ang gusto ko lang naman ay maging masaya, bakit sa ganitong sitwasyon tayo dinala ng tadhana?
Araw-araw, pilit kong iniisip amg mga bagay na pwedeng hindi na mangyari. Iyon ay ang makita kang tumanda, Glenn. Yung makasama kita sa araw-araw, dala-dala mo ang ating anak at sobrang saya nating dalawa.
Ang lungkot lang isipin na nauubusan na ako ng oras. Alam ko iyon at hindi ko masabi sa iyo. Ayaw mo kasing maniwala na hindi na ako gagaling. Baka awayin mo lang ako. Ayaw kong iyon ang huling ala-ala ko sa iyo.
Habang sinusulat ko ito, tulog ka habang nakaupo. Gusto kong malaman mo na ang gwapo-gwapo mo habang pinagmamasdan kita ngayon.
Salamat sa oras na nilalaan mo sa akin araw-araw dito sa ospital ha? Halos maging bahay na natin ito pero ayos lang sa iyo.
Sa tuwing nakikita ko nga na pagod ka na, nahihiya na ako dahil alam kong nakakaabala na ako sa buhay mo. Ni hindi ko nga alam kung bakit mo ito ginagawa. Bakit nga ba? Mahal mo ba ako?
Ay, teka lang. Kakausapin ako ni Mama. Ititigil ko muna 'tong sinusulat ko ha? Saglit lang, Glenn.
Iyan, tapos na ang pag-uusap namin ni Mama. Hay naku! Parehas na parehas talaga kayo ng ugali ni Mama, 'no? Pinipilit niyo pa rin paniwalain ang sarili ninyo na gagaling ako. Wala. Nag-away lang tuloy kami ni Mama.
Sabi kasi niya, kinausap siya ng doktor ko. Maganda daw ang response ng katawan ko sa mga gamot at kahit paano ay may chance na gagaling pa ako.
O sige, masaya ako kahit konti pero hindi na ako naasa na babalik pa sa dati ang buhay ko. Alam kong hindi na. Tanggap ko na iyon. Kayo na lang ang hindi nakakatanggap noon eh.
Kapag nabasa mo nga ito, paki-kausap si Mama para sa akin. Ay, bakit mo pa nga pala kakausapin eh wala na ako kapag nakita ninyo ang mga sulat na ito?
Basta, Glenn. Oras na mawala ako, tatagan mo ang loob mo ha? Saka, bantayan mo si Mama para sa akin kasi alam kong pwede na hindi niya kayanin ang pagkawala ko.
Hmm, baka huling sulat ko na rin ito sa iyo ha? Pabigay na rin ang katawan ko eh. Mahal na mahal kita. Pasensya na dahil sadyang mapait ang kapalaran natin sa pag-ibig.
Magpakatatag ka kapag wala na ako ah? Hindi ako papayag na maging mahina ka.
Ituloy mo ang buhay kahit wala na ako Glenn, ha?
Ituloy mo ang pangarap natin kahit na wala na ako. Maswerte ang babaeng mamahalin mo. Ililipat ko na sa kanya ang korona dahil alam kong tapos na ang pagiging prinsesa ko sa buhay mo.
Maraming salamat sa lahat ng pinagsamahan natin.
Mai.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top