CHAPTER 14

CHAPTER 14

ILANG linggo pa ang mabilis na lumipas. Hindi pa rin bumabalik sa dati ang samahan nina Carlos at Lerma. Magkasama sila sa bahay pero bihira lang silang mag-usap. Kung hindi rin lang importante ang pag-uusapan ay walang magsisimulang magsalita para tuluyan nang maputol ang anumang hindi pagkakaintindihan sa pagitan nilang dalawa.

Hanggang isang araw ng Sabado, kagigising lang ni Carlos noon. Lumabas siya ng kuwarto para magtungo sa kusina. Nagulat siya nang madatnan niya doon si Lerma na nasa lababo at nagdududuwal.

"Anong nangyari sa'yo?" tanong ng lalaki na halatang kinakabahan.

Pinunasan muna ni Lerma ng suot niyang damit ang kanyang bibig bago siya nagsalita, "Hindi ko alam. Nangasim bigla ako, eh," pagsisinungaling niya.

Nagsalubong ang kilay ni Carlos. "Nangasim. Umagang-umaga. Buntis ka ba?"

Napaawang ng labi si Lerma. Pakiramdam niya'y tumayo lahat ang balahibo sa kanyang katawan. Oo, alam niyang buntis siya? "H-hindi ko alam... Bakit ako mabubuntis, ang tagal na mula no'ng huli tayong magsiping."

"Don't be so naïve. Katawan mo 'yan, alam mo kung anong nangyayari d'yan," argumento ni Carlos. "Tapatin mo ako, buntis ka ba? Sinong ama niyan?" gigil na tanong ni Carlos. Hinawakan pa niya nang madiin sa braso si Lerma.

"Aray, ano ba? Nasasaktan ako," pagpupumiglas niya.

"Magsabi ka ng totoo!" sigaw ni Carlos.

"Hindi!" sigaw rin ni Lerma.

"Hindi ako naniniwala sa'yo. May ibang lalaki ka? Sino?" tanong ni Carlos. "Magsalita ka, sabihin mo kung sino!"

"Bakit ikaw? May babae ka, 'di ba? Tapatin mo rin ako, Carlos. Tutal naman, eh, nandito na tayo, mag-aminan na tayo. May babae ka ba?"

Napabuga ng hangin si Carlos. Pinilit niyang magkunwari. Ang mga lalaki, tatanggi at tatanggi hangga't hindi nahuhuli. "Saan naman nanggaling iyon? Huwag mo akong baligtarin, Lerma."

"Imposibleng wala kang babae, Carlos. Ang laki na ng ipinagbago mo. Hindi na kita kilala. Hindi na ikaw ang Carlos na nakilala ko," sabi ni Lerma.

"Intindihin mo ako, Lerma. Hindi ako ang pinag-uusapan dito. Ikaw!"

"Iniintindi kita, Carlos. God knows kung gaano kita iniintindi. Pero sana ipaintindi mo rin sa akin kung anong nangyayari sa'yo? Bakit ang laki ng ipinagbago mo?"

"Tang-ina! Inililigaw mo ang usapan. Dalawang bagay lang ang itinatanong ko sa'yo. Buntis ka ba at sino ang lalaki mo?"

Napabunghalit na ng iyak si Lerma. Hindi na niya kayang magsinungaling pa. Kahapon pa niya nakumpirma na buntis nga siya. Bumili siya ng pregnancy kit at saka siya nag-check sa banyo ng opisina nila. Nagduda kasi siyang buntis nga siya nang makaramdam siya ng pagkahilo kahapon habang naliligo siya at saka rin siya nagsuka. Buntis nga siya. At sino pa ba ang ama kundi si Greg.

Marahan siyang tumango.

"Hayup ka!" Nangigigil na sabi ni Carlos. Inambahan niya ng suntok si Lerma pero hindi niya iyon itinuloy. Nagawa pa rin niyang pigilan ang kanyang sarili.

"Sasaktan mo ako? Sige, saktan mo ako! Alin ba ang mas masakit, Carlos? Iyon bang physical pain na sandali lang ay mawawala na agad? O 'yung emotional pain na paulit-ulit mo nang ginawa sa akin?"

"Kelan mo pa ako ginagago? Kelan n'yo pa ako ginagago?" sigaw niya.

Hindi sumagot si Lerma. Patuloy lang siya sa pag-iyak. Habag na habag siya sa kanyang sinapit.

"Huwag mo akong iyakan. Hindi mo ako makukuha sa mga pag-iyak mo."

"Hindi ko na itatanggi ang pagkakamali ko..." sagot ni Lerma. "Pero sana maintindihan mo kung bakit ko nagawa iyon. Natukso lang ako. Wala kaming relasyon. Hindi ko para i-justify ang nagawa ko. Pero, Carlos, dapat alam mong babae lang ako. May pangangailangan din ako katulad mo."

"Alam mo namang inaayos ko pa 'yung problema ko dahil mabilis akong labasan."

"Carlos, 'wag mong gawing dahilan iyon. Nagbabasa ako sa google. Hindi bawal makipag-sex ang may ganoong kondisyon. Puwede pa nga kitang tulungan, eh. Pero imbes na magkatulungan tayo, parang iniiwasan mo pa ako. At iyon ang labis kong ipinagtataka. Mula nang dumating sa'yo ang problemang iyan, naging ibang tao ka na."

"Kaya humanap ka ng ibang lalaking magbibigay sa'yo ng hindi ko naibibigay? Ganoon ba? Ipinagpalit mo ba ako dahil na-realize mo na maliit ang pagkalalaki ko? Ipinagpalit mo ba ako dahil nakakita ka ng lalaking mas makapagpapaligaya sa'yo?

"Hindi! Wala akong hinanap. Hindi ako naghanap. At lalong hindi kita ipinagpalit." Napasabunot na lang si Lerma sa sarili niyang buhok. "Wala akong planong mangyari iyon. Natangay lang ako..."

"Dahil magaling siya sa kama. Dahil mas malaki ang sa kanya. Dahil mas tumatagal siya sa pakikipagbakbakan sa kama. Napapatirik niya ang iyong mga mata. Iyon ang mga dahilan mo, 'di ba?" sumbat ni Carlos. "Nakita mo sa kanya ang lahat ng hindi mo makita sa akin."

"Ang tagal mo akong iniwasan, Carlos. Ang tagal mo akong tinikis. Apat na buwan na tayong walang sex."

"Ha? Binibilang mo talaga?" naasar na sabi ni Carlos.

"Kahit hindi ko bilangin, alam ko. Tanda ko 'yung huling beses tayong nag-sex, kaya alam kong umabot na sa apat na buwan pero hindi pa nasusundan," ani Lerma.

"You're impossible."

"At ikaw, ano? Maraming beses mo na rin akong tinanggihan? Kailangan pa bang mamalimos ako sa'yo para mapagbigyan mo lang? Pinagmumukha mo akong timawa sa sex at lagi mo na lang dahilan na ginagamot mo pa ang premature ejaculation mo," sumbat niya kay Carlos. "Nakilala mo akong matinong babae. Alam mong ikaw ang unang lalaki sa buhay ko."

"At mayroon nang pangalawa," dugtong ni Carlos. "Lerma, kahit ano pang sabihin mo. Kahit ano pang palusot mo, hindi mo pa rin maitatanggi na nakipag-sex ka sa ibang lalaki at buntis ka na ngayon."

"Ikaw ang nagtulak sa akin para magawa ko iyon."

Umiling-iling si Carlos. "Makakaalis ka na. Huwag na nating gawing mas komplikado pa ang sitwasyon. Maghiwalay na tayo," seryosong sabi ni Carlos. "Masikip na para sa ating dalawa ang bahay na ito. Magdesisyon ka kung ikaw ba ang aalis o ako."

"Carlos..." hindi makapaniwalang sabi ni Lerma.

"Umalis ka na!"

Lalo pang sumabog si Lerma. "Ang kapal ng mukha mo! Ang galing mong magmalinis. Akala mo kung sino kang malinis. Akala mo ba talaga tanga ako? Akala mo ba hindi ko alam ang pambababae mo? Ibabalik ko sa'yo 'yung tanong mo sa akin. Kailan pa kayo ng babae mo? Kailan n'yo pa ako ginagago?" deretsahang tanong ni Lerma.

"Huwag mong ibintang sa akin ang mga kagagahang ginagawa mo."

"Ah, talaga? Kaya pala isinama mo pa siya sa Thailand at miss ka na niya agad kahit ilang oras pa lang ang nakalipas?"

Napakunot-noo si Carlos.

"Noong gabing kagagaling mo lang sa Thailand, habang mahimbing kang natutulog, tumawag ang babae mo. Pasalamat ka nga at hindi ko sinagot ang tawag niya dahil kung sinagot ko 'yon, baka noon pa lang, nagkagulo na tayo. At dahil walang sumagot sa tawag niya, nag-chat naman siya sa'yo. E 'di ba nagno-notify ang chat? Ayun, 'di ko na kailangang i-unlock ang phone mo dahil nabasa ko na ang mensahe noong nag-notify ang chat sa cellphone mo. Hinalungkat ko na lang ang bag mo, Nakita ko ang plane tickets n'yo. Yehlen Lorenzo pala ang pangalan niya. Nag-imbestiga na rin ako. Siya pala ang doktor mo. Ang galing namang doktor noon. Hands on sa panggagamot sa'yo. May personal touch. At dahil malibog ka, pina-touch mo naman. And I'm sure, hindi lang touch ang ginawa niya. Ang kakapal ng mukha n'yo!" naiiyak sa galit na sumbat ni Lerma. At hindi na nga niya napigilan ang muling pag-agos ng luha sa kanyang mga mata. "Ngayon mo ako sumbatan ng panggagago, kahit na ikaw naman ang unang nagloko."

Hindi nakasagot si Carlos. All the while, alam na pala ni Lerma ang pagtataksil niya. Dapat ba siyang makaramdam ng guilt?

"Nagkamali ako, alam ko 'yon. Naging marupok ako at hindi ko naisaalang-alang ang relasyon natin. Pero nagkamali ka rin, at nauna kang nagloko. At dahil lalaki ka, madali para sa'yo ang itago 'yon. Pero ako? Babae ako, eh. Gaano ko man piliting itago, hindi na puwede dahil lalaki ang tiyan ko ngayong nabuntis ako," umiiyak na sabi niya. "Kahit kailan hindi ako naghanap sa'yo ng sobra? Nag-demand na ba ako na dapat ganito, dapat ganyan? Carlos, sino ba ang unang nagloko? Ako ba? Ako ba ang sumira sa relasyon natin na ang tagal nating binuo?"

"Bakit hindi mo sinabi agad sa akin na alam mo na? Bakit hindi mo ako kinompronta?"

"Bakit ko pa kailangang sabihin sa'yo? Alam ko namang gusto mo na akong itapon. Ramdam ko iyon. Napakalaki ng ipinagbago mo. Kinakausap mo lang ako 'pag gusto mo. You didn't care anymore and I can feel it," humihikbing sabi ni Lerma. "Lagi lang ako sa tabi mo, pero iniwan mo ako. Dinamayan kita, pero niloko mo ako. Ang alam ko lang na kasalanan ko, kung kasalanan nga 'yon, ay ang tanggapin kita nang buo. Hindi ko inisip na may kulang sa'yo. Hindi ko hinangad na dapat meron ka nito, na dapat ganito ang sa'yo. Dahil tanggap ko ikaw at ang mga kakulangan mo. Kasi naniwala ako na ikaw ay sapat na. Na hindi na ako dapat maghanap ng sobra pa. I didn' t think that I settled for less in loving you but you made me feel that I don't deserve you. Pinaramdam mo sa akin na basura lang ako na puwede mong itambak sa sulok dahil 'di mo na kailangan. Ngayon, masisisi mo ba ako kung may nagbigay sa akin ng ayaw mo nang ibigay?"

Tuloy pa rin sa pagsasalita si Lerma.

"Limang taon na tayong magkasama sa iisang bubong. Lagi mong sinasabing mahal mo ako. Pero ni minsan, hindi mo ako inalok ng kasal. Hindi ko nga narinig sa'yo ang salitang kasal. Hindi ko nga alam kung naiisip mo bang pakasalan ako someday. Pero kahit minsan ba sinabihan kita na pakasalan mo na ako? Kahit civil lang... hindi kita pinilit."

Sukol na si Carlos. Ano pa ba ang dapat niyang sabihin? Ano pa ba ang puwede niyang gawin?

"At ang kapal din ng mukha ng doktorang iyon para puntahan ako sa hospital room at magkunwaring doktor ko. At nakipagsabwatan ka pa."

"No! Ayoko lang magkaroon ng eskandalo sa ospital," katwiran ni Carlos.

"Kung nagkataong alam ko lang na siya ang babae mo, magkakaroon talaga ng eskandalo. Eh, ano ba kung maeskandalo tayong tatlo? Sino ba ang mas nakakahiya? Ako ba na walang ginawang kasalanan sa inyo? O ang malanding doktorang iyon na sinamantala ang kalibugan mo?"

"Hindi ko siya pinapunta sa ospital."

"Pero ipinaalam mo na naroon ako kaya nagpunta siya para magkita kayong dalawa."

"Nagpunta siya dahil may clinic siya roon."

"Ano man ang dahilan, pinagmukha n'yo pa rin akong tanga. Ang kapal ng mukha niya. Ang kapal ng mukha ninyong dalawa!"

"Alam mo, tapusin na natin ito. Wala na rin lang namang patutunguhan ang pagtatalong ito. I guess this is the end, Lerma."

"Ramdam ko na masaya ka. Siguro, ito lang talaga ang pagkakataong hinihintay mo para makipagkalas ka sa akin at magpakaligaya na kayo ng doktora mo. Well, kanyang-kanya ka na. Isaksak mo sa kanya ang ari mong maliit!" Iyon lang at tumalikod na si Lerma. Naiwang nakatunganga si Carlos. Dumiretso si Lerma sa kuwarto at mabilis na nag-empake. Ilang sandali lang ay lumabas siya bitbit ang dalawang maletang puno ng mga damit. May mga ibang gamit pa siyang naiwan, pero 'di bale na. Makakabili pa rin naman siya ng gamit kung kakailanganin.

Bitbit ang dalawang maleta na lumabas ng gate si Lerma. Nag-book siya ng grab car at habang hinihintay ang sasakyan ay nakita niyang lumabas sa gate ng katabing bahay si Greg.

"Lerma!" tawag ni Greg. Naka-shorts and sando lang ito, bakas pa rin ang kaguwapuhan. "Saan ka pupunta?"

"Uuwi muna ako sa bahay ng nanay ko," sabi niya.

"Bakit? Anong nangyari? Mukhang galing ka sa pag-iyak," nag-aalalang tanong ng lalaki.

"W-wala naman. Gusto ko lang munang magkabasyon doon. Nami-miss ko na ang nanay ko," pagsisinungaling niya.

"Hindi ako naniniwala," sabi nito. "Nag-away ba kayo ng asawa mo?"

"Wala akong asawa!" medyo malakas ang boses na sabi niya.

"I mean, 'yung lalaking kasama mo sa bahay."

"Ah, si Carlos? Hindi ko asawa 'yun. Live-in partner ko lang iyon."

Parang biglang sumaya ang puso ni Greg sa narinig. Pero hindi naman dahilan iyon para ipakita niya kay Lerma na masaya siya.

"Nag-away nga kayo ng live-in partner mo?" muli niyang tanong.

Hindi na sumagot si Lerma. Inisip ni Greg na sagot iyon ng kumpirmasyon.

"Bakit kayo nag-away?" Bakas sa mukha ni Greg ang pag-aalala. "Dahil ba sa akin?"

Pinanlakihan ni Lerma ng mga mata ang lalaki. "Bakit ka namin pag-aawayan? Main character ka ba sa buhay namin?"

Medyo napahiya si Greg. "Ah, hindi naman. Nag-aalala lang kasi ako, baka nalaman ng partner mo ang nangyari sa atin, at baka naging dahilan pa ng hindi n'yo pagkakasundo," sabi nito. "Pasensya na."

"Huwag kang mag-alala. Ano man ang naging problema namin, hinding-hindi kita idadamay." Nakita ni Lerma na papalapit na ang grab car na na-book niya. "Sige na, sasakay na ako."

"Teka, saan ang bahay ng nanay mo?" habol na tanong ni Greg, pero hindi na nag-abala pa si Lerma na sagutin iyon.

Naiwan si Greg sa tapat ng gate, hindi niya alam, kanina pa siya pinagmamasdan ni Carlos habang nag-uusap sila ni Lerma.

Dumiretso si Lerma sa bahay ng Nanay Edna niya sa Blumentritt. Nadatnan niyang naghahanda ng pananghalian ang nanay niya. Nagulat pa ito nang bigla siyang dumating.

"O, anong masamang hangin ang nagtaboy sa'yo rito?" sabi ng nanay niya nang pagbuksan siya nito ng pinto.

"Dito muna ako, 'Nay. Medyo nagkaroon kami ng pagtatalo ni Carlos," pauna niyang sabi.

"Ano na naman ang pinag-awayan n'yo? Baka mamaya lang, eh, nandiyan na si Carlos at susunduin ka," sabi naman ng nanay niya.

"Naku, malabo iyon. Ang totoo po, hiwalay na kami ni Carlos," matapat niyang sabi. Kaswal na kaswal lang.

"Ha? Aba'y bakit? Grabe ba ang naging problema n'yo para humantong agad sa hiwalayan? Sinayang n'yo lang ang limang taon ninyong relasyon."

"Mas okay na iyon, 'Nay. Kaysa naman ituloy pa namin tapos hindi naman kami nagkakasundo," argumento niya. "Minsan, may mga relasyon talaga na mas mabuting tapusin na. Kilala n'yo ako, 'Nay. Kahit ganito akong tatahi-tahimik lang, hindi naman ako pumapayag na maagrabyado."

"Eh, bakit nga kayo naghiwalay?" usisa pa ng nanay niya.

"Buntis po ako... Nalaman ni Carlos."

"Naghiwalay kayo dahil buntis ka? Bakit parang magulo? Takang-taka si Nanay Edna.

"Hindi po si Carlos ang ama."

"Hesusmaryosep kang babae ka! Anong ginawa mo? Sino ang ama niyan?"

"Naku, 'Nay, mahabang kuwento. Saka na tayo magkuwentuhan, tapusin mo na po muna ang niluluto mo at nagugutom na ako," sabi niya sa ina. "Ipapasok ko na sa kuwarto ni Joana itong gamit ko, ha? Nasaan ba siya?"

"Nandoon sa Dangwa ang kapatid mo, pinagbantay ko sa tindahan." May tindahan ng mga bulaklak ang nanay niya sa Dangwa, malapit lang iyon sa bahay nila. Mula nang lumipat sila rito sa Manila galing Albay ay iyon na ang pinagkukunan nila ng ikabubuhay. "Pagkatapos kong magluto, papalitan ko na siya roon," sabi nito. "Naku, hindi ako mapalagay dahil sa sinabi mo. Tumatanda ka nang paurong, Lerma. Limang taon kayong magkasama ni Carlos, hindi ka nabuntis. Tapos, dadating ka ngayon dito at sasabihin mong buntis ka pero 'di si Carlos ang ama. Aba, kanino ka kaya nagmana?"

"Saka na po tayo mag-usap, 'Nay. Magpapahinga lang po muna ako. Sabihan mo ako 'pag nakaluto ka na."

"Oy, babae, talagang mag-uusap tayo! Makakatikim ka sa akin ng sermon kapag nalaman kong lumandi ka," pahabol na sabi ni Nanay Edna. "Hindi ka na nahiya kay Carlos."

Hindi na niya pinansin ang huling sinabi ng nanay niya. Sanay na siya sa ugali ni Nanay Edna. Alam niya, pagsasabihan lang siya no'n at hindi naman kukunsintihin. Pero sa huli, ang ina ay ina at ito pa rin ang unang-unang kakampi sa anak.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top