D/S 3: REMINISCENCE

January 2005, Araw ng Lunes

     “Sindy, gumising ka na, mag-Alas-Syete na,” anang ina na niyuyugyog siya sa papag.

     Sampung taong gulang siya noon at kasalukuyang nasa ika-limang baitang ng Minanga Elementary School sa Bayan ng Pangasinan.

     “Mang, inaantok pa po ako,” umuungol niyang sagot. “Oo na po, maliligo na,” pinal niyang sabi nang tumambad sa kaniyang mukha ang ina na may nanlilisik ng mga mata. Tuluyan na nitong natanggal ang kumot na nakabalot sa kaniya.

     Matapos iyon, hindi na ito umimik at agad ng umalis at iniwan siya. Kaya naman, agad na siyang nagmadaling bumangon kahit tinatamad pang tumayo. Makalipas lang nang ilang sandali, tuluyan na siyang napasigaw habang hawak ang tuwalyang nakalaylay sa sahig.

     “Mang, Mang!” Muntik pa siyang masubsob kung hindi nakakapit sa kapitan ng hagdan.

      Lagi kasi siyang naliligo sa poso; sa likod bahay, kaya naman nakaugalian na niyang maghubad ng mga saplot upang mabilisang liguan na lang.

     “Sindy, ano ba? Kay aga-aga nagsisigaw ka riyan?” bulyaw ng ina dahilan upang lalong manginig siyang mapatitig dito. Napatigil ito sa ginagawa at tuluyang napalingon sa dako niyang nagmamadaling bumababa ng hagdan.

     “Mang, kasi po—nakita ko na naman po iyong Ada,” diretsahang aniya habang patingin-tingin sa maliit na espayong dinaanan kanina.

     “Tama na, Sindy! Tigilan mo na nga ’yang kabaliwan mo! Noong isang araw sinabi mong may nakita kang ganyan sa eskuwelahan ninyo kaya napauwi kayo ng maaga tapos ngayon ito ka na naman, utang na loob, tigilan mo na’ng mga kalukuhan mo!” bulyaw ng inang hindi na nakapagpigil pa.

      Inihagis pa nito ang kalderong walang laman dahilan upang gumawa nang malakas na ingay na siyang ikinatalon niya sa pagkagitla. Tuluyan din na bumagsak ang mga luhang kanina pa pinipigilan.

     “Ano na naman bang nangyayari dito?” sulpot ng kaniyang ama. Kakarating lang nito mula pinto na siyang agad napatingin sa kalderong nakaitsa sa sahig.

    “Tanungin mo ’yang anak mo, Isko! Jusko, kumukulo ang dugo ko riyan. Hindi ko alam kung bakit nababaliw ang batang ’yan. Hindi nag-iisip, tatanga-tanga,” sagot ng ina dahilan upang mapahagolgol siya.

    Gayon din, muling humagis ng isa pang kaldero mula sa mga nakataob na kagamitan.

    “Cita, ano ba? Tama na! Sumusobra ka na!”  hindi nakapagpigil na sigaw ng ama. Agad itong lumapit at yumakap sa kaniya na siyang sinagot din niya nang mahigpit na yakap kasabay ang paghagolgol.

    Hindi niya alam kung bakit ganoon ang trato ng ina. Hindi rin niya maintindihan kung bakit walang naniniwala sa kaniyang may nakikita siyang nilalang na gaya ng mga iyon.

    Lagi siyang pinagkakamalan at pinagpipiyestahan ng mga tsismoso’t tsismosa. Hindi man niya gustong makakita ng mga bagay na iyon pero sadyang ayaw tumigil ng mga ito.

    “Naku Isko, hindi ko na alam! Nakakapagod na!” pinal na hinaing ng ina bago nagmadaling lumabas ng kubo.

    “Anak, pagpasensiyahan mo na’ng Mamang mo, marami lang siyang iniisip nitong mga nakaraang araw, lalo na’ng nangyari sa paaralan ninyo noong nakaraang Linggo,” mahinahon na paliwanag ng ama. Katatapos lang siyang yakapin nito.

    “Pero, Pang, totoo naman po kasing nakikita ko sila. Bakit ayaw ninyo pong maniwala, lalo na si Mamang?” humahagolgol na aniya.

    “Anak, nauunawaan ka ni Papang at naniniwala ako sa ’yo. Huwag mo ng alalahanin ang mga nasabi ng ’yong Mamang, nabigla lang siya,” pagpapaintindi pa rin ng ama, saka pinunasan ang mga luhang patuloy naglalakbay sa bawat bahagi ng pisngi.

    “Pero, Pang,” kontra niya rito.

    “Tahan na, pumunta ka na sa poso, mahuhuli ka na,” sa halip na wika ng ama. Sabay punas muli ng mga bagong luhang nalalaglag sa mga mata.

    Simula rin ng araw na iyon hindi na siya muling nakakita ng mga nilalang, liban na lang ngayong nasa ikalabing siyam na taong gulang na siya.

    Hindi man gustong maalala ang mga bagay na iyon ngunit ang sitwasyong ngayon ang nagpapaalala ng masakit na alaalang patuloy humuhukay sa kaibuturan ng isipan.

    Wala siyang ideya kung paanong nagsimula ang lahat, basta laging lang nagpapakita ang mga ito, at kapag hindi niya pinapansin mas lalong nanggugulo. Natatakot pa naman siyang kausapin ang mga ito lalo pa’t hindi kaaya-aya ang mga wangis.

    Mukha kasi itong biik na may mahabang tainga at may maliit na sumbrero na kulay kayumanggi

Samantalang hugis kabayo naman ang bunganga na may pakpak at buntot na ahas.

    “Ate Sindy,” pukaw ng bunsong kapatid sa kaniyang iniisip. Dahil sa narinig tuluyang siyang napalingon sa dako nito. Nawala rin tuloy ang mga bagay na gumugulo sa isipan.

    “Sindy, anak,” segunda naman ng ina na nasa harap pa rin pala. Bakas sa himig nitong humihingi ng despensa sa nangyari. “Anak, patawarin mo ako, hindi ko sinasadya,” anitong umupo sa harap niya bago siya niyakap nang mahigpit.

     Bagamat masama ang loob, napayakap na lang siya rito bago tuluyang humagolgol. Pilit na lang niyang iwinawaksi sa isipan ang mga isipin na nagpapasama ng loob.

     Madalas nga tuwing nagagalit ito iniisip na lang niyang baka nababalisa ito kaya nakakapagsalita ng hindi dapat, pati kahit anong gawin nanay pa rin niya ito. Pagsalitaan man siya ng hindi tama o ano pa man, walang magbabago kahit bali-baliktarin pa ang lahat.

    “Oh, siya, anak. Halika na, tulungan mo na ako,” anang ina makalipas ng ilang sandaling yakapan. Pilit na rin siya nitong itinatayo ngunit nananatili siya sa dating puwesto; nakatunghay ulit sa bintanang nakatiwangwang.

    Pakiramdam kasi niya hanggang sa pagtulog madadala ang masamang engkuwentro sa nilalang na iyon. Kaya naman, muli siyang napayuko na siyang napansin din ng ina; ito na mismo ang nagtungo sa dako ng bintana at nagpinid ng mga ito.

    “Isinara ko na. Halika ka na, nagugutom na si Cora,” anang ina matapos makabalik sa harap niya. Hinahatak muli siya nito na siyang ikinasunod na lang niya matapos mahimasmasan.

    Kaya matapos maidala ang mga kailangan sa hapag, sa silid ni Cora. Sama-sama na nilang pinagsaluhan ang mga ito, may iba’t ibang uri ng prutas gaya ng pakwan, chiko at iba pa na nahati na sa katamtamang laki.

    Tuluyan na rin niyang nakaligtaan ang mga kaganapang kanina lang nagbibigay pangamba. Nagkukwentuhan na rin sila habang naghahalakhakan, mabuti na lang at nasa baryo sila na magkakalayo ang kabahayan dahil kung hindi, baka nabato na sila ng taumbayan dahil sa ingay at kulitan nilang nag-uumapaw.

    Samantala, ang ina’t ama naman ay kumakain ng nilutong sinabawang karne ng baboy na may sayote habang humihigop ng mainit-init na kapeng barako na uso sa baryo; hindi tulad sa bayan na pangmayaman at sosyalin ang uri ng pagkain at inumin.

    Higit sa lahat ang malamig na klima ang pangunahing nagbibigay ganang lubos na siyang sumisingaw sa bawat siwang ng kubo, at habang tumatagal naririnig na nila ang huni ng kuliglig; senyales na maghahating-gabi na.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top