Dear Glenn, (1)

Dear Glenn,

Nakakatawa na ang tahimik mo pa rin noong nagkita tayo. Hindi ka na nagbago.  Puro na ako kwento pero wala pa rin akong marinig sa iyo. Isang tanong, isang sagot. Ano na ang nangyari sa Glenn na kilala ko?

Noong tinanong kita kung bakit ang tahimik mo, sinabi mo sa akin na 'yon ang gamot mo sa magulong mundo. Napangiti na lang ako. Pwede kaya na pumasok ako dyan sa mundo mo para magbigay ako ng ingay? Ang lungkot-lungkot mo kasi.

Isang linggo ako noon sa probinsya. Birthday kasi ng Tito ko kaya umuwi kami. Syempre, dadaan muna kami sa iba pa naming kamag-anak kaya isang linggo ang nilagi namin doon.

Noong nakita mo ako, nalungkot ako sa totoo lang. 'Yong inaasahan ko kasing ngiti, wala naman. Napakaseryoso lang ng mukha mo. Parang ayaw mo akong makita noong mga sandali na 'yon. Ni hindi mo nga ako niyakap pabalik. Ano bang ginawa ko? Ako ba ang mali o ikaw eh nagbago?

Pero kahit ganoon, hindi ko pinakita na malungkot ako sa naging reaksyon. Bawat araw na kasama kita, puro ingay lang ako. Hindi ko pinansin kung tahimik ka, panay kwento lang ako.

Dumating pa nga sa puntong nasabi ko na ikaw ang gagawin kong asawa. After 10 Years. Kapag single tayo parehas, tayo siguro talaga ang para sa isa't isa.

Ang sabi ko pa noon, magpapagawa tayo ng bahay natin dito sa probinsya. Kahit hindi ka nagsasalita sa akin noon, sa tingin ko pa lang sa mga mata mo ay alam ko na. Alam kong nawe-weirduhan ka sa sinabi ko.

Pero noong mga oras na iyon, alam ko sa sarili kong totoo ang intensyon ko. Nakakatawa at ang weird din at the same time, 'no? Babae pa talaga ang nagsabi na magpapakasal siya. Doon pa sa lalaking hindi naman siya sigurado.

Isang araw, niyaya ka ni Mama na kumain sa bahay namin ng lunch. Kakatapos lang ng klase mo noon at pinaderetso ka agad ni Tita Beverly sa bahay namin.

Seryoso na naman ang 'yong mukha noong araw na 'yon. Hindi mo ako pinapansin. Tahimik ka na naman pero hinayaan ko lang. Ngumiti na lang ako ulit para hindi na ako malungkot.

Noong nilabas na ni Mama 'yong ulam namin para sa tanghalian eh saka ka lang ngumiti. Adobo. Oo, adobo nga pala ang isa sa paborito mong ulam. Pasensya ka na, limot ko na eh.

Habang nakain tayo, doon ko lang nakita ang ngiti mo. Para kang bata ulit. Oo nga pala, paborito mo nga pala talaga ang adobo kapag si Mama ang nagluto. Nalimutan ko.

Nakita mo yata na nakangiti ako sa iyo kaya bumalik ka na naman sa dati. Seryoso at tahimik. Gusto na kitang tanungin noon pero ayaw ko rin. Mukhang nakakatakot 'yong sagot at ayaw kong marinig. Alam ko, masasaktan ako ng sobra roon.

Sinabi mo kay Mama noon na uuwi ka na, nagpaalam ka sa amin at nagpasalamat. Sinabi ko pa nga noon na ihahatid kita sa inyo pero ayaw mo. Hindi ko na lang pinilit pa. Sa huli, ngumiti na lang ako.

Pumasok ako sa kwarto noon, lungkot na lungkot. Napansin yata ni Mama kaya pumanhik din siya sa kwarto ko. Nakita niya akong naiyak.  Agad niya akong nilapitan at tinanong.

Ayaw ko sanang sabihin sa kanya kung bakit ako malungkot kasi ayaw kong magbago ang tingin niya sa iyo pero siya na rin ang nagsabi, tungkol ba daw sayo kaya ako naiyak? Napa-oo na lang ako noong mga sandali na iyon.

Pinaintindi ni Mama sa akin ang lahat, Glenn. Sinabi niya sa akin na baka nagbago ka lang talaga. Hindi ko naman daw 'yon mapipigilan kaya wala na kong magagawa. Wala kasi ako sa tabi mo noong mga panahon na nilalabanan mo 'yong pagbabago. Sorry. Sorry kung wala ako noong mga oras na iyon.

Araw-araw pa rin tayong magkasama. At kahit nabibingi ako sa katahimikan mo, ayos lang sa akin. Dahil para sa akin, 'yang katahimikan mo ang pahinga ko. Hindi ko alam pero naiintindihan kita kahit tahimik ka.

Sa totoo lang, gusto kitang yakapin dahil gusto kong makabawi sa mga taong hindi mo ako kasama. Gusto ko na magkwento ka sa akin pero hindi ko naman masabi.

At dumating na rin 'yong araw na hinihintay ko, paalis na kami rito sa probinsya noon. Nagpaalam ako sa iyo. Ngumiti ka lang at pumasok sa loob ng bahay ninyo. Hindi ko na napigilan pa ang sarili ko noon, kinausap na kita.

Doon ko nalaman na masama ang loob mo sa akin dahil bigla na lang akong nawala noon. Hindi ko alam na ang laki palabng epekto noon sa iyo. Glenn, natuto ka kung paano maging mag-isa dahil sa akin. At ngayon, hirap na hirap akong pumasok sa mundo na ginawa mo para sa sarili mo.

Ang sakit. Sorry ako nang sorry. Alam kong hindi magiging sapat ang sorry pero iyon lang ang nasabi ko noon. Gusto kong batukan ang sarili ko, dahil aalis na naman ako sa pagkakataon na ito. Iiwan na naman kita at lalo kang matututo maging mag-isa.

Hindi na ako pumayag. Hiningi ko na ang phone number mo noon para hindi na mawala ang koneksyon natin sa isa't isa. Para akong hinang-hina. Gusto ko sana na hindi muna umuwi ng Maynila para makasama ka pa pero hindi pwede dahil may klase na kinabukasan.

Iyon na lang ang pinanghawakan ko. Ang cellphone number mo. Ang liit man ng chance pero sinugal ko. Kahit alam kong pwedeng hindi ka sumagot, ayos lang. Hindi dapat ako magreklamo. Mas naiintindihan ko na ngayon na dapat ay mas lalo kitang intindihin.

Oh Glenn, may tula ako na nagawa para sa iyo. Hindi ko alam kung magugustuhan mo pero ito siya.

Sa isang tahimik na lugar
Ikaw ay natagpuan
Nakakabingi na katahimikan
Hindi mo ako kinausap
Pero kita ko sa'yong mga mata ang mga pangungusap

Alam kong kahit hindi ko makita
Nandito ka
Alam kong kahit hindi mo sabihin
Nandyan tayo para sa isa't isa
Nakakabingi man pero sapat na
Dyan ka lang at hindi na aalis pa

Aaminin kong hindi ko hilig ang katahimikan
Pero pagdating sa'yo, ayos lang
Dahil minsan, hindi naman kailangan ng salita para maintindihan
Sapat na 'yong katahimikan para marinig ko ang nararamdaman

Mai.
 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top