Epilogue
AXION
“Sige, panget, papunta na ako,” nakangiti kong paalam sa kausap ko sa cell phone.
Tinapos ko na ang tawag at nang tumahimik ang buong paligid, napatulala na lang ako sa kawalan.
Hindi ganito ang buhay ko noong kasama ko pa siya. Hindi ganito katahimik ang kwarto ko kapag nasa paligid lang siya. Pero iba na talaga ngayon, sobrang laki na ng pinagbago ng buhay ko.
Ngumiti ako nang matipid at napabuntong hininga bago tumayo sa kama. Kinuha ko rin sa kama ang puting damit at sinuot ito. Inayos ko ang aking damit bago lumabas ng bahay. Wala sina Nanay rito sa apartment dahil namili ito ng mga bulaklak sa palengke kasama si Ashlon.
Sinara ko ang pinto at nilakbay ang isang lugar kung nasaan ang isa sa naging pamilya niya.
Nilakad ko lang ang isang dance studio na napamahal na rin sa akin. Nang nasa tapat na ako nito ay napangiti ulit ako. Naalala ko na naman ang alaala naming dalawa noon sa dance studio na ito.
Wala sa sariling napatingin ako sa tabi ko. Noon, nandito siya sa tabi ko habang tinatanaw ang studio na ito. Noon, kita ko sa mukha niya ang kagalakan habang nakatitig sa studio na ito. Pero ngayon… wala na. Wala na akong matatanaw at hindi ko na makikita ang kagalakan sa kanyang mukha.
Napayuko ako at pinasok ko na ang dance studio. Bumungad sa akin sina Senior Defcdee, Senior Plert, Senior Shanelle, at Senior Paulo. Nakangiti ang mga ito sa akin nang makita nila ako.
“Mukhang handa na ang isa riyan sa recital,” nakangising parinig ni Senior Defcdee sabay akbay sa akin.
“Medyo kabado nga ako, eh,” nakanguso kong sagot sa kanya na ikinangiti niya nang malapad.
“Mukhang malaki ang naitulong ni Tide para mabago ‘yang ugali mo, ah?” Agad akong napahinto sa sinabi ni Senior Defcdee.
Humigpit ang pagkakaakbay niya sa akin.
“Miss mo na siya? Miss na miss na rin namin siya! At ang araw na ito ay espesyal dahil ang araw na ito ay inilaan para sa kanya,” nakangiti niyang sabi.
Bumuntong hininga ako at tumango.
“Tama,” maikli kong tugon.
Bigla namang sumingit si Senior Plert sa aming harapan. Muntikan pa akong mapatalon dahil sa gulat.
“Excuse me, guys, ha. Inform ko lang kayo na kayo na lang ho ang hinihintay. Baka ho gusto n'yo ng umupo sa tabi para makapagsimula na tayo ng recital,” mataray na singit ni Senior Plert pero nakangiti pa rin ang labi nito.
Natawa kami ni Senior Defcdee at umupo na siya sa tabi nina Senior Paulo. Ako naman ay tumabi sa mga nakatayong mga juniors. Kami ang nasa sentro ng studio dahil mayamaya lang, sasayaw na kami.
Oo, nagkaroon ako ng interes sa pagsasayaw. Si Maton ang dahilan kung bakit ako nagka-interes. Malakas maka-inspirasyon ang lahat ng sinasabi niya tungkol sa pagsasayaw. Siya ang aking inspirasyon sa aking pagsasayaw. Siya ang naging dahilan sa lahat ng ito.
Nang narinig ko na ang tugtog ay napangiti ako. Gaya ng tinuro sa akin ni Tide, ginawa ko ito ngayon.
Itinuro niya sa akin noon na kapag umiindak ka at humahataw, ilagay mo lang ang puso mo. Ilagay mo sa pagsasayaw ang pagmamahal. Dahil kahit hindi mo man sabihin sa lahat, gamit ang iyong pagsasayaw, mapapahiwatig mo sa kanilang lahat na gusto mo ito at mahal.
Hindi man ako sobrang magaling sa pagsasayaw, kaya ko naman itong matutunan. Dito naman talaga nagsisimula, ‘di ba? Hindi ka naman agad level 10 dahil magsisimula ka muna sa level 1. At para makamit ang level 10, kailangan mo itong paghirapan at ito ang gusto kong gawin ngayon. Dahil hindi man natupad ni Tide na maging isang pinakamagaling na mananayaw, gagawin ko ang lahat para tuparin ito dahil ito na rin ang isa sa mga pangarap ko: ang maging pinakamagaling na mananayaw. Mahirap mang abutin, ayos lang dahil alam kong kakayanin ko.
Natapos ang recital at nanatili muna ako sa studio nang ilang oras. At nang itext na ako ng bagong babae na nagpapatibok ng puso ko, napagpasyahan ko ng umuwi dahil hinihintay na niya ako sa apartment namin.
Nakangiti akong sinalubong ni Chiela nang pumasok na ako sa apartment. Oo, siya ang bagong nagpapatibok ng pusong ito. Nakakatawa ngang isipin, eh. Siya pa itong napunta sa akin, pwede namang si Tide. Pero ayos na rin dahil gaya nga ng sinabi noon sa akin ni Tide, worth it si Chiela.
Akala ko noon, noong nangyari ang trahedya kay Tide, akala ko wala ng igaganda pa ang kinabukasan ko. Wala na, nasira na ang kasalukuyan ko kaya ano pa ang aasahan ko sa kinabukasan? Hanggang sa dumating sa buhay ko itong si Chiela na isa ring maton.
Kahit masakit, kailangan kong tanggapin. Gustuhin ko man noon na maging kami ni Tide dahil minahal ko na siya nang lubos, wala na akong magagawa. Wala na ang taong minahal ko noon.
Gustuhin ko mang magkaroon kami ng masayang ending, katulad ng mga napapanood ko at nababasa. Wala, eh, ipinagkait sa aming dalawa ang happy ending. Pero kahit ganoon, may pinanghahawakan pa rin ako... ang aming masasayang memorya.
Minsan may mga bagay at alaalang dapat nang kalimutan para hindi ka na masaktan. Pero mamumura ko yata ang sarili ko kapag kinalimutan ko ang alaalang mayroon kami ni Tide. Ang hirap pa namang kalimutan ng masasayang alaala, lalo na kapag isang Tide Valencia ang depinisyon ng masaya para sa ’yo.
“Ang lungkut-lungkot ko kapag wala ka sa tabi ko,” malambing na bulong ni Chiela habang nakayakap sa akin.
Napangisi ako.
“Sus, ang lambing-lambing. Hindi sa ’yo bagay, lalo kang pumapangit,” panloloko ko sa kanya habang natatawa-tawa pa.
Kaagad naman siyang humiwalay sa pagkakayakap at masama akong tinignan.
“Nanlalambing na nga ‘yung tao, nanloloko ka pa,” nakanguso niyang reklamo.
“Hala? Tao ka pala?” Panloloko kong ulit sa kanya. Mas lalong lumukot ang mukha nito kaya napahagalpak na ako ng tawa.
Hinigit ko ang isa niyang braso para mayakap ko siya. Nang magpatianod siya sa hila ko ay kaagad ko siyang yinakap nang mahigpit na mahigpit. Inamoy ko ang buhok niya habang nakangiti.
“Kaya kong lumipad gaya ni Superman kahit mukha akong stickman na liliparin lang ng hangin,” bulong ko sa kanya at narinig ko naman ang pagtawa niya nang marahan.
“Mahal mo ba ako?” Tanong ko nang hindi siya magsalita.
“Paano kung sabihin kong hindi?” Anito at bakas roon ang pagkaseryoso.
Kinagat ko ang ibabang labi ko at mas hinigpitan ko pa ang yakap sa kanya.
“Chiela, wala na akong pakialam kung hindi mo ba ako mahal,” bulong ko muli sa kanya at unti-unti kong naramdaman ang paghigpit ng yakap niya.
Umalis na kami sa bahay habang may bitbit-bitbit na bulaklak at mga kandila. Kasabay lang namin sina Nanay at Ashlon na kararating lang kani-kanina.
Tanaw ko pa lang siya sa malayo ay nanikip na kaagad ang dibdib ko. Abot ang tahip nito at puno ng kaba. Pero kahit kinakabahan, ngumiti lang ako at pumunta na sa kanyang pwesto.
Nandito na rin ang aming mga kaibigan na sina Hertzler, Alec, Kayrra, Mason, Godwin at Patterson. Pati sina Senior Defcdee, Senior Paulo, Senior Plert, at Senior Shanelle ay nandito na rin. Ang mga magulang din ni Tide ay nandito na. Kahit nagkaroon kami ng isyu ng mga magulang ni Tide, ngayon ay ayos na kaming lahat.
Nagbatian kami at nagkumustahan.
Iniwan ko muna si Chiela kina Mason dahil pinili ko munang pumunta sa puntod ni Tide. Nakangiti ako habang nakatitig sa kanyang puntod. Ang bulaklak na dala ay nilapag ko na sa kanyang harapan at nagsindi na rin ako ng kandila.
Lumuhod ako sa harap ng kanyang puntod at patuloy pa rin ang pagngiti ko dahil kailanman ay hindi ko kakalimutan ang huli niyang rule sa akin.
Hinugot ko ang isang papel mula sa aking bulsa.
“Sabi mo noon, basahin ko ito kapag wala ka na sa tabi ko. Ginawa ko iyon at sinunod kaya hindi ako makakatanggap ng sandamakmak na pingot galing sa ’yo,” nakangiti kong kwento sa kanya.
“Lagi kong ginagawa 'yung huling rule na binigay mo sa akin dahil gusto kong kahit iyon man lang ay palagi kong masunod,” dagdag ko pa.
Napayuko ako at nangilid ang aking luha.
“Lagi kitang dinadalaw rito kaya sana nama’y huwag mo akong dalawin dahil alam mo namang matatakutin ako,” natatawa kong sinabi sa kanya.
Pinahid ko ang aking luha sa gilid ng aking mata at nakangiti kong inilapag sa harap ng kanyang puntod ang papel.
“Sobrang lungkot kapag wala ka, pero alam mo? Ngumingiti lang ako palagi dahil rule number eight... laging ngumiti,” nakangiti ko pa ring sabi kahit patulu-tulo na ang mga luha ko.
“Maton, Happy 1st Death Anniversarry...”
“At ‘wag kang mag-alala, ikaw pa rin ang prinsesa ng entablado, pangako…” lumapit ako sa kanyang puntod at hinalikan ito habang nakapikit.
A/N: Thank you sa mga nakaabot hanggang dito. Thank you sa mga nagbasa simula prologue hanggang epilogue. Sobra ang pasasalamat ko sa inyo dahil kahit hindi naman ito kagandahan katulad ng iba, nagpatuloy kayo at tinapos ito. :)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top