Kapitulo XXXIX - Key
Habang naglalakbay patungong Hilaga ay nanatili lang kaming tahimik at tila nagpapakiramdaman sa isa't isa. Ako naman ay patuloy na nababalisa at panay ang lingon sa likuran upang magbaka-sakaling makita si Asher. Nang mapagod kami sa paglalakad ay napilitan kaming magpahinga muna sa ilalim ng isang mataas na puno.
"Gaano ka ka-sigurado na itong tinatahak nating daan ay papunta sa kinaroroonan ng hiyas?" tanong ni Linus kay Ethan.
Napatingin ako kay Ethan na kanina pa seryoso. "Napadpad ako sa may bandang Hilaga noong tumatakas ako sa mga taga-Asteres."
"Nakita mo ba ang mga hiyas?" pagsingit ko sa usapan nila.
Napatikhim si Ethan dahil sa tanong ko. "Hindi pa, pero sa tingin ko ay hindi basta-bastang makakapasok sa pinaglalagyan nito at hindi ito basta-bastang makukuha," seryosong sagot niya sa akin.
Tumango na lamang ako at kinuha ang lalagyan ng tubig mula sa survival kit ko. Tinaktak ko ito sa aking bibig ngunit wala na palang laman itong tubig. Napabuntonghininga na lang ako sa pagkadismaya ngunit nagulat ako nang kuhanin ito bigla ni Linus mula sa kamay ko.
Bago pa ako makapagsalita ay nagpaalam na siya sa amin. "Kukuha muna ako ng tubig sa may ilog na nadaanan natin kanina."
Nang maiwan kaming dalawa ni Ethan ay namutawi ang nakakabinging katahimikan sa aming dalawa. In-obserbahan ko ang kakaibang kinikilos niya at nahalatang may gusto siyang sabihin sa akin.
"May sasabihin ka ba?" diretsong tanong ko sa kanya.
Nag-aalinlangan siyang tumingin sa akin bago tumikhim at nagsalita. "T-Tungkol nga pala sa inyo ni Asher..." nahihiyang panimula niya. Inangat ko ang isang kilay ko bilang hudyat na ituloy niya ang kanyang gustong sabihin. "Aware naman kayong bawal ang umibig sa kapwa manlalaro ng The Chosen Ones, 'di ba?"
Napaawang ang aking bibig dahil sa tanong niya ngunit agad ding nakabawi. Tumango na lamang ako sa kanya bilang tugon bago nag-iwas ng tingin.
"Aware naman pala kayo, pero bakit hinayaan niyo pa ring lumabag kayo sa batas? Hindi ba kayo natatakot sa consequences na maaari niyong kaharapin?" seryoso at mariing tanong niya.
Napalunok ako. "Pero wala kaming balak ulitin ang kasalanang ginawa ng kapatid—" Napahinto agad ako sa pagsasalita nang maalala ang binunyag ni Berna tungkol kay Ate Ashley. Nag-iwas ako ng tingin at napasinghap na lang.
"May gusto sa'yo si Asher, 'di ba?" tanong niya na siyang nakakuha muli sa atensyon ko.
"Hindi kami p'wede," mapait na sabi ko.
"Hindi 'pa' kayo p'wede," pagtatama niya sa sinabi ko kaya napaangat ang tingin ko sa kanya.
Nakitaan ko ng multo ng isang ngiti ang kanyang labi. "Hindi pa p'wede sa ngayon dahil nasa loob pa kayo ng kompetisyon, pero hindi ibig sabihin no'n ay hindi na talaga kayo p'wede para sa isa't isa," dagdag niya.
Hindi ko na napigilan ang pagngiti dahil sa sinabi niya. "Maraming salamat, Ethan," sinserong sabi ko sa kanya.
Ngumiti siya sa akin bago marahang tinapik ang ibabaw ng aking ulo. "Walang anuman, Alexa. Basta nandito lang ako palagi para sa inyo ni Asher," aniya.
"Oh, mukhang seryoso kayo d'yan, ah?" sabi ni Linus habang papalapit sa amin ni Ethan. Hinagis niya sa akin ang bote na puno ng tubig na walang kahirap-hirap kong nasambot.
"Salamat, Linus..." nahihiyang sabi ko sa kanya. Tumango siya sa akin bilang tugon. Hindi nakalagpas sa paningin ko ang isang multo ng ngiti sa kanyang labi bago siya humarap papuntang Hilaga.
"Nakapagpahinga na ba kayo? Magsimula na ulit tayong maghanap para hindi masayang ang oras. Mayroon na lamang tayong dalawampu't apat na oras na natitira," anunsyo ni Linus.
Nagkatinginan na lang kaming dalawa ni Ethan at parehong nagkibit-balikat. Tinulungan niya akong tumayo. "Buti na lang ay hindi ako nahulog sa patibong mo, Ms. Lee. Kung na-inlove din ako sa'yo, paniguradong pati split ends mo kikiligin," mayabang na sabi niya sa akin. Napahalakhak na lang ako bago pabirong tinulak ang kanyang mukha papalayo sa akin.
Nang makarating kaming tatlo sa may parteng Hilaga ay nagsimula nang maghanap ang dalawa kong kasama samantala ako ay nanatili lang sa aking kinatatayuan at pinagana ang aking enhanced sight. Iginala ko ang paningin ko sa buong paligid at isa lamang ang nakaagaw sa atensyon ko:
Isang malaki at mataas na wall barrier na gawa sa umaagos na tubig.
"Linus! Ethan!" pagtawag ko sa dalawa kong kasama habang nananatili ang aking tingin sa kinatatayuan ng barrier.
Nang makalapit silang dalawa sa akin ay napatingin din sila sa tinitingnan ko. "Ano ang nakikita mo, Alexa?" seryosong tanong sa akin ni Linus.
"Doon tayo pumunta! Sumunod kayo sa akin," seryosong sabi ko sa kanila bago nagpatiuna sa paglalakad.
Habang palapit nang palapit sa kinatatayuan ng barrier ay pabilis din nang pabilis ang tibok ng aking puso dahil sa halo-halong emosyon. Nang nasa harapan na kami nito ay nagpatiuna agad sila Linus at Ethan sa paglapit. "Nasa loob ang mahiwagang bato!" excited na sabi ni Linus.
Agad silang sumubok na tumawid sa barrier ngunit pagkadikit pa lamang ng kanilang mga balat ay bigla silang napatalsik palayo. Namilog ang mga mata ko sa nasaksihan. Agad ko silang dinaluhan at tinulungang tumayo. Bakas sa kanilang mukha ang sakit ng katawan dahil sa nangyari.
"Bakit hindi tayo maaaring tumawid?" inis na sabi ni Ethan habang napapangiwi pa rin dahil sa sakit ng katawan.
Nagtataka kong nilingon ang malaking barrier na humaharang sa kinaroroonan ng hiyas. Kumikislap ito at tila ba inaakit ang aking paningin. "Hindi kaya ito na ang boundary ng Choque de la Magia?" tanong ko sa kanila.
Dahan-dahan akong naglakad papalapit sa water barrier. Kataka-takang habang lumalapit ako ay mas tumitindi ang liwanag mula sa pulang hiyas.
"Subukan mo kayang tumawid sa barrier, Alexa? Baka ikaw ang makakatawid riyan..." suhestiyon ni Ethan.
Dahan-dahan kong inangat ang aking kamay sa barrier. Nagulat ako nang bigla itong tumagos sa loob. Agad ko itong nailayo dahil sa gulat. Parang nakakapaso ang init ng tubig ngunit pakiramdam ko ay kaya ko nga'ng tumawid sa barrier na ito. Nilingon ko muli ang aking mga kasamahan na ngayon ay nakatingin nang seryoso sa akin.
"Tumawid ka na, Alexa. Baka ito na ang pagkakataon mo upang malaman ang katotohanan," seryosong sabi sa akin ni Linus.
Huminga ako nang malalim at ipinikit ang aking mga mata bago muling humarap sa water barrier. Hindi ko man alam kung ano ang maaaring mangyari sa akin kapag tumawid ako rito ay iisa lang ang nais kong pairalin sa ngayon— kailangan kong maging matapang. Hindi na mahalaga kung walang kasiguraduhan itong aking pupuntahan, ang mahalaga ay sinubukan kong harapin ang takot sa aking puso at lumaban.
Dahan-dahan akong humakbang papalapit sa barrier hanggang sa naramdaman ko ang nakakapasong init ng tubig nito at ang unti-unting pagbabago ng mundong aking ginagalawan. Iminulat ko ang aking mga mata at agad na lumapit sa kinalalagyan ng hiyas ng Lunaticus.
Nang tuluyang madampot ang mahiwagang bato ay unti-unti kong napagtantong nag-iba na nga ang mundong aking ginagalawan. Marahan kong ipinikit ang aking mga mata at pinakiramdaman ang pagbabago ng paligid pabalik sa nakaraan, kung saan nagsimula ang lahat, at kung saan ko malalaman ang katotohanan sa likod ng lahat ng kasinungalingan.
"Maaari mo nang imulat ang mga mata mo, Alexa..." Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata nang marinig ang pamilyar na tinig na iyon.
"A-Ashton..."
Ngumiti siya sa akin nang banggitin ko ang pangalan niya. "Mabuti naman at naaalala mo pa rin ako. Akala ko ay nakalimutan mo na rin ako... katulad ng paglimot nila sa akin dito sa madilim na Labyrinth na ito," malungkot na aniya.
"Anong ibig mong sabihin?" nalilitong tanong ko habang pinapasadahan ng tingin ang paligid. "Nasaan ako?"
"Lumapit ka sa hawlang ito at gamitin mo ang bagay na nasa bulsa mo..." seryosong aniya. Kahit nalilito sa kanyang sinabi ay sinunod koi to agad. Pagkapasok ko pa lang ng aking kamay sa bulsa ay naramdaman ko ang malamig na metal sa dulo ng aking daliri. Agad ko itong inilabas at pinagmasdan.
Mga susi?
Sinulyapan ko ang hawla ni Ashton bago ibinalik ang tingin sa mga susing nasa kamay ko. Agad akong lumapit sa pinto nito at sinubukan isa-isa ang mga susi. Sa pangatlong subok ay tumama na ito. Namilog ang mga mata ko at agad napatingin kay Ashton na nanlalaki rin ang mga mata habang nakatingin sa bumukas na pinto.
Sabay naming kinalas ang kadenang ginto sa pinto ng kanyang hawla. Nang buksan ko ang gate ay laking gulat ko nang salubungin ako ng yakap ni Ashton. Dumaloy ang mainit na kuryente mula sa kanyang yakap na tila bumabalot sa aking katawan ngunit hindi na ako tumalsik katulad ng dati.
"M-Maraming salamat, Ate..." masayang sambit niya bago bumitiw mula sa pagkakayakap sa akin.
Agad napawi ang ngiti ko sa sinabi niya. "T-Tinawag mo ba akong 'Ate'?"
Ngumiti siya sa akin bago hinawakan ang aking kamay at hinigit papalayo sa hawla. "Marami ka pang hindi alam tungkol sa mundong ito. Pero dahil hawak mo na ang nawawalang hiyas ng Lunaticus, ipapakita ko sa'yo ang nakaraan."
"Anong ibig mong sabihin?" naguguluhang tanong ko sa kanya.
Tumigil muna siya sa paglalakad at paghigit sa akin bago tinignan ako ng seryoso. "Ako ang iyong kakambal. Ako ang isinumpa at ikinulong ng mga opisyal ng Galaxias bilang kabayaran sa kasalanan ng ating mga magulang." Napaawang ang aking bibig dahil sa kanyang sinabi. Kakambal ko siya? May kakambal ako? May kapatid ako?
"P-Pero bakit ikaw lang ang ikinulong dito sa Labyrinth? Hindi ba dapat ay kasama mo rin ako dahil sabi mo ay magkakambal tayo? Bakit ikaw lang ang kinuha nila?"
Ngumiti siya nang mapait sa akin. "Dahil ikaw lamang ang nailigtas ng kapangyarihan ng hiyas na hawak mo. 'Yan ang malaking kasalanan ng ating mga magulang sa Kingdom Galaxias. Kinuha at ginamit nila ang hiyas ng Lunaticus upang mailigtas tayong dalawa sa kalupitan ng mga nakatataas. Sa kasamaang palad, hindi ako kinayang isama ng mahiwagang at nakuha ako ni Queen Betana bago ipinatapon at ikinulong dito sa Labyrinth. Napadpad kayo sa ibang mundo at dimensyon, at iyon ay ang mundo ng mga manna."
"P-Pero saan napunta ang bato? Paano iyon napunta rito sa Choque de la Magia?"
"Matagal na itong nawawala dahil ang batong 'yan ay matagal nang nasa iyo. Ipinadala ka ng mga magulang natin dito upang ituloy ang nakasaad sa propesiya. Dahil ikaw, Ate... Ikaw ang susi ng Labyrinth at ikaw lamang ang makapagpapabalik ng hiyas sa dapat nitong kinaroroonan."
Napalunok ako nang sunud-sunod habang pinoproseso ng aking isip ang lahat ng panibagong nalaman. Nagulat ako nang muli niyang hawakan ang aking kamay upang igiya ako papasok sa entrada ng paaralang puno ng misteryo. "Halika at sabay nating tuklasin ang nakaraan. Handa ka na bang buksan ang iyong isipan upang tanggapin ang katotohanan sa likod ng lahat ng kasinungalingan, Ate?"
Inilipat ko ang tingin sa mga salitang nakaukit sa arko ng paaralan. Ipinikit ko ang aking mga mata at huminga muna nang malalim. Handa na nga ba akong malaman ang katotohanan sa likod ng pagkatao ko?
Iminulat ko ang aking mga mata at tumingin ng diretso sa kanya. "Handa na ako."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top