Chapter 6

AXION

Napadaing ako nang malapat ang bulak na may betadine sa gilid ng labi kong pumutok dahil sa suntok ng lalaki kanina.

"Ay, sorry," bulong ni Alec at dinahan-dahan na niya ang pagdampi ng bulak sa gilid ng labi ko.

Napatingin ako kay Tide na hindi pa rin nagagamot ang mga sugat dahil inuna niyang gamutin 'yung kay Hertzler. Nang mapatingin sa akin si Tide ay agad akong napa-iwas.

Hindi ko alam kung bakit siya nagagalit sa akin. Nahihiya naman kasi akong magtanong. Kailangan ko bang humingi ng tawad? Tama! Hihingi ako ng sorry sa kanya.

Napatingin ako kay Alec na nakatitig sa akin kaya nakaramdam ako bigla ng pagkailang.

"A-Alec, tama na siguro ang paggamot sa mga sugat ko," sabi ko sa kanya. Kinuha ko 'yung mga betadine at bulak sa kanya at 'yung kanya naman ang gagamutin ko.

Nakakahiya naman kasi sa kanya. Siya ay ginagamot 'yung sugat ko tapos hindi ko gagamutin 'yung sa kanya? Unfair 'yon.

"Hayaan mo akong gamutin ang iyo." Napangisi siya sa akin nang nakakaloko kaya napalunok ako.

Mas inilapit niya 'yung katawan niya sa akin kaya napaatras ako pero mas lumapit lang ulit siya.

"Ano ba, 'wag ka ngang lumayo..." Nakangisi niyang sabi kaya napangiwi ako.

Wala na akong magagawa kaya napabuntong hininga na lang ako. Tumingin ulit ako kay Tide at nakita ko siyang nakatingin sa akin. Nang magtama 'yung mga mata namin, inirapan niya ako.

Sinimulan ko nang gamutin 'yung sugat ni Alec at sa bawat pagpahid ko ng bulak sa sugat sa mukha niya ay dumadaing siya kaya hinihipan ko iyon.

"Masakit pa ba?" Tanong ko habang hinihipan 'yung malapit sa labi niya.

Ngumuso siya at tumango kaya hinipan ko ulit pero sa paghipan ko ay nagulat na lang ako nang bigla niya akong hinalikan.

Nanlaki ang mata ko at gulat na napatingin kay Alec. Napahagikhik siya habang pinipisil ang aking braso.

Napatulala ako sa ginawa niya at napaawang ang bibig ko. Unang halik ko 'yon!

Pinagpatuloy namin ni Alec ang paggamot ng sugat ng bawat isa pero may pagkakataon na nabibitawan ko 'yung bulak dahil sa panginginig ng kamay ko. Hindi pa rin kasi ako makaget over sa ginawa niya. First kiss ko 'yon! Naniniwala ako na dapat ay sa right girl ko lang iyon ibibigay. Kung ang babae ay sa prince charming, akin naman ay sa prinsesa ko. Bading man pakinggan pero wala akong pakialam.

Napatingin ako sa pintuan ng apartment nang lumabas doon si Tide. Naalala ko 'yung kanina. Hindi pa nga pala nagagamot 'yung mga sugat niya. Dali-dali kong kinuha 'yung first aid kit at binitbit ko iyon sa labas.

Hinawakan ko ang seradura at bigla akong kinabahan. Natatakot akong puntahan si Tide. Baka kasi bugbugin niya ako bigla. Baka baliin niya 'yung mga buto ko. Baka itapon niya ako sa tabing ilog dito. Baka chop-chopin niya 'yung katawan ko!

Ano ba 'yang pinag-iisip mo, Axion? Nababaliw ka na!

Huminga muna ako nang malalim bago ko mapagdesisyunan na lumabas na. Nadatnan ko sa labas si Tide na nakaupo sa baitang ng apartment. Katapat lang ito ng pinto at nakatagilid siya sa pwesto ko. Dahan-dahan akong naglakad papunta sa kanya at nang mapatingin siya sa akin ay agad akong tumalikod at handa na sanang bumalik sa loob ng apartment kung hindi niya lang ako tinawag.

"Hoy, payatot," mahina niyang tawag sa akin pero ramdam ko ang pagka-inis doon.

Napalunok ako at unti-unting humarap sa kanya.

"B-Bakit?"

Tinignan niya ako nang seryoso at nagulat ako nang binakal niya ako ng tsinelas niya.

"'Langya ka, eh, 'no?" Tinignan niya ako na parang hindi makapaniwala at umiling-iling pa.

Magtatanong sana ako kaso napatikom ang bibig ko nang paluin niya 'yung tabi niya.

"Upo," maikli niyang utos na agad ko namang sinunod. Kinuha ko 'yung tsinelas niya at inilagay ko iyon sa tapat ng paa niya.

Mukhang kailangan ko agad siyang sundin dahil kapag hindi, katapusan ko na.

Nakatingin lang siya sa kawalan kaya hindi ako nagsalita. Lumipas ang minuto at siya ang unang bumasag sa katahimikan.

"Nakakatakot ako kapag nagagalit dahil kapag ang taong mabait ay nagalit, mas doble pa ang galit na iyon kaysa sa galit ng ibang tao," bigla niyang sabi sa gitna ng katahimikan.

Tumingin ako sa kanya at halos malaglag ako sa hagdan nang masalubong ko ang matulis niyang tingin.

Napaayos ako ng upo at hinigpitan ko ang kapit sa first aid kit na dala ko.

"H-Halata nga," sagot ko kahit hindi naman siya nagtanong.

Napailing siya at hindi niya pa rin tinatanggal 'yung matutulis niyang tingin.

"Bakit ka ba ganyan?" Tanong niya na ikinataas ng kilay ko.

"H-Huh?"

"Bakit ba ganyan 'yung ugali mo? Bakit ba ang shy type mo? Bakit ba ang hinhin mo? Bakit ba parang hindi ka lalaki kung kumilos? Dinaig pa kita, eh!" Inis niyang sigaw sa akin kaya napapikit ako.

Gusto ko sana sabibin sa kanya na 'wag siyang sumigaw dahil gabi na at baka may magising pa. Nakakahiya sa mga kapit bahay.

Napatingin naman ako sa kalangitan dahil sa katanungan niya.

Bakit nga ba ako ganito?

"Hindi ko rin alam," mahina kong sagot sa kanya habang nakatingala pa rin sa kalangitan.

Nagpakawala siya ng hininga at napadaing ako sa pagkurot niya sa tagiliran ko. Tumingin ako sa kanya.

"Ang sakit no'n, ah!" Inis kong reklamo sa kanya.

Nanlaki ang mata niya at nanlaki rin ang mata ko nang mapagtanto ko kung ano 'yung ginawa ko.

Sumigaw lang naman ako.

"Naks, tol! Sumigaw ka!" Proud na proud na sabi ni Tide at panay pa ang hampas niya sa braso ko habang tumatawa na parang hindi talaga siya makapaniwala.

Napakamot ako sa ulo ko. "Bakit parang napaka-imposible para sa inyo kapag ganu'n 'yung ginawa ko? Wala na ba akong karapatang manigaw?" Tanong ko sa kanya.

Pinanliitan niya ako ng mata at napangiti siya nang malaki.

"Improvement 'to," bulong niya at saka siya tumayo at pumunta sa harapan ko.

"Oo, imposible talaga kapag sa'yo nanggaling. Ikaw kasi 'yung klaseng tao na innocent, shy, and doesn't drink alcohol," nakangiti niyang sabi habang nakapamaywang sa harapan ko.

Bakit naman nasali 'yung 'doesn't drink alcohol'? Parang nakita ko na yata iyon sa facebook? Saka akala lang nila na ganoon akong tao. Nasa loob kaya ang kulo ko.

"Tapos ikaw naman 'yung open-minded, wild, at party animal?"

Napatawa siya at ginulo niya ang buhok ko.

"Tumpak ganern." Sabay halakhak niya kaya natawa na rin ako kaso medyo ilang ang tawa ko. Hindi ko kasi alam kung bakit ba siya tumatawa.

Napaayos siya ng tayo bago nagpakawala ng hininga.

"Kaya ko bang baguhin ang lalaking 'to? Oh, pasensya na, self, hindi pa siya lalaki dahil lalambut-lambot pa siya. Duh?" Bulong niya at mukhang sarili niya ang kausap niya.

Sandali. She's open-minded, wild, party animal, and crazy. Kailangan na yata 'tong dalhin sa mental hospital.

Napaayos naman ako ng upo nang tignan niya ako habang nakataas ang kilay niya.

"Payatot, sabihin mo nga sa'kin 'yung mga bagay na nagpapailang sa'yo." Napataas na rin ang kilay ko dahil sa sinabi niya.

Mga bagay na nagpapailang sa'kin? Pwede bang isagot lahat ng bagay? Kailangan ko pa bang isa-isahin?

"Bigyan mo ako ng ballpen at papel at isusulat ko lahat at ibibigay ko sa'yo makalipas ang ilang araw. Aabutin kasi tayo ng umaga kapag sinabi ko ngayon." Kibit balikat ko.

Tumango siya at binigyan ako ng thumbs-up.

"Sige!" Aniya at nginitian ako.

Aalis na sana siya sa harapan ko at mukhang papasok na sa loob ng apartment nang hinawakan ko siya sa braso. Napatingin siya sa akin kaya agad kong natanggal 'yung kamay ko sa braso niya.

Axion, masyado kang feeling close.

"S-Saan ka pupunta?" Tanong ko sa kanya habang nilalaro ang mga daliri ko sa kamay.

"Sa kwarto. Saan pa ba ako pupunta, eh gabi na? Wala namang bar dito para puntahan ko sa ganitong oras." Umirap niya sa akin kaya nagpantig na naman nang mabilis ang puso ko.

"H-Hayaan mo muna akong g-gamutin 'yung mga sugat mo," sabi ko pero hindi ako makatingin sa kanya nang diretso. Pagala-gala ang mata ko sa paligid.

Hinawakan niya ang mukha ko at itinapat niya iyon sa mukha niya.

"Ang lalaki ay tumitingin sa mga mata ng babae dahil ang tunay na matapang na lalaki ay kayang tumingin nang diretso sa mga mata namin," aniya sabay bitaw sa mukha ko.

Napakagat siya sa labi niya habang nakatingin sa akin at napatango na lang siya bigla nang may mapagtanto siya.

"Aha! Alam ko na. Bakit kaya hindi tayo gumawa ng rules?" Nakangiti niyang tanong sa akin. Napakunot naman ang noo ko.

"Katulad ng ano?"

"Rules sa mga kailangan mong iwasang gawin. Parang rule number 1, bawal ang mahinhin, hindi ka si Maria Clara kaya tumino ka. Ano sa tingin mo?" Tinaas-baba pa niya ang kilay niya habang nakatitig sa akin.

Napa-iwas naman ako sa titig niya dahil hindi ko kinakaya 'yung itsura niyang puno pa ng sariwang sugat. Hindi niya ba 'yun nararamdaman?

Hinigit ko ang braso niya at inupo ko siya sa gilid ko.

"Edi gumawa tayo pero habang ginagamot ko 'yang sugat mo," sabi ko sa kanya at nakita ko naman sa mukha niya ang pagkagulat.

Bigla niya akong hinampas sa braso kaya napatalon ako sa kinauupuan ko.

"Alam mo bang walang nagbabalak na humila sa akin? Gusto mong mabanatan, ha, payatot?" Maangas niyang tanong kaya napausog ako palayo sa kanya.

Axion, mag-ingat ka naman sa aksyon mo. Baka mabaon ka nang maaga, eh!

"S-Sorry!" Pagpapa-umanhin ko.

"Iyan! Rule number 1, 'wag kang hihingi ng sorry sa bawat oras. Para kang timang, eh!" Agad niyang sabi.

Ang bilis naman mag-isip ng babaeng 'to.

"Kuha muna ako ng papel at ballpen para matake note ko," sabi ko pero hindi pa ako nakakatayo ay pinigilan niya na kaagad ako.

"Walang ganunan. Dapat ay tanda mo lahat ng rules! At kapag nakalimutan mo, isang pingot ang aabutin mo sa akin. Ano, ayos ba 'yon?"

Papalag sana ako kaso nakita ko 'yung kamao niyang nakahanda na parang sinasabing 'sige pumalag ka, ospital ang abot mong lintek ka', kaya naman napalunok na lang ako at tumango. Para namang may pagpipilian pa ako.

Kumuha ako ng bulak at nilagyan ko na iyon ng betadine. Itinapat ko iyon sa mukha niya pero pinagbantaan niya muna ako kaya bigla akong nataranta.

"Isang diin mo, isang kamao ko," seryoso niyang sabi kaya napatango na lang ako.

Gusto ko ng simulan pero nanginginig pa ang kamay ko dahil sa takot na magkamali. Isang diin ko, paniguradong sa ospital ang sapit ko. Pumikit ako nang mariin at huminga nang malalim.

Kaya mo 'to! Simpleng bagay lang 'yang gagawin mo kaya 'wag kang matakot. 'Wag mo na ulit ipakita na takot ka.

Minulat ko na ang mata ko at nagseryoso sa paggamot ng mga sugat niya. Inuna ko 'yung mga sugat at pasa niya sa mukha.

"Rule number 2, 'wag kang masyadong seryoso. Matuto kang magwalanghiya minsan." Napatingin ako sa mata niya at nakitang nakatingin siya sa akin.

Masyado ba akong seryoso?

Umayos ako ng upo at tumugon, "Sige."

Nang matapos ko ang nasa noo niya ay pumunta naman ako sa pisngi niya.

"Rule number 3, 'wag mahihiyang tumanggi sa bagay na ayaw mo naman talaga. 'Wag kang matakot na tumanggi! Hindi nangangain si Alec kapag tinanggihan mo siya. Well, hindi siya nangangain pero nanlalapa lang." Sabay tawa niya. Napalunok naman ako dahil doon.

Dahil sa sinabi niya, mas lalo lang akong natakot tumanggi kay Alec. Salamat, Tide, huh?

"Nahihiya akong tumanggi." Kumamot ako sa ulo ko.

Umirap siya sa akin at kinurot ako sa tagiliran kaya napadaing ako.

"Dapat ngayon ay hindi na dahil malalabag mo ang number 3!" Sigaw niya sa akin kaya tinakpan ko 'yung bibig niya at sinabing 'wag maingay pero wrong move dahil may sugat pala siya roon kaya nakatanggap ako ng lumilipad na kamao sa kanya.

"Ang sakit!" Sigaw niya ulit.

Tumayo ako at yumuko sa kanya.

"S-Sorry!" Pag-angat ko ay nakatanggap na naman ako sa kanya ng pingot.

"Aray!"

"Nakalimutan mo na yata ang rule number 1?" Mataray niyang tanong habang hinihimas ko 'yung tainga kong piningot niya.

Nasa rule number 3 pa lang kami pero bugbog na kaagad 'yung katawan ko sa kanya.

Umayos na siya sa pagkaka-upo niya at inutusan niya akong ipagpatuloy 'yung paggamot sa kanya.

Teka nga lang, bakit ko ba 'to ginagawa? Pwede namang siya na lang 'yung gumamot sa mga sugat niya, ah?

Axion, nakakalimutan mo yatang ikaw ang nagsabing gagamot sa mga sugat niya kaya wala kang karapatang takbuhan 'yang inumpisahan mo.

"Rule number 4, be a man not a boy. Para kang bata sa palaruan kung kumilos. Kapag nakabalik tayong Maynila, kailangan nating ibuild up 'yang katawan mo. Mas macho pa ako sa'yo, eh," aniya sabay pisil sa braso kong pipitsugin at napailing siya.

"Tatlong ubo ka na lang. Tsk. Tsk," umiiling niyang sabi na ikinanguso ko.

"Rule number 5, act cool, tol. Manira ulo ka minsan. 'Wag kang pa-boy version ni Maria Clara." Sabay irap niya sa akin.

Nilagay ko na sa isang tabi 'yung mga nagamit na bulak at kumuha naman ako ng panibago para sa kamay niyang may sugat kakasuntok sa bungo nu'ng lalaki. Sinimulan ko ng dampian ang kamay niya at padahan-dahan lang ito.

Grabe 'yung buto ng kamao niya, talagang nagsugat sa bungo nu'ng lalaki. Sana lang ay hindi nila kami balikan. Nakakatakot, eh.

Tinignan ko siya at nakatingin lang siya sa kamay niyang ginagamot ko.

"Rule number 6, lagpasan mo mga kinatatakutan mo." Inangat niya ang tingin niya sa akin.

"May kasabihan ngang 'Be miserable or motivate yourself. Whatever has to be done, it's always your choice.' Nasa sa'yo kung pangungunahan ka ng takot o lalampasan mo lahat ng kahinaan mo," dagdag pa niya.

Kaya ko nga bang lampasan ang lahat ng takot ko?

"At rule number 7, tulungan mo ako sa studies ko pagtungtong ko ng grade 12." Sabay ngisi niya sa akin kaya napataas ang kilay ko.

"Pakiulit nga?" Nagtataka kong tanong sa kanya.

Napairap siya pero sinagot naman. "Ang sabi ko, rule number 7, tutulungan mo ako sa pag-aaral ko next school year. Bingi ka ba?" Mataray niyang ulit.

Napasapo ako ng noo. Kailangan kong pagbutihin ang pag-aaral ko pero may nakisaling pusa pa.

"Aayawan mo?" Napaangat ako sa kanya ng tingin at nakitang nakaamba 'yung kamao niya sa akin kaya wala na naman akong pagpipilian.

May magagawa pa ba ako? Papalag ako pero bugbog naman ang aabutin ko. Kakaiba talaga 'to. Napakadaming choices ang binibigay.

Hindi mo talaga magagawang kalabanin 'tong si Tide. Kapag naman kinalaban, paniguradong hindi lang suntok ang gagawin niya sa'yo. Kahit kahapon lang kami nagkakilala, nakita ng dalawang mata ko mismo kung gaano siya bumugbog kaya pangako, hindi lang talaga suntok ang kaya niyang gawin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top