KABANATA VIII
KABANATA VIII
"Oh bakit?" tanong ko kay Klaude ng makailang beses ko itong mahuling sumusulyap sulyap sa akin habang nagmamaneho. "Ituon mo ang atensyon mo sa daan dahil baka mabangga tayo." mabagal ang kanyang patakbo. Bukod kasi sa makitid ang daan ay hindi na naabot pa ng semento ang papunta sa amin at puro bato at lupa na ang dinadaanan ng sasakyan.
"Yes, boss." natatawang wika nito. Kanina pa nya ako inaasar simula palang paggising namin. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o maiinis sa kanya.
Nang malaman nyang nagtutulug tulugan ako ay pinaulanan na nya ako ng kantyaw. Sinasabi nyang may crush daw ako sa kanya at nakakainis lang hindi ko naman iyon maitanggi kaya hindi nalang ako sumasagot sa kanya.
"Pagkarating sa hacienda ay magpahinga muna tayo ng saglit. Mga hapon ko ipapakita sa iyo ang mga tanim namin. Medyo malaki ang lupain namin at ilang ektarya ang nasasakop ng mga tanim sa bukid kaya maglalaan tayo ng ilang oras doon. Kung hindi natin iyon matatapos ngayong araw ay pwede naman tayong magpatuloy bukas." saad ko habang isinusuot ang shades ko.
"Alam mo na ba ang gagawin mo pagkatapos mong maipakita sa akin ang mga tanim nyo?" tanong sa akin ni Klaude.
"Ang pagkakaalam ko ay iyon lang ang gagawin ko. Hindi na nasundan pang muli ang iniutos sa akin ni Mommy." nilingon ko sya na ngayon ay sa daan na nakatingin. "May iba pa ba akong dapat na gawin?"
Kasabay ng pangungunot ko ng noo ay ang paglawak ng kanyang ngisi. "Gusto mo bang sumama sa akin pabalik sa Maynila?" napalunok ako sa tinuran nya. Matagal pa iyon at marami pang pwedeng mangyari. Siguro nga ay tapos na ang trabaho ko once naipakita ko ang mga tanim namin sa kanya. At pagkatapos non ay wala na akong iba pang ideya kung paano o kailan ulit kami magkikita ni Klaude.
"Bakit naman ako sasama sa iyo pabalik sa Maynila?" takang tanong ko though there's a part of me na pumapayag sa nakakabighani nyang alok. Bakit ako hihindi? Wala namang rason hindi ba?
"Ipapakita ko sayo ang hotel kung saan diretsong mapupunta ang isu-supply nyo sa amin." napatango ako.
"Kung wala akong ibang gagawin at kung papayag si Mama at Lolo ay bakit hindi?"
Hindi ko nga lang sigurado kung paluluwasin pa akong muli ni Lolo pabalik sa Maynila. Hindi naman siguro sya magdududa kung aalis akong muli kasama si Klaude diba? Huwag lang talaga topakin si Lolo ng pagiging-OA nya.
Ilang oras ang binyahe namin at nakikita ko na agad ang hacienda. Matatayog na puno ng niyog ang nakapalibot sa paligid. Isa iyon sa pinagkakakitaan namin. Marami pa kaming puno ng niyog at doon makikita ang ilang trabahador namin na busy sa pagkokopra. Ang iba naman ay ginagawa nilang tuba.
"Malawak pala talaga ang lupain nyo." wika ni Klaude. Napangiti ako habang tumatango. Ilang araw lang akong nawala rito pero pakiramdam ko ay isang taon akong umalis.
"Paki-hinto yung sasakyan. Bababa ako." hindi nagtanong pa si Klaude at inihinto na ang kanyang sasakyan sa gilid. Wala pa kami sa mansyon ngunit nakita ko na ang isang trabahante namin na patungo rin doon. "Manang!" sigaw ko at mabilis akong nilingon ng taong tinawag ko. Kumaway ako sa kanya pagkakita sa akin. Nguniti ito at sinalubong ako ng lakad.
Lumabas na rin si Klaude sa kanyang sasakyan at sumunod sa akin. "Oh, Thyrile! Nagbalik ka na pala!" masayang bati nito at ibinaba ang bilao na nakapatong sa kanyang ulo.
"Opo, pero hindi pa ako nakakarating sa mansyon. Ano ho iyang dala nyo?" tanong ko sakanya. Ipinasilip nya sa akin ang laman ng bilaong hawak at iniligay iyon sa kanyang beywang.
"Ahh, ito ba? Mga pinatuyong daing lang ito galing sa kabilang baryo." pagkatakip nya sa bilao ay napatingin ito kay Klaude tsaka ngumiti. "Syota mo ba ito, Thyrile? Aba't talaga namang napaka-kisig na lalake ah."
Nag-init ang pisngi ko sa sinabi nya. "Hindi po. Hindi pa." natatawa kong wika at pabirong kinindatan si Manang. "Tara na po't sumakay na kayo sa amin kung sa mansyon din ang punta nyo." aya ko para maiba ang usapan ngunit umiling lang ito.
"Hindi na. Baka mangamoy itong dala ko. Mukha pa namang mamahalin ang sasakyan na dala nyo."
Napatingin ako kay Klaude. Tumingin din ito sa akin bago itinuon ang atensyon kay Manang. "Ok lang po. Sumabay na kayo." hinila ko na ang kamay ni Manang kaya hindi na ito nakatanggi pa.
"Kamusta na po sa bukid?" tanong ko at nilingon ito sa backseat.
"Maayos naman ang ani iyon nga lang ay bumagyo kahapon kaya may mga nasirang tanim." napatango ako. May ilan pa akong tinanong. Hindi ko alam pero sobrang sabik na sabik ako malaman ang mga nangyari noong nawala ako. Ganito ako kada-pumupunta akong Maynila.
Ilang minuto pa ang lumipas ng maiparada ni Klaude ang sasakyan sa tapat ng mansyon namin. "Nandito na tayo, tara." huminga ako ng malalim. Una kong nakita si Mang Tonyo na galing sa gilid ng mansyon. Natunugan siguro nito ang pagdating ng sasakyan namin.
"Senyorita, nakauwi na pala kayo. Kahapon namin kayo inaabangan ng Senyor dito sa mansyon." wika nito at magalang na yumuko sa harap namin ni Klaude. Nang makita nya si Manang ay mabilis nitong kinuha ang bilaong hawak.
"Bumagyo kasi kahapon kaya hindi kami nakatuloy dito. Nandoon kami sa bayan inabutan ng ulan. Nasaan na nga pala si Lolo?" iginala ko ang mata ko habang papasok sa mansyon. Nilingon ko si Klaude na nakasunod sa akin. "Wait lang ha?" pabulong kong wika. Tumango naman ito.
"Tatawagin ko nalang po saglit. Sasamahan ko muna itong si Bensya sa kusina." nagpaalam na si Mang Tonyo at si Manang sa amin. Inaya ko si Klaude na maupo muna sa sofa sa maliit naming living room. Nakita ko kung paano sinuyod nito ang kabuuan ng mansyon.
Luma na ang mansyon namin dahil ilang henerasyon na rin ng mga Sante Niego ang tumira rito. Pero kahit na may katandaan na ang mansyon ay pinapanatili pa rin naming maganda ang bawat sulok ng bahay. Matibay at maganda pa rin ang loob nito katulad noong unang mga panahong itinayo ito.
"Maganda pala ang mansyon nyo." komento ni Klaude bago tumingin sa akin. "Sobrang ganda talaga." napaiwas ako ng tingin sa kanya. Iyan na naman sya. Hindi ko alam kung nang-aakit ba o pinagkakatuwaan na naman ako.
"Kasing ganda ko." biro ko at ngumuso.
"Oo, kasing ganda mo." napangisi ako. Alam kong naka-ngiti rin sya kahit hindi ko sya tignan. Sa mga simpleng ganyan nya ay hindi ko maiwasang hindi kiligin. Masyado na ata akong mababaw para kiligin sa gantong mga salita nya.
"Tss, joke lang. Halatang bolero." muli ko syang tinignan at umiling iling lang ito.
"Maganda ka naman talaga. Walang pambobola roon." sumeryoso ang mukha nito. Naputol lang ang pag-uusap namin ng nakita kong pumasok sa mansyon si Kuya Gaige. Agad akong napatayo at sinalubong sya ng mahigpit na yakap.
"Kuya!" ibinaon ko ang mukha ko sa kanyang dibdib. Matangkad si Kuya Gaige at hanggang balikat nya lang ako. "Nakauwi na ako." wika ko ng ihiwalay ko ang sarili ko sa kanya. Hinimas nya ang buhok ko ng nakangiti.
"Mabuti naman. Kamusta ang Manila? Hindi ka naman ba nagpasaway doon?" ngumuso ako sa kanya. Napatingin ito sa aking likuran kaya napalingon ako sa tinitignan ni Kuya.
"Sya nga pala..." hinila ko si Kuya Gaige papunta kay Klaude. "Kuya, this is Klaude Hendricks, one of our clients. And Klaude, this is my cousin, Gaige Ford Sante Niego Quijenes." magkakamay palang sila ng marinig namin ang malakas na sigaw ng Lolo galing sa taas.
"NASAAN?! NASAAN ANG HAMPASLUPANG IYAN?!" malakas na yapak ng paa ang unti unting bumababa sa hagdan ng mansyon. Nakita ko ang Lolo na bitbit ang kanyang rifle at nagmamadaling bumababa ng hagdan.
Agad kong hinarangan si Klaude ng pumunta ang mata rito ni Lolo. Sinalubong naman sya ni Kuya Gaige sa ibaba ng hagdan at doon sya pinigilan. "Iyan ba ang lalakeng nakabuntis sa apo ko?!" sigaw ng Lolo.
"Huh, sinong nabuntis?" takang tanong ko. "Buntis ba si Tryck?" nagkibit balikat lang si Kuya Gaige. Lalake ang pinsan kong iyon. Ano na namang pinagsasabi nitong Lolo ko?
"Huwag mo akong pigilan, Gaige! Saglit at aasintahin ko lang ang baril ko." inayos ni Lolo ang hawak sa baril. Napatigil ang puso ko sa ginawa nya. Isang magaling na hunter si Lolo noong kabataan nya. Isa siguro iyon sa rason kung bakit sya kilala rito sa amin lalo na noong mga kapanahunan nya.
"Lo, stop it." wika ni Kuya Gaige sa kanya at pilit na inaagaw ang hawak nyang baril.
"Bisita natin sya, Lo! Pinapunta sya rito ni Mommy." paliwanag ko.
"Thyrile, what's happening here?" nalilitong tanong sa akin ni Klaude. Hinarap ko sya at medyo inilayo kay Lolo.
"Aba, gumagalaw ka pa ah." mabilis kong iniyuko si Klaude para hindi mahuli ni Lolo. "Wag mong takpan, Thyrile!" sigaw sa akin ni Lolo.
"Lolo, tumigil ka na!" dumating si Mang Tonyo at tinulungan si Kuya Gaige para mailayo ang Lolo sa amin.
"Klaude, I'm very sorry. Hindi sanay ang Lolo na makakita ng lalakeng kasama ko bukod sa mga pinsan ko. Sorry talaga." nahihiyang sabi ko. Pinaupo ko muna sya sa sofa habang sinisilip ang Lolo na pinapakalma ng pinsan ko.
"It's okay." parang tulala na wika ni Klaude. Napabuntong hininga nalang ako. Ilang minuto ang lumipas ng makita kong hawak na ni Mang Tonyo ang rifle ni Lolo. Iginiya naman ni Kuya Gaige si Lolo palapit sa amin. Nakita kong nakakunot ang noo nito habang masamang nakatingin kay Klaude.
"Thyrile, apo ko. Pasensya ka na ha? Hindi ka ba naglilihim sa akin? Hindi ka ba talaga binuntis ng isang 'to?" parang batang tanong nito sa akin. Umiling lang ako sa kanya at hinimas ang likod nito.
"Hindi po, Lo. I'm not pregnant. Walang buntisang naganap. Klaude is our client. He'll stay here for three days habang tinitignan ang mga tanim natin. Hindi ba iyon nasabi ni Mommy sa iyo?" paliwanag ko. Ngumuso ang Lolo at umiling.
"Pero hindi mo naman jowa ito diba?" napakagat ako sa ibabang labi ko. Narinig kong napaubo si Klaude sa kabila kong tabi. Umiling lang ako. "Mabuti naman kung ganon. Ang pinsan mo kasing si Tryck, panay nalang kunsimisyon ang binibigay sa akin. Noong isang araw ay may pumunta ritong babae na nagsasabing nabuntis daw sya ng pinsan mo." napalaki ang mata ko sa sinabi ng Lolo at agad napatingin kay Kuya Gaige para kumpirmahin ito. Napayuko lang ito ng magtama ang tingin namin.
"Nasaan si Tryck?!" tanong ko. Nakakahiya dahil narinig pa ni Klaude ang problema ng pamilya namin.
"Either nambababae o nasa sabungan." napailing ako sa sinabi ni Kuya. Wala pa rin palang ginagawang matino ang isang 'yon.
"Osya, hayaan na muna natin si Tryck. Magpapahinga muna kami ni Klaude." wika ko at tatayo na sana ng hawakan ng Lolo ang kamay ko.
"Doon sya sa kwarto mo matutulog?!" napa-awang ang bibig ko sa tanong ni Lolo habang nakaturo ito kay Klaude.
"Hindi po. Doon sya sa katabing kwarto ko." napailing nalang ako habang tumatango ang Lolo. Kahit kailan talaga! Minsan may pagka-masakit sa ulo itong si Lolo katulad ng mga pinsan ko. Tanging si Kuya Gaige lang ang matino at si Trey.
"Sige na, Thyrile. You rest first." ngumiti ako kay Kuya. "Pagpahingahin na rin muna natin ang bisita." hinatid ko si Klaude sa katabi kong kwarto. Kanina pa tahimik ang isang 'to. Medyo nakakapanibago.
"Klaude..." tawag ko sa kanya bago nya tuluyang maisarado ang pinto ng kwarto nya. "Hindi ka naman natakot sa Lolo, diba?" umiling ito. Pinisil ko ang kuko ko sa aking likod. "Good, then let's see each other again this afternoon. Nasa kabilang kwarto lang ako kung may mga tanong o kailangan ka." huminga ako ng malalim bago ko nilubayan ng tingin ang mga mata nya. "Bye, rest well."
Tatalikod na sana ako ng hawakan nya ang kamay ko. "Wag ka nang umalis, Thyrile." bago pa man ako maka-react ay mabilis na nya akong hinila papasok sa loob ng kanyang kwarto.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top