Chapter 8
AXION
Hindi ko alam na may ganitong side rin pala sila. Mapagmahal sila sa kalikasan. Pumunta kaming bundok at nagulat ako nang makita ko silang nagtatanim. Nakakalambot ng puso na makakita nang ganito.
Akala ko kasi ay puro kalokohan sila, 'yun pala ay kahit sa kasuluk-sulukan sa puso nila ay ganito sila. Nakakatuwa.
Bumalik na kami sa apartment na tinutuluyan namin dahil kumakagat na ang dilim. Bumaba ako sa motor at napaupo na lang ako sa hagdan na tiles ng apartment dahil sa pagod.
Sinuklay ko ang buhok ko. Humahaba na rin pala ang buhok kong ito. Kailangan ko ng magpagupit.
"Nakakagutom!" Napatingin ako kay Godwin nang umupo siya sa tabi ko.
"'Tay, may nakahanda na po bang hapunan para sa amin?" Tanong ni Mason sa Tatay niya sabay pasok sa kanilang bahay.
Sumunod kay Mason si Kayrra upang tulungan sa pagbitbit ng mga pagkain namin.
Napatingin ulit ako kay Godwin nang inakbayan niya ako pero nang tignan ko naman siya ay halos masamid ako dahil sa seryoso niyang tingin sa 'kin.
"Kapatid, hindi ako marunong manakit pero kapag taliwas sa gusto kong sagot ang isinagot mo ay malilintikan ka sa akin. Intindi mo ba, kapatid?" Seryoso niyang giit at nakita ko ang pagtagis ng kanyang bagang.
Napalunok ako. Ano bang sinasabi nito? Saka bakit niya ba ako tinatawag na kapatid, eh hindi naman kami magkapatid?
Tumango na lang ako kahit medyo naguguluhan. "O-Okay," tugon ko.
Mas inilapit niya ako sa kanya kaya nasubsob ang dibdib ko sa dibdib niya. Parehas naman kaming matangkad kaya nagkabunggo ang magkabila naming mukha. Inilapit niya ang bibig niya sa tainga ko saka siya bumulong.
"May gusto ka ba kay Tide?" Seryoso niyang tanong na ikinabigla ko, nang dahil pa sa pagkakabigla ay nahulog ako sa kinauupuan ko.
Napangisi siya. Umayos ako ng upo at sumagot ako sa tanong niya.
"W-Wala." Totoo naman. Wala akong gusto kay Tide. Ilang araw pa lang kaya kaming nagkakakilala tapos magkakagusto kaagad ako sa kanya? Saka wala akong gusto sa kanya dahil ibang babae ang gusto ko at loyal ako sa kanya.
"Siguraduhin mo lang, kapatid, dahil kapag nalaman kong gusto mo siya, ako ang makakabangga mo," nakangisi niyang bulong ulit. Tila umiiwas siya na marinig ng iba naming kasama ang sinasabi niya.
"B-Bakit naman? Ikaw ba may gusto sa kanya?" Tanong ko.
Tumingin siya sa akin tapos tumingin siya kay Tide at bigla siyang napangiti. Kakaiba ang ngiti na 'yon. Parang ngiti na may binabalak.
"Oo naman, dati pa. Sino ang hindi magkakagusto riyan, eh ang ganda niyan. Sexy at mayaman pa." Ewan ko pero ang dating sa akin ng pagkakasabi niya ay puro puno lang ng libog. Parang kalibugan lang ang habol.
Napataas ang kilay ko nang sumipol siya at nagkagat labi pa habang nakatingin kay Tide. Naku, delikado 'to!
Napatayo ako at humarang ako sa harapan niya. Nagulat siya sa ginawa ko, mismo ako ay nagulat sa ginawa ko, eh.
"Hoy, umalis ka nga riyan. Sinisira mo ang tanawin ko, eh," irita niyang reklamo sa akin. Hinawi niya ako paalis pero hindi ako nagpatinag. Nanatili lang ako sa pwesto ko at nilalabanan ko ang paghawi niya.
Hindi dapat tinitignan nang ganu'n ang mga kababaihan dahil nakawawalang respeto ito. At alam kong mararamdaman ng babae ang pagiging pagkailang kapag ganu'n ang tingin ng lalaki.
Sinamaan niya ako ng tingin kaya napaiwas ako ng tingin. Sa huling paghawi niya ay nai-alis niya ako sa tanawin niya pero naagaw ang atensyon naming lahat dahil sa malakas na kalabog.
"Lumayas kang babae ka! Binigay namin ang lahat, nagkayod kami para lang mapag-aral ka pero ganito ang igaganti mo sa amin? Uuwi ka ng buntis?!" Galit na galit na sigaw ng matandang babae na sa tingin ko ay nasa kwarenta na ang edad.
"'Nay, sorry! Sorry!" Umiiyak na sabi ng dalagang babae habang nakahawak sa tiyan niyang medyo may kalakihan. Buntis nga.
"Mahal ko naman po ang anak ninyo. Pananagutan ko po. Pangako," ani lalaki. Nanlaki ang mata ko nang bigla siyang suntukin ng Tatay yata ng babaeng buntis.
"Gago! Kung mahal mo ang anak ko, sana hindi mo binuntis ito nang maaga! Tang ina mo. Disi-siete anyos pa lang ang anak ko!" Galit na sigaw ng Tatay ng babae at sinuntok niya ulit ang binata ng babae. Umiiyak na inawat ng dalaga ang Tatay niya.
"'Nay! 'Tay! Hindi rin naman po namin sinasadya! Aksidente po ang lahat!" Halos humagulgol na ang babae, lalo na nang hinagis ng Nanay niya ang mga damit nito.
Naaawa na ako sa babae. Siya na nga ang nabuntis na aksidente lang naman pala, pinapalayas pa siya ng mga magulang niya. Nakakaawa talaga.
Napatingin kaming magkakaibigan nang lumapit si Tide sa dalagang buntis.
"Nabuntis tapos aksidente lang? 'Wag kami, huy! Ano 'yon, pinasilip lang sa 'yo 'yung itlog nitong boyfriend mo, eh todo bukaka at liyad ka na? Silip lang kasi at hindi pasok! Naku, mga kabataan nga naman ngayon, oh! May tumakbong hotdog, nagpatuhog naman." Sabay iling ni Tide.
Narinig kong nagpipigil ng pagtawa sina Patterson habang pinapanood ang pag-eeskandalo ni Tide. Lalapit sana ako kay Tide dahil nakakahiya 'yung ginagawa niya. Family talk 'yun kaya dapat ay hindi siya nakikisali pero napatigil ako nang higitin ako ni Godwin pabalik.
Gusto ko sanang tanungin si Godwin kung bakit niya 'yun ginawa pero narinig ko na ang pagsagot ng dalaga kay Tide.
Suminghot muna 'yung babae bago tumugon kay Tide.
"Bakit, sino ka ba, ha?" Maangas na tanong ng babae. Naku. Patawarin sana nila si Tide.
Ngumisi si Tide at mas lumapit siya sa babae.
"Ako ang kunsensya mo!" Sabay tawa pa niya nang malakas.
"Malayo pa kasi ang bagong taon, nagpaputok ka na kaagad!" Dagdag pa ni Tide.
Inis siyang pinagtulakan ng babae dahil sa pangingialam ni Tide. Huminga ako nang malalim at agad kong kinuha si Tide para mailayo roon.
"Sorry, ho. Pagpasensyahan n'yo na ho ang kaibigan ko. Pwede na ho ulit kayong mag-usap pero sana po ay masinsinan. Hindi ho kayo magkakalinawan kung nagsisigawan at hindi ninyo pinapakinggan ang eksplanasyon ng bawat isa." Ngumiti ako sa kanila at binitbit ko na si Tide.
Nang makarating kami sa apartment ay dinig ko agad ang pagmamaktol nila.
"Ang KJ ni Axion! Bwisit!" Sigaw ni Kayrra.
"Ganda na nu'ng ginagawa ni Tide, eh! Ayun na 'yun, eh!" Umiiling na sabi naman ni Hertzler.
Nagtawanan sila at nagsimula na silang kumain. Napatingin naman ako kay Tide at nasalubong ko ang tingin niya. Napakurap-kurap ako dahil sa gulat at inirapan naman niya ako.
Hindi naman ako KJ. Talagang ginawa ko lang ang tama.
Sumapit ang gabi at dahil nayamot ako ay kumuha ako ng papel at panulat sa bag ko. Inalala kong mabuti ang mga rules at sinulat ko iyon lahat sa papel. Kumuha ako ng panibagong yellow long pad at doon ko naman sinulat ang lahat ng bagay na hindi ako kumportable. Naalala ko kasi na napag-usapan din namin ni Tide ito.
Kaunti lang naman dahil biro lang naman 'yung sinabi kong sobrang dami ng mga bagay na 'yun.
Kinabukasan ay nagising na lang ulit ako nang yugyugin ako ni Alec. Aalis na raw kami at luluwas na raw kami pa-Maynila. Natapos na ang fiesta rito sa barangay nila Mason kaya uuwi na rin kami.
Naligo at nagbihis ako para hindi mahuli. Kinuha ko ang bag ko at sinukbit ko ito sa aking balikat. Nakita ko ang nakaipit na dilaw na papel sa bulsa ng bag ko. Kinuha ko ito at habang nakangiti ako ay inilagay ko ito sa bulsa ng aking pantalon.
Nagpaalam muna kami sa Tatay ni Mason at nagpasalamat din kami sa kanya. Nakasalubong pa nga namin kanina 'yung dalagang buntis kagabi. Grabe. Ang sama ng tingin niya kanina kay Tide. Ito namang si Tide ay nginitian lang siya nang malaki.
Sumakay na kami sa sasakyan. May mga pagkain din kaming binili para kapag nagutom kami sa biyahe.
Mabuti na lang din at kami ni Tide ang magkatabi sa kadulu-duluhang bahagi ng van. Umayos ako ng upo nang umandar na ang sasakyan.
Hinawakan ko ang papel sa bulsa ko. Dapat ko na bang ibigay sa kanya? O baka mamaya na lang? Baka kailangan niya munang magpahinga. Tama. Mamaya ko na lang ibibigay para makapagpahinga na muna siya.
Lumipas ang oras at nakatulog ako sa biyahe. Nakapatong ang ulo ko sa bintana nang maalimpungatan ako dahil nakakarinig ako ng nagsasalita sa gilid ko.
"Pang-una, tao. Natatakot ako sa mga taong hindi ko kilala dahil hindi ko naman alam ang mga ugali nila." Boses babae ito.
Ano ba naman 'yan. Hindi ba marunong magbasa 'yung babaeng 'yun sa isip lang niya? Talagang kailangan pang sambitin? Ibalik ko kaya siya sa kinder? Ginigigil ako nito, ah.
Minulat ko ang mata ko at nanlaki ito nang mapagtanto ko kung sino at ano 'yung binabasa niya.
Napatingin ako sa kaliwa ko at nakita ko si Tide na nakangisi habang binabasa ang nakasulat sa dilaw na papel.
Parang akin 'yun, ah...
Napakapa ako sa bulsa ko at wala na nga roon ang papel. Napatingin sa akin si Tide kaya agad kong hinablot ang papel sa kanya.
"P-Paano mo 'to nakuha saka paano mo nalaman n-na may g-ganito ako?" Kinakabahan kong tanong.
Hala. Baka nabasa na niya lahat pero siguro hindi naman, 'no? Dahil sigurado akong 'yung una pa lang 'yung nababasa niya. Kainis din kasi 'tong si Tide, eh. Pakialamera talaga.
"Bakit ayaw mo sa 'kin ipakita ngayon? 'Di ba para sa akin naman talaga 'yan, kaya akin na!" Sabay hablot niya nang malakas sa papel. Mabuti na lang ay hindi iyon napunit.
Napanguso ako at umiwas ng tingin sa kanya.
"At takot akong humarap sa mga tao dahil takot akong mahusgahan ng mga feeling perpekto," pagpapatuloy niya sa pagbabasa.
Matapos niyang basahin ang pang-una ay humarap siya sa akin.
"Una sa lahat, hindi nangangain ang mga tao. Saka ano naman ngayon kung husgahan ka nila? Edi husgahan mo rin sila para quits kayo! Duh!" Umirap pa siya sa akin kaya lalo akong napanguso.
"Hindi ako marunong humusga," mahina kong tugon at nakatanggap ako ng batok sa kanya.
"Walang taong hindi marunong humusga! Putulin ko 'yang dila mo, eh!" Inis niyang sigaw sa akin.
Wala nga ba o meron pa?
Napatingin ako sa harapan at nakita kong nakangisi si Mason habang nakatingin siya sa akin sa rear-view mirror. Napatingin naman ako kay Godwin nang mapansin ko ang matalim niyang titig. Bakit ba kasi kasama 'to papaluwas? Pampasikip lang 'to sa van, eh.
"Pangalawa, spotlight. Ayoko sa lahat ay ako ang center of attention dahil nakakahiya. Saka dahil na rin alam kong kapag na sa 'yo ang spotlight, maraming tao ang gigiba nito. Hahanap sila ng paraan para masira ang buhay mo. In short, insecure sila. At ayoko no'n dahil hindi na nga ako kagwapuhan, may naiinsecure pa sa akin." Tumingin sa akin ni Tide.
"Ikaw, hindi gwapo? Niloloko mo ba ako?" Hindi makapaniwala niyang kumento.
Pinanliitan niya ako ng mata at biglang tumambol sa kaba ang puso ko nang titigan niya ako. Bigla akong hindi mapakali dahil sa titig na 'yun. Bakit ba naman kasi niya ako tinititigan nang gano'n? Nakakakaba tuloy. Ano ba naman 'yan!
Napatango siya at itinuon niya na muli ang tingin sa papel. Nang maalis na ang titig niya ay napahinga ako nang maluwag at napahawak ako sa dibdib ko.
"Nakakakaba 'yun, ah," bulong ko sa sarili ko sabay pahid sa aking noo.
"Pangatlo, kapag nakikita kong nahihirapan ang Nanay ko. Hindi ako o never akong magiging kumportable kapag hindi ko nakikitang maayos o maginhawa na ang buhay ng pamilya ko." Pagkatapos niyang basahin ang pangatlo ay napatigil siya na ikinataka ko.
"Pang-apat, ginto at pilak. Pang bronze lang akong tao dahil alam kong kapag gold at silver ay para sa mayayamang tao lang. Hindi ako kumportable kapag nakakakita ako ng mga mamamahaling gamit o bagay. Naiinggit lang ako dahil alam kong pang kalawang lang ako. Alikabok lang ako, kintab sila."
Bigla siyang tumingin sa akin nang masama at binatukan na naman ako.
"Mas lalo mong binababa ang sarili mo! Ikaw mismo ang gumagawa ng rason para hindi makihalubilo sa mga tao, lalo na sa mga mayayaman."
"Wala naman kasi talaga akong karapatan makipagsabayan sa mga mayayaman. Basura ako, ginto sila." Babatukan niya sana ulit ako pero sa halip na gawin 'yun ay inirapan niya na lang ako.
Sa nakikita ko ngayon, alam kong nagiging interesado si Tide na basahin ng buo ang laman ng papel. Interesado rin kaya siya sa buhay ko? Mangarap ka, Axion. Mayaman 'yan, mahirap ka lang.
Tama. Mayaman si Tide. Sobrang yaman niya kaya bakit ako nakikipag-usap sa kanya? Dapat hindi, dapat lumalayo ako sa kanya. Pero bakit ganu'n? Parang ang hirap gawin.
"Panglima, feeling close. Oh, si Alec ba 'yung tinutukoy mo rito?" Natatawang tanong ni Tide.
"Bakit narinig ko pangalan ko riyan? Hmm?" Biglang tumingin sa amin si Alec.
"Wala. Sabi ko ay ikaw lang naman ang nagnakaw ng first kiss ng tukmol na 'to," nakangising sagot ni Tide na nagpalaki sa mga mata ko.
"P-Paano mo 'yon nalaman?" Nagtataka kong tanong. Paano niya nalamang first kiss ko 'yon?
"Halata kaya," tugon niya.
"Oh, talaga? Come here, baby, bibigyan kita ng second kiss. Dali!" Sabay nguso ni Alec pero sinupalpal lang siya ni Tide na ikinatawa namin.
"Kadiri ka, Alec," natatawang sabi ni Tide.
"How 'bout you? Duh. Mas kadiri ka kaya. Isupalpal ba naman sa akin ang dirty hand mo?" Sabay irap ni Alec.
"Eto, dirty hand? Gusto mong masaktan?" Biglang seryoso ni Tide kaya napalunok si Alec. Ngumuso si Alec at inirapan niya si Tide at bumalik na ulit siya sa pagkaka-upo.
"Honestly speaking, introvert ako. Hindi ako sanay sa mga tao, lalung-lalo na sa mga feeling close. Narinig mo 'yon, Alec?" Malakas na sabi ni Tide. Inis na suminghap si Alec at sinamaan lang ng tingin si Tide.
"Shut up!"
"Pang-anim, kalokohan. Hindi ako kumportable sa mga ganyan dahil hindi naman ako sanay. Saka mabait kasi akong tao. Para sa akin ay mabait ako, hindi naman sa pagbubuhat ng sariling bangko. Saka hindi rin ako kumportable kapag niloloko ako." Pagbabasa muli ni Tide.
Binaba niya ang papel at tumingin sa akin kaya bigla na namang bumilis ang tibok ng puso ko.
"Kapag mabait ka, paniguradong aabusuhin ka, kawawa ka. Pero kung masama ka? Huhusgahan ka pero maayos na 'yun kaysa sa abusuhin ka. Dahil kung masama ka, pagbantaan mo ang buhay ng mga humuhusga sa 'yo. Paniguradong tikom ang mga bibig nu'n." Ngumisi pa siya.
Wala 'yong kwenta. Malilihis ka lang ng landas kapag naging masama ka. Ayos na ang abusuhin, at least mabait pa rin akong tao.
Napahinto ako nang batukan na naman niya ako. Aba, nakararami na siya ng batok sa akin, ah.
"Ano na naman 'yang pinag-iisip mo? Tsk." Inirapan na naman niya ako.
Napailing na lang ako. Nang babasahin na niya ang pangpito ay hinigit ko ang papel sa kanya at tiniklop ito na ikinagulat niya. Alam kong tutuksuhin niya ako kapag nabasa niya ito.
"Bakit na naman?" Inis na sigaw ni Tide.
Nang matiklop ko na ang papel ay kinuha ko ang kamay niya at inilagay ko iyon doon.
"Kapag nakauwi ka na sa bahay n'yo, saka mo na lang basahin ang susunod," medyo nahihiya kong bulong sa kanya.
Napaiwas ako ng tingin sa kanya. Pinanliitan niya ako ng mata at sumang-ayon naman siya.
"Kaartihan nito!" Aniya at pinasok na sa bulsa ang papel.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top