D/S 6: FALLS and STONE

“Napakaganda talaga ng lugar na ito,” aniyang nilalanghap ang malamig na simoy ng hangin. Nakapikit pa siyang dinadama ito na animo’y nasa isang pelikula lang.

     Sa lugar din nilang ito matatagpuan ang natatagong lugar na kung tawagin ay Ilog Minanga. Pinaniniwalaan din kasing ibiniyaya ito ni Bathala; ayon na rin sa mga kanayon nila. Kaya naman dahil sa angking ganda at kakaiba maraming mga mandarayo ang nahuhumaling mamasyal na siyang pinapayagan naman ng kanilang pamunuan.

      At dahil nga sa naging pasyalan na’ng lugar, tinawag itong Angelic falls alinsunod sa pagiging misteryoso. Hindi kasi ito gaya ng ilog na makikita sa kasalukuyan dahil mula sa kinatatayuan makikita ang malaking agos ng tubig na nagmumula sa itaas paibaba.

     May makukulay rin itong berdeng mga puno, dahon, at damo na nahugis sa isang burol, maging ang lupang kinatitirikan nito’y ganoon din na parang pinutol ng pantay-pantay. May malinis din na tubig na lubhang napakapresko sa pakiramdam habang tanaw na tanaw ang kulay berdeng nasa ilalim.

      Pagdating naman sa gitnang bahagi ng ilog paibaba matatagpuan ang hindi gumagalaw na agos ng tubig, kung saan puwedeng pagliguan ng mandarayo o mga kabaryo nila. Samantalang sa tabing bahagi naman ng ilog matatanaw ang kulay kalimbahing bulaklak na nakapagpadagdag sa angking ganda at kaakit-akit nito.

     Gayon din, nasa dulong bahagi naman; sa pinakaibaba makikita ang katamtamang laki ng agos tubig kung saan puwedeng maglaba alinsabay sa katamtamang daloy nito. At lahat lang ng mga ito’y matatagpuan sa kaliwang bahagi ng kakahuyan sa bayan din nila.

     Higit sa lahat, may kalayuan din ang lugar na ito sa kubo nila kaya naman tanging ang mga naglalakihang sanga ng puno at nagtatandaang mga ito lang ang makikita kapag gumagawi rito. Puno rin ito ng katahimikang nakagiliwan na niya simula noon. Gayon din habang papasok sa dakong ito madaraanan mo ang malalagong sanga ng puno na hitik sa dahon na minsan lang magbunga sa loob ng isang taon.

      Kung tumubo naman ay puno ng bulaklak at kulay pulang hugis mangga na parang inilagay bilang desenyo para sa isang selebrasyon, pero ang higit na matindi pang kakaiba rito, hindi ito maaring kainin, kung kaya’t ginagamit na lang itong palamuti o alay sa mga namatay nilang kaanakan upang hindi na maulit ng may sumubok na kumain nito at sa huli’y binawian din ng sariling buhay.

      “Talagang hindi nakakasawa ang lugar na ito. Gustong-gusto ko ang katahimikang ito,” anang isip habang nakapikit na nakangiti. Patuloy dinadama ang malamig na simoy ng hangin na dumadampi sa buong katawan.

      “Sorry, Mamang,” aniya sabay dilat at nagtungo na sa pakay pero agad din siyang napahinto sa paglalakad nang umihip ang malamig na simoy ng hangin na sadyang nagpalinga sa kaniya kaliwa’t kanan.

     “Walang multo rito!” aniyang nagtatakbo ngunit makalipas ang ilang minuto nasa dako na siya ng ilog.

     “Hindi ako takot! Akala nila ah,” bulong pa rin niya bago ibinaba ang hawak na palanggana.

Pinaghiwalay niya ang puti sa de-kulay bago nagsimula.

     Gusto pa rin kasi niyang mamalagi rito habang hinihintay matuyo ang mga damit dahil tiyak na pagagalitan na naman siya kapag nalaman ng mga ito ang balak niyang gawin.

     Ayaw ng mga itong nakikita siyang naliligo rito dahil hindi raw magandang gawin iyon lalo’t babae siya at nag-iisa. Kaya mahigpit na paalala ng mga itong makinig sa sinasabi. Mabuti na lang daw sana kung malapit lang ito sa kanilang tahanan ngunit sa kasawiang palad malayo ito at baka raw mapano siya kapag katigasan ng ulo ang pinairal.

     “Nga pala, totoo kaya ang balita noon?” turan niya nang may maalala.

“ISME! ISME! Nabalitaan mo ba?” dinig niyang sigaw ng matandang may puting buhok. Nilagpasan siya nito at nagtatakbo sa likuran niyang ikinalingon din niya.

      “Ano iyon, Luring, maghunos dili ka nga,” sagot ng matandang babaeng may iilang itim pang buhok. Tulad ng nauna, parihong nakasuot ng magkaduktong na blusa ang dalawa; kulay kayumanggi ang mga ito.

      “Ano ka ba, Isme, ’di ba matagal mo na itong gustong malaman? Pariho na tayong matatanda ngayon pero ngayon palang natin malalaman ang lihim ng ilog,” anang naunang matanda na puno ng kagalakan sa mga mata.

      “Oo pero matagal na ’yon, Luring. Hindi na ’ko umaasang malalaman pa iyon dahil ayaw pag-usapan iyon dito,” sagot muli ng huling matanda na siyang napatingin pa sa kaniya.

     Kaya naman agad siyang tumalikod at napayuko ngunit nang inaakala niyang pagagalitan siya nagulat na lang siya ng lagpasan siya ng mga ito at nagpatuloy sa usapan.

     “Grabe, Isme, sabi nila matikas at maganda raw ang pangangatawan ng binata. At talagang kahit sinong babae ay mahuhumaling dito. Hindi ko lang alam kung bakit sa kabila ng postura nito ay sadyang masama ang ugaling ni—”

     “Huwag ka nga bumanggit ng pangalan, Luring, baka may makarinig sa ’yo. Mahirap na at baka tayo ang balikan noon,” hesterikal na anang babaeng may itim pang buhok.

     “Pasensiya ka na. Hindi lang kasi ’ko makapaniwala na ang batang iyon pala iyon. Akala ko kasi santa ang babaeng iyon. May tinatago palang kalandian,” wika muli ng matandang may puting buhok.

     “Oo nga, mga kabataan nga naman. Sandali ano raw bang nangyari sa kanila?” usisa ng huling matanda.

     “Ganito iyon—naku, Isme, iyong niluluto ko pala. Diyos ko nakaligtaan ko na. Hinanap kasi kita,” anang naunang babae na siyang napakamot pa sa ulo.

     “Susme, matanda ka na talaga, Luring,” sagot naman ng huli na natatawa.

     “Ah! basta. Hindi na raw sila natagpuan pagkatapos noon. Wala ng karugtong ang kuwento dahil hindi rin nila alam at ayaw pag-usapan dahil may sa malas daw iyon. Oh siya! Mauna na ako at baka masunog na iyon,” sagot ng naunang matanda at nagtatakbo muli.

“AH! SHETE! BAKIT doon?” Agad siyang napasigaw nang sa halip ilagay ang sinabunang damit sa batuhan, sa ilog niya ito naitapon.

      Agad siyang tumayo at kinuha ito. Mabuti na lang at hindi naman ito kalayuan pero sadyang nabasa ang kaniyang paldang hanggang talampakan. “Hayaan mo na nga,” aniya at bumalik muli sa ginagawa.

     “Pero ano na kayang nangyari sa mga iyon? Gusto ko silang makilala. Ano kayang itsura nila? Sabi nila gawapo iyong lalaki. Kainis naman kasi bitin, e. At bakit pala sinasabi nilang may sa malas? Ano bang nangyari?” tanong ng isip niya habang patuloy pa rin sa ginagawa pero agad siyang napalingon sa paligid nang marinig ang huni ng ibon sa kung saang bahagi ng mga punong naroon.

     “Nakakagulat naman ang ibon na ’yon,” aniya at muli bumalik sa ginagawa. “Pero ano bang mali sa lugar na ito? Bakit natatakot na silang pumunta rito? May nangyari ba rito noon?”

     Simula raw kasi noon madalang na magtungo ang mga kanayon nila rito at sadyang ang mga matatapang na tulad na lang niya ang may lakas ng loob na magtungo rito kahit mag-isa. At tuwing araw ng paglilinis saka lang maramihan ang naglilinis dito alinsabay sa utos ng pinunong baranggay nila.

     Kaya lang minsan hindi niya maiwasang matakot dahil animo’y may mga bumubulong-bulong na hindi niya mawari kung totoo ba o kathaang isip lang pero sa huli binabalewala na lang niya dahil ang importante ay  makapaglibang siya at matahimik ang mundong ginagalawan niya. Dahil kapag ganito ang paligid nakakapag-isip siya ng mga bagay at kahit papaano nawawala ang balisa niya dahil naiisip niya ang mga posibleng solusyon sa problemang kinakaharap.

“ANO BANG KLASENG mga kawal sila? Walang kuwenta! Simple lang ang iniutos ko hindi pa magawa ng tama!” aniya sabay tingin sa dako ng ilawan, dahilan upang magliyab ito.

      Ayaw niyang ipagsabi ang pagbabalik niya dahil baka mangyari ito at ngayon ito na nga nagkakagulo na ang lahat. Kaniya-kaniyang positibo at negatibong komento na siyang pagod na siyang intindihin pa. Marami pa siyang dapat isipin at ito may mga bagong obligasyon na naman na dapat asikasuhin.

    “Bakit ba kasi? Buwisit! Ayaw ba nilang tumigil sa panggugulo ng buhay ko? Hindi ba sila napapagod panghimasukan ang mga desisyon ko?” aniyang nakahawak na sa ulo habang nakaupo pa rin sa kama.

     Hindi niya lubos maisip kung paano nagawang makalabas ang kuwento ukol sa kaniya. Pakiramdam tuloy niya sa sarili sobrang hina na niya upang hindi mapigil ang sitwasyon. Nais niyang maging sekreto ang pagbabalik niya dahil ayaw niyang mangamba ang lahat at pasimulan pag-aalsa. Alam din niya noon pa lang tutol na ang mga ito sa pag-upo niya sa puwesto pero dahil sa isang bagay ginusto niyang makarating sa sitwasyong ito. Kung saan hindi niya lubos maisip na ganito kahirap ang daang tatahakin.

     Gayon din, alinsabay sa hindi pagkakaintindihan kung bakit nalamang bumalik na siya. Ang isa pang problema ay ang usap-usapan tungkol sa kaniya.

     “Paano nangyari iyon? Sinasabi ko na nga ba dapat hindi siya ang nasa puwesto. Imposible! Napakaimposible na magising siya agad sa madaling panahon.”

     “Sinisira nila ang batas ng kaharian. Ngayon mapapahamak tayo dahil sa pamumuno niya.”

     “Dapat sa kaniya mamatay na lang. Hindi na sana siya bumalik pa.”

     “Ano ba kayo? Galangin ninyo ang hari, siya pa rin ang Hari ng Ademonian. Siya pa rin ang nagpapasunod sa lahat!”

     “Hindi niya kasalanan kung agad siyang nagising, napakaimposibleng bagay iyon pero ngayong naganap na maaring may propesiya kaya nangyari ito.”

    “May propesiya nga, propesiyang magkukulong sa atin dito dahil sa hindi nila pagsunod sa batas!” sari-saring komentong naririnig niya at nagpapagalit sa kaniya nang sobra.

    “Irespeto ninyo ang propesiya! Igalang ang hari. Ipagpasalamat ninyo na lang at buhay pa siya. Siya pa rin ang hari natin!”

   “Siya ang sumisira sa magandang pamamaraan ng dating hari. Dapat sa kaniya ibaba sa puwesto!”

    “Magsitigil kayo!” isang huling sigaw na siyang nagpaangat sa kaniya ng tingin.

    “Bakit ninyo sinusuway ang desisyon ng Amonian? Sige! Kung sinong tutol ihaharap ko sa matandang Amonian at nang masabi ninyo ang nais ninyong sabihin. Hindi iyong nag-aalsa kayo sa inyong kuro-kuro,” dinig niyang nagmumula sa iisang tao.

     Napuno ng bulong-bulungan ang lahat hanggang sa unti-unti tumahimik. “Ano na? Magsalita kayo! Mayayabang kayo magsalita pero ngayong ihaharap ko kayo sa Amonian hindi kayo makapagsalita!”

     “Patawad po, Lord Grenika!” magkakasabay na hiyawan na siyang parang naging ungol sa buong palasyo.

      Napatungo na lang siya ulit sa narinig habang puno ng bagabag sa mga nagaganap. Marami ng naparusahang hari noon ngunit siya pa lang ang kauna-unahang naging hari na nagising mula sa pagkakakulong at pagkakatulog ng hindi napapanahon. Dahil para sa lahi nila, mapahari at simpleng mamamayan ng palasyo parihong paglalagyan; magiging abo o iaayon sa desisyong gagawin ng konseho.

      Kaya bawat kasalanan katumbas ay kamatayan sa pangatlong pagkakataon. Kamatayan sa mundo, impiyerno at sa pagiging abo. Ang kinaibahan lang paghari ang nakagawa ng paglabag, katumbas noon ay mahabang pagkakatulog hanggang sa tuluyang mapigtas ang Rope of Bluestone; nakukulayan ito ng apat na simbolika; katumbas ay kamatayan at pagkabuhay.

     Sinasabi rin na kapag umabot ng ika-isandaang taon na pagkakakulong na hindi pa nagigising ang nilang na narito, ibig sabihin magtatalaga muli ng bagong hari; kung saan pipiling muli ang matatandang Amonian ng papalit sa trono kahit pa naging pansamantalang naging hari muli ang dating hari.

     Kung tatanungin ang paliwanag noon, katumbas ng isandaang taon sa mundo nila ay isang taon sa mundo ng mga mortal. Kung kaya mas madaling tatanda ang mga gaya nila kaysa sa mga mortal. Kung pagiging hari naman ang pag-uusapan magiging kahinaan ito ng nakulong na hari sa halip na makapagbigay ng kalakasan. Kaya naman mas humihina ang haring gaya niya sa Simbulika cage.

     Sa loob kasi ng piitan pinapahina ang kakayahan nito hanggang sa kung hindi na niya makayanan ang lakas ng misteryo sa loob ng silid, pakahulugang hindi na siya nararapat manguna sa lahat dahil tuluyan ng nadaig ng Rope of Bluestone ang kaniyang katawang immortal. Kaya sa huli, pagiging abo ang magiging huling yugto niya.

     Kaya naman nangangamba ang lahat dahil baka mawalan sila ng karapatang makalabas pa ng lagusan dahil sa kakaibang kakatwang nangyayari sa kasalukuyan. At dahil sa nangyari sa kaniya nag-aalala ang mga ito na may nakaambang panganip na paparating. Kaya nasa kaniya ang lahat ng sisi.

     Simula kasi ng pangunahan ng ama niya ang kaharian tuluyang nagbago ang buhay ng buong palasyo. Naranasan na nilang makalagpas ng lagusan at makisalamuha sa mga mortal sa anyong kauri nito. At sila nga ang nagpapatuloy na naghahasik ng kasamaan sa mundo; pagnanakaw, tawag ng laman, pagpatay, panggagahasa, pakikipag-apid, at iba’t iba pang kasalanan, kung saan nawalan ng katahimikan ang buong pilipinas at patuloy na mas dumami ang karahasan na pawang bago sa paningin ng bansa.

      Araw-araw rin nagkakaroon ng kaguluhan at karahasan na siyang hindi malaman ng bansa kung paano susupilin dahil wala pang batas na nagpapatupad ukol doon. Hindi pa nila nalalaman kung ano-ano pang kasalanan ang puwedeng lumabas sa kasalukuyan kaya hanggang ngayon at sa iba’t ibang dako ng mundo’y patuloy dumarami ang kasamaan na siyang mas marami pang naiimpluwensyahang gumawa ng masama.

     “Mahal na Haring Adminicous, ipagpatawad po ninyo ngunit hindi po namin nalalaman kung bakit at paanong nalaman ng mga Ademonian ang inyong pagkagising agad. Sinigurado po namin na walang makakaalam kaya—”nanginginig na explinasyon ng kawal.

     “Hangal!” aniya kasabay ang pagkitil sa buhay ng kawawang kawal. Tuluyan itong naging abo at tuluyang nawala sa kawalan. Sa mundo nila, maari nilang gawin ang nais nilang gawin ngunit taliwas naman ito sa mga mortal na ipinagbabawal ang pagpatay.

     “Mahal na hari, patawad po,” usal naman ng ikalawang kawal. Halos bulong na lang ang himig nito sa sobrang takot sa nasaksihang ginawa sa kasama.

    “Simple lang ng pinapagawa ko pero hindi n’yo pa nagawa! Inutil!” Muli kinitil niya ang buhay nito tulad ng nauna.

    “Mahal na Haring—”hindi mabigkas-bigkas na tinig ng ikahuling kawal. Nakayuko itong nangangatog sa takot.

    “Ano! Gusto mo na rin na mamatay? Ayusin mo ang pananalita mo, hindi ako tumayo sa harapan mo para dasalan mo! Pinapunta kita rito para magsalita hindi maging estatwa sa harap ko,” sigaw niyang nanggagalaiti habang nakatayong nanlilisik ang mga mata.

    “Mahal na hari patawad po ngunit totoo pong hindi namin nalalaman kung paano nalaman ng buong Ademonian ang inyong pagbabalik. Ginawa po namin ang aming makakaya pero talagang wala pong nakakaalam kung sino ang nagpakalat ng balita,” nanginginig at nauutal na bigkas ng panghuling kawal. Lumuhod pa ito sa harap niya.

    “Nagrarason ka pa! Inutil! Dapat sa ’yo—”

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top