D/S 1: TWO WORLDS

Naalimpungatan siya nang maalala ang gawaing nakatakda sa araw na iyon. Dumagdag pa ang nakasisilaw na haring-araw na patuloy sumisilip sa siwang ng bintana.

      “Sandali.” Nakakunot-noo na tingin niya sa kulay dumihing kalendaryo; nakadikit sa likod ng pinto. “Sus me, ano ba naman ’to. Inaantok pa ako, e.” Nakangiwing kuyakoy niya sa papag. “Sabado nga,” buntonghininga niya. “Welcome sa bagong umaga, Sindy,” bulalas niya sa sarili sabay tingin sa dingding na nai-iling.

     Nakatayo ang kanilang mumunting kubo sa mapunong lugar na kababakasan ng katandaan; minana pa raw kasi ito ng kaniyang ama sa namayapang mga magulang. Kaya naman, gustuhin man maisaayos ngunit wala pang panahon ang mga ito dahil sa abala pa sa pagbebenta ng mga gulay, prutas maging sa pagsasaka upang matugunan ang kanilang pangangailangan.

     Bagamat hindi sila mayaman ngunit ang pamumuhay ay maihahalintulad din sa mga pilipino na kahit papaano nakararanas ng kaginhawahan sa buhay. Samantala, tatlo naman silang magkakapatid na puro babae, si Maria ang pangalawa na nasa sekondarya habang si Cora ang bunso.

    “Bakit ba ang hirap maging panganay?” Bakas sa mukha niya ang panlulupaypay na siyang nadagdagan pa nang tumunog ang orasang nakapatong sa mesa; katabi ng hinihigaan. “Isa pa ’to.” Tapik niya rito. Hindi niya maiwasang mainis kapag naaalala niya ang kaniyang obligasyon bilang panganay.

    “Sana naging bunso na lang ako,” muryot niya bago tuluyang bumangon sa pagkakahiga at pagkukuyakoy. “Nakakainis. Matutulog pa sana ’ko, e. Lintik na buhay ’to.” At ginulo ang dati ng magulong buhok.

     Nang tuluyang mahimasmasan agad na siyang tumayo at pabalyang ibinagsak ang kawawang pinto. Sa halip kasi na makapagpahinga dahil walang pasok pero ito siya at gagawa ng mga gawaing bahay.

     Minsan nga naiisip niyang sana hindi na lang siya ang naunang naipanganak upang hindi laging napagbubuntunan ng galit kapag may nagawa o mayroong hindi inunawa. “Ang hirap talaga. Kainis.”

     Gayunpaman, dahil sa pagkawala ng isip, namalayan na lang niyang nasa tapat na siya ng silid ni Cora. Nakaawang nang bahagya ang silid nito na siyang itinulak na lang. Sa tuluyang pagbukas, tumambad sa kaniya ang nahihimbing na kapatid. Kaya naman, napagpasyahan na lang niyang mag-obserba.

     Katamtaman ang laki ng kama nito na gawa sa kawayan, nasa gitnang bahagi naman ang nakabukas na ’di kalakihang bintana; sapat ang liwanag na nagmumula rito upang tuluyang makita ang kapatid na may gamit na Tatlong kulay kalimbahin na unan habang natatakpan ng bulaklaking kumot na hanggang balikat.

     Bakas din sa mukha nito ang kalungkutan bagamat maamo itong tingnan. Gayunpaman, matapos maobserbahan ang kapatid dumako naman ang tingin niya sa lalagyanan ng mga bestido na nakatiklop maging sa mga nakasabit.

    “Mga damit na hindi nagagamit—Cora, ano bang nangyari sa ’yo?” aniya sabay baling sa kapatid.

     Nakaratay at sinusubuan lang nila ito ng makakain, sa pagligo naman kanila itong pinupunasan gamit ang bimpo na may sabon at pinapatuyo sa pamamagitan ng tuwalya at elektrikpan na tumutunog; may natanggal pa ata na parte.

     “Nga pala, nasaan na naman kaya ang batang ’yon?” At muling inilibot ang tingin sa nakabukas na bintana ngunit tanging ingay ng manok at nagugutom na baboy ang narinig mula sa ’di kalayuang kapitbahay. “Pasaway talaga.” Muli niyang pinasadahan ng tingin ang nahihimalay na kapatid bago tuluyang lumabas.

“MARIA! MARIA! NASA’N KA?” sigaw niya habang pababa ng hagdan ngunit wala pa rin tugon mula rito. “Saan na naman kaya nagpunta ang batang ’yon? Kahit kailan talaga, oo. Sa akin na lang ba lahat ng responsibilidad? Naku po.”

    Nakababa na siya lahat-lahat ngunit ni anino nito’y wala. Nakarating na siya sa labas ngunit tanging ang mayayabong na dahon ng punong dahan-dahang umuugoy lang ang naabutan.

    Ito talaga ang gusto niya sa probinsya, malayo sa magulong kabayanan pagkat dito niya nababanaag ang katahimikan na siyang nakasanayan at sapat upang maaliw sa mga bagay na nagbibigay kalungkutan.

    “Buwisit, talagang wala rito ang batang ’yon,” aniya nang maalala ang pakay. Sa sobrang lalim pa ng mga iniisip, nakita na lang niya ang sariling nakatayo sa tarangkahan habang nakatingin sa kabilang dako; may matandang babaeng nagwawalis ng bakuran.

    Dahil sa nakita, agad siyang napatingin sa bahay-kubo nilang nakatayo; maliit man ngunit malaking bagay ito upang magkaroon ng sariling tahanan: kung saan maiiwasan ang pang-aalipin, pang-aapi at pagmamando sa mga bagay na gustong gagawin sa loob ng tahanan.

     Gayon din, sapat ang laki ng bakuran upang makapaglaro, ma-relax at makapagtanim ng mumunting gulay gaya ng: talong, okra, dahon ng ampalaya, sili, malunggay at marami pang iba.

     May ilan na punong mangga rin ngunit wala ng bunga dahil tapos na panahon nito, pero ang lamig na naibibigay nito’y sadyang nakapagpapagaan ng pakiramdam kahit pa tirik na tirik ang haring-araw.

    “Mukhang maaga na namang nagising si Mamang, ah,” nangingiting tunghay niya sa malinis ng bakuran, at tanging ang paisa-isang hulog ng dilaw at berdeng dahon lang ang naroon.

    “Sana laging ganito ang buhay: may malamig na simoy ng hangin, maaliwalas na kapaligiran at malayo sa mausok na siyudad. Nawa’y maging sa panibagong panahong darating walang lilipas o magbabago man lang—sus me! Ano na naman bang mga pinagsasabi ko? Naku po! Makapagluto na nga lang.”

“MAGANDANG UMAGA, BINIBINI. Mukhang ang aga mo atang nandirito?” mapaglarong ngiti ng may singkit na mga mata habang nakasuot ng kulay bughaw na damit.

     “Ano’ng ginagawa mo rito? Umalis ka, naliligo ako,” nagkandautal na sagot ng babaeng kaharap. May singkit din itong mga mata na siyang nakikita lang dahil sa pagpupumilit nitong ilubog ang sarili sa malabnaw na kulay bughaw na batis.

    “Bakit? Iniisip mo bang mamanyakin kita? Maliligo kaya ko,” mapang-akit na ngiti nito habang dahan-dahang tinatanggal ang suot.

    “Ano’ng—manyakis!” hiyaw ng babae habang tinatakpan ang sarili. Patuloy nitong iwinawasiwas ang tubig habang pinananatiling nakalubog ang sarili.

    “Hindi ako manyakis. Maliligo lang din kaya ako,” papalapit ito nang papalapit sa babae.

     “Manyakis! Ina!” hiyaw ng babae sa mas malakas na himig. Mas lalo nitong inilubog ang sarilli. “Ina!”

      Mayamaya’y nakarinig na lang sila ng maraming yabag. “Ginoo, utang na loob, ano pong ginagawa mo riyan?” puna ng babaeng may lilang buhok.

     Napasigaw na lang siya bago napabangon nang magising. “Damn it! Ano ba ’yon? Huwag mo sabihing isandaang taon na’ng nakakalipas—imposible, narito pa rin ang lubid na ito?” nakakunot-noo niyang titig sa palapulsuhan.

      Agad din nalipat ang tingin niya sa kabuuan ng silid. Madilim, sobrang dilim ng paligid, tanging ang pulang ilaw na malabnaw lang sa bawat sulok ng silid lang naroon. Ramdam din niya ang init na siyang nagpapaliyab sa buong katawan, maging ang patuloy na pagtulo ng pawis habang dala sa isipan ang panaginip na nagpapagulo ng kamalayan.

     “Sino naman kaya ang dalawang batang ’yon?”

Ginalaw-galaw pa niya ang kulay simbolika na lubid sa dalawang kamay at paa. Base na rin sa pagkakaalam niya, Rope of Bluestone ang tawag sa uri ng batong-lubid; kung saan katumbas ay pagkakatulog at pagkakakulong.

     May kasabihan pang ginagamit ang lubid upang pigilan ang mga kaganapang mangyayari sa kasalukuyan, na hanggang ngayon ay malabo pa rin sa isip niya ang ibig ipakahulugan. “Damn it,” hiyaw niya.

    Kasabay rin ng pagsigaw ang pagliwanag ng silid na kinaroroonan. Mula sa pula tuluyang itong naging kulay kahel. Ginamit pa niyang pantakip ang dalawang braso sa mata na siyang natanggal na rin pala. Nang masanay sa liwanag tuluyang niyang inobserbahan ang buong silid; nakukulayan ito ng purong itim habang may apat na poste sa bawat gilid na kulay simbolika.

     Gayon din, nakapagbigay kilabot sa kaniya ang anino ng nilalang na nasa itaas na bahagi. Nakikita niya ang naglalakihang pakpak nito na may nagbabagang kulay kahel. Ang ilaw naman sa bawat poste ay patuloy sa pag-ugoy kaliwa’t kanan, dahilan upang magreplek na buhay ang desenyong nasa itaas, maging ang magarbong himalayan ay kakulay rin ng buong silid at masasabing panghari ang lawak nito.

     Bagamat nakakatakot ang kabuuan ng magarbong piitan, bakas naman ang ganda nito sapagkat sa ibabang bahagi ay may mga kumikinang na batong animo’y buhangin sa sobrang dami; may mga ginto, diamante at kung ano-ano pa. Sinadya ilagay ito rito upang maproteksyunan sa mga magnanakaw. Gayon din, pawang malalakas na nilalang lang ang ipinipiit dito, alinsunod sa kasulatan at kautusan ng mga matatandang Amonian.

     “Hindi ko man alam ang dahilan ng pagkagising ng hindi napapanahon, pero ngayong ako’y nakalaya na—maghanda ka—dahil sa aking pagbabalik, sisiguraduhin kong magbabayad ka sa lahat ng pighating idinulot mo,” wika niya habang nanlilisik ang mga mata.

    Alinsabay sa paglagatukan ng mga daliring nanginginig sa sobrang galit. Nagtalsikan pa ang mga batong naroon nang tingnan niya; alinsunod din sa pagbukas ng silid. “Maligayang pagbabalik, Mahal na Simpulika.”

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top