CHAPTER 22
CHAPTER 22
MABILIS na nagtungo sa kuwarto si Joana.
"Ikaw, Carlos, maupo ka riyan at hintayin mo si Lerma. Bilisan n'yong mag-usap at umuwi ka agad." Nakita niyang paparating na si Lerma. "O, Lerma, kausapin mo ang lalaking ito para hindi nagtutungayaw sa labas. Nakakahiya sa mga kapitbahay," sabi nito at saka iniwan na ang dalawa para magtungo sa kusina.
"Ano pa ba ang kailangan mo, Carlos?"
"Gusto ko sanang humingi ng tawad sa'yo... sa ginawa kong pagloloko. Alam kong nasaktan kita nang sobra. Alam kong binalewala kita at hindi na pinahalagahan. Pinagsisisihan ko na ngayon ang lahat ng mga ginawa ko sa'yo?"
"Anong nakain mo para bigla kang mag-sorry? Don't tell me, sunod mong sasabihin, eh, gusto mong makipagbalikan sa akin..."
"Kung papayag ka... sana," nahihiyang sabi ni Carlos. "Sinabi na sa akin ni Yehlen ang lahat ng ginawa niya, kasama doon ang pagbabayad niya kay Greg para magkasala ka sa akin... para masira ang relasyon nating dalawa. Pasensya ka na. Nangyari iyon dahil ako ang unang nagloko at gusto ni Yehlen na masolo ako kaya gumawa siya ng paraan para magkahiwalay tayo."
"O, anong dahilan at sinasabi mo pa sa akin 'yan? Alam ko na rin 'yan, umamin na rin sa akin si Greg."
"Hiwalay na kami ni Yehlen... Ipinagpalit niya ako sa ex-boyfirend niyang bumalik galing Amerika."
"Sabi ko na nga ba. Bumabalik ka lang kasi iniwan ka na. Gusto mo akong balikan kasi iyon ang convenient para sa'yo. Gagamitin mo na naman ako para may pampa-boost ng ego mo. Para may masabi ka sa sarili mo na may isang babaeng tanggap ang mga kakulangan mo sa lahat ng aspeto ng pagkatao mo kasama na ang sukat ng pagkalalaki mo."
"Lerma, please... Tanggapin mo na akong muli," pakiusap niya.
"Ayokong sumagot ng oo sa'yo, kung ang ibig sabihin no'n, eh, sumagot ako ng hindi sa sarili ko," sabi ni Lerma. You should grow up, Carlos. Bago ka makapagmahal ng ibang tao, kailangan mo munang mahalin ang sarili mo. Kasi, paano mo magagawang magbigay ng pagmamahal sa ibang tao, kung sarili mo mismo, eh, hindi mo magawang mahalin?" sabi ni Lerma. "Marami nang nangyari. 'Yung dating problema lang nating dalawa, nadamay na ang ibang tao... kaya mas lalo tayong gumulo."
"Magsimula tayong muli," suhestyon ni Carlos.
Umiling si Lerma at tapos ay nagpakawala ng mapait na ngiti.
"Tama na, Carlos. Hindi na puwede. Malalim na ang sugat. Masyado nang masakit," sabi niya.
"Pero..."
Ang lahat ng mga nangyari sa atin ay isa lang ang pinagsimulan... ang insekyuridad mo sa buhay. Paano mo mamahalin ang sarili mo? Tanggapin mo ang sarili mo nang buo, iyong walang insecurities. Mahalin mo ang sarili mo, Carlos, hindi para sa ibang tao kung hindi para mismo sa sarili mo. Alam kong nagmumula ang lahat ng insecurities mo sa maliit na sukat ng pagkalalaki mo. Dumagdag pa iyong sobrang pinroblema mo na hindi ka tumatagal sa kama. Alam mo bang hindi naman lahat ng babae ay bumabase sa sex kapag nagmamahal sila ng lalake? At hindi rin lahat ay gusto nang mahaba. Mas mahalaga ang mabuting pagkatao kaysa mahabang sukat ng ari."
"Lerma, iyon ang dahilan kaya walang ibang babaeng nagmahal sa akin."
"Hindi totoo 'yan. Nilamon ka lang ng insecurities mo kaya hindi ka na sumubok noon na manligaw ng ibang babae. Dahil nakatanim na diyan sa isip mo na sobrang importante ang sukat ng pagkalalaki... kahit hindi naman. Ang pag-ibig ay hindi lang sa sex naka-focus, Carlos. There is more than just sex. Meron pang hihigit sa sukat ng ari. Hindi ka perpekto, Carlos, hindi rin ako. Marami kang kakulangan, bilang tao, bilang lalaki... Ako rin, may mga kakulangan din bilang babae. Wala talagang perpekto, kaya dapat hindi natin pinipilit na maging perpekto, para lamang magpa-impress sa ibang tao. Mas dapat nating piliin na maging buo ang ating pagkatao, kaysa maging perpekto." Walang patid ang tahimik na pagluha ni Lerma. Si Carlos naman ay seryosong nakikinig, ninanamnam ang bawat sinasabi ng dati niyang live-in partner.
"Obligasyon mong mahalin ang sarili mo, katulad lang din na responsibilidad kong pahalagahan ang sarili ko. Walang kulang sa'yo, o sa akin, o sa kahit na sinong tao. Tayo lang ang nag-iisip na may kulang. Tayo lang ang nag-iisip na dapat may ganito, may ganyan. Pero ang totoo, 'yung kung ano tayo ay sapat na," patuloy sa pag-iyak na sabi ni Lerma. "Ikaw mismo ay sapat na, wala kang dapat patunayan sa iba, o kahit na kanino pa."
"Lerma..." halos hindi makapagsalitang sabi ni Carlos. "I'm sorry..."
"I still wish you all the best, Carlos."
Habang nag-uusap sila ay pumarada sa harap ng bahay ni Nanay Edna ang isang pulang kotse. Bumaba roon si Greg at kumatok sa pinto ng bahay.
Lumabas ng kuwarto si Joana at binuksan niya ang pinto. Bumungad sa kanyang harapan si Greg.
"Hinahanap ko si Lerma. Pakisabing nandito si Greg."
Nilingon ni Joana ang ate niyang nasa salas lang at saka sinabing, "Ate, may naghahanap sa'yo. Greg daw."
Umikot ang mga mata ni Lerma. 'Pag mamalasin nga naman. Nagsabay pa ngayong gabi ang dalawang lakaking ito.
Biglang uminit ang ulo ni Carlos nang marinig ang pangalang Geg. Ito ang lalaking nakabuntis kay Lerma. Napakalaki ng atraso sa kanya ng gagong ito.
Walang sabi-sabing sinugod niya ang lalaking nasal abas ng pinto at sinalubong niya ito ng isang suntok sa mukha. "Hayup ka!"
Tumilapon si Greg sa labas ng bahay.
Napatili si Joana. Si Lerma naman ay napatakbo papunta sa dalawang lalaki.
Si Nanay Edna naman ay napalabas ng kusina nang marinig ang tili ng anak. "Anong nangyari?"
Naabutan niyang nagsusuntukan sa labas ng kanilang bahay sina Greg at Carlos. Bawat isa ay parang walang balak magpatalo sa kalaban.
Isang suntok ang pinakawalan ni Greg na tumama sa dibdib ni Carlos. Nagpumilit gumanti si Carlos at muling inupakan ang mukha ng kalaban. Sapul!
Si Lerma ay takot na takot sa nangyayari. "Tumigil na kayo! Carlos! Greg! Tigilan n'yo na 'yan!"
"Ano ba naman itong mga lalaking ito? Dito pa talaga gumawa ng gulo," galit na sabi ni Nanay Edna.
Habang tuloy sa pagsusuntukan sina Greg at Carlos ay sinubukan ni Lerma na awatin ang dalawa. "Carlos, tama na!" Hinila niya ito sa braso pero dahil malakas ito ay halos natabig lang siya nito.
Si Greg naman ang sinubukan niyang awatin. Pumunta siya sa likod nito at ang balak sana niya hilahin ito sa likod. "Itigil mo na 'yan, Greg!"
Noon naman muling sumugod si Carlos at pinakawalan ang isang malakas na suntok sa panga ni Greg. Sa lakas ng pagkakasuntok ay tumilapon si Greg ngunit ang katawan nito ay humampas kay Lerma na nagresulta sa pagkawala ng panimbang niya na naging sanhi ng pagkakabagsak niya sa kalsada.
Isang maling pagbagsak na napuruhan ang balakang ni Lerma at nagbigay sa kanya ng hindi maipaliwanag na sakit.
Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang dugong umaagos sa kanyang binti. Rumehistro ang hindi maipaliwanag na takot sa kanyang mukha kasunod ang isang malakas na sigaw, "Tulong!"
At saka lang parang natauhan sina Carlos at Greg nang makita nilang namimilipit sa sakit si Lerma at patuloy pa rin ang pag-agos ng dugo sa binti nito.
Agad na nilapitan ni Carlos si Lerma. Si Greg naman ay agad ding bumangon para matulungan ang babaeng halos hindi na makaya ang iniindang sakit.
"Tulungan n'yo ako... 'Nay!" sigaw ni Lerma.
Binuhat siya ni Carlos. "Dalhin natin siya sa ospital!"
Tinakbo ni Greg ang kanyang kotse at agad na binuksan ang pinto. "Dito mo siya isakay, Carlos. Bilis!"
"Sasama ako!" sigaw ni Nanay Edna. Bago sumakay ng kotse ay sinigawan nito ang anak na si Joana na tila natulalang nakatayo malapit sa pintuan ng bahay. "Joana, maiwan ka rito."
Nang makasakay na sila ay mabilis na pinaandar ni Greg ang kotse.
"Sa Chinese General Hospital ang pinakamalapit dito," sabi ni Nanay Edna. "Idiretso mo lang tapos pagdating sa ikalawang kanto, lumiko ka sa kaliwa."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top