D/S 2: SANZIO FAMILIA
Kinagabihan. Naalimpungatan siya sa ingay na nagmumula sa pintuang-kahoy. Naririnig niya ang pahinto-hintong lakas ng katok na kahit labag sa kalooban napilitang tumayo’t kunin ang gasera. Inilawan din niya ang ibaba ng papag upang mahanap ang pangsapin sa paa.
“Sandali lang po!” hiyaw niya sa katamtamang lakas, sapat upang marinig ng kung sinuman ang boses niyang bakas ng pagmamadali.
Katatapos lang nilang maghapunan, palibhasa’t Alas-kuwatro palang ng hapon naghahanda na upang pagsapit ng Alas-syete ng gabi namamahinga na, sapagkat tanging lampara ang nagbibigay liwanag sa natutulog na karimlan.
Gayon din, habang naglalakad sa maliit na espasyo ng silid, tanging ang kakarampot na gasera ang nagbibigay liwanag sa dinaraanan, at bawat apak niya’y nakakakilabot na langitngit ang maririnig.
Papalagpas na siya sa silid ni Cora nang masulyapang nakaawang na naman ang silid nito. Dala ng kuryusidad, agad niyang hinawakan ang seradura at dahan-dahang itinulak ang pinto. Nang makapasok, humaplos sa kaniya ang masaganang simoy ng hangin na siyang mas nakapagpataas ng balahibo mula mukha, batok hanggang paibaba ng kabuuan.
Napayakap pa ang kanang kamay sa kaliwang braso kasabay ng pagpikit, ngunit matapos mahimasmasan agad din siyang dumilat, doon na tumambad sa kaniya ang nakabukas na bintanang-kahoy. Kaliwa’t kanan ang pag-ugoy ng kulay kalimbahin na kurtinang narito na siyang sumasaliw sa malakas na ihip ng hangin; mas lalo tuloy siyang napayakap sa sarili at napapikit muli.
“Ano ba ito? Bakit sobrang lamig naman ata, pati ang alam ko isinara ko ang bintana kanina, ah? Huwag mo sabihing—imposible.” At muling napadilat, hindi niya maalis sa isipan kung papaanong bukas ang bintana samantalang sigurado siyang isinara niya ito.
Gayon din, patuloy niyang niyayakap ang sarili dahil sa mas tumitinding lamig na nararamdaman, isabay pa ang pag-ugoy kaliwa’t kanan ng gaserang hawak sa kaliwang kamay dahilan upang mas kilabutan siya.
“Bakit ba mas lumakas pa ata ang hangin? May bagyo ba? Wala namang kulog o ano, ah? Diyos ko po, Ama—sandali, bakit—”titig na titig siya sa dako ng kagubatan kung saan parang may imahe siyang natatanaw. Nakatayo ito ilang dipa sa kanilang mumunting tahanan habang parang may suot na hanggang talampakan na damit, kung saan malabo sa kaniya kung tao ba o ano.
“Sindy! Nasa’n ka na?” sigaw nang medyo paos na tinig habang kumakatok, dahilan upang mapatalon siya nang bahagya kasabay ang pagkabasag ng katahimikan sa loob ng kabahayan dahil sa gaserang nabitiwan.
Dahil din dito, tuluyan siyang napalingon sa dako ng pintong pawang kadiliman ang natatanaw habang hindi napapansing nasa gitnang bahagi na siya ng silid; malapit sa kurtinang patuloy pa rin na inililipad ng hangin.
“Sindy!” tinig muli ng may paos na boses. Base sa pagkakaalam niya ang ina ang natatanging nakatira sa bahay-kubo nilang may ganoon na pananalita. Halatang inip na inip na ito sa paghihintay lalo’t ayaw nitong pinaghihintay.
“Opo! Papunta na,” hiyaw niyang muli bago lumingon sa dako ng bintana upang isara ito, ngunit tuluyan na lang tumalbog ang puwetan sa malamig na sahig.
Hindi siya maaring magkamali, nakangisi ito habang nakapatong sa tapat ng bintana. Kaya sa muling pagkakataon tuluyang kumawala ang kapatid-patid niyang sigaw nang akmang lalapitan siya nito habang bakas sa anyo ang nakakakilabot na ngiti.
“Ate, ano’ng nangyayari sa ’yo?” naalimpungatang tinig mula sa kay Cora.
“Ate Sindy, ano’ng mayroon?” iritableng segunda naman ni Maria. Kakarating lang nito mula sa pinto. Kinukusot pa ng kaliwang kamay ang kaliwang mata habang nagsusumayaw naman ang kakarampot na gaserang hawak nito.
Mababakas din ang antok nito dahil sa bahagyang pag-ugoy ng katawan kaliwa’t kanan. Samantala, matapos maobserbahan ang kapatid at ang bintana, muli na naman niyang inilugmok ang sarili sa tuhod; nasa gilid na siya ng papag ni Cora.
Hindi niya makalimutan ang nagbabagang mata ng kulay kahel na pusa, kung saan naglalabasan pa sa singit ng ginintuang ngipin nito ang pulang kung ano, bagamat malabo pero batid niyang kakaiba ang hayop na iyon.
“Anak, ano’ng nangyayari diyan?” nagpapanik na sigaw ng ina dahilan upang mas lumakas ang kalampag ng pinto.
“Sindy!” segunda naman ng may seryosong tinig; walang iba kundi ang kaniyang ama. Base sa boses nito’y labis itong natataranta, isabay pa ang kalansingan nang naglulumakas na balya ng kadena; gawa kasi ang pinto sa matibay na kawayan kaya mahirap mabuksan.
Nang lingunin muli niya ang bintana, sinusuri na ito ni Maria, dinungaw pa nito ang ulo sa magkabilang gilid gamit ang ilawan. Kaya naman, doon din niya napansin ang isang umbok na basket na puno ng mga hindi pa natutuping damit. Nakapatong sa lamesa; sa gilid ng bintana, kaya maaring hindi nga nakita ni Cora ang nasaksihan niya.
“MAMAMATAY AKO SA kakatawa. Akalain mo ’yon, Bruno? Sandali, baka naman masyado kang hard sa kaniya?” nakangiting pukaw niya sa pusang nakapatong na sa taas ng sanga. “Sus, umamin ka na, trip mo ba? Maganda ba sa malapitan?” pangungulit niya habang nakahalukipkip pa rin.
Nasa alaala pa rin niya ang natunghayang babae na nakatanaw sa bintana; may mahabang buhok na may katamtamang hubog ng katawan habang nakasuot ng puting damit na bumagay sa kayumangging kutis. Nakikita rin niya ang bahagyang pagkakunot-noo nito habang lubhang naguguluhan sa mga nagaganap. Titig na titig din ito sa dako niya, halatang sinisigurado nitong ’di nananaginip sa natatanaw.
“Ngiyaw!” pukaw sa kaniya ni Bruno na siyang ikinapiksi niyang lingon dito. Nasa paanan na niya ito habang kinakagat ang laylayan ng kaniyang suot.
“Ano kamo? Manyakis? Hindi ah, iniisip ko palang este ang itsura niya,” nangingiting sagot niya bago muling tiningnan ang bintanang may isang batang babaeng sumusuri sa paligid.
“Ngiyaw! Ngiyaw!”
“Bruno, binabalaan kita, tigilan mo ’yan. Hindi ako manyakis. Sinusubukan ko pa lang,” banat muli niyang nakangisi. “Ops, tama na, huwag ka ng umangal, kay babae mong nilalang, manyakis ka mag-isip,” aniyang tuluyang napahalakhak.
“Ngiyaw! Ngiyaw!”
“Sus, kunyare ka pa, bet mo lang si Apricot e, pero sabagay, mana sa may-ari ’yon,” aniyang humalakhak muli. “Ops, tama na, isusumbong kita. Sige.”
“Ngiyaw! Ngiyaw!”
“Hoy, sumusobra ka na. Uulitin ko, hindi ako manyakis, mapagmahal ako at gawapo,” diniinan pa niya ang pagkakasabi ng huling pangungusap. “Sandali nga, bakit ba nandito ka na naman, sunod ka nang sunod sa akin, hindi naman ako ang amo mo,” nakangising aniya.
“Ngiyaw!”
“Ano? May dalaw, sumasagot ka na ngayon, ah. Isusumbong kita—pero infairness, nahipnotismo ka na ata niya. Tindi ng epekto e, boto ka agad—bago ’yon,” nakangising aniya.
“Ngiyaw!”
“Oh, talaga? Maganda siya? Puro ka kalukuhan, halika na nga.” Nai-iling na dampot niya sa pusang nasa paanan. “Umuwi na nga tayo,” nangingiting pagpapatuloy niya.
Sa huling pagkakataon muli niyang pinasadahan ng tingin ang buong kabahayan kasama ang pusang nasa bisig, ngunit hindi nakaligtas sa kaniya ang dalawang may edad na lalaki at babae.
Pilit binubuksan ng lalaki ang pinto sa pamamagitan ng pagkukutingting sa loob habang nakahawak naman sa itaas ng pinto ang babae upang tulungang maabot ng asawa ang inaabot sa dakong iyon.
Bakas din sa mukha ng babae ang kawalang pasensiya sa paghihintay sa asawa. Nakikita rin niya ang buka ng bibig nitong nakikipagtalo sa lalaking hingal na hingal sa ginagawa, ngunit nang mabuksan ang pinto, nag-unahan na’ng mga ito sa pagpasok dahilan upang malimutan nila ang gaserang nakapatong sa lamesang nasa labas.
“Ngiyaw!” pukaw ng kasamang pusang nakangisi.
“Tumahimik ka, Bruno.” Himas niya rito bago naging pinira-pirasong papel na naglaho sa karimlan.
NANGINGINIG SIYA SA sobrang takot habang nakayakap pa rin sa mga tuhod. Humagolgol din siya kanina dahilan upang yakapin ni Maria, ngunit nang mag-angat ng tingin muli sa bintana maging kay Cora, doon niya nakita ang nakakunot-noo na tingin nito sa kaniya. Kaya muli na naman siyang napayukong napalugmok upang maibsan ang bigat na nararamdaman.
“Pang, Mang!” nag-uumapaw na tinig mula kay Cora dahilan upang mag-angat muli siya ng tingin sa gawi ng pinto. Doon tumambad sa kanila ang ina at ama na nakatayo.
“Dumating na pala kayo, Mang. Tingnan ninyo nga po si Ate Sindy bigla na lang nagsisigaw. Wala naman akong nakitang kahit ano, e,” iritableng sumbong ni Maria. Bakas sa boses nito ang pagkadisguto na siyang ikinayuko niyang muli.
“Ano ba kasing nangyari, Sindy?” tanong ng ama sa nakikisimpatyang tinig.
“Ewan, Pang, biglang ganito na lang si Ate Sindy. Nagising ako sa sigaw niya, akala ko kung ano ng nangyari pagpunta ko rito wala naman akong nakitang kahit ano,” singit na sagot ni Maria sabay tayo. Tuluyan siya nitong binitiwan.
Dahil sa narinig tuluyang nawala ang takot na nararamdaman at napunta sa paninikip ng dibdib. Ramdam niya ang pananalitang binitiwan ng kapatid na sadyang nagpapabuhos ng mga butil na luhang hindi na kayang pigilan pa.
Masakit isipin na ganoon ang trato ng mga taong labis niyang minamahal. Kung sino pa iyong dapat umunawa at kumalinga sa kaniya siya pang magpapabigat ng nararamdaman sa kasukuyan. Ni wala siyang maramdamang pag-aalala sa mga ito na siyang ikinasasama lalo ng loob.
“Tahan na, Sindy. Huwag ka ng umiyak, naiinis lang ang kapatid mo intindihin mo na lang, ikaw naman kasi bigla ka na lang nagsisigaw,” anang ina dahilan upang maging gripo ang mga luhang kumakawala sa mga mata.
“Pasensiya na po, Mang, hindi ko naman po gustong makabulabog ng mga natutulog,” humihikbing aniya habang patuloy sa paglalaglagan ang mga butil na luha sa mga mata.
“Naiintindihan ko, Sindy. Pagpasensiyahan mo na si Maria, unawain mo na lang total ikaw naman ang ate,” paliwanag ng ina na siyang mas ikinahigpit lalo ng dibdib niya. Porke’t siya ang matanda, siya dapat ang umunawa, “Unfair,” sulsol ng isip niya habang hindi inaangat ang tingin sa ina.
Pilitin mang i-ignora ang lahat ngunit sadyang hindi niya maiwasang maramdaman ang galit at inggit para sa kapatid. Sa huli, tanging pagluha na lang ang nagawa niya para kahit papaano maibsan ang sakit at tampo na nararamdaman.
Hindi rin niya maiwasang maramdaman na sobrang sama niya sa pagkakataong iyon para masaktan at maabala ang mga kasambahay, pero sa kabila ng galit na nararamdaman, pilit pa rin niyang pinipigilan ang sobrang daming emosyon na nagpapasikip ng kalooban.
“Ano ba kasing nangyari? Bakit nagsisisigaw ka na naman?” seryosong tanong ng ina na siyang mas ikinabuhos ng mga luhang ayaw ng mapatid. Mabigat man ang naririnig mula sa sariling ina iniangat niya ang tingin dito.
Sa una, nananatili siyang tahimik pero tuluyan din niyang ikinuwento ang mga nangyari. Nakaupo na’ng ama sa tabi ng pintuan habang nakapatong naman sa kanang balikat nito ang ulo ni Maria na inip na inip na; kaya pumikit na lang. Nasa tabi naman niya ang ina na nakaupo sa espayo ng higaan ni Cora na siyang bakas ang pagiging iritable.
Nakalagay naman sa sahig ang dalawang lamparang magkahiwalay ng puwesto kaya kahit papaano lumawak ang nasasakop ng liwanag. Matapos ang detalyadong pagkukuwento agad na siyang napayuko. Hindi rin kasi niya sigurado kung pakikinggan ba o maniniwala ang mga ito sa pinagsasabi niya.
“Mga anak, kumain na ba kayo?” nauutal na basag ng ama matapos ang pandaliang katahimikan.
“Oo nga mga anak, marami kaming dalang prutas baka gusto ninyong tikman—matatamis ang mga ’yon,” sang-ayon naman ng ina na mukhang naintindihan ang nais ipahayag ng ama.
“Talaga po, Pang, Mang?” masayang tinig naman ni Cora.
“Oo, Cora, gusto mo ba noon? Ipagbalat kita?” sagot naman ng ina rito.
“Opo, Mang, puwede po ba?” masayang tanong din ng bunsong kapatid.
“Mang, Pang,” singit naman niya sa tangkang pagsagot ng ina at iniangat ang tingin sa mga ito. Naghahanap ng taong makakaunawa sa mga sinasabi.
“Halika na, Sindy, kuhanin na natin ang mga kagamitan sa hapag, dito na tayo kakain,” paibang sagot ng ina, animo’y walang narinig na pagbalangkas mula sa kaniya.
“Mang,” naluluhang anas niya muli. Pilit naghahanap ng pagsang-ayon mula rito ngunit nang makita ang kawalang pakialam nito tuluyan nang bumuhos ang mga luhang hindi niya akalaing lalabas pa mula sa mga mata.
“Gusto ko ’yan,” singit naman ni Maria na siyang baling ng ina rito; kinuha kasi nito ang isang lampara at patakbong sumunod sa ama na kakalabas lang; hindi rin siya pinakinggan.
“Yiheey! Salamat, Mang,” segunda naman ni Cora. “Nga pala paano po pala si Ate Sindy?” Hindi niya mawari sa pananalita nito kung nakikisimpatya o nang-aasar lang.
Minsan hindi niya maintindihan ang nakababatang kapatid kung kakampi o kaaway. Lumalabas din kasi ang kagaspangan ng pag-uugali nito na siyang hindi niya kayang itanggi.
Napapaisip tuloy siya na kaya ito nagkaroon ng karamdaman dahil sa pag-uugali o dahil sa karamdaman kaya ganito ito umasta. Hindi rin niya alam kung dala ng pagkabalisa sa sitwasyon kaya ganoon o talagang may galit ito sa kaniya sa hindi malamang kadahilanan.
May nakapagsabi kasi sa kaniya na kaya raw nagiging masama ang ugali ng mga gifted ay dahil sa karamdaman na pakiramdam pinabayaan sila ng diyos pero salungat naman ito sa iba dahil para sa kanila puwedeng dahil sa kagagawan ng mga magulang katulad ng pinalaglag, kahirapan, pagiging mapangkutya sa kapwa at marami pang iba.
Kung siya naman ang tatanungin, para sa kaniya, sa halip maging negatibo ang pagtanggap sa ganoon, mas magandang gumawa ng mabuti at piliting maging masayahin, matapang at maging palaban sa buhay kaysa manisi at mainggit sa iba.
Dahil naniniwala siyang ang pagiging konpident para sa sarili ang makapagpapasaya sa sinuman. Ang pagtanggap naman ang makapagbibigay ng kalayaan upang maging masaya kahit pa pakiramdam na iba sila sa lahat. Sabi pa nga nila, ang pagiging iba, isip lang ang nag-uudyok pero ang puso ang makapagsasabi ng katotohanan kahit anong klase nilalang pa.
“Hayaan mo na siya, Cora, baka namalikmata lang ang ate mo,” walang kagatol-gatol na sagot ng ina.
“Mang, totoo po ang nakita ko. Bakit ayaw po ninyong maniwala?” napatayong salungat niya rito. Pilit niyang inilalaban ang bagay na nakita ng sariling mga mata. Wala siyang pakialam kung sabihan siyang nababaliw pero hindi siya sinungaling.
“Sindy, alam mo naman na sobrang dilim paggabi ’di ba? Bakit? Hindi ka pa ba sanay sa buhay nating ganito? Utang na loob, Sindy, ang dami na nating problema, sana naman huwag munang dagdagan pa dahil diyan sa kabaliwan ng mga iniisip mo!” hiyaw ng ina dahilan upang mapatulalang mapatitig siya rito.
Hindi na rin niya namalayang nag-uunahan na namang pumatak ang mga luhang hindi na mapigil sa pagtulo. Pakiramdam niya napipi siya at may ilang patalim na sumasaksak sa dibdib, kung saan hindi siya makahinga.
“Mang, nabibigla ata kayo. Alam mo naman pong ganyan na si Ate Sindy simula pagkabata. Huwag naman po kayong ganyan,” basag ni Cora sa katahimikang namuo dahil sa binanggit ng ina.
“P-pasensiya ka na, anak—Sindy,” paumanhin ng ina na akmang hahawakan siya matapos mapagtanto ang mga nasabi.
Ngunit tuluyang hindi nito naidantay ang kanang kamay nang mapaupo muli siyang mapahagolgol. Hindi niya kayang tanggapin ang mga bagay na narinig mula sa sariling ina. Hindi rin niya akalain na mauulit ang mga bagay na matagal ng kinalimutan sa mahabang panahon.
January 2005, Araw ng Lunes
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top