D/S 17: LAST GLIMPSE of an EYE
“Pasensiya na talaga kayo mga Iha at Iho,” ani Aling Maring na kabababa lang ng sasakyan.
“Ano ba kayo, Aling Maring. Okay lang po. Wala pong problema sa amin. Kami nga po itong trespassing sa lugar ninyo,” sagot ni Elaine na pababa na rin.
“Kahit na, Iha. Kung hindi kayo namasyal dito hindi ninyo matatagpuan si Sindy. Kaya nga laking pasasalamat ko na pumunta kayo rito dahil kung hindi, ewan ko na. Baka kung ano ng nangyari sa batang iyan. Maraming salamat talaga, Ineng.”
“Naku po, masaya kaming makatulong sa inyo. Wala pong problema,” dinig pa niyang sagot ni Elaine.
“Nga pala, Iho, Bran este Brent, akin na si Sindy at ng maipasok ko na. Laking abala na sa iyo ang batang ito. Pasensiya ka na,” ani Aling Maring na siyang ikinalingon niya rito.
“Oo nga, Honey, ibigay mo na iyan. Masyado na silang abala sa—”
“Shut up, Shaina. Hindi ko kailangan ng opinion mo!” baling niya rito na siyang ikinaikot lang ng mata nito.
“I-Iho, akin na si Sindy. Ako na ang bahala sa kaniya. Pasensiya ka na talaga kung nakaabala na kami sa ’yo.”
“Aling Maring, wala pong problema. Ano ba kayo. Huwag ninyong intindihin iyong isa riyan. Wala ng ginawa kundi dumakdak na walang kakuwenta-kuwenta,” iritableng lingon niya sa babaeng napaikot muli ng mata. Nakababa na rin itong nagpapadyak na animo’y nilalamok.
“Arte,” bulong niya na siyang ikinalingon din sa kaniya ni Aling Maring.
“Hayaan muna, Iho. May mga ganyan talagang tao. Okay lang, naiintindihan ko ang pag-uugali niya. Huwag mo na lang patulan para hindi na kayo mag-away pa.” Tapik sa kaniya ng ginang na siyang ikinabuntonghininga niya.
“Ang hirap po kasi, Manang. Sumasakit ang ulo ko sa babaeng iyan.” Nai-iling niyang baling muli rito. Nakatingin na ito sa paligid na bakas pa rin ang arte sa katawan.
“Hindi ka mananalo sa taong sarado ang isip at prinsipyo, Iho. Hindi mo puwedeng ipilit sa kaniya ang bagay na naiintindihan niya pero ayaw niyang bigyang pansin. Para kang sumugod sa giyera na walang kalaban-laban pero ginawa mo pa rin dahil wala ka ng pagpipilian,” ani Aling Maring na nakangiti na sa kaniya.
Napabungtonghininga naman muna siya. “Tama kayo, manhid ang isang iyan. Ilang beses ko ng prinaprangka pero masyado siyang walang pakialam, Manang.”
“May pakialam siya, Iho, pero ayaw niya lang tanggapin at unawain. Natatakot siyang magiba ang binuo niyang barrier kung hindi siya mananatili sa dating puwesto, parang bantay ng kaharian. Kapag nawala sa katinuan ang pinuno apektado ang buong kaharian, at kapag ang bantay ay nawala sa dating lakas at katatagan sa pagbabantay magiging resulta ito ng pagkasira ng buong lakas pandigma ng isang buong angkan,” makahulugang turan ni Aling Maring na siyang hinahangaan niya dahil sa pagiging matalinghaga kung magsalita.
Napangiti na lang tuloy siya. “Tama po kayo, Manang. Pinipili nilang ayusin at bigyang ng isa pang pagkakataon ang bagay na papunta na sa pagkawasak. Baka sakaling maisalba pa. Tama po ba?” nakangiting sagot niya.
“Gaya ng sabi ko, Iho. May pakialam sila.” Napangiti na lang din ito sa kaniya.
“Aling Maring, ano pa ang mga iyan?” biglang sulpot ni Elaine na siyang ikinatigil ng tinginan nila ng ginang.
“Ayan ba.”
Hindi magkandakumahog ang mga tao sa paglabas-pasok sa bahay na katamtaman lang ang laki. Palibhasa’t likas na sa baryong tulad ng ganito ang nakaugaliang pagkakawanggawa. Gaya sa aralin na itinuturo sa kanila, ganito ang mga senaryong kaniyang nakikita. Tuwing may kasal, kaarawan, namatayan o anumang handaan ay nandiyan ang mga magka-kapitbahay para tumulong sa isa’t isa, pati ika nga ng mga matatanda may pakpak ang balita. Kaya kahit anumang okasyon nakararating sa mga ito ang lahat, maging sa mga karatig-bayan, dala na rin ng pagkakakilanlan ng bawat angkang pinanggalingan.
“Pagkakawanggawa ang tawag diyan, Iha. Ganito ang mga tao rito tuwing may mga okasyon. Nagtutulungan sila sa abot ng kanilang makakaya,” dinig niyang sagot ng ginang. So tama nga siya.
Agad na nawala ang atensyon niya sa dalawa ng tumunog ang kaniyang pambisig na orasan. “6:30 na?” Hindi pa naman kasi masyadong madilim kaya akala niya alas-singko pa lang. “Hays.”
Agaran din na bumalik ang atensyon niya sa dalawang nasa harapan maging sa kubo na may mga taong may dala-dalang kagamitan na kung ano-ano. May naglalagay ng upuan, nakaupo, habang ang iba naman ay nakatunghay na nagbubulungan. Nakatingin ang atensyon sa kanilang bagong dating.
“Ganoon, Ho, ba? Ang galing naman po. Masaya po pala rito. Ang ganda pong tumira sa ganito kung ganoon,” sagot ni Elaine na natatawa.
“Patayo na tayo ng bahay dito, Babe?” Sulpot ng pinsan niyang akala niya nawala na.
“Sana nga, Ineng, kaso sa nakikita ko hindi na ganoon kaganda ngayon kaysa noon. Noon halos lahat nagtutulungan, ngayon may iilan na lang. Nakakalungkot nga na baka sa susunod na mga dekada’y tulungan na itong makalimutan ng iba dahil sa pagiging ganid at mapagmataas sa kapwa tao,” nakatulalang ani Aling Maring na siyang ikinalungkot niya nang bahagya. Oo nga naman, napapansin niya rin iyon. Bagamat hindi siya mabuting estudyante pero alam niya at nakikinig siya sa aralin lalo’t Filipino subject. Kaya naman minsan may pagkamalalim siyang magsalita.
“Ho? Hindi na po ba gaya noon?” tanong ni Elaine na bahagyang nagitla.
“Nakakalungkot pero ganoon nga, Iha. Hindi na gaya noon, dahil sa nakikita ko sa kasalukuyan marami ng nagbago. Nagkakaroon na ng pagkakagrupo-grupo. Marami ng nang-uutas ng kapwa at naninira. Sa halip magtulungan at magkaunawaan sa kahinaan ng iba, mas ibinababa nila ang kapwa nila kapitbahay, kamag-anak, kaibigan higit sa lahat kapwa nila kapamilya. Kaya sa huli, galit, poot, pagkamuhi, at kawalang pagmamahal at respeto na ang nagaganap. Hindi na gaya ng dati. Maaring ito na ang huling pasilip para sa nakaraan na maaring hindi na natin makita sa mga susunod na henerasyon. Kaya sana inyong turuan ang inyong mga magiging supling na maging makatao at matutong gumawa ng mabuti kahit pa marami ng masama sa mundo,” anang ginang na mas ikinalungkot niya. Dama niya ang bawat titik sa sinabi nito. Nakakalungkot nga na ganoon ang maaring maging sa kasalukuyan kung hindi maaagapan.
“How sad naman, Tanda.” Halukipkip na singit ni Shaina. Wala talaga itong karespe-respeto. Bakit ba ’to nagustuhan ni Daddy para sa kaniya? Kahit wala siyang modo at pasaway na anak hindi naman nawawala ang kawalang respeto niya sa kahit sino. Mayaman o mahirap pa.
“Can you please, shut up, Shaina Tuazon! You're not helping them. Kahit ngayon lang, respect the bereaved family,” nagpipigil na banat ni Elaine. Ayaw na ayaw talaga nito ng ganitong pag-uugali. Madalas kasi tagapagtanggol ito ng naaapi.
“Duh, whatever!” sa halip na sagot nitong iniikot muli ang mata.
“Oh, God, Shaina, just for now, respeto naman Kanina ngayon lang. Baka nakakalimutan mo dayo lang tayo rito?” saway pa rin ni Elaine na puno ng pagtitimpi, kahit kanina pa ito nanggigil sa kagaspangan ng pag-uugali ng kaharap, maging kasi sa sasakyan kanina hindi nito pinalagpas ang pambabastos at pagtawag ng tanda kay Aling Maring.
“Duh, paki ko ba?” anitong mas ipinustora pa ang sariling iniikot ang bilugang mga mata.
“Shaina. Damn it,” nagpipigil na nanggigil na singit ni Jheo. Bakas ang kawalang pagpipigil nito sa katabi. “Shit!”
“Okay lang, Balong. Hayaan ninyo na. Sanay na ako sa mga ganyan. Walang problema sa akin, ipapakuha ko na lang si Sindy sa mga binata roon.” Tinapik pa nito ang pinsan at si Elaine.
Napabuntonghininga na lang si Jheo na bakas pa rin ang nagpipigil na titig sa katabi. “Hayaan muna, Babe.” Tapik naman din ni Elaine dito sabay hawak sa kanang kamay na hinalikan nito. “Hayaan na natin, Babe.”
Nang bumalik ang wisyo niya sa pagiging sweet ng dalawa. “Ho? Manang, ako na po,” sigaw niya na siyang ikinalinga ng ginang sa kaniya maging ang magnobyo-nobya na walang pakialam sa kaniya kani-kanina lang.
“No! Let them, Honey,” hesterikal na singit ni Shaina, dahilan upang mapalingon sila lahat muli rito. “Sabi ko nga natatahimik na ako. Mukhang kakainin ninyo ko ng buhay.”
Napailing na lang siyang agad na ipinuwesto ang babae upang buhatin. “Iho, tatawag na lang—”
“Okay lang po, Manang. Kaya ko na po ’to. ” Nabuhat na niya ang babaeng wala pa rin kamalay-malay sa mga nangyayari.
“Honey, Brent—”
“Shut up, Shaina. Baka hindi ako makapagpigil sa ’yo. Kanina ka pa. As far as I know, you’re not even my girlfriend. So, Stop it!” hindi niya napigilang masabi. Pikon na pikon na kasi siya sa ugali nito.
At mula sa peripheral vision niya, bakas ang pagkagitla nitong hindi agad na nakaimik pero mayamaya ay nagkunware itong wala lang ang narinig. “Whatever, duh!” Napailing na lang tuloy ang pinsan niya.
“Halika na, pumasok na tayo. Mukhang mabigat pa naman ang batang iyan,” singit ni Aling Maring na siyang nagpatiuna na sa paglakad.
Mas tumahimik naman ang lahat nang makalapit sila, pero mayamaya lumabas mula sa pintuan ang lalaking may edad na, nakaseryoso itong bumungad sa kanila. Malamang may nagsabi ritong dumating na sila base na rin sa ekspresyon nitong bakas ang pagdadalamhati.
“Maring, pasok kayo.” Bakas ang pagtataka at hindi mabasang ekspresyon nitong malugod pa rin silang inanyayahan.
“Nahanap ko siya sa Ilog. Mabuti na lang at narito ang mga kabataang ito na siyang unang nakakita sa dalaga mo. Nalunod na raw ito nang matagpuan nila,” pagpapaliwanag ni Aling Maring na siyang ikinanlaki ng mata ng lalaki.
“Oo nga pala, Isko, si Sindy,” baling nito sa kaniyang buhat-buhat ang babae. Doon naman ito natauhan at nagpatiunang umakyat ng hagdan.
“Maupo muna kayo rito, mga Ineng at Balong,” dinig niyang ani Aling Maring na siyang sinunod naman ng mga kasama.
Pagkarating sa kuwarto agad niyang inilapag ang babae bago tuluyang lumabas. “Salamat pala, Balong, sa pagsagip sa buhay ng anak ko,” wika ng lalaking kasunod niyang lumabas ng kuwarto.
“Wala pong problema, Sir,” magalang niyang sagot.
“Masyado ka namang pormal, Balong. Tay Isko, na lang.” Tapik sa kaniya nito bago siya tuluyang bumaba ng hagdan habang kasunod naman ito.
“Salamat din sa inyo mga Ineng at Balong," baling naman nito sa mga kasama na nakaupo na. Magkatabi ang magkasintahan habang nakatayo si Shaina na pinagmamasdan ang kabuuan ng kusina. Bakas pa rin ang pag-iinarte nitong ayaw umupo.
“Walang anuman po,” magalang na bati ni Elaine.
“Oh siya, kumain na muna kayo,” anang sulpot naman ni Aling Maring na siyang nakababa ng naghahanda ng pagkain nila.
Dahil sa pagtutulungan ng mga mamamayan sa bayang iyon, madali at hindi nahirapan ang mag-asawang sa mga kakailanganin. Base sa tantiya niya nahati ang mga tao sa gawain, may tagaluto at kung ano-ano pa. Gayon din habang nasa hapag doon nila na-kuwento kung bakit nandoon sila ng araw na iyon, at sa huli rin, napilitang makiayon ni Shaina sa sitwasyon ayon na rin sa pananakot niya na iiwan niya ito roon.
Gayunpaman, sa halip magalit ang mga taga-roon. Nalugod pa ang mga ito na roon daw nila napiling pumasyal kahit pa maraming ayaw pumasyal doon dahil sa mga iba’t ibang haka-haka, higit din ang pasasalamat ng mga ito sa pagliligtas nila sa babaeng panganay pala sa magkakapatid.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top