CHAPTER 13
CHAPTER 13
AYAW pa ring dalawin ng antok si Greg. Gaano man ang pagpipilit niyang makatulog ay hindi niya magawa. Naghalo-halo na ang mga bagay na gumugulo sa kanyang isip at nagpapanatiling gising sa kanyang diwa.
Minabuti niyang kunin na lang ulit ang bote ng alak na iniinom niya kanina bago siya nagpunta sa bahay nina Lerma. Nagsalin siya ng alak sa baso at saka nagsimulang uminom ulit.
Si Greg Gallano ay dalawampu't pitong taong gulang at isang single dad sa pitong taong gulang niyang anak na si Allen. Single dad siya dahil wala na ang ina ni Allen. Namatay ito sa panganganak kaya naiwan ang bata sa pangangalaga niya dahil siya naman ang ama. Ipinangako niya sa namayapang ina ni Allen na gagawin niya ang lahat para mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak nila. Kaya nga kahit na may regular naman siyang trabaho sa isang BPO company ay suma-sideline siya bilang isang freelance gigolo. Nakikipag-date siya sa iba't ibang babae at kahit na nga sa mga bakla kapalit ng pera. Katwiran niya, ang ibinibigay niya ay serbisyo kaya walang masama kung tumbasan iyon ng pera ng kanyang mga nagiging kliyente. Noong una ay itinatago pa niya ang sideline na iyon sa kanyang ina, pero pagtagal ay nalaman din ito ng nanay niya at naging dahilan pa nga ng konti nilang hindi pagkakaunawaan. Hindi nito matanggap na sa kabila ng pagkakaroon naman niya nang maayos na trabaho ay pinili pa rin niyang pasukin ang trabahong sabi ng nanay niya ay nagpapababa sa kanyang pagkatao. Pero noon pa iyon. Ngayon ay tanggap na ng nanay niya ang kakaiba niyang trabaho. O puwedeng hindi pa rin ito tanggap ng nanay niya, wala lang talaga itong magawa para pigilan siya.
Pero bakit pagiging gigolo pa ang pinasok niyang sideline. Puwede namang ibang trabaho.
Iba rin ang katwiran ni Greg. Walang masamang tinapay para sa kanya. Sabi nga niya, sex work is still work. As long as wala naman siyang inaagrabyadong tao, wala siyang dapat ikahiya sa ginagawa niyang trabaho. At saka, iba na ang panahon ngayon. Parang lantaran na ngayon ang pagiging sex worker at isa ang social media sa mga nagagamit para makakonek ang sex worker sa mga pupuwede niyang maging kliyente. Kaya nga siya nakontak ng mga naging kliyente niya.
Nang minsang may tumawag sa kanyang isang babae para mag-inquire sa serbisyo niya bilang gigolo, na-curious siya dahil hindi pakikipag-date o paghahanap ng companionship ang gusto nito. May gustong ipagawa sa kanya ang babae. Gusto nitong ligawan niya ang isang babae at pagkatapos ay kailangang may mangyari sa kanila ng babaeng iyon.
Sa una ay gustong tumanggi ni Greg ngunit nang makita niya ang larawan ng babaeng liligawan daw niya ay biglang nagbago ang kanyang desisyon at naging interesado siyang gawin ang gusto ng kliyente niya.
Tumanggi na ang kliyente niya na magbigay ng iba pang mga impormasyon tungkol sa babae at kung ano ang dahilan at gustong paligawan ito sa kanya ng kliyente. Pero malaki ang handang ibayad ng kliyenteng iyon kaya kaysa mapunta pa sa iba ang trabaho at kita ay minabuti na niyang gawin ito.
Nagpakilala ang kliyente niya sa pangalang Yehlen Lorenzo. Sinubukan niyang hanapin sa social media ang ibinigay nitong pangalan at agad naman niya itong nakita. Nagulat pa siya nang malamang doktora pala ito. Pero hindi na siya nakialam pa. Iginagalang niya ang privacy ng kanyang mga nagiging kliyente.
"For rent ang bahay na katabi ng tinitirhan ng babaeng liligawan mo. Rentahan mo iyon para mas malapit ka sa kanya," utos sa kanya ni Yehlen. "Ibigay mo sa akin ang bank account mo at ide-deposit ko roon ang pambayad sa renta."
Kinontak ni Greg ang may-ari ng bahay at nakipagnegosasyon siya rito. Noong una ay isang taong contract of lease ang gusto ng may-ari na pirmahan ni Greg, pero napakiusapan ito ni Greg kung puwedeng tatlong buwan lang siyang magre-rent. Nagdahilan na lang siya ng kung anu-ano hanggang sa mapapayag na niya ang may-ari. Siniguro naman niya rito na kung magugustuhan niya ang lugar ay ipapa-extend niya ang tatlong buwan. Binayaran na niya nang buo ang tatlong buwan para hindi na siya gambalain pa ng may-ari habang ginagawa niya ang kanyang misyon na paibigin ang babaeng nakatira sa katabi ng bahay na uupahan niya.
Sa tingin ni Greg ay madali niyang mapapaibig ang babaeng kapitbahay niya. Noong minsang maisipan niyang lumangoy sa pool ay sinadya niyang maghubo't hubad. Umaasa siyang makikita siya ng kanyang magandang kapitbahay, at hindi nga siya nagkamali. Natanaw niya ito na pasilip-silip sa kanya habang nakabuyangyang ang kanyang kahubaran. Naulit pa ang eksenang iyon pagkalipas ng ilang araw. Walang kamalay-malay ang kapitbahay niya na unti-unti na itong nahuhulog sa kamandag ng gigolong si Greg Gallano.
Pero nang makilala na niya nang personal si Lerma ay parang biglang ayaw na naman niyang ituloy ang napagkasunduan nila ni Yehlen. Masyadong mabait si Lerma para gawan niya ng kalokohan. At hindi yata tamang masira ang relasyon nito nang dahil lang sa kanya. Wala namang kasalanan si Lerma para sirain niya ang relasyon nito sa lalaking kasama nito sa bahay.
Kanina habang abala siya sa mga gawain sa opisina ay biglang tumawag nga ulit ang kliyente niyang si Yehlen.
"Kumusta ang pinapatrabaho ko sa'yo? Ano na ang balita?" bungad nito sa kanya. Ramdam niya ang kaseryosohan sa boses nito.
"Ginagawa ko naman. Tumitiyempo pa ako," sagot ni Greg.
"Naiinip na ako. Lumilipas ang mga araw nang wala ka man lang ibinibigay na update. Bilis-bilisan mo naman ang pagkilos."
"Kumikilos naman ako. Don't worry, magagawa ko ang pinag-usapan natin."
"Walang kasama ngayon si Lerma sa bahay. Tyansa mo na para gawin ang dapat mong gawin. Kumilos ka na dahil kaya nga kita binabayaran ay para mas mapadali ang trabaho. Ngayon, kung hindi ka pa kikilos at wala ka pang maibibigay na matinong resulta sa akin, mas mabuti pang sabihin mo na agad, para makahanap ako ng ibang gagawa."
Medyo nairita si Greg sa pagiging demanding ni Yehlen. "Puwede ko bang malaman kung bakit mo iyon pinagagawa sa akin? May kasama sa buhay si Lerma, ano't gusto mo yatang magkasira sila?"
"Hindi mo na kailangang malaman pa. Basta nagkasundo tayo na gagawin mo iyon at babayaran kita. We already have a deal kaya dapat sumunod ka," dinig niyang sabi ng kausap niya sa kabilang linya.
"Hindi mo pa ako nababayaran, puwede pa akong umatras kung gugustuhin ko," sabi niya sa kausap.
"Oh, haven't you checked your bank account? Naideposito ko na sa iyo ang full payment three days ago, in case you don't know. Ganoon ako katiwala na magagawa mo ang trabaho. Hindi mo pa natatapos, bayad ka na." Narinig pa ni Greg ang mahinang tawa ng kausap.
"Okay, gagawin ko. Hindi ako sisira sa usapan. Pero huwag kang masyadong nagmamadali. Hindi madali ang pinagagawa mo sa akin," sabi niya kay Yehlen.
"Huwag mo akong artehan. Alam kong sanay na sanay ka sa mga ganyan. Basta gawin mo kaagad ang pinag-usapan natin para tapos na," deklara pa ng babae.
"Huwag kang mag-alala, kikilos ako ngayong gabi," paniniguro niya sa kausap.
"Sige, tatawagan na lang kita sa ibang araw," huling narinig niyang sabi ni Yehlen at saka nawala na ito sa kabilang linya.
Kaya nga ikinondisyon niya ang kanyang sarili bago siya nagpunta sa bahay ni Lerma. Uminom siya ng ilang shots ng alak, pampalakas ng loob... at pampakapal ng mukha. Kailangan na niyang magawa ang serbisyong binayaran sa kanya ni Yehlen para matapos na ito at hindi na siya tawag-tawagan pa ng doktorang iyon.
At hindi naman siya nabigo. Nagawa niya ang dapat niyang gawin. Siguro naman ay matutuwa sa kanya si Yehlen kapag ibinalita niya rito na natapos na niya ang kanyang misyon. Ang hindi niya inaasahan ay tila tuluyan na siyang nahulog kay Lerma. Parang bigla ay gusto na niyang ligawan ito nang totohanan at kung walang magiging problema ay maaari naman silang magsama... o magpakasal kaya.
Pero hindi pa niya alam kung kasal ba si Lerma sa lalaking kasama nito sa bahay. Malaking problem apala talaga itong pinasok niya. Bakit ba kasi hindi pa niya muna ito kinumpirma kay Lerma? Ayaw pa naman niyang nakakaagrabyado siya ng ibang tao.
Ngayon ay parang gusto na niyang pagsisihan na tinanggap niya ang trabahong inialok sa kanya ni Yehlen. Dahil sa trabahong iyon, alam niya, sobrang nakaagrabyado siya ng tao.
Sobrang naagrabyado niya si Lerma!
***
Katulad ng dati ay nahalata na naman ni Claire na tila kulang sa tulog si Lerma.
"Ano ba kasi ang pinaggagagawa mo sa bahay n'yo? Bakit hindi ka matulog nang maaga para hindi ka nangungulumata dito sa opisina? Kahit itago mom o sa eye shadow, halata pa ring puyat ka," pansin nito sa kanya nang mapagawi ito sa mesa niya para magpapirma ng mga dokumento.
"May binabasa lang akong libro. Pinilit ko lang tapusin kaya late na akong nakatulog," palusot pa niya.
"At kailan ka pa nagkainteres sa pagbabasa ng libro?" Hindi naniniwala si Claire sa sinabi ng kaibigan. "Teka, dumating na ba si Carlos? Baka dumating na at na-miss kang masyado kaya nagkaroon kayo ng umaatikabong labanan kagabi," parang kinikiliting sabi nito.
Muntik nang maubo si Lerma. Totoo kasing may nangyaring umaatikabong labanan kagabi, pero hindi si Carlos ang kalaban niya kundi si Greg. Pero hinding-hindi siya magkukuwento kay Claire ng tungkol kay Greg, kahit na kaibigan ang turing niya rito. "Hindi, 'no? Mamaya pa lang dadating iyon, kung masusunod ang schedule niya."
"Mas mabuti siguro kung mag-uusap kayo nang matino ni Carlos. Once and for all, linawin mo sa kanya ang mga issue ninyo. At 'yung kutob mo na baka may babae siya, e 'di kumpirmahin mo na rin. Hindi kasi babalik sa dati ang relayon n'yo kung walang magbababa ng pride sa inyong dalawa," suhestiyon ni Claire.
"Hayaan mo, pag-iisipan ko nag sinabi mo. Ayoko na rin naman ng sitwasyon naming sa bahay.Magkasama kami araw-araw, magkatabi pa sa kama 'pag gabi, pero hindi na katulad ng dati ang samahan namin. Malaki na talaga ang ipinagbago," sabi ni Lerma.
"Sana mapag-usapan n'yo na 'yan. Wala namang hindi naaayos sa mabuting pag-uusap. Sayang din kasi ang limang taon ninyo," ani Claire.
"Salamat, Claire..."
Noong araw din iyon ay lumapag sa Ninoy Aquino International Airport ang eroplanong sinakyan nina Carlos at Yehlen galing Thailand. Kinuha ni Carlos sa parking lot ng airport ang kanyang kotse at binayaran ang halagang katumbas ng isang linggong parking fee. Nagmaneho si Carlos sakay si Yehlen. Ihahatid niya muna ang babae sa bahay nito bago siya uuwi. Alas-dos pa lang naman ng hapon kaya hindi naman siya gagabihin nang uwi.
"Bukas ka na lang kaya umuwi sa inyo. Sa bahay ka na lang matulog ngayong gabi, sabi ni Yehlen kay Carlos.
"Sa ibang araw na lang. May tatapusin akong report, kailangan ko iyon bukas nang umaga sa office," sagot niya.
"Puwede mo namang gawin iyon sa bahay ko."
"Huwag na. Magpahinga ka na lang nang maaga tonight. Hindi ka ba napagod sa biyahe?"
"Alam mo namang I always treasure my time with you, kaya hindi ko nararamdaman ang pagod basta't ikaw ang kasama ko." Kinindatan pa ni Yehlen ang kausap.
"Pinapalaki mo namang masyado ang ulo ko. Baka maniwala na ako niyan." Sinabayan niya iyon ng mahinang halakhak.
"So, ano? Sa bahay ka na matutulog?"
"Huwag na nga kasi. Next time na lang."
"Siguruhin mong tutuparin mo ang next time na 'yan, ha? 'Pag ako, nagtampo, baka iwanan na kita," tila may pananakot pang sabi ni Yehlen.
"Grabe naman iyon. May iwanan pa talagang magaganap," medyo natatawang sabi ni Carlos. "Huwag naman."
"You can never tell. Malay mo, nagbago na pala ako ng isip. Malay mo, may iba na akong nagugustuhan."
Pinaharurot na ni Carlos nang mabilis ang kotse. Hindi na niya nagugustuhan ang itinatakbo ng kanilang usapan. Alam niyang nagbibiro lang naman si Yehlen, pero kinakabahan siya kapag ganoon na ang mga biro nito. Ewan, pero sobrang napamahal na si Yehlen sa kanya. Mahal na mahal na niya ang doktorang ito.
Ang totoo, takot siyang mawala pa si Yehlen sa kanya.
Ayaw niyang iwanan siya nito.
Ayaw niyang mawala pa si Yehlen sa buhay niya.
Pag-uwi niya ng bahay ay napansin pa niya ang isang lalaki at isang bata na papasok sa gate sa bahay na katabi ng tinitirhan nila. Ito na pala ang bago nilang kapitbahay. Ngayon lang niya nakita ang mga ito. Nang bumaba siya para buksan ang gate para maipasok ang sasakyan ay nakita pa niyang nilingon siya ng lalaking kapitbahay niya. Ngumiti ito sa kanya kaya napilitan siyang ngitian din ito.
Nang makapasok ng bahay ay nag-shower lang siya at saka niya sinimulang gawin ang mga report na kailangan niyang tapusin. Nang matapos ay saka siya humiga para magpahinga. Hindi niya namalayang nakatulog na siya.
Gabi na nang siya ay magising. Nasa tabi na niya si Lerma at tulog na rin. Hindi man lang ito nag-abalang gisingin siya at yayaing maghapunan.
Bumangon siya at kinuha ang cellphone niyang nasa bedside table. May isang missed call at isang chat notification nang i-unlock niya ang cellphone. Si Yehlen ang tumawag at nag-chat. Binasa niya ang message nito.
I love you, Carlos. Miss na kita kaagad kahit ilang oras pa lang ang nakalilipas.
Napangiti si Carlos. Nasulyapan niya si Lerma. Bahagya siyang lumapit dito. Pinagmasdan niya ang mukha ng babaeng limang taon na niyang kasama sa iisang bubong. Pinakiramdaman niya kung may nararamdaman pa ba siyang pagmamahal para rito. O baka naman napunta na lahat kay Yehlen ang pagmamahal na dapat sana ay kay Lerma niya ibinibigay?
Kinabukasan ay agad na nag-report si Greg kay Yehlen.
"Nagawa ko na ang gusto mong gawin ko. So, tapos na ang usapan natin. Wala na akong obligasyon sa'yo," sabi niya kay Yehlen nang tawagan niya ang cellphone nito.
"Ops, hindi pa tapos. Wala pang resulta ang ginawa mo. Kokontakin kita ulit 'pag walang matinong resulta ang ginawa mo." Ang gusto ni Yehlen ay mahuli ni Carlos sina Greg at Lerma para siguradong sa hiwalayan mapupunta ang limang taong relasyon ng dalawa.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong niya.
"You know for a fact na hindi ako mahilig mag-explain. I don't need to elaborate on anything. Just wait for my call, in case I still need your services. Anyway, bayad naman for three months ang bahay na tinitirhan mo ngayon. You don't need to leave the house yet. Tumira ka d'yan for three months," sabi ng doktorang kliyente niya.
Hindi na nakipagtalo pa si Greg. Wala rin namang pupuntahan kung makikipagdebate pa siya sa kanyang kliyente. Sa ngayon, wala siyang dapat gawin kundi ubusin ang tatlong buwang renta sa bahay na tinitirhan niya at maghintay kung kakailanganin pa ba ni Yehlen ang serbisyo niya o hindi na.
Pero sana naman ay hindi na, dahil ayaw na rin niyang mas makagawa pa ng kasalanan kay Lerma.
Nang mga sumunod na araw ay tila normal lang ang lahat. Hindi na nagkaroon pa ng komunikasyon si Greg kay Lerma. Hindi naman niya iniiwasan ang babae pero ayaw lang din niya na isipin nitong sinasamantala niya ang kahinaan nito.
Si Lerma naman ay hindi rin nagtangkang kontakin si Greg. Tama na ang isang pagkakamali. Ang isang pagkakamali ay madaling patawarin kung hindi na uulitin. Aminin man ni Lerma o hindi, nakaramdam din siya ng guilt sa nagawa niyang pagtataksil kay Carlos.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top